Chapter 8

6498 Words
"Nakapasa ako, Gina. Nakapasa ako!" Maluha-luha kong pahayag habang ang daliri koy nakaturo sa papel na pinagsulatan sa mga pumasa. Sa labis na tuwa ko'y napayakap ako sa aking kaibigan. Hindi pa rin ako makapaniwala na sa dami ng gustong maging schoolar, pangatlo ako sa mga pumasa. Isa iyong napakalaking achievement para sa akin na alam kong ikatutuwa nina Inay at ni Lukas. Ito na ang unang pagbubukas ng pinto sa pagkamit ko ng aking mga pangarap. Parang nakikinita ko na ang magandang kinabukasan na naghihintay sa amin ng pamilya ko at ng lalaking pinakamamahal ko. "Congatrats, Mar. Sabi ko na nga ba makakapasa e. Ikaw yata ang deserving na maging valedictorian sa batch natin kung hindi lang sa ingot na patakaran ng eskwelahang iyon!" "Maraming salamat sa'yo, Gina. Kung hindi dahil sa'yo sa malamang wala ako dito ngayon. Hindi sana ako makapag-aral ng libre. "Salamat ka diyan. Kaibigan kaya kita kaya natural lang na tutulungan kita 'no. Kung nagkataong sing yaman lang kami ng yumaong si Mrs. Santos, ako at si Mama na sana ang magpapaaral sa'yo. At isa pa, nakapasa ka, iyan ay dahil sa taglay mong talino at sa determinasyon mong mag-aral upang matulungan ang iyong pamilya. In short, naging daan lang ako sa schoolaship na 'yan. Ang sarili mong kakayanan ang nagdala sa'yo ngayon sa tagumpay!" "Maski na, salamat pa rin" Pinahid ko ang luhang nanulay sa aking pisngi gamit ang panyo. "O siya, tama na ang drama, tara na kumain na tayo nagugutom na ako!" At hinila niya ang isa kong kamay palabas ng campus. Pumasok kami sa isang fastfood at siya ang nagbayad sa lahat ng kinain namin. Matapos naming kumain ay bumalik kami sa unibersidad at tumungong Admission Office upang makuha ang listahan ng mga requirements para sa enrollment at ang sabi ng officer na nakatalaga roon, babalik na lang daw ako sa isang linggo dala ang mga papeles na hinihingi nila para pormal na akong ma-enroll sa ilalim ng schoolarship program ng unibersidad sa kursong Accountancy. Dapit-hapon na nang makauwi ako. Ilang metro pa lamang ang layo ko sa bahay ay nagsisigaw na kaagad ako ng, "Nay, nakapasa po ako sa pagsusulit, schoolar na po ako, Nay!" At nakita kong nagsilabasan sa pinto sina Inay kasama ng mga kapatid kong sina Leny at Rolly. Sinalubong nila ako sa may bakuran. "Nakapasa ka kamo sa pagsusulit, anak?" Ang hindi makapaniwalang tanong sa akin ni Inay. "Opo. At dahil doon makapag-aral na ako ng libre at may allowance pa" Nagagalak ko namang tugon. "Salamat naman sa Diyos at nakapasa ka, anak. Abot-kamay mo na ang tagumpay!" "Nating lahat po, Nay. Kayo po ang dahilan ng aking pagpupursige!" Niyakap ko si Inay. Gumalaw ang kanyang balikat. Hindi niya napigil ang pag-iyak. Alam kong proud na proud siya sa magandang ibinunga ng aking pagpupursige. Sana lang magtuloy-tuloy na ang lahat ng ito. Dinadalangin ko sa Diyos na bigyan Niya sana kami ng maayos na kalusugan lalo na sa kapatid kong si Leny na masakitin nangsaganun wala ng gaanong problema. Kaya ko namang lusutan ang kahit na anumang dagok sa buhay, subok ko na iyon huwag lang malagay sa alanganin ang kalusugan ng mga mahal ko sa buhay dahil sa tulad naming mahihirap, malusog na pangangatawan ang siyang aming puhunan. "Nay, si Lukas dumating na ba?" Ang tanong ko nang pumasok na kami ng bahay. "Nandito lang 'yon anak e, naghahanda ng hapunan. Akala ko nga sumunod sa amin nang maglabasan kami nang sumisigaw ka sa labas. Uy, Rolly nakita mo ba ang Kuya Lukas mo?" Binalingan nito sa Rolly na kasalukuyang sinasandukan ng kanin ang bandehado. "Nakita ko ho siya kaninang pumunta sa likuran, Nay" "Pakitawag mo nga anak at tayo'y kakain na" Utos ni Inay kay Rolly. "Ako na lang po, Nay" At kaagad kong tinumbok ang pinto sa likuran. Nang makalabas ako, si Lukas kaagad ang tumambad sa aking paningin. Kasalukuyan siyang nakaupo sa duyan na yari sa malaking gulong ng truck na nakabitin sa ilalim ng puno ng manga. Nasa malayo ang kanyang tingin. Wala siyang damit pang-itaas. Gula-gulanit ang suot niyang maong na short. Napaka-hunk talaga niyang tingnan sa postura niyang iyon. Napangiti ako. Di ko naiwasang mag-init. Lumapit ako. Umusog siya ng kunti para magkasya kami sa gulong. "Congrats!" Ang malabnaw niyang pagbati sa akin. Ramdam ko ang pait sa kanyang kaibuturan nang magsalita. Kaya naman, "H-hindi ka ba masaya para sa'kin, Koy?" May pait din sa pagkakabigkas kong iyon. "Siyempre masaya. Pero aaminin kong hindi ko maiwasang makaramdam ng lungkot dahil magkakalayo na tayo. Nasanay na kasi akong mukha mo ang aking haplos-haplos bago ako igupo ng antok sa gabi at ang matamis mong ngiti naman ang siyang sasalubong sa akin kapag magising ako kinaumagahan" "Nalulungkot din naman ako, Koy e. Mahirap rin para sa akin na mawalay sa'yo. Gaya mo, nasanay na rin akong nakikita ka sa araw-araw, nayayakap at nahahalikan. Subalit kinakailangan kong lumayo, tiisin ang lumbay at pangungulila para sa ating magandang kinabukasan. Kailangan na muna nating magtiis ngayon at kapag may narating na ako, wala ng makakapaghiwalay sa atin. Magsasama na tayo hanggang sa tayo ay tumanda. Tsaka, di naman ganoon kalayo ang Maynila. Uuwi din naman ako rito kapag walang pasok o kaya'y bibisatahin mo ako roon kapag restday mo" "Naiintindihan ko naman ang mga hangarin mo, Koy. Kaya kong tiisin ang lungkot at pangungulila ngunit natatakot lang kasi ako na baka—!" "—Ano?" "—Na sa tagal ng pamamalagi mo roon, makahanap ka ng mas higit pa sa akin. Iyong mas maitsura at may pinag-aralan na gaya mo" "Papalibutan man ako ng sandamakmak na mga gwapo, mayayaman at may mataas na pinag-aralan, hinding-hindi ko kailanman magagawang ipagpalit ka sa iba. Sapat ka na sa akin. Pag-aari mo na ang kabuuan ng aking puso at pagkatao. Walang yaman sa mundo na maaring pumalit sa'yo. Mahal na mahal kita, tapat ako sa'yo. Magtiwala ka sana" "Salamat. Mahal na mahal din kita, Koy. Pinapangako kong ikaw lang aking mamahalin hanggang sa tayo'y maglaho na sa mundong ito. Kaisa mo ako sa lahat ng mga plano mo" Pahayag niya. Nababakas na ang kasiyahan sa kanyang mukha. Halatang pumapayapag na siya sa aking pag-aaral sa Maynila. Kaya naman nakuha ko ng magbiro ng, "Sa gwapo mong iyan..." Pinisil ko ang kanyang ilong. "...at sa laki ng mga ito" Sabay dakma sa kanyang matitipunong dibdib at alaga sa pagitan ng kanyang hita. "...ano pang hahanapin ko e, nasa'yo na ang lahat ng hinahanap ko" Tumawa siya. "Loko ka, pagnagalit yan, lagot ka!" Hinawakan niya ang aking kamay at idiniin iyon sa bumubukol na niyang short. Ramdam ko ang pagpitlag noon. Nang akmang susunggaban niya ang aking mga labi ng biglang, "Mario, Lukas. Magtsi-tsismisan na lang ba kayo diyan buong magdamag? Baka pwedeng kumain na muna tayo, lumamig na 'yong ulam!" Sigaw ni Inay sa may pinto. Pilit niya kaming inaaninag sa dilim. Sabay naman kaming napatayo ni Lukas. Ramdam kong pareho kami ng nararamdaman sa panahong iyon na parang kumawala ang mga kaluluwa sa aming mga katawan sa sobrang takot na baka nakita kami ni Inay. Ngunit madilim naman ang aming kinaroroonan kaya nakampante agad ako na walang nakita si Inay. Kapwa kami nakahinga ng maluwang. Lumipas ang isang linggo ay bumalik akong Maynila upang isumite iyong mga papeles na hinihingi sa akin ng pamunuan ng unibersidad na aking papasukan. At gaya ng aking plano, nakiusap ako sa kanila na kung maari pang-umaga ang aking klase dahil balak kong magtrabaho sa hapon para may maipambabayad ako sa aking inuupahang silid at pantustos sa iba ko pang pangangailangang personal na hindi na covered ng schoolarship. Naiintindihan naman nila ang aking panig at pumayag sila sa aking hinihiling basta sisiguraduhin ko raw na hindi malagay sa alanganin ang aking mga grades. Dahil kung hindi, mapipilitan silang tanggalin ako sa kanilang programa. Bago ako umalis, taos-puso akong nagpasalamat sa pamunuan ng unibersidad. Tatlong araw ang paalam ko kina Inay at Lukas na mamalagi ng Maynila bago ako uuwi ng Mariveles. Sapat na iyon para makahanap ako ng mauupahang kwarto at part-time job. Sinasamahan naman ako ni Gina sa lahat ng aking lakad kaya hindi ako nahirapan sa mga pasikot-sikot sa malaking siyudad. Nakahanap kaagad ako ng uupahang kwarto. Malapit lang iyon sa unibersidad na aking papasukan kaya makakatipid ako sa pamasahe. May kaliitan ang kwartong aking tutuluyan. Subalit ayos lang sa akin iyon dahil solo ko naman. May privacy kami ni Lukas sakali mang bibisitahin niya ako. Inabot ko kaagad ang paunang bayad at deposito kay Kuya Bradley, ang baklang mukhang maton na may-ari ng bording house para wala ng kumuha nitong iba. At laking tuwa ko naman dahil binigyan niya ako ng discount. Naguguwapuhan daw kasi siya sa akin. Natunugan naman iyon ni Gina kaya hindi niya napigilang bumulong sa akin ng, "Kung alam lang niya" Nakuha ko kaagad ang nais niyang ipahiwatig kaya napatawa ako at palihim ko siyang siniko at baka mabuking pa ako. "Marami pong salamat, Kuya Brad. Sa susunod na araw na po ako maghahakot ng mga gamit ko!" Wika ko sa may-ari. "No problem basta ikaw, baby Mhar. Kung makalipat ka na at may pangangailangan ka, huwag kang mahiyang kumatok sa akin diyan sa baba ha!" Sabay kindat sa akin. "Sige po, mauna na kami" "Bye, baby" Habang binabaybay namin ang makipot na eskenita patungong highway, "Mukhang patay na patay sa'yo ang baklang maton na 'yon ah...!" Nagsalita si Gina. "...Ewan ko na lang pag nakita niya si Lukas at malamang boyfriend mo, tiyak maloloka siya ng bonggang-bongga!" Sabay kami na humagalpak ng tawa. Paano nga kaya kapag malaman ni Kuya Bradley na ang lalaking pinagpantasyahan niya ay sa lalaki rin nagkakagusto? Ewan ko na lang. Sinuyod namin ang buong ka-Maynilaan para makahanap ng trabahong mapapasukan subalit wala ni isa man ang tumanggap sa akin. Katwiran ng mga establisiyentong sinubukan kong aplayan, full-time ang hinahanap nila lalo na sa fastfood chain at ilang fine dining restaurant na aking napagtanungan. Mukhang hindi sapat ang tatlong araw para makahanap ako ng mapapasukang partime. Naisip kong mag-call center agent na lang, kaya daglian kaming nagtungo sa isang call center sa Pasay subalit gaya sa mga nauna kong inaaplayan, fulltime din ang hinahanap nila kaya laglag ang balikat ko kasama si Gina na pumasok sa isang malaking mall para magpalamig. "Uuwi na lang siguro ako, Gina. Saka na lang ako maghahanap ulit pagbalik ko rito dala ang aking mga gamit. May isang buwang mahigit pa naman ako para makahanap ng mapapasukan" Ang pahayag ko kay Gina habang palakad-lakad kami sa loob ng Mall. "Pwede rin. Pero Mar, hindi na kita masasamahan ha. Pupunta kasi kami ni Mama sa Cebu sa susunod na linggo para bisitahin ang lola ko. Pasensiya na talaga" "Ayos lang, Gina. Sa tingin ko, kaya ko nang mag-isa rito. Tinatandaan ko naman lahat kung anong rota ng jeep ang dapat kong sakyan" Ang aking pahayag. "Sigurado ka ha? Mamaya maligaw ka at kung saan-saan ka mapunta" Panigurado niya. "Huwag kang mag-alala, magtatanong-tanong na lang ako kung sakaling maligaw ako" Tumango si Gina. Nagpatuloy kami sa paglalakad-lakad hanggang sa nasipat ko ang isang kapirasong papel na may nakasulat na URGENT HIRING na nakadikit sa glass door ng isang fastfood chain. Lumapit kaagad ako upang malaman ang kanilang mga qualifications. At laking tuwa ko naman dahil nag-o-offer sila ng part-time na siyang aking hinahanap. Pati si Gina ay nabuhayan ng loob para sa akin. "Chief, may bakante pa ba?" Kaagad kong tanong sa gwardiyang nakatayo sa gilid. "Opo, Sir. Kayong dalawa ang mag-apply?" Magalang na tanong ng gwardiya. "Ako lang po" "May dala ba kayong resume?" "Heto po" Agad kong inabot sa kanya ang folder na nakaipit sa aking kili-kili. Tinanggap niya iyon at ang sabi niya sa akin, siya na lang daw ang bahalang magsumite nito sa manager ng fastfood at hinatayin ko na lang ang text o kaya'y tawag para sa schedule ng interview. Nagpasalamat ako bago kami umalis. Dinadalangin ko na sanay matanggap ako sa aking inaplayan bilang service crew dahil iyon na lamang ang sa tingin ko na pwede kong pasukan na pasok sa aking schedule. Umuwi na muna ako sa amin para doon hintayin ang text mula sa management na aking inaplayan. Nakahiga na kami ni Lukas noon nang tumunog ang aking celphone sa aking gilid. Text message iyon galing sa fastfood na aking inaplayan at ang sabi, bukas na ang aking interview bandang alas-kwatro ng hapon. Mukhang mapapaaga ang pagbalik ko ng Maynila kaya naman bumangon ako upang ihanda ang mga gamit na aking dadalhin. Madali lang naman iyong natapos dahil hindi naman karamihan ang aking mga gamit at tinulungan naman ako ni Lukas na magligpit na kung saan labis ang kanyang pananahimik habang paisa-isang isinilid ang mga damit ko sa loob ng malaking traveling bag. Batid kong naroon pa rin sa loob niya ang bigat ng aming pagkakalayo subalit inintindi ko na lang. Dahil katulad niya, ganoon din ang aking naramdaman. Kaya naman niyakap ko siya matapos niyang maisara iyong siper. "Mag-iingat ka roon. Hanggang sa terminal lang kita pwedeng ihatid bukas dahil akala ko sa susunod na linggo ka pa tutungong Maynila, hindi kasi pwedeng mag-file ng immidiate leave" Ang sabi niya sa akin. "Mag-iingat ka rin dito. Ikaw na muna ang bahalang titingin sa pamilya ko, Koy. Mami-miss kita ng sobra!" Tugon ko naman kasabay ng pagbagsak ng aking mga luha. Ako iyong naging marupok sa panahong iyon. Bagamat naihanda ko na ang aking sarili sa aming pagkakalayo pero napagtanto kong hindi ko pa pala kaya. Ngunit gaya ng palagi kong sinasabi, kailangan kong tiisin ang lungkot at pangungulila para maabot ang aking mga pangarap. Gagawin kong sandata ang pangungulilang aking nararamdaman para magtagumpay. Balang araw magsasama rin kami ni Lukas at ng aking pamilya na may maginhawang pamumuhay. Hindi ko na hinangad na yumaman. Sapat na sa aking makitang nagtapos na rin ang aking mga kapatid at hindi na maghihirap si Inay sa paghahanap ng makakain namin sa araw-araw. At higit sa lahat wala ng magpapalayas sa amin na parang asong gala gaya ng ginawa sa amin ni Tiyang Minda noon. Alas-singko ng umaga ay nagising na ako para maaga akong makarating ng Maynila. Niyakap ko si Inay at ang aking dalawang kapatid na noo'y hindi naitago ang mga luha sa napipinto kong pag-alis. "Mag-iingat ka, anak. Mag-text ka kaagad kung makarating ka na doon. Pagbutihin mo ang iyong pag-aaral at pagtatrabaho" Ang maluha-luhang pahayag ni Inay nang yumakap sa akin. "O-opo, Nay. Susundin ko po ang lahat ng bilin n'yo!" Ang tugon ko. Naluluha na rin ako sa panahong iyon. Pinahid ko ang mga luha ni Inay gamit ang aking palad at hinalikan ko sa pisngi ang aking mga kapatid saka ko binaybay ang daan patungong terminal kasama si Lukas. Labis na kalungkutan ang aking nadarama sa panahong iyon dahil iyon ang unang beses na mawawalay ako sa piling ng aking pamilya. Ngunit ang kanilang magandang bukas ang lagi kong ikinikintal sa aking utak upang malabanan ko ang sakit at lungkot ng aking paglayo. Hinatid ako ni Lukas hanggang sa loob ng bus na noo'y nakaparada at nag-hihintay ng mga pasaherong sasakay. Mangilan-ngilan pa lamang ang pasahero sa loob kaya tumambay na muna sandali si Lukas sa loob ng bus. Inihilig niya ang kanyang ulo sa aking balikat, palihim niyang hinawakan ang aking kamay at hinahaplos-haplos niya iyon. Wala mang salitang namutawi sa kanyang bibig subalit alam ko, at sigurado akong matindi ang emosyong kanyang nararamdaman sa oras na 'yon. Nababanaag iyon sa kanyang mukha. Mga mata niya'y namumula na para bang maiiyak niya. Sinuklay ko ang kanyang buhok gamit ang mga daliri ko. Paulit-ulit kong ibinulong sa kanya kung gaano ko siya kamahal at para rin naman sa aming magandang bukas ang dahilan ng aming pagkakalayo. Ilang sandali pa'y ini-on ng driver ang stereo sa bus. Pumailanlang ang isang tugtugin na siyang dahilan ng pigil na paghikbi ni Lukas. Yakapin mo ako ng mahigpit bago ka umalis, hmm... Hawakan mo ang aking kamay At muli mong hagkan, bago ka lumisan Maari bang sabihing muli Na ako lang ang 'yong mahal At wala nang ibang hahadlang, hmm... Sa ating pagmamahalan Maghihintay ako sa 'yong pagbabalik Nandito lang ako Ano man ang mangyari Baunin mo sa'yong pag-alis Mga ligaya ng nakaraan Maghihintay ako Bakit pa ba kinakailangan na ikaw ay lumisan Upang abutin Pangarap natin Ako'y umaasa at nagdarasal na tayo'y muling magsasama... Hindi ko na rin naitago pa ang aking mga luha sa sandaling iyon. Sobra akong na-touched sa kanta dahil akmang-akma iyon sa amin ni Lukas. At nagtagpuan ko na lamang ang aking sarili na yakap-yakap ang lalaking pinakamamahal ko. Ang lalaking pinangakuan kong paghahandugan ng aking puso at buong pagkatao. Ang lalaking pansamantala kong iiwan upang makamit ang mga pangarap ko sa buhay. Habang yakap ko siya, sinasabayan naman niya iyong kanta. Bawat bitiw niya sa lyrics ay alam kong iyon na ang mensahe niya para sa akin. Napahagulgol ako. Wala na akong pakialam kung marinig man ako ng ibang mga pasahero. Parang naulit lang iyong dati naming eksena sa terminal noon sa aming baryo. Ang kaibahan lang ay ako iyong aalis at siya naman iyong maiiwan ngunit walang pinagkaiba sa lungkot at sakit na nararamdaman. Nakaraan ang tatlumpong minuto ay dumadagsa na ang mga pasahero. "Bababa na ako, Koy" Mabigat ang mga hakbang niyang bumaba ng bus. Pumaikot siya sa tapat ng bintana kung saan ako naroon. Luhaan pa rin ang mga mata niya habang nakatitig sa akin. Mistulang dinidetalye ng kanyang utak ang aking kabuuan at ganoon din naman ang aking ginawa. Ang mapupungay niyang mga mata. Ang matangos niyang ilong at ang maninipis niyang mga labi na hindi ako magsasawang halikan. Napakaswerte ko na may isang kagaya niyang dumating sa buhay ko. Wala man siyang yaman na pwedeng maipagmalaki ngunit ang wagas naman niyang pagmamahal ang aking tanging yaman na hindi ko maaring ipagpalit. Nang limang minuto na lang at lalarga na ang bus ay lumapit siya sa bintana. Inabot niya sa akin ang nakatuping papel. "Ano 'to?" Ang tanong ko. "Pang-allowance mo. Kunting halaga lang 'yan pero hayaan mo magpapadala ako kapag nagkasahod ako!" Tugon naman niya. "Diba, wala ka ng pera?" Nag-atubili akong tanggapin iyon dahil naalala kong kapapadala lang niya ng pera sa kanila at baka siya na naman iyong maubusan ng pang-allowance kung ibibigay pa niya iyon sa akin. Nakita ko ang pagbuntong-hininga niya. "Ibinenta ko ang celphone ko. Huwag kang mag-alala, may itinabi naman ako ng kunti para sa akin. Ikaw lang kasi ang inaalala ko, napakagastos sa Maynila!" At sa sinabi niyang iyon, di ko napigil ang aking sarili na bumaba ng bus kahit pa minuto na lang ay aalis na kami. Nilapitan ko si Lukas upang muling mayakap at magpasalamat. Napaiyak na naman ako. Sobrang naantig ako sa kanyang ginawa. Napakahalaga kasi ng celphone para ma-monitor niya ang kalagayan ng kanyang ama ngunit kanya iyong ibinenta para sa akin. Mas inuna pa niya ang kapakanan ko kaysa sarili niyang pamilya. Saan ka makakatagpo ng lalaking kagaya niya na halos kalimutan na lamang ang sarili alang-alang sa minamahal? "Bata, aalis na. Magpapaiwan ka ba?" Ang narinig kong sigaw ng konduktor. Kumalas agad ako kay Lukas. Umakyat na muli ako sa bus. Kumaway pa ako bago tuluyang nakalayo ang bus na aking sinasakyan. Ang larawan namin ni Lukas ang hawak-hawak ko habang tinatahak ng bus ang daan patungong Maynila. Alas diyes ng umaga nang makarating ako ng bording house. Parang tinatamad akong kumilos dala marahil sa tinamaan na agad ako ng lumbay ngunit pili kong pinapasigla ang aking sarili. Walang mangyayari sa akin kung magpapadaig ako sa kalungkutan. Kaya naman kaagad kong inayos ang aking mga gamit sa lalagyan at bumaba ako upang maghanap ng tambo para mawalisan ang sahig na tiyempo namang kararating lang ni Kuya Bradley kasama ng dalawang tropa nitong mga bading din. "Nandito ka na pala, Baby Mhar. Saan na ang mga gamit mo at tutulungan kitang mag-ayos" Bungad niya sa akin. "Naipasok ko na po sa loob. Kunti lang naman ang mga gamit ko kaya huwag na po kayong mag-abala. Manghihiram na lang sana ako ng walis kung meron man" Ang tugon ko naman. Binalingan kaagad nito ang dalawang kasama sabay sigaw ng, "Gurls, walis daw. Magwawalis ang baby ko, ikuha n'yo ng walis daliiiii!" "Saan nakalagay, bes?" Tanong naman ng isang bading na kasisibol pa lamang. Hindi man lang alam kung paano maglagay ng blush-on sa mukha. "Ay, sa ref bes, siyempre, sa likod ng pinto, pambihirang baklang 'to, pati walis hindi alam kung saan nakalagay, my gosh. Huwag mo akong stressin, Emelia!" Kunwaring sigaw ni Kuya Bradley pero alam kong biro lang niya iyon. Nagmamadali namang sumunod iyong bading at nang makabalik bitbit na niya ang walis tambo. Inabot niya sa akin sabay beautiful eyes, halatang nagpapacute. "Salamat" Wika ko. "Walang anuman basta ikaw" Hirit naman niya at isang mahinang sapak ang natamo mula kay Kuya Bradley. "Hihirit ka pa. Tsura mong iyan tikbalang ka, papatulan ka niya?" "E mas lalo namang hindi sa'yo, bes. Matatakot sayo ang boylet, tingnan mo nga 'yang katawan mo, mas lalaki ka pa sa kanya!" Iniwan ko silang iiling at natatawa. Kahit papano nakakawala ng lumbay ang mga narinig kung patutsadahan nila. At hayun nga, nilinis ko ang aking silid at pagkatapos noon bumaba ako upang maghanap ng makakainang karenderya. May nakita naman ako sa malapit kaya hindi na ako lumayo pa. Matapos kong kumain ay sinipat ko ang orasan sa aking celphone, may sapat pa akong oras bago ang interview kaya naman nakuha ko munang umidlip. "Alis na muna ako, Kuya Bradley. Interview ko na kasi" Imporma ko nang makababa na ako ng bordinghouse. Nasa maliit na hawan sila sa baba, nagtotong-its kasama ng mga tropa niyang bading. "Gudluck, baby!" Ang tugon naman niya sa akin. "Iyan ba ang sinasabi mong bagong borders mo?" Usisa ng isang bading. "Yes, dai. Di lang 'yan basta gwapo, brainy pa. Academic schoolar sa Uste lang naman" "Ay, siya nga?" Nasipat kong nagtinginan silang lahat sa akin. Pakiramdam ko naman ay para akong nalulusaw. Hindi kasi ako sanay na tinitingnan ng karamihan kaya naman nagmamadalali na akong umalis. Narinig ko pa ang hirit ni Kuya Bradley na,"May pamasahe ka, baby?" Ngunit hindi ko na siya nilingon. Sakto namang alas-kwatro ng hapon nang dumating ako sa fastfood sa isang malaking mall sa Pasay. May limang minuto lang akong naupo sa nakahilirang upuan sa labas ng maliit ng opisina ng manager nang tinawag ang aking pangalan ng isang headcrew. Kapag lumabas na raw ang kasalukuyang tao sa loob ako na naman ang siyang papasok. At iyon nga ang aking ginawa. Napausal naman ako ng dasal bago ako pumasok sa loob. Sana ay matanggap ako, iyon ang aking pinapanalanganin. Para naman akong na-freeze sa aking kinatatayuan nang makita ko ang manager na siyang mag-iinterview sa akin. Sobrang na-starstruck lang ako sa kanyang kagwapuhan. Bumabakat din sa suot niyang longsleeve ang magandang hubog ng kanyang katawan kaya naman naalala ko na naman si Lukas. Di kasi sila nagkakalayo nito ng built bagama't mas mukhang desinte siyang tingnan at nakakaangat dahil na rin sa katayuan niya sa buhay. "Maupo ka" Ang sabi niya sa malamig nitong boses. Pati boses niya kaysarap pakinggan. Kung nagkataong single ako, maaring na-love at first sight na ako sa kanya. Bago nagsimula ang tanungan, nagpakilala muna siya sa aking si Marco Medalla o mas kilala sa tawag na Sir Makoy. Siya iyong manager sa naturang fastfood. Ramdam ko kaagad ang maganda niyang pag-uugali. Mababakas iyon sa kanyang mga ngiti at approach niya sa akin. Kaya naman nawala ang kaba ko sa dibdib nang nagpatuloy na ang interview. Simple lang naman ang mga tanong niyang nasa wikang Tagalog. Tinanong niya sa akin kung bakit ko ninais na magtrabaho gayong mag-aaral na ako sa darating na pasukan at iskolar pa. Na sinagot ko naman ng, "Free tuition lang kasi at book allowance ang offer nila sa akin Sir. Taga probinsiya po ako, nangungupahan lang ako rito kaya kinailangan kong magtrabaho para matustusan ang aking iba pang pangangailangan at mga bayarin. May pamilya rin po akong naiwan sa amin kaya kahit papaano gusto ko ring makatulong sa kanila lalo pa't ulila na kami sa ama" Nakita ko ang kanyang pagtango. Matapos ng ilang minutong deliberasyon sa kanyang evalution sa akin, walang mapagsidlan ang aking tuwa ng sinabi niyang, "Congratulations, welcome to my team!" Sabay lahad ng kanyang palad. Sinabi niyang babalik ako ng alas-singko kasama ng iba pang nakapasa para sa kunting orientation at reminders. Gaya ng sinabi ni Sir Makoy, naroon na kaming mga nakapasa pagpatak ng alas-singko. Lima kaming lahat. Tatlo ang fulltime at dalawa naman kaming part-time. Ang isa ay si Al, may itsura rin. Siguro matanda lang sa akin ng dalawa o kaya'y tatlong taon. Bukas ang simula ng aming training, sa aming mga part-time, alas-singko ng hapon ang aming time-in. Ni-require kaming magsuot ng hairnet, puting poloshirt at itim na slacks bilang aming training uniform at iyon ang nagpatuliro sa akin kung saan ako kukuha ng pambili ng nasabing mga uniform. Sapat na lang kasi ang pera pangkain ko sa araw-araw at pamasahe sa jeep. Nasa bakasayon pa naman din si Gina na siyang pwede kong mautangan. Nahihiya na din akong humingi kay Lukas dahil naibigay na niya sa akin ang lahat ng isinahod niya na siyang ipinambayad ko sa aking inuupahang kwarto. Iyon ang naglalaro sa aking isip habang kumakain kami ng hapunan, treat sa aming mga na-hired ni Sir Marko. Mukhang napansin naman iyon ng kasamahan kong part-time na si Al kaya tinanong niya sa akin kung ano ang bumagabag sa akin. At sinabi ko din sa kanya ang totoo at laking tuwa ko dahil siya ang sumagot sa dalawang pares ng aking uniform. Maluha-luha pa ako habang paulit-ulit na binanggit ang salitang salamat ng iniabot na niya sa akin ang plastic na naglalaman ng kanyang pinamili para sa akin. "Walang anuman, nagkataon lang na ako iyong meron kaya hindi ko maaatim na hindi ka tutulungan" Ang tugon naman niya sa aking taos-pusong pasasalamat at dahil doon nagkaroon na agad ako ng kaibigan sa katauhan ni Al. Dumaan ang mga araw, linggo at mga buwan. Hindi ko namalayang magtatapos na ako sa unang taon sa kolehiyo. Laking pasalamat ko sa Diyos dahil wala namang naging aberya sa aking mga marka. Hindi nakompromiso ang aking pag-aral kahit pa pinagsabay ko ito sa pagtatrabaho. Oo nga't may kahirapan din nang pinagsabay ko ang dalawa ngunit worth it naman lalo na kapag makita ko ang ngiti ng mga mahal ko sa buhay kapag aabutan ko sila ng pera mula sa naipon ko kapag minsang uuwi ako ng probinsiya. At siyempre, idagdag pa iyong pagiging supportive sa akin ni Lukas na walang ibang ginawa kundi ang mahalin ako ay talaga namang nakakapawi ng pagod sa buong araw kong routine, mula paaralan hanggang sa trabaho. Gabi-gabi niya akong tinatawagan kaya pakiramdam ko ay kay lapit niya lang. Naibsan kahit papaano ang pangungulila namin sa isa't isa. At anong saya ko nang minsang binisita niya ako. Gaya ng aking inaasahan, pinagkakaguluhan siya nina Kuya Bradley, sampu ng mga tropa nitong bading nang dumating siya ng bording house dala ang paborito kong suman na gawa niya. Halos himatayin silang lahat nang makita ang pogi at maskulado kong boyfriend, iyon nga lang pinsan ang pakilala namin sa isa't isa kung kaya malaya siyang nalalandi ng mga ito at ako nama'y mistulang kandidata sa isang pageant na naligwak ang ganda dahil sa dumating na ang bagong reyna. Dalawang beses sa isang buwan kung bumisita sa akin si Lukas at kapag ganoon ay mistulang may pista sa bording house ni Kuya Bradley dahil sa mga pakain at paalak niya ngunit sa bandang huli bokya, ni hindi man lang nito magawang hawakan maski na ang dulo ng buhok ni Lukas. Bihasa na kasi siya sa mga ganoong "the moves" kaya alam na alam niya kung paanong umiwas na hindi nagmumukhang snob. "Hindi ka ba natsansingan ng mga 'yon?" Ang tanong niya nang matapos kami sa aming lampungan. Nakahiga na ako noon sa isa niyang bisig. "H-hindi naman. Hindi ko rin sila type 'no?" Ang tugon ko. "Paano kung may isa sa kanila ang may itsura, papatol ka?" "Aba, hindi rin, e sa may mahal na akong tao at pag-aari na niya ang buong puso ko at pagkatao!" Napangiti siya. Iyong ngiting parang proud na proud sa sarili dahil pakiramdam niya sa kanya lang umiikot ang mundo ko na totoo rin naman. Hinalikan niya ako sa pisngi at dahil sa wala naman akong pasok kinabukasan, niyaya niya akong lumabas. Dinala niya ako sa isang ordinaryong resto, iyong may videoke machine na hinuhulugan ng tiglimang piso. At kakantahan niya ako ng kanyang paboritong kanta ni Marc Velasco na, Ordinary Song. Di man ganoon kaganda ang kanyang boses ngunit damang-dama ko naman ang kilig na dulot ng kanta sa akin. Paulit-ulit kong sinasabi na ang pagiging simple at kababaan ng loob ni Lukas ang lubos kong hinahangaan sa kanya. Iyon ang mga dahilan na mas lalo ko pa siyang minamahal habang patuloy sa paglikwad ang panahon. Hindi kailanman ako magsasawa sa kanya. Siya lang ang lalaking para sa akin. Dumaan pa ang ilang mga buwan at taon at ako'y malapit ng magtapos sa ikatlong-taon sa kolehiyo. Kunting tiis na lang at ako ay gagraduate na. Wala namang naging problema sa relasyon namin ni Lukas bagamat malayo kami sa isa't isa bagkus, mas lalo pa kaming tumitibay. Ngunit sadyang hindi perpekto ang takbo ng buhay. Di maiiwasang may unos na darating at kailangan mong maging matatag para harapin iyon dahil hindi naman iyon pwedeng iwasan. Balita ko, napapadalas na ang pagkakasugod ng aking kapatid na si Leny sa ospital dahil sa maya't mayang pagsumpong ng kanyang UTI. Bagama't naroon si Lukas na umaayuda sa mga gastusin ngunit hindi rin naman pupuwedeng pabayaan ko na lamang sila. Kaya hayun, halos kalahati ng sahod ko at allowance na binibigay ng university ay naipapadala ko sa kanila sa Mariveles. Pati ang pambayad ko sa inuupuhang silid ay nagamit ko na nang tumawag sa akin si Inay at sinabing inaatake na naman daw si Leny. "Pakisabihan mo nga iyang si Leny, Nay na mag-iingat sa mga pagkaing pinapasak sa kanyang bibig. Hindi ho biro ang magkasakit at mas lalong hindi ho biro ang maghanap ng pera dahil estduyante pa lang ho ako!" Tumaas ang aking boses dala marahil sa sobrang pagod dahil kalalabas ko lang noon sa trabaho at hindi pa ako maaring matulog dahil kinailangan ko pang magreview para sa exams kinabukasan. "Iyon nga ang palagi kong sinasabi sa kanya, anak e. Sumusunod naman siya. Kaya laking pagtataka namin dito kung bakit palagian na ang pagsakit ng kanyang tiyan. Hindi na tumatalab iyong mga gamot na inireresita ng doktor sa kanya. Nahihiya na rin kasi kami kay Lukas, anak dahil halos siya na ang umaako sa mga gastusin dito sa bahay. Ikaw na lang 'yong pag-asa namin kahit na alam kong nahihirapan ka na ring igapang kami!" Bahagyang nag-cracked ang boses ni Inay. Batid kong nasaktan siya sa bahagyang pagtaas ng aking boses. Kaya naman agad akong humingi sa kanya ng patawad at sinabi kong stress lang ako sa trabaho. "Magpapadala po ako bukas, Nay. Hayaan n'yo hangga't kaya ko pa, hindi ako magsasawang tumulong sa inyo. Ako po ang panganay, kaya tungkulin ko ang igapang kayo sa abot ng aking makakaya" "Maraming salamat, anak. Bukas na bukas din ay ipapa-check-up namin ang kapatid mo sa isang espesyalista at nang matukoy kung ano talaga ang sakit niya. May ilang linggo na rin kasi siyang hirap na magpalabas ng dumi kaya nahintakutan na ako" "Sige ho, Nay. Siguruhin n'yong madala siya sa espesyalista at balitaan nyo kaagad ako" Kinakabahan ako nang binaba ko na ang tawag. Sana lang hindi ganoon kaseryoso ang lagay ng kapatid ko. May mga naririnig na kasi ako ng mga ganoong kaso, at isa lang ang ibig sabihin ng mga sintomas na iyon, iyon ay Kanser sa kolon. "Huwag naman sana, Diyos ko!" Bulong ko. Katatapos lang ng klase ko noon sa umaga ng mag-ring ang aking celphone. Numero ni Lukas ang nakarehistro subalit ang umiiyak na boses ni Inay ang sumalubong sa akin. "Bakit po, Nay? May nangyari ba?" Kinakabahan kong tanong. "Anak, ang kapatid mo. May colon cancer at nasa stage 3 na, huhuhu!" Nagimbal ako sa balitang narinig. Nawalan bigla ng lakas ang aking mga tuhod kung kaya napasandal ako sandali sa pader ng isang classroom na aking nadaanan. Napatingala ako at ang mga katagang unang lumabas sa aking bibig ay, "Bakit si Leny pa, Diyos ko!" At dahan-dahang umagos ang aking mga luha. Agad akong umuwi sa amin upang matingnan ang aking kapatid. Pansin ko kaagad ang bahagya niyang pagpayat at paglalim ng kanyang mga mata. Umiyak siya nang makita ako. Niyakap ko siya nang buong higpit at sinabing lumaban kahit na anuman ang mangyari. Ayon sa kwento ni Inay ay kinailangang maoperahan si Leny para makuha ang mga duming hindi niya mailabas upang hindi siya malason. Sanhi iyon ng bukol na tumubo malapit sa kanyang rectum kung kaya nahirapan siyang magpalabas ng dumi. Bubutasan ang gilid ng kanyang tiyan at kabitan ng colostomy bag para pansamantalang magiging imbakan ng kanyang dumi. "H-hindi ba pwedeng tanggalin na lang iyong bukol niya sa bituka, Nay at nang hindi na niya kailangan magtiis sa ganyan?" Umiiyak kong pahayag. Nakaakbay noon sa akin si Lukas. "Kailangan na munang makemo ang kapatid mo anak bago tanggalin iyong bukol dahil kung hindi, maaring kumalat ang cancer cells niya sa katawan na magiging sanhi ng panibago na namang problema!" Napabuntong-hininga ako. Bakas sa aking mukha ang kawalang pag-asa. Tiyak malaking halaga ang kakailangan sa chemotheraphy at saan kami pwedeng kumuha noon? Walang-wala kami. Kinagabihan ay muling dinala sa ospital si Leny upang isagawa ang operasyon. May isang ahensiya ng gobyerno ang umako sa mga gastusin at bills sa ospital kaya kahit papaano ay nakahinga kami ng maluwang. At tungkol naman sa Chemotheraphy, may ahensiyang tutulong rin daw sa amin ngunit hanggang sa ikatlong sesyon lang ang pwede nilang akuhin. Ang tatlong huling sesyon ng chemo ay kami na ang bahalang mag-provide ngunit ang tanong na naman ay kung saan kami kukuha ng pera panggastos? Natapos na ang tatlong sesyon ng kemo ni Leny. Halos mapiga na ang utak ko sa kung saan hahagilapin ang napakalaking halaga para maipagpatuloy ang chemotheraphy ng aking kapatid. Baon na baon na ako sa utang noon. Tatlong buwan ng hindi ako nakapagbayad ng upa sa bording house. Pati pagkain ko sa isang araw ay nagiging dalawang beses na lang at minsan pa nga ay wala na talaga. Nagkasya na lamang ako sa isang tinapay at cold water para makatipid. Ngunit patuloy pa rin ako sa pakikipaglaban sa hirap ng buhay. Hindi kailanman pumasok sa isip ko ang huminto sa pag-aaral dahil iyon lamang ang tanging kinakapitan ko. Hiyang-hiya na rin ako kay Lukas dahil lahat ng sinasahod niya ay napupunta lahat sa mga gamot ni Leny. Kaya naman panay ang aking overtime sa trabaho para lang makapagpadala ng malaki-laki sa pamilya ko. Kaya ko namang tiisin ang lahat ng hirap. Ngunit ang makitang nahihirapan ang aking kapatid at unti-unting pagupo sa kanya ng kanyang sakit ang hindi ko makakayanan. Sa bawat daing niya dulot ng pag-atake, libo-libong palaso iyon na tumutusok sa aking puso. Kung pwede lang sanang i-share ang sakit na iyon sa akin ay wala akong pagdadalawang isip na tanggapin iyon. Mistulang hinihiwa ang aking puso kapag ganoong nakikita ang kalunus-lunos na kalagayan ng aking kapatid. Naitanong ko na rin sa Diyos na kung bakit ang kapatid ko pa ang dinapuan ng ganoong karamdamanan gayung napakarami namang iba diyang mga halang ang kaluluwa, bakit hindi na lang sila? Kakahiga ko lang noon nang may kumatok sa pinto. Laking gulat ko nang ang bunsong kapatid kong si Rolly ang tumambad sa akin. Malamlam ang kanyang mata. Halatang pagod na pagod. Pansin ko rin ang kanyang pagpayat. Dala marahil sa buong hapong pagtatrabaho sa palengke para lang may maibaot na tulong sa aming pamilya. "Napasugod ka?" Isang pagtatangis ang kanyang itinugon sa tanong ko. Kaya naman napayakap ako sa kanya. "Nagkataon lang na may idineliver na bigas ang amo namin diyan sa isang mall na malapit lang dito kaya sinamantala ko ang pagkakataon na sumaglit dito, Kuya" Umaalog ang balikat niya habang binibigkas iyon. "Kumusta si Ate mo?" "Hayun, masyado ng nangangayayat. Patuloy pa rin siyang namimilipit sa sakit ng kanyang tiyan. Ayaw na rin niyang kumain dahil isinusuka lang niya. Ngunit nang malaman niyang pupunta ako ng Maynila, nagpapabili siya sa akin ng prutas upang may maipanglalaman sa kanyang sikmura kaso lang wala akong maipambili, Kuya. Di na kasi ako pinautang ng amo ko dahil sa dami ko ng cash advance kaya manghihiram sana ako sa'yo ng pera para bilhan si Ate ng prutas, babayaran ko na lang kapag nagkasahod ako" Para namang pinunit ang aking puso sa narinig. Kaya naman agad kong dinukot sa bulsa ng aking bag ang kahuli-hulihan kong pera. "Kapatid nating pareho ang nangangailangan, Rolly kaya huwag mo ng bayaran 'yan. Pakisabi na lang kay Inay na magpapadala ako sa susunod na araw pandagdag sa mga gatusin n'yo" Maluha-luha kong pahayag. Gusto kong gumaan kahit papaano ang nararamdaman ng aking kapatid subalit sa totoo lang, malaking katanungan kung saan ako kukuha ng pera para maipapadala sa kanila, ni pamasahe nga ay wala na ako. "Kayo na po ang bahala sa amin, Diyos ko!" Ang naibulong ko. Hinatid ko si Rolly sa labas ng highway na kung saan naghihintay na sa kanya ang delivery truck pauwing Bataan. Nang mawala na sa aking paningin ang sinasakyan ng aking kapatid ay saka ko pinakawalan nang tuluyan ang aking mga luha. Hindi na muna ako bumalik sa aking silid at naisipan kong maglakad-lakad na muna para kahit papaano gumaan nang kaunti ang aking nararamdaman. Sa totoo lang parang bibigay na ang katawan ko sa sobrang hirap na aking dinaranas kung hindi lang sa aking pamilya. Sa akin sila kumakapit at kumukuha ng lakas kaya naman pilit ko pa ring kinakaya ang mga mabibigat na pasanin sa aking balikat. Mahaba-haba na rin ang aking nilakad. At natagpuan ko ang aking sarili sa labas ng isang madilim na parke. Minsan ko nang narinig mula kay Kuya Bradley na talamak ang bintahan ng laman sa naturang parke dahil minsan na rin siyang namik-ap ng lalaki rito sa panahong tigang na tigang siya. Alam kong mali at may masasaktan akong tao subalit sinubukan ko pa ring tumambay sa b****a ng park, nagbabasakali na may maa-attract sa aking bading o kaya ay matrona na pwede kong maperahan. Hindi nga ako nabigo, ilang minuto lang buhat nang tumambay ako ay nagsulputan na ang mga bading na gustong maka-take-home sa akin. May nag-alok sa akin ng 500, 600 at 1,500 ang pinakamataas dahil di maitatangging gwapo naman ako. Ngunit nang tinangka kong tanggapin iyong may malaking offer ay bigla akong nakaramdam ng pandidiri. Hindi ko kayang sikmuraing makipagtalik sa baklang gurang na 'yon kapalit ng pera. "Kala niya sa armas niya, ginto?" Ang pagmamaktol ng bading nang magbago ang aking isip. Umalis ako sa aking tinambayan at umupo ako sa isang waiting shed na malapit lang din sa park. Doon ako nagmuni-muni. Hindi ko kayang ipagpalit ang aking dangal sa halagang 1,500. Buti sana kung kayang maipakemo ng halagang iyon ang aking kapatid, siguro susugal na ako. Ilang minuto ang lumipas nang may pumaradang mamahaling sasakyan sa aking tapat. Nakita ko ang dahan-dahang pagbaba ng bintana nito at dumungaw ang lalaking driver sabay sitsit sa akin. Lumingon pa ako sa aking likod upang masigurong ako nga ang pakay niya. Nang wala akong ibang taong nakita roon, itinuro ko pa ang aking sarili para mas lalong makasiguro. Nakita ko ang pagtango niya. Kaya naman lumapit ako sa pag-aakalang may itatanong siyang direksiyon. At noong nasa tapat na niya ako ay laking gulat ko naman nang sinabi niyang, "Wanna have fun?" Sabay kindat sa akin. At iyon na ang simula sa malaking pagbabago sa buhay ng aking pamilya at sa aking buhay-pag-ibig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD