Chapter 19
“Mamaya ulit?” tanong ni Pia kay Vernique habang nagkaklase sila sa unang subject na Science. Sumulyap si Vernique sa guro nila na nakaupo sa kaniyang teacher’s table. Nang makitang busy ito sa ginagawa ay tumingin muli ito sa kaibigan.
Tumango si Vernique. “Oo, kahit mamayang recess.”
Mamayang recess nila muling ipagpapatuloy ang pagbabasa ng journal ni Wilson. Nasa part na sila ng journal matapos iyong entry para kay Bea at kay John Lloyd. Ano naman kayang sikreto ang kanilang matutuklasan sa panibagong pahina.
Nginitian siya ng kaibigan at nagtuon muli sa activity na kanilang sinasagutan. Matapos ang tatlong subjects ay nagtungo na si Vernique kasama muli sina Dara, Pia, JV, at Lien. Naupo sila sa kaparehong table na inupuan nila kahapon kung saan nila binasa ang entry ni Wilson para kay Bea.
“Si Bea ba ‘di sasama?” tanong ni JV.
“Ayos na raw sa kan’ya na ‘di siya kasama sa ibang entry na babasahin natin. Gusto niya lang ma-klaro ang nangyari sa kanila ni Wilson at wala na raw siyang kaso sa iba pang mga entry.
Tumango si JV at tumingin sa journal na yakap-yakap ni Vernique.
“Basahin na ‘yan!”
Inilapag ni Vernique ang libro sa gitna ng table na parang isang spell book. Hinanap nito ang pahina na huli nilang nabasa. Mula sa pahina kung saan nakasulat nang malaki ang pangalan ni Bea ay inilipat nila ito sa kasunod. Isang linggo matapos ang huling entry na nabasa nila. Tungkol naman kaya kanino ang entry na ‘to?
...
“Wilson, truth or dare?” tanong ni John Lloyd sa kaklase. Nakabilog sina John Lloyd, Hardy, at Yvon sa harap ng kanilang room.
“Truth.” Ngumiti ito at napatakip ng mukha. Ginulo niya ang kaniyang nakaayos na buhok. Napagdesisyunan kasi nilang apat na maglaro na lamang muna dahil wala ang kanilang ESP teacher.
“Hmm, ano ba ang puwedeng itanong sa’yo?” Napahawawak ni John Lloyd sa kaniyang baba at tumingin sa kisame ng kanilang classroom. Ano nga ba ang tanong na pupuwedeng itanong kay Wilson. Wala naman siyang ibang alam bukod sa mga alaala niya simula nang bumalik siya sa room nang walang naaalala.
“Ako may tanong,” pagpiprinta ni Yvon. Naituro siya ni John Lloyd.
“Sige, ikaw na.”
“Ang sabi nila hindi raw nagsisinungaling ang may amnesia. Gusto ko lang matanong kung totoong cute ba ako.” Nagpa-cute si Yvon sa pamamagitan nang pagpisil sa kaniyang magkabilang pisngit. Natawa naman sina John Lloyd at Hardy sa ginawa ni Yvon. Si Wilson ay nagpigil ng tawa.
“Oo naman.”
Napahampas si Yvon sa braso ni Wilson. Natawa siya sa sagot ng binata. Sa wakas, may nagsabing cute siya.
“Nagsisinungaling na pala ang may amnesia ngayon, Yvon. Mali ‘yung na-search mo,” sabi ni Hardy.
Sumimangot ang mukha ni Yvon. “Totoo ‘yung ‘di ba, Wilson?” Nagpigil ng tawa si Wilson at nagkibit-balikat na lamang.
Mayamaya pa’y napahawak si Wilson sa kaniyang ulo. May mga boses na bumubulong sa kaniya ngunit ‘di niya alam kung kanino nanggaling ang mga ‘yon.
“Ang cute ko ‘di ba?”
“Joke lang ‘yun!”
“Ang cute nating dalawa.”
Napalunok ng hangin si Wilson. Hindi dapat makita ng mga kaibigan niya na may gumugulo sa kaniyang isipan. Kung ano man ang bumabagabag sa kaniya ngayon ay hindi niya puwedeng ipagsabi. Hindi niya nga alam kung alaala ba ‘yon o isang imahinasyon lamang. Kung ano man iyon ay ‘di na niya alam.
“Ayos ka lang ba Wilson?” tanong ni Yvon, tila nag-aalala sa kaniya.
Nakahawak siya sa kaniyang ulo, nakakagat ng labi, at hinahapo sa paghinga. Tumayo siya at bumuntong-hininga.
“A-Ayos lang ako pero tutungo muna ako sa upuan ko.” Nilisan niya ang mga kasama at bumalik sa upuan kung saan siya nauupo.
...
“When someone leaves, someone will come to fulfill that empty space.”
That was deep. A quote that they didn't expect to read. Bakit naman masasabi ni Wilson iyon sa isang entry niya rito sa kaniyang journal. Ano'ng ibig sabihin no'n? Para saan 'yon?
Kumunot ang noo ni Pia sa kaniyang nabasa. Siya na ngayon ang magbabasa ng entry ni Wilson. Ano ba ang ibig sabihin ng binasa niya at tila hindi niya iyon mahinuha.
“Kapag may dumating, may darating na panibago para punan ang bakanteng espasyong ‘yon,” ani Lien.
“May pa-hugot si Lien.” Tumawa si JV habang nakatingin sa katabi niyang si Lien.
“Gago!”
“Ipagpatuloy na natin iyong kailangang basahin,” singit ni Vernique sa mga kaibigan.
Tumingin sa journal si Pia. Napatikhim siya at napatakip ng bibig. Hindi pupuwedeng nandito ang pangalan na nabasa niya.
“Ano’ng problema, Pia?” tanong ni Dara.
“This can’t be. Dixon is in this entry.”
“Eh, talaga?” bulalas ni Vernique at hinila iyong journal. Tama nga si Pia, may pangalan ni Dixon na nakasulat doon.
“Ipagpatuloy na lang ‘yan,” ani Dara na tila nababagot na. “Gutom na ako.”
“Nakaupo sa malamig na upuan ng isang fastfood restaurant. Nagmumukmok at iniisip kung tama ba ‘yung nagawa ko. Hindi nga tama iyon. Hindi tamang pinaasa ko si Bea sa pag-ibig na ‘di ko naman talaga kayang ibigay sa kaniya.
“She’s been nice to me. She didn’t throw shade on me. Ang bilis ng mga pangyayari. It’s just a week or two, but everything inside felt different. No one approached me. Kahit isa ay walang may gustong tumingin sa akin. Para akong multo sa loob ng room. Am I invisible or did I die already?”
“Ano kayo kasi ‘di n’yo pinansin no’n!” natatawang sambit ni JV. “Parang tanga lang iyong entry. Paawa amp.”
“Hoy, busy lang ang Yes-O no’n kaya ‘di ko siya nakakausap pero ‘di naman ako para mang-snob noong mga panahong ‘yun,” singit ni Vernique.
“Kami naman ni Lien wala kaming pakialam sa mga issue na ‘yan. Nasa likod lang kami palagi kaya hindi kami updated. Pati wala naman kaming pakialam kina Bea at Wilson no’n, eh. Kayo ba Pia at JV?”
Nanlaki ang mata ni Pia kay Dara. “Aba, busy kami sa DigiMath no’n nina Gwen at Hardy. Malay naman pati namin d’yan kay Bea at Wilson. Ayan si JV tanungin n’yo palaging nasa room lang ‘yan.”
“Hindi ko pinansin,” ani JV at tumawa nang malakas. “Katropa ko si Bea, eh. Iyak kaya ‘yon nang iyak kaya walang pumapansin.”
“Ituloy na nga lang natin. Matatapos na naman,” ani Pia at tumingin muli sa journal na binabasa.
“Everything left me, but there’s Dixon, the man who saved me from drowning.”