Kabanata 18

1585 Words
Halata ang naging pagtatalo nina Charles at Jack kanina dahil hindi naman kaagad bumalik si Jack at umalis naman si Charles sa opisina nito. Nagpaalam pa kay Evelyn na kapag hinanap siya ni Jack ay sabihin na bababa lang sa warehouse at kung may kailangan ito ay maaari naman siyang tawagan. Hindi nga maintindihan ni Evelyn ang magkaibigan na iyon dahil mukha silang nagtalo na parang hindi naman. Maging si Evelyn ay nalito na sa kanila dahil noong tinanggihan ni Jack ang kape na ibinibigay niya ay parang sa kanya ito galit. Dahil sa ganoong pangyayari ay hindi tuloy maiwasan na maisip ni Evelyn kung sino iyong pinagseselosan ni Jack para pagtalunan pa nilang magkaibigan. Napa-angat naman ng tingin si Evelyn noong narinig niya na may paparating, inaasahan nga niya na si Jack na iyon pero nang maamoy niya ang pambabaeng pabango mula sa bisita nila ay napangiti naman kaagad siya dahil nakangiti rin itong nakatingin sa kanya. “Hello, Miss Paige. Wala pa po si Sir Jack sa opisina niya pero puwede na po kayong pumasok para roon na lang maghintay sa loob.” “Thank you. Evelyn, right?” tanong pa nito. “Yes, I’m Evelyn Espinolista, Miss Paige.” “Paige Suaridad,” pagpapakilala naman nito sa kanya. “Gusto ko lang ulit humingi ng tawad sa iyo sa unang pagkikita natin dahil excited lang ako na makita si Jack at hindi ko napansin na bago ka lang rito sa kumpaniya na ito. I hope hindi ka niya pinagalitan dahil sa nangyari,” dagdag pa nito. “Hindi naman po, binigyan lang po niya ako ng instruction na puwede po kayong papasukin kahit wala pa siya sa opisina.” “Buti naman pala at nagiging mabait na siya sa inyo. May pagkamasungit lang talaga siya pero mabait naman talaga siya. Okay lang ba kung dito muna ako para makipag-usap sa iyo? Are you busy? Baka mainip lang ako sa kanya kapag sa loob ako naghintay dahil hindi naman niya alam na dadalawin ko siya ngayon.” “Oo naman, okay lang po.” Tumayo naman si Evelyn pagkatapos ay kumuha ng upuan para hindi manatiling nakatayo si Paige habang nakikipag-usap sa kanya. Napansin naman kaagad ni Paige na hindi komportable si Evelyn dahil nandoon siya kaya sinabi niya na huwag kabahan habang nandoon siya sa labas at kasama siya dahil hindi naman daw siya kagaya ni Jack na masungit at isa pa ay puwede naman daw siyang makausap tungkol sa ibang bagay. “Talaga po? Kung ganoon ay puwede po bang magtanong?” tanong ni Evelyn noong oras na sabihin ni Paige na puwede silang mag-usap tungkol sa buhay nila o kung ano pa man ang maisip nilang pag-usapan. Naisip lang din ni Evelyn na ang dahilan kung bakit nagustuhan ni Jack si Paige ay dahil mabait ito at isama pa na ubod ito nang ganda. “Sure, ano iyon?” “Suaridad po ang apelyido mo, related po ba kayo sa may-ari ng Suaridad Company?” “Yes, kami ang may-ari ng kumpaniya na iyon. Bakit mo naitanong?” Nanlaki naman ang mata ni Evleyn at hindi akalain na bigatin at mayaman pala kagaya ng boss niya ang kausap niya. “Wow, kung hindi po sana ako natanggap dito sa S2J ay mag-a-apply din po sana ako roon.” Isa rin ang Suaridad Company sa sikat at kilalang kumapaniya na may maayos na pakikitungo sa empleyado nito at alam naman ni Evelyn na kakayanin niya ang trabaho roon kaya gusto sana niyang subukan. Iyong pagkakaroon ng maayos na pagtrato sa kumpaniya ang hinahanap niya dahil ayaw na niyang maulit ang pang-aabuso ng dati niyang kumpaniya na halos maisaalang-alang ang kanyang kalusugan. “Really? Sayang naman! Ang kuwento pa naman sa akin ni Charles ay madali ka raw na natuto rito. Pero okay na rin iyon para mabawasan ang kasungitan ng boss mo,” sabi pa nito sabay tawa kaya natawa rin si Evelyn na kahit nobyo niya si Jack ay alam niyang masungit ang binata. Habang nag-uusap sila ay napansin ni Evelyn ang pagkakahawig nina Paige at Jack kaya naman hindi maiwasan na mamangha maging siya dahil naisip niya ang paniniwala na kapag nagkakahawig na ang magnobyo ay magkakatuluyan na sila. Napansin ni Paige ang pagtitig na ginawa ni Evelyn kaya tinanong niya ito kung ano ang problema. “Sorry, napansin ko lang po ang marami kayong pagkakahawig ni Sir Jack sa itsura kaya bagay na bagay kayo,” sabi pa niya. “Ano ulit ang sinabi mo? Akala mo ba ay girlfriend ako ni Jack?” “Hindi po ba?” “Hala! Naku! Ganoon ba ang pakilala niya sa akin? Loko ang isang iyon, ah. No, hindi ko siya boyfriend. Actually, he is my ex-boyfriend pero magkaibigan pa rin naman kami dahil sa lahat naman ng naging ex-boyfriend ko ay siya lang ang hindi nagbigay ng dahilan para kamuhian ko siya. Magkaibigan na lang kami.” “Kung magkaibigan na lang pala sila ay sino ang pinagseselosan ni Sir Jack? Ang ibig bang sabihin nito ay mahal pa ni Sir Jack si Miss Paige?” ani Evelyn sa isip niya nang marinig ang sagot ni Paige. Posible pa rin pala na maging magkaibigan ang dating mag-nobyo. Base sa pagkausap ni Paige kay Evelyn ay wala nga itong hinanakit sa binata at hinahangaan niya ang ganoong relasyon dahil hindi madaling maging kaibigan ang dati mong minahal. Ang hirap naman yata noon. “Sorry! I just assumed na couple kayo.” Hiyang-hiya si Evelyn dahil ang awkward ng pagkakasabi niya gayong hindi naman pala couple sina Jack at Paige! “No, dear. We’re just friends. Alam ng ibang empleyado rito na naging nobyo ko si Jack pero alam din nila na hiwalay na kami. Mas nagtagal kami bilang magkaibigan,” dagdag pa nito. “Are you two having fun here?” Napalingon naman silang dalawa noong narinig na nagsalita si Jack. Lumapit ito kay Paige pagkatapos ay binigyan ng yakap at halik sa pisngi. Napaiwas na lang ng tingin si Evelyn dahil nahihiya siya kay Paige na sinabi pa niya na akala niya ay nobya siya ni Jack. Sana lang ay hindi na niya iyon banggitin kay Jack ngunit bigo si Evelyn dahil iyon ang una niyang sinabi kay Jack! “Yes, we’re having fun here. Natatawa lang din ako dahil ang akala pala ni Evelyn ay nobya mo ako! So I assumed, wala ka pa ring girlfriend dahil mukhang ako lang ang babaeng dumadalaw sa iyo rito, ah?” biro pa ni Paige kay Jack, kagaya ni Charles ay nagagawa rin niyang biruin si Jack. “Bakit niyo naman iyon pinag-uusapan? Siya nga pala, hindi mo sinabi sa akin na pupunta ka rito. Kanina ka pa ba naghihintay?” tanong ni Jack pagkatapos ay inaya na siya nito sa loob ng opisina kaya naman nagpaalam na si Paige kay Evelyn. PAGKALIPAS NG ILANG ORAS ay lumabas at nagpaalam na rin si Paige kay Jack kaya naman silang dalawa na ulit ang natira sa opisina nito. Ipinaalam din ni Evelyn na bumaba si Charles at kung sakali man na kailanganin siya ni Jack ay tumawag na lang para muling umakyat ang binata. Maya maya ay ipinatawag si Evelyn sa opisina ni Jack. “Sino ang nagsabi sa iyo na girlfriend ko si Paige?” Hindi alam ni Evelyn kung masungit na naman ang boss niya. “Sorry, Sir Jack, nag-assume lang ako na girlfriend mo siya dahil bagay kayo at saka may pinagseselosan ka raw sabi ni Sir Charles. Sorry, sir! Alam ko pong ayaw niyong pinag-uusapan ang personal niyong buhay, malapit na pong mag-uwian kaya huwag ka nang magpaka-stress at huwag mo na akong pagalitan ngayon. It was an honest mistake, hindi po sana kayo nagkaroon ng ilangan kanina. Sorry talaga!” “It’s okay, nabanggit naman sa akin ni Paige ang pinag-usapan niyo. By the way, kaya mo ba nalaman na hiring ang S2J ay dahil sa boyfriend mo? Curious lang naman ako—” Hindi na nagawang patapusin ni Evelyn si Jack dahil sa pagkabigla niya. Sa katunayan ay binanggit lang din iyon ni Jack para malaman ang magiging reaksyon ni Evelyn tutal ay tungkol naman sa ganoon ang pinag-uusapan nila. Para hindi lang din mahalata ng dalaga na may gustong malaman si Jack tungkol sa personal niyang buhay. “Huh? Boyfriend? Wala akong boyfriend, Sir Jack! Saan mo naman nakuha ang impormasyon na iyan?” “Nakita ko kayo na magkasabay ni George sa lunch.” “Kapag magkasabay ay boyfriend ko kaagad, Sir Jack? Hindi, ah! Kaibigan ko lang siya at kasabay namin ang isa ko pang kaibigan na si Tiffany na kasama niya sa department nila.” Tinawanan pa ni Evelyn si Jack dahil sa naisip nito. “Hindi ko alam na may pagka-malisyoso ka pala, Sir Jack. Congrats! Tao ka po pala at normal!” pagbibiro pa ni Evelyn pagkatapos ay natawa pa ulit siya dahil natutuwa siya na nakikita ang iba’t ibang ugali ng boss niya. Sa kabilang banda, parang nakahinga naman nang maluwag si Jack noong sabihin ni Evelyn na wala siya boyfriend at doon din niya nakumpirma na tama si Charles na humahanga nga siya kay Evelyn dahil bumilis ang t***k ng puso niya nang marinig ang masayang pagtawa ng dalaga. Ang hindi na lang sigurado ni Jack ngayon ay kung may karapatan ba siyang maging masaya kahit na maraming tao ang nasasaktan dahil sa kanya. Ano kaya ang ibig niyang sabihin sa pag-iisip ng ganoon? Sino ang mga nasaktan niya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD