INAKALA KO NA hindi ako makakatulog kaagad nang gabing iyon. Iisipin ko siyempre ang tungkol sa ipinapagawa ko kay Madam Virukka. Iisipin ko ang sitwasyon ko at mga plano sa hinaharap. Paghiga ko nga lang ay wala nang ibang tumakbo sa utak ko kundi kung gaano kalambot at kabango ang kama. Siguro ay pagod din lang talaga ang katawan ko sa biyahe at sa lahat ng stress na naramdaman ko. Ngayong may nagawa na ako—ngayong nakapagpakulam na ako—ay mukhang naglaho na ang lahat ng stress at gusto na lang mag-relax ng aking katawan. Nakatulong din siguro ang malamig na temperatura. Ninamnam ko na lang ang kapayapaan na aking nararanasan. Heaven ang kama. Para akong nakahiga sa mga ulap. Ilang oras na rin siguro akong nakakatulog nang marinig ko ang isang tinig na tumatawag sa akin. Ayoko pang gum

