[YUME]
“Good morning, Miss Yume.” Nakangiting mukha kaagad ni Akane ang bumungad sa'kin pagbukas ko ng pinto.
“Good morning,” maagap kong ganting-bati sa kaniya.
Sa loob nang halos dalawang linggo na magkasama kami ay tila hindi pa rin ako masanay sa presensiya niya.
“Nakahanda na po ang agahan ninyo.”
“Salamat.”
Magkasunod kaming sumakay ng elevator. Inabala ko ang sarili ko sa pagtingin sa mga number. Nasa third floor ang unit namin ni Akane pero ilang pinto rin ang daraanan bago sapitin ang unit niya.
“Miss Yume, nakahanda na po ba ang mga gamit ninyo para sa darating na pasukan?” biglang tanong ni Akane.
Nanatili akong nakatitig sa mga bilang na nasa dingding. Isang linggo na lang at magpapasukan na nga pala.
“Oo. May ilang pamimilihin lang ako mamaya,” sagot ko.
“Magandang pagkakataon iyon para makapaglibot-libot ka.”
Bago ko pa napigilan ang sarili ko'y napangiti ako. “Tama ka.” Hindi ko maiwasang makadama ng excitement sa isiping lalabas kami. Bumukas ang pinto ng elevator. Naglalakad pa lang kami patungong Lounging Area ay tanaw ko na kaagad si Aila na kumakaway.
“Mukhang gustong-gusto ka talaga ni Miss Aila," komento ni Akane.
“Malapit na rin akong maniwala.” Hindi ko maiwasang hindi mapangiwi.
Hindi mahirap magustuhan ang ugali ni Aila. Mabait, sweet, maingay (sa magandang paraan), at palakwento siya, pero hindi ko maiwasang hindi mailang kapag nagiging sobrang close siya.
Close, in her sweet literal way.
Pagpasok namin ng Lounging Area ay sumabay na sa akin si Aila. Naghanap kami ng magandang pwesto at doon naupo. Dumiretso naman si Akane sa counter at hinayaan ko na siya dahil tiyak namang kahit sabihin kong ako ng bahala ay siya pa din ang gagawa.
“Mabuti na lang at makakasabay kita,” masayang bati ni Aila.
Isang tipid na ngiti ang naging tugon ko sa kaniya.
“Morning, Miss Yume.” Ibinaba ni Brandon sa harap ni Aila ang pagkain ng huli.
I nodded at him.
“Bakit may beans?” nakangusong tanong ni Aila pagkakita sa plato niya.
I looked at her plate. It’s actually a scrambled egg with baked beans and green onions.
“It’s good for your brain, Miss.” Mukhang walang pakialam si Brandon sa disgustong ipinapakita ni Aila.
“Anong gusto mong sabihin, ha?” Nakasimangot na si Aila habang nakatingin kay Brandon.
Walang naging sagot si Brandon. Nagpatuloy ito sa pag-aayos ng pagkain sa harap ni Aila. Wala ring naging imik ito hanggang sa makatalikod para bumalik sa counter.
“Hmmpphh.”
Kagat labing pinagmasdan ko si Aila. Mukhang hindi na lang siya basta naiinis. Masayahin si Aila, pero kahit sandali pa lang kami magkasama ay napapansin ko ang pagiging bratinela niya, o baka kay Brandon lang siya ganoon.
“Miss Yume.” Ibinaba ni Akane sa mesa sa harap ko ang pagkain.
“Salamat,” ani ko.
“Sa tingin ko’y inaalala lang ni Brandon ang kalusugan mo, Miss,” wika ni Akane nang sulyapan si Aila na nagmamaktol habang kumakain.
Sabay kaming napatingin ni Aila sa kaniya.
“Alam niyang ayaw ko ng beans kaya palagi niya kong pinakakain ng beans.” Kita pa rin sa mukha ni Aila ang inis bago sumubo ito. Hinirang nito ang beans mula sa itlog at inilagay sa tabi.
“Sa tingin ko’y hindi, maraming magagandang nutrition na makukuha ka sa beans,” nakangiting wika ni Akane. “Hindi ba, Miss Yume?” biglang baling sa akin ni Akane bago ibinaba ang maliit ding mangkok ng beans.
“Ha? O-oo. S-sa tingin ko,” Napalunok ako. Hindi ako pihikan sa pagkain pero, sa totoo lang ay hindi ko din gusto ang beans.
“Sigurado ka, Yume?” dudang tanong ni Aila at pinaningkitan niya pa ako ng mata.
“Subukan natin. Hehe,” nakangiwing bulong ko.
Nagkibit-balikat na lang si Aila at nagsimula na ring kumain. Kumain na rin ako. Ilang sandali pa ay dumating si Brandon na may hawak na tray ng dalawang tasa ng kape. Sinenyasan nito si Akane. Hindi pa sana gagalaw si Akane kung hindi ko tinanguan. Pumwesto sila dalawang table mula sa amin at kahit hindi ako nakatingin ay alam kong nakamasid si Akane.
“Napaka-overprotective naman niya,” bulong sa akin ni Aila at tinapunan nang sulyap si Akane.
“Ha?” Sinulyapan ko rin si Akane. Hindi siya nakatingin sa akin pero nang lumingon ako’y bigla din siyang tumingin sa direksyon ko. Mabilis akong nag-iwas ng tingin at bumalik sa pagkain.
“Ayaw na ayaw niyang nawawala ka sa paningin niya. Nakakatuwa kayong dalawa,” nakatawang komento ni Aila.
“Ganoon lang talaga siya,” tipid kong wika.
“Aalis ba kayo?” nagtatakang tanong niya habang pinagmamasdan ang suot ko.
“Uhuh?” tumango ako.
“Mamimili kami ng ilang kulang ko pang gamit. Isa pa ay kailangan kong maghanda para sa darating na pasukan.”
“Oo nga pala,” bumuntonghininga ito. “... isa iyan sa pinagtatalunan namin ni Brandon. Gusto niyang mag-aral na kaagad ako eh hindi pa naman pasukan,” dugtong nito sa naiinis na tinig.
Nilingon ko siya at wala sa loob na napalunok ako. Hindi ko maiwasang hindi makaramdam ng awa sa pagkain ni Aila habang walang awa niyang tinutusok-tusok ito. Pakiramdam ko’y na-double dead ang karne na nasa plato niya dahil sa inis.
Sa mga ganitong pagkakataon ay hindi ko rin alam kung anong tamang sabihin.
Gusto ko mang ipaliwanag na maganda kung mag-a-advance reading siya ay tiyak namang hindi iyon ang gusto niya.
“Nasa huling taon na ako ng Senior High sa Villaluz University, ikaw ba?” tanong ko para mailihis kahit konti ang usapan.
“Talaga sa VU ka din?” tanong niya sabay lapit sa akin. Napaurong ako nang bigla na lang niyang ilapit sa akin ang mukha niya.
“Uhuh,” tumango-tango ako. Kahit kailan talaga ay napaka-animated nitong si Aila.
“Wahhh! Doon din ako!” Napaurong ako at ang silyang kinauupuan ko ng bigla na lang niya akong yakapin. “Yehheyy, magkasama tayo.”
Napangiwi ako. Talking about over and OA, Aila was somewhat one of those. At pakiramdam ko ay pangangapusan ako ng hininga sa klase ng yakap niya.
“Miss…”
Mabilis na napahiwalay sa akin si Aila nang madinig ang boses ni Akane.
“Uhmm, sorry. Na-excite lang ako,” kakamot-kamot na depensa ni Aila.
“Napaka-energetic mo talaga,” naiiling na saad ni Brandon.
Nasa gilid ko na si Akane samantalang si Brandon ay nasa gilid ni Aila. Mukhang hindi na sila natapos magkape. Tiningnan ako ni Brandon. “My apology, Miss Yume.”
“Wala iyon." Sumulyap ako kay Aila na malapad ang ngiti. "Kung gusto mo ay sabay na lang tayong mag-aral,” suhestiyon ko. Pasimple kong inayos ang blouse kong nagulo.
“Talaga?” Napangiti ako ng makitang halos magpuso-puso ang mga mata ni Aila.
“Oo.”
“Yess!” Tatayo pa sana uli si Aila pero kaagad na itong hinawakan sa balikat ni Brandon dahilan para mapaupo uli si Aila. Nasa likod nito si Brandon habang marahang pigil sa magkabilang balikat si Aila.
“Relax, Miss.” Lumapit ang bibig ni Brandon sa may sentido ni Aila. “You are already getting so much attention.”
Agad na natigilan si Aila. Hindi nakaligtas sa mga mata ko ang pamumula ng magkabilang pisngi niya. Kung dahil ba sa sinabi ni Brandon o dahil mismo kay Brandon, hindi ako sigurado. Lumayo na si Brandon at hindi rin nakaligtas sa akin ang kakaibang ngiti sa labi niya. Nilingon niya ako at nginitian. Ibang ngiti kumpara sa una niyang ngiti habang hawak niya si Aila.
Napakurap ako.
“Okay lang ba na sumabay kami sa pamimili ninyo, Miss Yume?” tanong ni Brandon.
Nang sulyapan ko si Aila ay tahimik na nitong kinakain ang beans. Actually, paubos na nga.
Akala ko ba ay ayaw niya ng beans?
Uminom ako ng tubig. “Walang problema.” Nilingon ko si Akane and asual ay nginitian niya lang ako.
“MAY alam akong magandang bilihan ng magagandang gamit.” Hindi nawawala ang sigla at tinis sa boses ni Aila. Hindi naman halata sa mukha niya na excited siya.
Kasalukuyan kaming sakay ng sasakyan nina Aila. Si Brandon ang nagda-drive habang nasa passenger seat si Akane at nasa backseat naman kami ni Aila.
Tumingin ako sa labas ng bintana ng sasakyan. Maraming nagtataasang mga gusali, mga nakahilerang tindahan at napakaraming tao. Mga bagay na hindi ko kinasanayang makita. Madalas ay mga puno at bulaklak lang ang nakikita ko sa labas ng mansion. Lumalabas ako ng mansion pero napakadalang at limitado ang bawat oras.
Hindi ko tuloy maiwasang hindi mag-alala kapag naiisip kong malapit nang magsimula na naman ang pasukan.
Magiging ganoon pa rin kaya sa dati?
“Hey, Yume may cellphone ka ba?”
Napalingon ako kay Aila. Hindi ko napansin na nagsasalita pala siya. “Ha?” Napakamot ako sa ulo. “Pasensiya na, hindi kita nadinig, ano nga uli iyon?”
Sandali niya akong tinitigan bago ngumiti. “Do you have cellphone?” tanong niya bago may kinuha sa bag na dala.
“Ah, oo kaso nasa kwarto. Hindi ko rin naman kasi halos naggagamit.”
“Seryoso ka ba diyan?” parang ayaw niyang maniwala sa sinasabi ko.
Tumango ako. “Oo.”
Napabuntong-hininga ito bago sumandal, tila nag-iisip ito.
“Ayos ka lang ba, Aila?” tanong ko.
“Hayaan mo lang siya, Miss Yume, nag-iisip lang siya,” tumatawang sabat ni Brandon.
“Pero..” Iniisip ko tuloy kung may mali ba sa sinabi ko. Napalingon tuloy ako kay Akane at hindi ko inaasahang nakatingin din siya sa akin.
“Bakit hindi na lang tayo bumili ng bago, Miss Yume? Kakailanganin mo na iyon simula ngayon,” may ngiting suhestiyon ni Akane.
“Tama!” Nagulat na lang ako ng biglang umayos ng upo si Aila. “Iyon ang unang bibilihin natin.” Masiglang-masigla ang tinig niya habang nagsasalita.
“S-sige,” sagot ko habang iniisip na kasalanan ba kung wala kang cellphone.
KAGAYA nang napagkasunduan ay una kaming pumunta sa bilihan ng cellphone. Si Aila ang tumulong sa aking mamili kung anong magandang brand ang dapat bilhin. Isa-isa pa naming tiningnan kung maganda ang specs at quality.
“Si Akane ba ay may ginagamit?” tanong ni Aila sa akin habang pumipili kami ng kulay.
Natigilan ako nang akmang aabutin ko 'yong kulay puting cellphone. Kailanman ay hindi ko nakitang may hawak na cellphone si Akane. Kahit pa noong nasa mansion kami ay hindi ko siya nakitaan na may hawak na cellphone. Lagi lang siyang focus sa akin.
“Sa palagay mo, mamasain ba niya kung…” Kahit hindi ako madalas lumalabas ng mansion hindi naman lingid sa akin kung anong mararamdaman ng isang lalaki kung sakaling isang babae pa ang magbibigay sa kaniya ng ganoong bagay.
Tinapik ako sa balikat ni Aila. “Sa tingin ko ay hindi ganoon si Akane.”
“Sa palagay mo?” hindi pa rin kumbinsidong tanong ko.
Determinadong tumango si Aila. Napilitan akong tumango bago binalingan ang saleslady. “Miss, give me two of this model.” Itinuro ko ang cellphone na sinabi ni Aila. “Isang black at isang white,” dugtong ko pa.
“Okay, Ma’am.” Mabilis na kumilos ang babae.
“I’ll bet that he’s going to be all over you.” Nakangiting wika ni Aila habang nilalaro ang mga daliri.
I pressed my lips together, hoping that he wouldn’t take it negatively.
Pagkatapos naming bumili ng cellphone ay namili na kami ng mga kailangan namin sa school. Bumili rin ako ng mga bagong brush at paint. Marami ring pinamili si Aila na halos hindi na magkandadala si Brandon. Naghati naman kami ni Akane ng bitibit kahit na ang totoo ay gusto niyang siya ang magdala ng lahat.
“Hindi ka ba bibili ng bagong damit para maisuot mo sa orientation?” tanong ni Aila ng may maraanan kaming boutique.
“Hindi na muna siguro. Mom, already bought a lot for me. Hindi ko naman lahat maiisuot.”
“Okay. Buti pa ay kumain na lang tayo at nagugutom na ako,” ani Aila habang iginagala ang tingin sa paligid.
Tumingin-tingin din ako sa paligid hanggang sa natuon ang tingin ko sa isang fastfood.
“Burger and fries,” wala sa loob na anas ko.
“Huh?” Lumingon din si Aila sa tinitingnan ko. “Do you want burger and fries?”
Hindi ako sumagot. I want to try but…
“Ate Yume, balik uli tayo dito ha.”
“Oo nga, ate.”
“Oo naman. Basta ba at kasama uli natin sina mommy at daddy.”
“Yeheey!” sabay na wika nina Yona at Yuri.
May ngiting tinitigan ko ang kambal kong kapatid bago binalingan ang malapad ang ngiting sina mommy at daddy.
“You can try that if you want, Miss Yume. Walang masamang sumubok muli.” Nabaling ang atensyon ko kay Akane na hindi ko namalayang nasa tabi ko na at nakatingin rin sa kainang tinitingnan ko.
“Pero...”
“Masarap diyan, Miss Yume,” sabat naman ni Brandon.
Nagulat ako nang hawakan ni Aila ang kamay ko at hilahin. “Kapag may gusto ko, as long na hindi makakasama, go for it.” Nakangiting saad ni Aila sa akin bago kami tuluyang pumasok sa fastfood.
Nag-aalangan man ay sumunod ako sa kaniya. Maybe, I will give it a try again.
And there, we ate burger and fries, Akane at my side and Brandon at Aila’s side. It was different from before, but maybe I could still make another memory eating burgers and fries.