KAGAGALING ko lang sa Baclaran. Madilim palang ay umalis na ako kanina upang magsimba. Sa tingin ko kasi si Lord lang ang makakatulong sa problema ko. Ang milagro nito ang magpapalaya sa akin mula sa sumpang ito.
"Matanggal ka na, matanggal ka na..." Usal ko habang pinagmamasdan ang aking kamay. Naglalakad ako sa kalsada habang nagsasalita mag-isa. Nagbabakasakaling makapulot ng grasya. Pero alam ko namang malabong mangyari iyon. May iilang tao akong nakikitang napapalingon sa akin. Pero wala akong pakialam dahil hindi naman nila ako matutulungan sa problemang pinagdadaanan ko ngayon. Napasimangot ako ng makitang lumalayo sa akin ang mga nakakasalubong ko. Iniisip marahil nila na baliw ako.
Bigla akong napatigil ng matanaw ang lottohan sa may kanto. Dumukot ako sa bulsa ng pantalon ko. Kinuha ko roon ang aking coin purse pagkatapos ay binuksan upang makita kung magkano ang laman niyon. Bente pesos lamang ang natira kong pera sa wallet. Ang perang inilalaan ko para pamasahe sa tricycle pauwi sa mansion.
"Olats naman. Dapat nagdala ako ng extra money pantaya sa lotto. Malay mo manalo ako. Wala ka talaga sa hulog, Maria. Ewan ko sayo." Pagkausap ko sa aking sarili at muling ibinalik ang pera sa aking bulsa. Hindi talaga ako nagdadala ng extrang pera kapag umaalis. Ang dahilan ay ayaw kong gumastos ng wala sa plano.
Pwede ko namang ipagsapalaran ang bente pesos ko. Kaso wala akong time maglakad ngayon dahil marami kaming gagawin ni Manang Sonia. Nag-promise ako sa matandang mayordoma na tutulungan ito sa gawaing bahay. Naka-off kasi ang dalawang katulong kung kaya siya ang gagawa ng mga trabahong naiwan ng mga ito.
"Miss, okay ka lang?" Tanong ng ale na kasabayan ko sa paglalakad.
Napalingon ako sa babaeng kumakausap sa akin. Nagtataka man ay sinagot ko ang tanong nito.
"Okay lang naman, ate. Mukha ba akong hindi okay?" Balik-tanong ko rito.
"Oo, e. Alam mo, ses, okay lang kausapin mo ang iyong sarili huwag mo lang lakasan masyado. Baka mapagkamalan ka kasing, alam mo na.” Inikot-ikot nito ang kamay sa gilid ng ulo habang nakaturo ang daliri sa sentido. “Pasensiya na pero concern lang ako sayo."
Na-touch ako sa sinabi ng ale sa akin. Alam kong sincere ang concern nito sa akin kaya naman nginitian ko siya pabalik.
"Salamat, ate. May malaking probs lang kasi ako." Tumango lang naman ito sa akin at nauna na sa paglalakad. Feeling ko naman sumabay lang ito sa akin para pagsabihan ako.
Hindi ko mapigilan na mapangiti. Sa mundong ito na parang Quiapo, meron pa rin talagang concern citizen. Thank you talaga, Lord! You have sent an angel to help me ease my burden. Alam kong hindi naman ganun kalaki ang naitulong nito sa akin. But the fact na kinausap niya ako ay malaking bagay na. Kahit papano ay gumaan ang aking pakiramdam ng very, very light.
Nakangiti ako habang nakasakay sa tricycle. I am feeling blessed dahil galing ako sa pagsimba. Nasa magandang mood ako ngayon. Mamaya ko nalang ulit iisipin ang problema kapag nakauwi na ako. Sa ngayon, gusto ko munang maging malaya ang isipan ko.
Pero hindi pa man ako nakakarating sa mansion ng amo ay tumigil na ang tricycle.
“Manong, malayo pa po ako.” Actually, parang walong metro palang yata ang natatakbo ng tricyle mula ng makasakay ako.
“Alam ko po, ma’am.” Napakamot ito ng ulo at umikot upang tingnan ang gulong doon malapit sa aking inuupuan.
“Tsk! Na-flat tire po tayo, ma’am.” Masama itong tumingin sa akin. Mukhang ako pa yata ang sinisisi nito kung bakit naplatan ng gulong.
“Maaayos pa ba ‘yan, manong? Inaantay na po ako sa bahay.”
“Kailangan ko munang ipa-vulcanize ang gulong dahil may butas yata. Kung gusto mo, sumakay ka nalang sa ibang tricycle.” Anito at lumuhod sa harapan ng gulong upang sipatin iyon.
“Amina po iyong ibinayad ko kanina.” Inilahad ko ito ang aking palad. Bago kasi umalis kanina ay inabot ko na rito ang pamasahe ko.
“Bakit mo babawiin? Dahil sa kabigatan mo kaya ako na-flat tire.” Masungit na sagot nito sa akin.
Napamulagat ako sa sinabi ng tricycle driver. Aba! Napakatalas yata ng dila ng driver na ito. Hindi naman ako mataba, sadyang vuluptous lang ang katawan ko. Kasalanan ko ba kung ganito ang katawan ko? Malaki ang pwet, malapad ang balakang, pinagpala ang hinaharap pero maliit ang waist line. So, nasaan doon ang mataba? Ang laki ng mga braso ko ay proportion lang sa aking katawan.
“Anong sinabi mo, manong? Mataba ako kaya na-flat tire ka?” Galit na tanong ko rito. “O baka naman kasi bulong na itong tricycle mo?”
Hindi ito umimik at basta nalang itinulak ang tricycle doon sa may malapit na vulcanizing shop. And all the while na itinutulak nito ang tricycle ay nandoon ako sa loob at nakaupo. At hindi talaga ako bumaba hangga’t hindi natatapos ang pagpapa-vulcanize nito.
"Maria, bakit ngayon ka lang dumating? Kanina kapa hinahanap ni Sir Miguel. Hindi ko na alam kung ano ang iaalibi ko sa kanya." Bungad agad ni Manang Sonia sa akin pagkapasok ko sa maid's quarter. Naabutan ko itong nakaupo sa bed ko.
“Pasensiya na po, Manang Sonia. Nasiraan kasi yun tricycle na nasakyan ko. Hinintay ko nang matapos dahil wala po akong extra na pamasaheng dala.”
Panay nga ang parinig ng driver kanina na matatagalan ang pagawa ng gulong ng tricycle dahil tadtad na ng butas. Pero dineadma ko ang sinabi nito. Ano ako bale? Buo ang bayad ko tapos paglalakarin niya ako. Well, maglalakad nalang talaga sana ako kung hindi ito nagparinig na mabigat daw kasi ang sakay nitong pasahero. Ako mabigat? Well, medyo lang naman. Pero hindi iyon rason para sisihin niya ako sa pagputok ng gulong niya na singnipis na ng buhok niya sa batok.
“Wala ka bang dalang cellphone? Sana man lang nagteks ka sa akin para napasundo kita sa driver. Ano ka ba naman, Maria? Alam mong mainit ang tingin sayo ni Sir Miguel kaya umayos ka naman sana.” Nagsimula nang magdakdak si Manang Sonia sa kanya.
"Meron po akong dalang cellphone pero baka na-silent mode ko po kasi nasa loob ako ng simabahan kanina. Sorry po kung hindi narinig ang tawag niyo." Hinging-paumanhin ko sa matanda.
Kinuha ko ang sling bag na dala ko kanina at hinanap ang cellphone kong Vivo Y11 doon. Ngunit tanging panyo lamang at rosary beads ang nasa loob. Bigla akong kinabahan at nanlamig.
Hindi maaari! Tinaktak ko palabas lahat ng laman ng sling bag ko. Wala talaga doon ang cellphone ko.
"Manang, mukhang nadukutan po yata ako ng cellphone." Mangiyak-ngiyak na sabi ko matanda.
Hindi ko pa tapos hulugan iyon sa Home Credit. Wala pang gasgas at never ko pang naibagsak. Kumbaga, good as new pa rin yun at pwede pang maibenta ng mahal.
"Ano? Diyos ko namang bata ka! Hindi mo man lang ba naramdaman?” Lumingo-lingo ako sa tanong ni manang.
“Wala bang lumapit sayo kanina?”
Bigla kong naalala ko ang ale na lumapit sa akin kanina. Medyo nagkabanggan kami kanina side to side dahil sa dami ng tao sa daanan sa may Baclaran. Baka nga ito ang snatcher!
Napahagulgol nalang ako.
“Talaga naman, Maria!" Halos mag-hysterical na si Manang Sonia sa inis dahil sa nalaman.
“Ang cellphone ko po…” Tungayaw ko sa matanda.
"Napakamalas mo talaga, Maria! Ano ba ang gagawin ko sa iyong bata ka!"
Lalo akong napaiyak sa sinabi ni Manang Sonia. Sinabunutan ko ang aking sarili dahil sa sobrang frustration.
Lumabas ako para magsimba dahil gusto kong ma-bless ni Lord. Pero bakit ganito ang nangyari sa akin? Puro nalang ba kamalasan ang dadanasin ko?
"Tumigil ka na sa kaiiyak mo diyan, Maria. Hindi mo na maibabalik ng pag-iyak mo ang cellphone na nawala sayo."
"Pero Manang hindi ko pa tapos bayaran yun sa Home Credit." Atungal ko pa lalo. Ang laki-laki na ng problema ko sa buhay ngayon, tapos dumagdag pa ito.
"Ilang hulog pa ba yun?" Tanong ni Manang Sonia.
"Limang hulog pa po. Bale nasa tatlong libo mahigit pa yun." Sumisigok-sigok na sagot ko rito.
"O siya, tumigil ka na sa pag-iyak diyan. Ako na maghuhulog ‘nun." Bigla ay napatigil ako sa pag-iyak. Tumakbo ako kay Manang at yumakap ng mahigpit. Para akong nakatagpo ng anghel sa katauhan nito.
"Thank you po, Manang. Kapag nakaluwang-luwang po ako babayaran din kita."
"Bahala ka kung babayaran mo ako o hindi. Pero ayusin mo iyang sarili mo. Puntahan mo si Sir Miguel sa opisina niya at dalhan mo ng kape. Black coffee without sugar. May hang-over kaya hangga't maaari ay huwag na huwag kang makikipagtalo." Bilin nito sa akin.
"Opo, Manang." Mabilis akong naghanap ng pamalit na uniform. Kahit labandera ako ay required akong magsuot ng uniform na pangkatulong.
"Aalis na ako. Daanan mo mamaya ang pinaglumaan kong cellphone sa kwarto para naman may magamit ka."
“Maraming maraming salamat talaga, manang.” Naluluha kong sabi sa mayordoma.
Upang makabawi sa matanda ay naisipan kong pagbutihin ang trabaho ko. Sinunod ko ang sinabi nito. Dinalhan ko si Sir Miguel ng coffee without sugar sa office nito.
"Come in." Sagot ni Sir Miguel mula sa loob.
Kabilin-bilinan kasi ni Manang Sonia na huwag akong pumasok kapag hindi ito sumagot sa katok ko. Ibig sabihin daw kasi noon ayaw niyang magpaistorbo.
"Kape niyo po, Sir." Sabi ko matapos ilapag sa tabi niya ang kape.
Nakaupo ito sa swivel chair niya at nakatingin sa kawalan. Mukhang malalim ang iniisip nito.
"Where have you been?" Tanong nito.
Buong akala ko ay palalabasin na ako nito kanina.
"Huh?! Po?" Nagulat ako sa tanong nito kaya hindi agad ako nakasagot rito.
"Saan ka galing? Tagalog para maintindihan mo." Sarkastiko nitong turan sa tanong ko.
Narinig ko naman kasi siya kanina. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit kailangan niyang itanong iyon. Unless nalang, kung ayaw niya akong mawala sa buhay niya. Charot!
"I went to church, Sir. Sorry po hindi ako nakapagpaalam sa inyo. Nagpaalam na kasi ako kay Manang Sonia. Next time po, isama kita kapag magsisimba ako. Doon tayo sa Quiapo, na-trauma ako sa Baclaran." Sinusubukan kong maging casual lamang sa amo.
"What are you talking about? My concern is all about the ring in your finger. Malay ko ba kung tumakas ka na. Mabubuhay ka ng matiwasay sa halaga ng singsing na iyan." Parang nanliit ako ng husto sa klase ng pananalita nito sa akin.
"Ay grabe ka, Sir. Nagsimba lang, tatakas agad? Ni hindi ko nga naisip ang bagay na yan kung hindi mo sinabi. Ngayon, may ideya na ako. At gagawin ko yun." Dahil wala akong oras para sa argumento niya kaya sinakyan ko nalang ang masasamang isipin niya tungkol sa akin.
"Don't you dare?" Hinampas nito ang mesa. Bahagya akong nagulat pero hindi ko ipinahalata rito. Ang violent naman pala ng ulupong na ito. "I'll put you behind the bars if you'll do that."
"Hindi ko naman talaga gagawin, Sir. Ikaw lang naman ang nag-isip ng ganyang bagay. Masyado ka pong bayolente, Sir. Kung ako sa inyo iinumin mo na yang kape para magkaroon naman kayo ng nerbyos. Sa totoo lang, ako ang nininerbyos sa inyo." Naglalakad na ako papunta sa may pinto ng magsalita itong muli.
"I'm not yet done with you."
"Madami pa ba yang sasabihin mo, Sir? Quota na po ako sa kamalasan today, huwag mo na pong dagdagan pa."
"Are you saying na malas ako?"
"Huh?! Meron ba akong sinabing ganun?" Hindi ko napigilang guluhin ang sariling buhok sa mismong harapan nito at nagpapapadyak.
"Fine, I'm just annoying you. Pack my things good for two months. I will be staying in Cebu." Bigla nalang ay parang lumiwanag ang buong paligid ko dahil sa sinabi nito.
Imagine, two months din na maayos ang takbo ng buhay ko dahil wala si Sir Miguel. Sa totoo lang kasi para na akong mababaliw sa mga nangyayari sa life ko ngayon. Ang pakiramdam ko kasi malas ako na tinubuan ng tao.
"Okay po, Sir. Masusunod po." Hindi ko mapigilan ang ngiti ko.
Nagbago na ako real quick, kung dati ay gustong-gusto ko siya rito sa bahay. Ngayon ay halos mapakanta ako sa tuwa tuwing maiisip na mawawala ang presensya ni Sir dito sa mansion. Ay, talaga namang sobrang happy ko!
"And oh, pack your things, too. You'll come with me. Baka kasi itakas mo ang singsing ko habang wala ako."