Labis akong nahintakutan nang maramdaman kong may nakatutok na shotgun sa aking batok. Sa tingin ko, napagkakamalan akong tresspasser o kaya'y magnanakaw ng taong iyon. Kaya naman agad kong itinaas ang aking dalawang kamay sabay sabing, "Hindi po ako gaya ng iniisip n'yo. Dati kasi, naging tambayan ko ang puno diyan sa itaas ng burol. Ngayon lang ulit ako nakabalik rito galing Maynila at napag-alamang pribado na pala ang lugar na ito!"
Mukhang naniwala naman siya sa aking pahayag. Dahan-dahan niyang ibinaba ang shotgun. Nakahinga ako ng maluwag. Naramdaman ko ang mga yabag niya papunta sa aking harapan.
Napako ang mga mata niya sa aking mukha nang magkasalubong ang aming paningin. Titig na titig siya na para bang kinikilatis niya ang aking pagkasino.
Yumuko ako dahil sa naramdamang hiya. Baka kasi namukhaan niya ako dahil minsan ring lumabas ang litrato ko sa telebisyon at mga pahayagan sa kasagsagan ng paglilitis noon ng aking kaso
"Pasensiya na. Naging talamak kasi ang nakawan ng mga tupa nitong mga nakaraang araw kaya ganoon na lamang ang aming paghihigpit" Ang pahayag niya sa malamig nitong boses.
Nag-angat ako ng tingin. Muling nagkasalubong ang aming mga mata. Tinanggal niya ang kanyang cowboy hat at doon ko napansin ang kanyang kapogian.
Matangkad siya sa akin ng ilang pulgada. Maganda ang hubog ng kanyang katawan at braso. Halatang batak sa mga gawain sa rancho. Bumabakat sa suot niyang puting sando ang nag-uumbukan niyang dibdib. Pati na iyong mga masel niya sa binti sa suot niyang fit na jeans na nagpi-fade na ang kulay dahil sa kalumaan ngunit bumagay naman iyon sa kanya idagdag pa iyong boots na suot niya, isa nga siyang tunay na typical hunk cowboy na dati kong napapanood sa mga Mexican telenovela.
"Siya nga pala, Mateo or Matt na lang. Ako iyong private veterinarian ng mga alagang hayop ng rancho and at the same time, katiwala na rin"
Pagpapakilala niya sabay lahad ng kanyang palad. Gumuhit din ang isang matamis na ngiti sa kanyang mga labi dahilan para lumabas ang dimple niya sa magkabilang pisngi na siyang lalong nakadagdag sa angkin niyang kagwapuhan.
"Mario" Ang matipid kong tugon.
Tinanggap ko ang pakikipagkamay niya. Ramdam ko ang init at lambot ng kanyang palad. At ewan, pakiramdam ko may kakaiba sa paraan ng paghawak niya sa aking kamay kaya naman ako iyong naunang bumitiw. Mukha naman siyang mabait subalit hindi lang ako komportable sa mga titig niya sa akin na tila nanunuot hanggang sa aking kaluluwa.
"Tara sa taas. Diba sabi mo dati mo ng tambayan ang puno roon?"
"Papapasukin mo ako? Diba tayo kagagalitan ng amo mo?"
"Wala naman sila ngayon dito kaya walang problema. Saka, mababait naman ang mga iyon kaya kahit nandito pa sila wala kang dapat na ipag-aalala. Kaibigan ko rin ang mga 'yon"
At sa sinabi niyang iyon, pinaunlakan ko na ang kanyang paanyaya. Nagagalak na rin kasi akong muling makita ang dating tambayan namin ni Lukas.
Wala namang halos pinagbago ang lugar maliban na lamang sa malaking duyang nakabitin sa sanga ng puno. Sa ibaba ay naroon ang dagat na kung saan dati kaming naliligo ni Lukas. May nakita rin akong yate na nakadaung doon. Marahil pag-aari iyon ng may-ari ng rancho.
Sa kabilang bahagi naman ng burol ay tanaw ko ang isang malaking bahay na yari sa pinagsamang indigenous at modernong materyales. Bagama't simple, pero hanga ako sa desinyo at istilo ng pagkakagawa nito na sa tingin ko isang modernized na bahay kubo. Talagang pinagpaguran at ginastusan.
At sa dako pa roon, naroon ang malawak na bahagi ng rancho na kung saan natatanaw ko ang nakakalat na mga hayop gaya ng kambing, tupa, baka at mangilan-ngilang mga kabayo na umiinom ng tubig na sa lawa.
"Lawa ba 'yan?" Paglilinaw ko kay Mateo sa aking nakikita kasi wala naman akong natatandaang may lawa sa lugar na iyon noon.
"Man-made 'yan. Sadyang pinagawa ng may-ari para may paliguan ang mga hayop at maiinuman" Tugon naman niya. Tumango ako.
Nagpatuloy ako sa pagmamasid sa paligid habang nilalanghap ang malamig at sariwang bugso ng hangin. At sa bandang silangan naman ng rancho natatanaw ko ang taniman ng manga na kasaluluyan ng namumulaklak.
Pagkatapos ay ibinalik ko ang mga mata sa puno, umupo ako sa duyan. Bumalik sa aking ala-ala ang matamis naming nakaraan ni Lukas. Tandang-tandang ko pa na sa silong ng punong ito unang siyang nagtapat sa akin ng pagmamahal. Dito ko unang nalasahan ang matamis niyang halik na lagi kong hinahanap-hanap. At dito rin namin unang pinagsaluhan ang tamis ng aming pagsinta.
Sakali mang muli siyang magawi rito, maalala pa kaya niya ako? Malabo, sa sakit na idinulot ko sa kanyang damdamin, malamang hindi na. Marahil pa nga ay masaya na siya ngayon sa piling ng iba at sigurado akong ayaw na niya akong maalaala pa. Hindi ko naman napigil ang aking mga luha nang maisip ang bagay na iyon at hindi iyon nakaligtas sa paningin ni Mateo.
"U-umiiyak ka?" Lumapit siya sa akin.
"H-hindi, napuwing lang ako"
"Sa dalawang mata talaga? Patingin nga"
Inilapit niya ang kanyang mukha sa aking mukha sabay buklat ng aking mga talukap.
"T-teka, anong gagawin mo?"
"Hihipan ko lang"
"Epektib ba yan?"
"Ummm, yan ang sabi nila. Mabuti ng subukan para malaman!" Sabay ihip ng salitan sa dalawa kong mata. Kumurap-kurap ako.
"Ano na?"
"Ayos na ako!"
"O diba, epektib?"
Tumango ako. Kung alam lang niyang hindi naman talaga ako napuwing. Ang pagbabalik tanaw ko sa nakaraan ang talagang nagpaluha sa akin.
"Gusto mo ng maiinom o kaya'y kumain?"
"H-Huwag na. Hindi pa naman ako nagugutom eh!"
"Sigurado ka. Ipagluluto kita, expert ako sa pagluluto!"
Kung nagkataong naging babae lang ako, iisipin ko talagang nagpapa-impress siya sa akin. Malabo naman kasing katulad ko rin siya ng pagkatao. Wala akong naaamoy sa kanya. Ayoko ring mag-asume na iyong mga malalagkit niyang titig ay pahiwatig ng pagkakagusto niya sa akin. Imposible namang na love-at-first-sight siya sa akin e, pareho lang naman kaming lalaki.
"Salamat na lang, Mat. Uuwi na rin ako maya-maya"
"Uwi kana kaagad? Samahan mo muna akong mangabayo. Lilibutin natin ang buong rancho"
"Hindi ako marunong magpatakbo ng kabayo e, mamaya malaglag pa ako"
Nakita ko ang pigil niyang tawa. "Sa aking kabayo ka sasampa. So okey na tayo?"
Di paman ako naka-oo ay hila-hila na niya ako sa kamay. Wala na akong nagawa kundi ang sumunod. Sabagay naisip ko ring subukan ang sumakay ng kabayo. Isa iyong bagong karanasan para sa akin. At isa pa mabuti na rin iyon para mas lalo ko pang makilala si Mateo at maging kaibigan. Simula kasi noong nahatulan ako at nakulong, si Gina na lang iyong maiituring kong tunay na kaibigan na hindi nang-iwan sa akin. Iyong iba kasi ay iniiwasan na ako na para bang may nakakahawa akong sakit.
"Ito si Mat-Mat, ang bestfriend ko at katuwang dito sa rancho"
Haplos-haplos niya ang ulo ng kayumangging kabayo sa loob ng kwadra.
"Magkapangalan pa talaga kayo"
"Siyempre, partners in crime ko yata 'to. Diba Mat...? Aba at sumagot iyong kabayo sa lenguahe nito. "...Bukod sa mabait, matalino rin ang kabayong 'to. Naiintindihan niya ang aking mga sinasabi at nagtatampo 'yan kapag napapagalitan ko!" Pagpapatuloy niya habang hila-hila iyong kabayo palabas ng kwadra.
"Oh, siya nga?"
"Oo. Minsan kasi, hindi ko sinadyang masigawan siya dahil sinipa niya iyong isang buntis naming tupa sa hindi malamang dahilan. Biruin mong hindi ako niyan pinansin buong araw at hindi niya kinain iyong mga dayaming binigay ko?"
"Kung ganun, talaga pa lang nakakaintindi siya. Galing naman!"
Hindi ko alam kung totoo man o hindi iyong kwento niya basta bigla na lamang akong napahanga sa kabayo.
Habang papalabas kami sa kwadra ay nilibot ko naman ang mga paningin sa loob nito. At nakita kong may lima pang kabayo ang naroon. Agaw-pansin iyong kulay puti na malapit sa tarangkahan. Pakpak na lang kasi ang kulang ay mukha na siyang unicorn.
Lumapit ako sa kabayo at sinubukang himas-himasin ang noo nito pababa sa nguso. Nakita ko ang pagpiki-pikit ng mga mata ng kabayo na tila naglalambing tanda ng nagustuhan nito iyong ginagawa ko.
"Ang cute mo naman" Ang sabi ko pa habang ang buhok naman nito na simputi ng niyebe ang aking sinusuklay gamit ang aking mga daliri sa kamay.
"Iyan naman si Ali, short for alitaptap. Ang paborito ng isa kong amo"
"Bakit alitaptap? Umiilaw din ba ang pwetan niya kapag gabi?"
Biro ko kay Mateo. Nawala na kasi iyong pagkailang ko sa kanya. Natawa naman siya.
"Noong maliit pa kasi iyang si Ali, dinala siya ng amo ko roon sa punong pinuntahan natin kanina. Nakagawian na kasi ng amo kong tumambay doon kapag gabi na kung saan naglilipana ang mga alitaptap. Napansin naman niyang aliw na aliw si Ali na nakikipaglaro sa mga alitaptap sa damuhan kaya hayun, Alitaptap na ang ipinangalan sa kanya na sa katagalan naging Ali na"
Isang pagtango lang ang aking naging tugon matapos ang kwento ni Mat. Nanunumbalik na naman kasi sa isip ko ang alaala ng hardin ng mga gamugamo sa burol.
"Hanggang ngayon ba'y may namamahay pa ring mga alitaptap doon?"
"Oo, lalo na kapag ganitong maayos ang panahon. Hayaan mo babalik tayo mamayang gabi doon"
Isang pagtango ulit ang tugon ko at iginiya na niya ako sa kinaroroonan ni Mat-Mat. Siya iyong naunang sumampa sa likod ng kabayo upang may mag-abot ng aking kamay at magmando sa kabayo habang ako ay nasa likuran niya.
Isang simpleng kapit lang sa tagiliran ni Mat ang aking ginawa nang naglalakad pa lang iyong kabayo dahil naiilang na naman ako. Ngunit noong pinatakbo na niya ito nang mabilis ay tuluyan na akong napakayap sa kanya nang mahigpit sa takot na mahulog ako.
Dumikit ang katawan ko sa matigas niyang likod. At ramdam ko sa aking mga kamay ang hulma ng mga nakahilerang pandesal niya sa tiyan.
Takot man dahil iyon ang unang beses na makasakay ako ng kabayo subalit ang kagandagan ng buong paligid na aming nadadaanan ang siya namang pumapawi sa takot na aking nararamdaman.
Nilibot namin ang buong lawak ng rancho. Akyat-baba sa mga burol. Sa malawak na taniman ng manga hanggang nagtapos iyon sa gilid ng lawa na kung saan namahinga sa may gilid ang daan-daang mga kambing, tupa at baka.
Iginiya niya si Matmat sa lawa para makainom ng tubig at pagkatapos hinayaan niya itong mag-isang kumain ng berdeng d**o sa gilid ng lawa.
"Hindi mo lang ba siya itatali?" Ang tanong ko.
"Okey na 'yan. Hindi rin naman iyan tatakas"
Naupo kami sa malaking ugat ng puno habang pinapanood ang mga hayop na abala sa pagkain ng d**o.
"Ikaw lang bang mag-isang namamahala rito e, daan-daan din ang bilang ng mga 'yan!"
"Oo pero may apat naman akong alalay. Dalawa iyong nagpapastol sa mga tupa ta dalawa naman iyong tiga-gatas ng mga baka.
"Ini-export n'yo ba 'yan?"
"Iyong gatas, hindi. For local consumption lang. Pero iyong mga tupa, kambing at baka ay ini-export namin sa Russia, India at Middle East"
"Kung ganun, napakabigatin pala ng mga amo mo, mag-asawa ba yan sila?"
"Mag-live-in partner sila. Actually, they're both men"
Hindi na ako nagkuminto pa. Isang pagtango na lamang ang aking naging tugon. Hindi naman kasi bago sa akin ang ganoong uri ng relasyon dahil minsan ko na ring naranasayan ang ganyan. Iyon nga lang hindi ko naalagaan at naipaglaban. Kung hindi lang sana ako nagkamali ng desisyon, maaring kami pa rin sana ni Lukas hanggang sa ngayon.
"Kailan ang balik mo ng Maynila?" Untag ni Mat sa akin sa biglaan kong pananahimik.
"Hindi na ako babalik doon"
"Nag-resign ka na sa trabaho mo?"
"Lumubog na kasi iyong kompanyang pinagtatrabahuan ko kaya naisipan kong umuwi na lang dito at magtayo ng maliit na tindahan mula sa aking mga naipon. Nagsawa na rin kasi ako sa ingay ng siyudad. Atleast dito, hawak ko ang aking oras at makakasama ko pa ang aking pamilya lalo na't matanda na si Inay!" Ang pagsisinungaling ko. Nag-alangan kasi akong sabihin sa kanya ang totoo at baka tulad ng iba iiwasan din niya ako.
"Sabagay, tama naman ang desisyon mo. Pero kung sakaling ma-bored ka sa inyo at maisipan mong magtrabahong muli, sabihin mo lang sa akin. Matutulongan kita riyan"
"A-anong trabaho naman?" Nai-excite kong tanong.
Sa totoo lang gusto ko talagang muling makapagtrabaho kung may opurtunidad na dumating. Kung wala lang sana akong kriminal record, siguradong nag-apply na ako sa mga establisiyemento sa Bataan. Marami pa naman akong nakikitang hiring sa mga fastfood doon para sa managerial position.
"Caretaker dito sa rancho. Kulang kasi kami ng mga tauhan. Ewan ko lang kung kakagatin mo. Hindi nga pang-opisina, pero malaki naman ang pasahod. Atleast malapit lang sa pamilya mo at makakasama mo pa ang poging katulad ko"
Tumawa siya ng malakas. Tinaasan ko siya ng kilay sabay sabing, "Yabang!"
"Biro lang. Pero seryoso ako sa inaalok ko. Tatanggapin mo ba?" Sumeryoso nga ang kanyang mukha.
"A-ano namang qualifications at mga requirements?"
"Mukha ka namang masipag at may dedikasyon sa trabaho kaya sa tingin ko qualified ka. At..." Saglit siyang tumigil at tumingin sa akin. "...at may itsura pa!" Sabay ngiti.
"Maloko ka rin pala. Ano namang kinalaman sa itsura ko e, mga baka at tupa lang naman ang babantayan ko. Hindi naman pagmo-model ang aking papasukin!"
Siniko ko siya sa tagiliran. Feeling close na talaga kami sa isa't isa kahit iyon pa lang ang unang beses na kami ay magkakilala.
"Malaking factor 'yan kasi lahat ng trabahador dito ay may itsura, walang pangit sa amin dito. Kita mo naman ang mukha at katawang 'to diba?" Sabay flex ng masel at pogi pose na animoy isang modelo. Ang cute talaga tingnan ng loko.
"Hmmp, yabang talaga!" Inirapan ko siya.
"May maipagmamayabang naman!"
At kung saan-saan pa dumako ang aming usapan na humantong sa biruan at harutan. Hanggang sa hindi namin namalayan ang unti-unting paglamon ng dilim sa liwanag ng paligid. Isang matinis at mahabang pagsipol ang nilikha ni Mat at sa isang iglap nasa harapan na namin si Mat-Mat, naglalambing sa kanyang amo.
"Babalik pa ba tayo sa hardin ng mga gamugamo?" Ang tanong niya habang sakay na kami ng kabayo pabalik.
"Next time na lang siguro" Ang sagot ko naman dahil iniisip ko na baka hinahanap na ako ni Inay sa bahay.
"Kung ganun, hatid na kita sa inyo"
"Huwag na. Kaya ko namang umuwing mag-isa. Baka makaabala pa ako sa'yo!"
"Wala naman akong ibang gagawin kaya, I insist. Baka kung mapaano kapa diyan sa daan konsensiya ko pa"
"Hindi naman ako isang babae na mari-r**e!"
"Bakit, babae lang ba ang mari-r**e? Hindi lang naman ang r****t ang inaalala ko. Paano kung may lasing kang makasalubong sa daan at pagtripan ka?"
"E, di, tatakbo ako. I'm sure naman, malakas akong tumakbo kaysa sa lasing na sinasabi mo!"
"Aba, nangangatwiran ka pa"
Hinatid ako ni Mat sa bahay sakay ng kanyang pick-up.
"Saan ka ba nanggaling bata ka at gabi na?" Ang bungad sa akin ni Inay nang dumating ako. Halata sa kanyang boses ang pag-aalala. Simula nang makalabas ako ng kulungan ay naging over protective na siya sa akin. Alam kasi niya na sa kunting gulong maaring mapasukan ko, mapapawalang bisa ang parole na ipinagkaloob sa akin. Inabot ko muna ang isa niyang kamay para magmano.
"Namasyal lang po ako roon sa rancho"
"Sa rancho amigos? Buti nakapasok ka, e, bawal doon ang mga ousiders—"
"—A-ako po ang kasama ni Mario...!" Ang pagsingit naman ni Mat mula sa aking likuran. "...Magandang gabi nga po pala, Tita" Sabay abot sa kamay ni Inay na noo'y natulala dahil sa gwapong nilalang na biglang sumulpot sa kanyang harapan. Namilog ang mga mata at napaawang ang bibig.
"A-at sino ka naman?"
"Mateo po. Mat na lang for short. Beterinaryo po ako sa Rancho Amigos. Magkaibigan po kami ni Mario"
"G-ganun ba? Tamang-tama ang dating n'yo, sabay na tayong kumain. Tara sa kusina, Dok"
"Mat na lang po. Hindi po ako sanay na tawaging ganun"
"O siya, tara na...!"
At hinila ni Inay sa braso si Mateo. Sumunod din naman ako at dumeretso sa lababo para maghugas ng kamay nang biglang isiningit ni Leny ang kanyang mga kamay sa tumutulong gripo sabay sabing,
"Kuya, haaang gwapooo naman ng friend mo. Pareto naman oh!" Pigil ang kilig niya na tila isang butiking naputulan ng buntot.
"Magsitigil ka. Mag-o-OJT ka pa. Huwag kang haliparot!" Kunway singhal ko sa kanya.
"Ang sabihin mo, bet mo lang iyang si Doki at gusto mo lang solohin. Hindi ka pa nadala!"
Inirapan niya ako bago bumalik sa mesa. Napangiti na lang ako sabay iling. Dalaga na talaga ang kapatid ko.
Game na game naman si Mat na nakikipagkwentuhan kina Inay habang kumakain na tila ba matagal na sila nitong magkakilala. Inimbita pa niya ang mga ito na mamasyal sa rancho kapag walang ginagawa.
"Talaga Mat? Maari mo ba akong turuang mangabayo?" Ang banat ni Leny.
"Oo ba. Ipakilala kita sa kabayo kong si Mat-mat!"
"Ay, ang galing. Siguro ang kisig at gwapo din ni Mat-mat, gaya lang ng sa amo!"
At sa sinabi niyang iyang iyon, palihim kong inipit ang kanyang paa gamit ang isa kong paa sa ilalim ng mesa. Napatingin siya sa akin. Pinandilatan ko siya, biglang tumahimik. Mukhang nakuha ko siya sa pagdilat kong iyon.
"E, ako, Mateo, maari mo rin ba akong turuan. Kalabaw lang kasi ang alam kong patakbuhin eh!"
Isa din itong si Inay. Kung nagkataong kapatid ko siya, tinadyakan ko na ang paa niya.
"Sige po, wala pong problema. Tuturuan ko kayong lahat!"
"Naku, Nay, huwag na kayong umiksena. Tandaan niyong, rayuma is real!" Buska ni Leny.
Nagkatawanan kaming lahat. Matapos naming kumain at tumungo kaming likod-bahay ni Mat at magkatabi na naupo sa duyan na yari sa malaking gulong ng trak. Parang kailan lang na si Lukas iyong katabi ko sa duyang iyon habang palihim ang aming paglalambingan sa takot na makaalam si Inay.
"Nakapagdesisyon kana ba tungkol sa pamamasukan sa rancho? Mauunang dadating bukas ang isa kong amo at kailangan mong mag-report doon ng alas-diyes ng umaga para sa isang maikling interview" Ang pagbukas ni Mat ng usapan.
Tumingala ako sa kalangitan na para bang humihingi roon ng gabay. Sa totoo lang, kinailangan ko talaga ng magkaroon ng ekstra dahil magsisimula na ang OJT ni Leny sa Singapore sa kursong tourism at si Rolly naman ay ang kanyang intership sa pagiging pulis. Lalamun din iyon ng malaki-laking halaga at hindi na iyon kakayanin sa sapat lang na ikinikita ng tindahan.
Ngunit ang inaalala ko ay baka hingan ako ng NBI clearance na siyang kadalasang requirements sa pag-aaply ng trabaho. Tiyak na hindi ako makakakuha nito dahil sa aking criminal record. Kahit naman kasi parolado, hindi nangangahulugang nalinis na ang pangalan ko. Napakagat ako ng labi kasabay ng isang malalim na buntong-hininga.
"May bumabagabag ba sa'yo, Mar? Kung ang inaalala mo ay wala kang experience sa livestock, hindi naman mahalaga iyon. Lahat naman ng bagay ay natututunan. Nandito naman ako para mag-assist sa'yo!" Ang pangungumbinse sa akin ni Mateo. Makikita sa kanyang mukha ang kagustuhang makapagtrabaho ako sa kanila.
"Hindi naman ang tungkol sa kawalan ng experience ang inaalala ko, Mat. Baka lang kasi hingan nila ako ng mga requirements at wala akong maibigay" Ang mahina kong tugon.
"Itinago mo naman siguro ang transcript mo noong college o kaya'y ang diploma mo noong hayskul kaya sa tingin ko wala namang problema"
"Paano kung hingan nila ako ng NBI clearance?"
"E, di, kukuha tayo. Iyan ba ang concern mo?"
"Hindi puwede"
"Bakit hindi pwede?"
Bununtong-hininga ako. "May kaso ako, homicide. Sinuwerteng nabigyan ng parole kaya nakalaya ako ng pansamantala!"
Nakita ko ang pamimilog ng mga mata niya. Biglaan ang kanyang pananahimik at di maitago sa kanyang mukha ang disappointments kaya naman ikunwento ko sa kanya ang tungkol sa mga nangyari ng nakaraan ko. Maniniwala man siya o hindi ang mahalaga wala na akong lihim na itinatago. Nasa sa kanya na kung itutuloy pa niya ang pakikipagkaibigan sa akin.
Hindi ko naman napigil ang aking mga luha habang nagkukwento. Napakasakit lang kasi sa akin na sariwain iyon dahil iyon ang dahilan ng pagkasira ng aking dignidad, reputasyon at pagkakakilalan na naging dahilan ng aking paghihirap.
Niyakap ako ni Mat. Isinubsob ko ang luhaan kong mukha sa matipuno niyang dibdib. Hinahagod niya ang aking likod gamit ang mainit niyang palad.
"Sa aking mga narinig, mas tumindi pa ang hangarin kong mapalapit sa'yo. Naniniwala akong wala kang kasalan, Mar. Nandito lang ako at hindi kita iiwan. Unang kita ko pa lang sa'yo ay magaan na kaagad ang loob ko sa'yo. There's something in you na hirap kong ipaliwanag. Basta pakiramdam ko, masaya ako kapag kasama ka kahit unang beses pa lamang nating magkakilala!"
Mas lalo pa niyang hinigpitan ang pagkakayakap sa akin. Damang-dama ko ang init ng kanyang katawan na unti-unting pumapawi sa lungkot na aking nararamdman. Nakakita rin ako ng kakampi sa katauhan ni Mat na alam kong taos-pusong tumanggap sa akin sa kabila ng aking mapait na nakaraan.
"Sa pagkakaalala ko, hindi naman sila nanghihingi ng NBI sa mga namamasukan sa kanila. Kaya huwag kang mag-aalala!" Si Mat habang pinapahid ang aking mga luha gamit ang kanyang palad.
"Paano kung mamukhaan nila ako o pamilyar sa kanila ang pangalan ko? Minsan din kasing na-published sa mga pahayagan ang litrato ko!"
"I don't think it will cause you. Hindi naman mahilig ang mga iyon sa current issues na nangyayari sa bansa. Ang mga nasa utak nila ay ang pagpapatkbo ng kanilang negosyo at madalas na paglabas ng bansa para makipag-meet-up sa kanilang mga kliyente"
Nabuhayan naman ako ng loob sa sinabing iyon ni Mat. Kaya kinabukasan maaga akong tumungo ng rancho para sa isang interview.
Gawa ng alas-diyes pa naman at malayo-malayo pa ang oras ay naglibot-libot muna ako sa paligid. Natatanaw ko ang dalawang lalaki na iginigiya ang mga tupa at baka palabas ng kulungan.
Infairnes, totoo nga ang sinabi ni Mat, may itsura at matitipunong katawan ang mga trabahador nila sa rancho. Pati na iyong namataan kong tiga-kuha ng gatas ng mga baka ay may itsura rin at ang mamacho nila. Hay, aminado akong bakla ako, pero kung ganyang mga klaseng mga lalaki ang makikita ko sa araw-araw, tingin ko magle-level-up ang kabadingan ko. Pero siyempre, sekreto ko na iyon na tanging si Mat lang ang nakakaalam.
"Kanina ka pa ba?" Si Mat na kalalabas lang mula sa koral ng mga baka. Hinubad niya ang duguang handgloves. "...may nanganak kasing baka na nahihirapang umire kaya tinulungan ko!"
"Kararating ko lang din!"
Ngumiti ako. Ngumiti din siya sa akin. Naghugas muna siya ng kamay sa may poso at inaanyayahan niya akong mag-almusal.
Subalit tumanggi ako dahil tapos naman na akong kumain. Sinama na lamang niya ako sa bahay ng kanyang mga amo na naroon sa tuktok ng burol.
Kung ano ang ikinaganda ng bahay sa labas ay ganoon din sa loob nito bagama't halos lahat ay yari sa native na mga materyales.
"Dumating na ba 'yong amo mo?" Tanong ko habang kumakain siya.
"Kagabi pa. Nasa kanyang opisina na siya ngayon nagtsi-tsek ng ilang mga dokumento. At alam na rin niyang darating ka para sa isang interview"
Tumango ako.
"Kung magtatanong siya tungkol sa background mo, huwag mo na lang munang banggitin ang tungkol sa kaso mo" Paalaala niya.
"Magsisinungaling ako?"
"Hindi naman masama kung magsinungaling nang minsan. Ang mahalaga hindi mag-iba ang tingin niya sa'yo at magkaroon ka ng trabaho. Gusto kitang palaging nakikita at nakakasama"
Sabay hawak sa isa kong palad. Mahigpit iyon at ang kanyang mapupungay na mga mata ay nakatitig sa aking mga mata na tila ba may nais iparating. At hindi naman ako manhid para hindi iyon maramdam subalit ewan, mukhang hindi pa yata ako nakahandang magmahal muli hangga't si Lukas pa rin ang isinisigaw ng aking puso.
Ekasaktong alas-diyes ay kumatok na ako sa opisina ng may-ari ng rancho na nasa pinakadulong silid sa unang palapag ng bahay. Si Mat naman ay bumalik sa koral dahil may lima pang tupa ang nanganak na dapat niyang asikasuhin.
"Yes, come in!" Ang narinig kong boses sa loob.
Itinulak ko ang dahon ng pinto na yari sa narra. Ang sanga-sangang sungay ng usa ang una kong napansin sa pagpasok ko sa loob na nakasabit sa dingding.
"M-magandang umaga po, Sir!" Bati ko sa may-ari.
Infairness, ang gwapo rin niya at ang kinis pa ng balat. Talaga ngang walang pangit ni isa man sa rancho.
"Sige maupo ka..." Iminwestra niya ang upuan na nasa tapat ng office table niya. Ngumiti siya akin. Ngumiti din ako.
Ipinakilala niya ang sarili bilang si Ricky, isa sa may-ari ng rancho na aking papasukan. Nagpakilala rin ako. Wala naman siyang maraming tanong sa akin maliban na lamang sa mga working experiences ko. Sinabi kong dati akong accounting staff sa isang kompanya sa Maynila at sa kasamaang palad nalugi iyon kaya naghahanap ulit ako ng panibagong trabaho.
Sinabi ko ring wala akong alam sa livestock raising pero handa naman akong matuto at pursigido akong makapagtrabaho sa rancho. Lahat naman ng bagay ay natutunan at lumaki ako sa hirap, sa pagsasaka kaya alam kong hindi ako mahihirapan na mag-adjust sa panibago kong trabaho.
Nakita ko ang kanyang pagtango. At walang kagatol-gatol niyang sinabing tanggap ako.
"Maraming salamat po, Sir!" Ang masayang wika ko.
"You're welcome Mar. Sana mag-eenjoy ka rito sa amin"
Inilihad niya ang kanyang kamay at nagagalak ko rin naman iyong tinanggap. Mukhang mabait naman si Sir Ricky at wala akong magiging problema sa kanya. Ang inaalala ko na lang ay iyong partner niya na ayon kay Mat, may pagkasuplado raw iyon at may pagka-arogante.
Unang araw sa pagsabak ko sa rancho ay itinuro sa akin ni Mat ang aking mga gagawin. Ipinakita niya sa akin ang chart na kung saan nakalagay ang mga working assignment ng bawat trabahador ng rancho.
Rotation ang bawat assigments. May araw na ako iyong magpapastol ng mga alagang hayop, maglilinis ng kwadra at magpaligo ng mga kabayo, mangunguha ng mga d**o sa parang para ipakain sa kabayo, magatas ng baka at maglinis ng bahay ng may-ari gawa ng wala naman silang kinuhang kasambahay. Samakatuwid, multi-tasking kaming lahat.
At ang una kong assignment ay ang maglinis ng mga kwadra at koral ng mga baka at tupa. Pinaliguan ko rin ang limang kabayong nandoon maliban na lamang kay Matmat dahil si Mat na ang nagpapaligo sa kanya.
Sa laki at lawak ng mga kwadra at koral, inabot din ako ng kalahating araw bago matapos iyon at ang natitirang araw ko ay ginugol ko sa pangunguha ng mga dayami sa parang sakay ng kalabaw na may hila-hilang balsa na kung saan nilalagay ang mga nakukuha kong d**o.
Habang nakasakay ako sa kalabaw, bumalik naman sa akin ang isang alaala ng aking kabataan na kung saan tinuruan ako ni Lukas kung paano sumampa sa kalabaw. Hindi ko napigilan ang pagtulo ng aking mga luha habang nanariwa ang sandaling iyon. Ang saya lang kasi namin na tila ba wala ng wakas.
Halos sa limang taon mula nang kami ay magkahiwalay ng landas, ang pag-ibig ko sa kanya ay hindi kailanman nagmaliw. Siya pa rin ang laman ng aking puso't isipan na nagpapangiti sa akin kahit na maituturing na isang panaginip na lamang iyong sa amin.
Ayaw kong mag-assume subalit hindi naman ako ipinganak kahapon lang para hindi matunugan na may inililihim na pagtatangi sa akin si Mat. Ang malalagkit niyang titig at patay-malisyang paghawak sa aking kamay ang siyang magpapatunay nito.
Ngunit kahit hindi pa naman niya iyon inihayag, masasabi kong basted na siya sa akin. Taglay nga niya ang lahat ng katangian na gustuhin mo sa isang lalaki, subalit ang katotohanang sakop pa rin ni Lukas ang buo kong pagkatao ay wala siyang maaasahan sa akin kundi bilang isang tapat na kaibigan.
Lumipas ang isang linggo ay nakapag-adjust na rin ako sa mga gawain. Nahirapan ako noong una pero naroon naman si Mat na palaging umalalay sa akin.
Noong minsang ako iyong nagpastol mga mga hayop, sumama siya sa akin at nagdala na rin siya ng mga pagkain na naging dahilan na mistula kaming nagpipiknik sa gilid ng lawa.
Sa totoo lang, masaya ako kapag kasama si Mat. Siya iyong tipo na mapapangiti ka kahit na simple at may kakornihan nitong mga banat. Kung natuturuan lang ang sana ang puso, ako na mismo ang maunang magtatapat sa kanya ng pagmamahal na alam kong nahihiya niyang ihayag sa akin.
Dahil stay-out ako, hinahatid niya ako ng bahay kapag out ko na at sinusundo naman niya ako minsan sa umaga. May pagkakataon rin na sa kanyang quarter niya ako pinatutulog para maibida sa akin ang paboritong lutuin na beef steak.
Infairness, masarap at masasabi kong may angking galing nga siya sa pagluluto. Minsan din kapag restday naming pareho ay nagpo-foodtrip kami niyan sa bahay o di naman kaya'y namamasyal sa sentro ng Mariveles para kumain ng mga street foods, magvideoke at uminom ng kunti sa isang bar na kung saan pag-aari ng kaibigan kong si Trexor. At sa loob ng isang buwan na magkasama kami sa rancho at maging sa labas ng trabaho, kilala na namin ang isa't isa.
Isang araw habang papasok na ako noon sa rancho ay naratnan kong isa-isang inilabas ni Mat mula sa kulungan ang walang buhay ng mga tupa. "Mat, a-anong nangyari?" Ang natataranta kong tanong.
"Mukhang nalason sila"
"Paanong nalason? Sinong gumawa?"
"Mukhang may naglagay ng lason sa lawa na kung saan sila umiinom. Kinuhanan ko na ng water sample ang lawa at dinala na ni Ricky iyon sa Balanga upang masuri kung may lason nga. Kung wala, maaring may fowl play na naganap!" Pahayag ni Mat nang biglang dumating si Rodnie, isa sa aming kasamahan at hinahanap ako.
"Bakit Rod?"
"Pinapapunta ka ni Bossing sa opisina. May itatanong lang siya hinggil sa mga nangyaring pagkamatay ng mga tupa, ikaw kasi iyong nakatoka kahapon!"
Kinabahan ako. Bigla kasing pumasok sa isip ko na baka ako ang pagbibintangan nila.
"Huwag kang mag-aalala, sasamahan kitang magpaliwanag!"
At dalawa kaming tumungo sa opisina ni Mat ngunit di paman kami tuluyang nakakalayo ng biglang, "Dok, si Matmat biglang tumirik ang mata at nangingisay!" Habol sa amin ni Rodnie at agad kaming bumalik at nagtungong kwadra. Naratnan naming nakahandusay na si Matmat at bumubula ang bibig. Sa tingin ko isa rin siya sa mga hayop na nalason.
"Ako ng bahala rito, pumunta ka na sa opisina!" Si Mat habang sinusuri si Matmat.
Tumango ako at akmang tatalikod na sana nang hinawakan niya ako sa kamay. "Ang masungit na partner ni Ricky ang nasa opisina ngayon. Chill ka lang kung anuman ang ibabato niya sa'yo. Wala kang kasalanan sa mga nangyari kaya wala kang dapat na ikatakot"
"Salamat!" At tumuloy na ako sa opisina.
Pinapakalma ko ang sarili bago ako pumasok sa opisina. Kahit naman kasi wala akong kasalanan ay hindi ko pa rin maiwasang hindi kabahan lalo pa't kilalang suplado at arogante ang among aking kakaharapin. Sa isang buwan ko sa rancho, iyon ang unang beses na makita ko siya ng personal kaya wala akong ideya kung paano ko siya pakisamahan.
Tatlong beses akong kumatok sa pinto, walang sumagot kaya tumuloy na ako. Agad naman akong napatda nang tumambad sa aking harapan ang sinasabing partner ni Sir Ricky. Namilog ang aking mga mata at napaawang ang aking bibig. Ganoon din siya nang makita ako. Nagkatitigan kami ngunit ako iyong naunang bumitiw. Hindi ko nakayanan ang matatalim niyang titig na tila ba tinutuligsa ang buo kong pagkatao.