Chapter 7
Nang makapasok ako sa kuwarto ko ay inilapag ko sa ibabaw ng kama ko ang plastic ng Watsons kasama ang paper bag ng National Book Store. Nagpalit muna ako ng damit na pangbahay. Simpleng sando at maong shorts lang ang ipinalit ko.
Umupo ako sa kama at saka inilabas sa plastic ang mga liptint at pabango na binili ko. Medyo mura lang naman ang presyo nitong mga ‘to kumpara sa mga madalas na binibili ni Mommy.
Sunod naman na inilabas ko ay ang libro na binili ko sa National Book Store. Wala pa akong balak na basahin ito sa ngayon dahil hindi kakayanin ng utak ko. Information overload na ako sa mga pinag-aaralan namin kaya baka hindi ko rin mapagtuunan ‘to ng pansin.
Itinabi ko na sa bookshelf ang libro at inilagay ang mga liptint at pabango sa lagayan na nasa ibabaw ng study table ko. Paubos na ang pabango ko nang tingnan ko ang laman kaya sakto lang pala na bumili ako.
“Decyrie, kakain na,” aya ni Ate na nakadungaw sa pinto ng kuwarto ko.
“Oo, susunod ako,” sagot ko nang hindi siya tinitingnan. Nag-aayos pa ako ng mga gamit ko kaya hindi na ako nag-abala na sulyapan siya.
“Ano pala ‘yong mga pinamili mo kanina?” Hindi pa pala siya umalis? Naglakad siya palapit sa akin at tiningnan ang mga inaayos ko. “Bukod sa liptint at pabango, may isa ka pang binili, ‘di ba?” usisa niya.
Umirap ako at nilagpasan siya. “Why are you being so nosy, Ate? Nahawa ka na ba kay Mommy?” tanong ko. Lumabas na ako sa kuwarto ko at naglakad papunta sa hagdan.
Sumunod naman siya sa akin. “Not that I am being nosy. Curious lang naman ako. Sa National Book Store mo binili ‘yong isa, ‘di ba?” Hindi ba pagiging nosy ‘yang ginagawa niya?
Bumaba ako sa hagdan. “Stop asking about what I bought. Pag-usapan na lang natin kung ano ‘yong mga pinamili mo kanina. Ang bagal-bagal mong pumili ng mga damit, Ate. Palagi na lang,” pag-iiba ko ng usapan.
Ayaw kong sabihin sa kaniya kung ano ang libro na binili ko dahil panigurado na magtatanong naman siya kung tungkol saan ang libro na binili ko. Kapag hindi ako nagsalita, hahanapin niya ‘yon sa bookshelf ko. At kapag nakita niya ‘yon ay iku-kuwento niya ‘yon kay Kuya. Maiku-kuwento niya rin ‘yon kina Mommy para ibida ako. Kapag nangyari ‘yon ay iisipin ng mga magulang ko na naging interesado na ako sa pagnu-nursing at magyayabang sila na kung hindi nila sinabi na mag-STEM ako ay hindi ako magiging interesado sa ganito.
Alam na alam ko na ang takbo ng utak ng mga magulang ko kaya mas mabuti na ‘yong safe. Naisip ko tuloy na itago sa ilalim ng kutson ko ‘yong libro na binili ko para walang makita na kahit na anong ebidensya sina Ate.
“Bumili ako ng ilang tela para sa uniporme ko. Medyo masikip na kasi sa akin ‘yong luma kong uniporme. Ayaw ko namang bumili ulit sa school dahil mas mapapamahal lang ako roon,” pagsasalita ni Ate.
Nasa sala na kami ngayon at papunta na sa dining area. Naririnig ko na ang pagtunog ng mga kubyertos kaya alam kong naghahanda na ang mga kasama namin sa bahay.
“Bumili rin ako ng ilang mga damit na panloob ng uniporme ko.” Dumadaldal pa rin siya habang papasok kami sa dining area.
Nang makarating sa dining area ay nakita kong nakaupo na roon sina Mommy at Daddy. Nasa harapan ni Mommy si Kuya habang si Daddy naman ay nakatalikod sa gawi namin. Sa kabiserang bahagi nakaupo si Daddy.
Umupo ako sa tabi ni Kuya at umupo naman si Ate sa kaliwa ko. Naglalagay ng mga pagkain sa lamesa ang dalawa naming kasama sa bahay. Tahimik lang sila at maingat ang bawat paggalaw nila.
Hindi ako malapit sa mga kasama namin sa bahay. Alam naman kasi nila ang ugali ko. Si Ate talaga ang kadalasan na nakakausap nila habang si Kuya naman ay nakakausap nila kapag wala ito masyadong ginagawa.
Tahimik kaming nagsimula ng hapunan namin. Ang tanging ingay lang na maririnig ay ang mga kubyertos namin na tumatama sa mga plato namin. Hindi rin naman magtatagal itong katahimikan dahil alam kong hindi matatahimik ang mga magulang ko kapag hindi sila nakpagtanong nang kahit na isang beses lang sa mga kapatid ko.
Pekeng umubo si Mommy. Nag-angat siya ng tingin kay Ate habang nagpupunas siya ng bibig gamit ang table napkin. “Do you have any suitors, Ariela?”
Nasamid yata si Ate dahil bigla siyang napaubo-ubo at dali-daling kinuha ang baso ng tubig na nasa tabi niya. Mabilisan niyang inubos ang kalahating baso ng tubig bago siya napahawak sa kaniyang lalamunan.
Huminga siya nang malalim habang hinihimas ang lalamunan niya. “Mommy naman! Huwag ka naman po nagtatanong ng gano’n kapag kumakain tayo, nakakagulat po kasi,” pagrereklamo niya. “To answer your question po, wala naman po akong manliligaw.”
Napahinga nang maluwag si Mommy. Ngumiti siya. “Mabuti naman kung gano’n. Pero may mga nagtangkang manligaw, tama ba ako?”
Tumango si Ate. “Yes, Mom. A lot of my classmates tried before but I didn’t let them. Some of my schoolmates also tried on hitting on me but I immediately dismissed them. They’re just going to be a distraction to my studies.”
Napatango si Mommy, sang-ayon sa sinabi ni Ate. “You are right that’s why don’t entertain any suitors yet. Makapaghihintay naman ang ganiyang bagay, pero ang pag-aaral ay maaaring masayang kung uunahin mo ‘yan.”
Napakunot ang noo ko. Bakit parang mayroong pinapatamaan ‘tong si Mommy?
Lumipat naman ang paningin ni Mommy kay Kuya. “How about you, Donovan? Mayroon ka na bang nilili—” Kaagad sumagot si Kuya kaya napatigil si Mommy.
“I don’t have any time for that matter, Mom. Ayos na ako na ang pag-aaral ang girlfriend ko,” seryosong saad ni Kuya.
Pasulyap-sulyap lang ako sa kanilang tatlo habang inuunti-unti ko ang pagkain ko. Iniingatan kong huwag makagawa ng ingay dahil baka sa akin pa mapunta ang usapan. Tinatamad pa naman akong sumagot ngayon.
“What about you, Decyrie?” ‘Yan na nga ba ang sinasabi ko, eh. Napansin pa talaga ako nito ni Mommy. Puwede bang mag-ask a friend para sa ganitong tanong? “Any suitors?”
Napatigil ang mga kamay ko na may hawak na kutsara at tinidor. Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin kay Mommy at bumungad sa akin ang nanunusok niyang mga tingin.
Nilunok ko muna ang kinakain ko bago ako nagsalita. “Wala akong manliligaw.” Totoo namang wala dahil wala akong nagustuhan sa mga kaklase ko na nagtangka. Masyado silang isip-bata at immature.
Napasandal si Mommy sa kaniyang upuan at saka nang-iinsulto na tumingin sa akin. “What would I expect anyways? Who would like someone like you? May itsura ka nga pero halata naman na hindi maganda ang ugali mo kaya sinong magkakagusto sa ‘yo? Kung may nagkagusto man sa ‘yo, malamang ay napilitan lang ‘yon.”
Nanatili akong nakatitig sa kaniya. Hindi nagbago ang reaksyon ko ngunit humigpit ang paghawak ko sa kutsara at tinidor na nasa mga kamay ko. Kung hindi ko lang siguro magulang ‘to ay baka binato ko na ‘to ng kutsara sa mukha.
Tama ba namang sabihin ‘yon? Alam ko naman na hindi ‘yon totoo pero masyado ‘yong nakakainsulto. Kung alam lang siguro ni Mommy na mas nauna pa akong nagkaroon ng ex-boyfriend kaysa kay Ate ay malamang na itataob niya ‘tong lamesa sa ‘kin.
Narinig ko ang malakas na pagbagsak ng kutsara ni Kuya. “Enough, Mommy. Huwag mo namang pagsalitaan ng ganiyan si Cy. Kung hindi niyo mapigilan ang bibig niyo na insultuhin siya, mas mabuting huwag niyo na lang siyang pansinin. Wala naman kayong alam sa pinagdadaanan ng kapatid ko kaya mas mabuti pang ignorahin niyo na lang siya.” Tumayo na si Kuya at umalis sa dining area.
Tumingin ako sa kaniyang plato at nakita kong hindi pa niya nauubos ang pagkain niya. Masyado siguro talagang nainis ang kapatid ko kaya nagawa niyang mag-walk out. Hindi ‘yon gawain ng Kuya ko dahil mataas ang respeto niya sa mga magulang namin. Ngayon lang siya nag-react nang ganito. Malamang ay napuno na siya.
Nagkatinginan sina Mommy at Daddy ngunit walang lumabas na salita sa mga bibig nila. Nagpatuloy ulit kumain si Daddy habang si Mommy naman ay napatulala sa kaniyang plato.
Si Ate na nasa tabi ko ay tumayo na at umalis na rin sa dining area. Tapos na rin naman akong kumain kaya sumunod na rin ako kay Ate. Wala na rin naman akong gagawin doon. Isa pa, ayaw kong maiwan sa isang maliit na lugar na kasama ang mga magulang ko. Pakiramdam ko ay nasasakal ako kapag nasa paligid ko lang sila.
Pumasok ako sa kuwarto ko at isinarado ang pinto. Diretso akong humiga sa aking kama at tumitig sa kisame ng kuwarto ko. Maraming bagay ang naglaro sa isipan ko.
Kailan kaya maiisip ng mga magulang ko na masyado silang nagiging malupit sa ‘kin? Inaamin ko naman na hindi maganda ang ugali ko lalo na sa mga tao na wala namang ibang ginawa kundi pakitaan ako ng hindi maganda. Pero kung mabait naman sa akin ang isang tao, hindi naman ako magiging sarkastiko sa kanila.
Nakaramdam ako ng frustration nang maalala ko ang sinabi ni Mommy kanina. Basehan ba talaga ang ugali na ipinapakita ko sa kanila para masabi ni Mommy na walang magkakagusto sa ‘kin? Lahat naman ng tao ay may iba’t ibang klase ng pag-uugali. Iba ang ugali natin sa bahay, sa school, kapag kasama ang mga kaibigan natin, at kapag kasama ang mga kapatid natin. Kumbaga, depende ‘yon sa mga tao na nasa paligid natin.
Napabuga ako ng hangin. Naisipan ko na lang na ilabas ang frustration ko sa f*******:. Bungad pa lang ng newsfeed ko ay may nakita na kaagad ako na hindi kaaya-aya.
Louie Billoro updated a status.
• 34 minutes ago • Public
Let’s normalize teenage pregnancy. Why? Because Dr. Jose Rizal said, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan”, so kapag nanganak ang kabataan, mas lalong dadami ang magiging pag-asa ng ating bayan. Doon din naman papunta ang buhay nating lahat, eh. Mag-aanak din naman tayo sa future kaya bakit hindi natin gawin ‘yon habang bata pa, ‘di ba? Kapag mas maagang nagkaanak, mas maaga na madadagdagan ang pag-asa ng bayan.
• 2.1k reacts • 3k comments • 5k shares
Naiinis ako sa mismong thought ng post niya ngunit natawa naman ako sa huling sinabi niya. Imbis na matanggal ang frustration ko nang dahil sa sinabi ni Mommy ay mas nadagdagan lang yata nang mabasa ko ang post na ‘to.
Marami ang nag-react ng Haha sa post niya at marami rin ang nag-Angry. May mga nabasa akong comment na pinagmumura ang Author ng post. May ilan din naman na sumang-ayon at ipinagtanggol ang taong nag-post. May nagsabi pa nga na sana ay ipinutok na lang siya (‘yong nag-post) sa kumot ng Tatay niya.
Sumandal ako sa headboard ng kama ko at saka nag-type ng ico-comment. Hindi ako mahilig manahimik sa mga ganitong uri ng post. Wala rin akong pakialam kahit na troll lang ang post na ‘to.
Decyrie Acibar: Let me ask you a question first. Are you already capable of sustaining the needs of your soon-to-be baby? Are you even aware that not all people are capable of providing the needs of their child? Bago ka mag-post o mang-troll about sa mga ganiyang issue, isipin mo muna kung ano ang magiging epekto niyan sa mga batang makakabasa ng post mo. And don’t you ever tell me that you didn’t intend to be a bad influence to someone. You posted it publicly, so expect that a huge number of f*******: users can reach your post. Bago ka magsabi na i-normalize ang pagbubuntis nang maaga, isipin mo muna kung saan ba kukuha ng ipanggagastos ang mga teenager na maagang nabuntis at nakabuntis. Isipin mo rin kung kanino sila hihingi ng tulong para maalagaan ang magiging anak nila. Hindi ba’t sa mga magulang din nila? May mga gatas pa sa mga labi ‘yang mga ‘yan. Gadgets at pera muna dapat ang hawak nila, hindi pacifier at pampers.
Napapikit ako pagkatapos kong mag-comment. Masyado akong apektado sa post na ‘to kahit hindi naman ako bunga ng teenage pregnancy. Ngayon ko napatunayan na nakakaramdam din pala ako ng empathy.
Naisip ko bigla ‘yong mga musmos na bata na namamalimos sa kalye. Naisip ko ‘yong mga batang nagta-trabaho kahit sa murang edad pa lang nila. Hindi nila deserve ang ganoong uri ng buhay.
Sino ba ang dapat sisihin sa nangyari sa mga bata na ‘yon? Syempre ang mga magulang nila. Kung sana ay nabigyan lang sila ng magandang buhay ng mga magulang nila ay hindi nila kailangang mamalimos at magtrabaho habang bata pa sila. Hindi kasalanan ng mga bata na binuhay sila sa mundo, kasalanan ‘yon ng mga magulang nila. Kung sana ay nag-isip-isip muna ang mga magulang nila bago nagpasyang magkaanak ay hindi sana sila makakaranas ng gano’n. Pero naiintindihan ko rin naman na may mga kaso na aksidente lang talagang nakabuo ang dalawang tao.
Habang nagi-scroll ako sa notifications ay napansin ko ang reply na nanggaling sa isang comment ko kanina. Hindi ko na ito nakita dahil bukod sa pumunta kami ni Ate sa Mall, wala rin akong balak na tingnan ito.
Khenjie Estoques, Maria and 2 others replied on your comment on Wholesomeposting para kay…
Decyrie Acibar: Kung totoo talaga ‘yan, try nga natin.
Rinoa Silverio: Diyan nagsimula ‘yong Lolo’t Lola ko HAHAHA
Freya Marie: Hoy, ano ‘yan? Gumaganiyan ka na, ah. Sumbong kita sa Mama mo, Khen.
Maria: Bakit may ganiyan kayo? How about me naman?
Khenjie Estoques: Decyrie Acibar, accept my friend request para ma-try na natin.
Tahimik akong natawa habang binabasa ang mga reply sa comment ko. Halata naman na mga nakikisawsaw lang ang mga ‘to. Napatitig ako sa pangalan ni Khenjie ngunit hindi ko siya in-accept.
Bumalik ako sa pagi-scroll sa notifications ko at nakita ko na maraming nag-react sa comment ko kanina tungkol sa teenage pregnancy. Pinindot ko ‘yon at nakita ko na nasa 500 na kaagad ang reacts kahit dalawang minuto pa lang ang lumipas nang mai-comment ko ‘yon. Marami rin ang nag-reply ngunit ang reply lang ni Louie ang pinagtuunan ko ng pansin.
Louie Billoro: For your information, may sarili na akong pera kaya masasabi ko na kaya ko na mag-provide ng kailangan ng “soon-to-be baby” ko. Hindi mo ba alam kung ano ang sarcasm? Ang post ko ay isang uri ng sarcasm. Tungkol naman sa sinasabi mo na maraming bata ang makakakita ng post ko, edi maganda. Para sa kanila naman kasi talaga ang post ko na ‘to. Ayaw mo ba na maging aware sila sa teenage pregnancy? Isa pa, hindi ko na problema kung mababasa nila ‘to dahil hindi ko naman sila pinilit.
Napahinga ako nang malalim pagkatapos kong mabasa ‘yon. Natanggal ba ang turnilyo ng ulo niya o nalaglag ang utak niya? Nag-isip naman ako ng ire-reply.
Decyrie Acibar: Good for you if you are already capable of providing something for your baby. But what about those people who are struggling to make a living? Hahayaan mo na lang ba na lumaki ang bata at magdusa dahil ang mga magulang niya ay isang kahig, isang tuka? If your post is what you call sarcasm, your brain is not functioning well. Ganiyan naman talaga ang mga tao kapag pinuna ang post nila, gagamitin ang “sarcasm card” para ma-justify ‘yong post nila. Well, good luck na lang sa magiging anak mo. Sana hindi niya pagsisihan na ikaw ang naging Tatay niya.
Gusto kong mapatawa pagkatapos kong mai-comment ‘yon. I can be savage whenever the situation calls for it, lalo na kung mga ganitong uri ng tao ang kausap ko.
Hindi ko na pinansin ang mga sumunod na reply sa reply ko kay Louie. Kung gusto nilang pagpiyestahan ang opinyon ko, bahala sila. Nasabi ko naman na ang lahat ng gusto kong sabihin. Ayaw kong magpaulit-ulit ng comment.
Lumipas ang mga araw at madalas ko na makita ang pangalan ni Khenjie sa newsfeed ko kaya madalas na rin akong mag-comment sa mga post niya. Hindi ko pa rin siya ina-accept. Ayaw ko lang.
May mga pagkakataon talaga na nadadala ako sa mga pagpi-flirt ni Khenjie kaya napaparami ang replies ko sa mismong comment ko. Sunod-sunod din naman ang ginagawa niyang reply kaya hindi ako nabo-bored makipag-usap sa kaniya.
One time, napagpasiyahan kong i-accept na si Khenjie dahil halos 3 weeks na rin naman siya sa friend request ko. Mukha naman siyang masaya kausap kaya puwede ko rin gawing libangan ang pagkausap sa kaniya.
Ilang segundo pagkatapos ko siyang i-accept ay nag-chat siya kaagad sa ‘kin.
Khenjie Estoques
•Active Now
SEPT 6, 2020 AT 4:31 PM
: Hi!
: Akala ko ay mabubulok na lang ako sa friend request mo, eh BWAHAHAHA
Ang bilis naman niyang mag-chat. Akala ko ay aabutin pa ng isang araw bago siya mag-chat.
Decyrie Acibar: Hello.
: Ngayon ko lang kasi napansin ‘yong friend request mo.
Which is not true. Hindi ko lang talaga siya kaagad in-accept noon dahil wala naman akong balak kilalanin siya. Pero nang maging madalas na ang paghaharutan namin sa comment section ay naisipan kong subukan.
Khenjie Estoques
•Active Now
: Hmm, okay. By the way, nagmeryenda ka na ba? Kasi kung hindi pa, magagalit ako.
: Joke lang BWAHAHAHA
: Kain ka na kung hindi pa.
Decyrie Acibar: Oo, kanina pa. Ikaw ba?
: Hindi ba magagalit ‘yong girlfriend mo, kung meron man?
Khenjie Estoques: Tapos na rin akong kumain.
: Wala pa naman akong girlfriend. Pero kung sasagutin ako ng babaeng liligawan ko, magagalit ka ba kapag chinat mo ako?
Natawa ako roon. Mabuti na lang at nakuha ko kaagad ang sinabi niya. Iba rin ang mga galawan nito ni Khenjie.
Decyrie Acibar: Hindi naman. Bakit? Liligawan mo ba ako?
: Tagal naman. Charot lang.
Nagpatuloy ang pag-uusap namin ni Khenjie at nagsimula na nga siyang manligaw sa ‘kin. Hinayaan ko lang siya dahil gusto ko ulit sumubok. Gusto kong malaman kung ano ang pakiramdam ng LDR.
Hindi ko naman kaagad sinagot si Khenjie dahil gusto ko pa siyang mas makilala. Masayang kausap si Khenjie kahit na corny ang mga banat niya.
Grade 12 na si Khenjie. ICT ang strand niya at sa ibang school siya nag-aaral. Sa Cainta siya nakatira habang sa Marikina naman ako. Hindi ganoon kalayo ngunit wala naman akong balak makipag-meet up sa kaniya. Masyado pang maaga para magplano tungkol sa bagay na ‘yon.