Chapter 18
“Yohiri, stand up,” saad ni Miss.
Naramdaman ko ang paghawak ni Myrtil sa palad ko na kanina pa pala nakakuyom. “Umupo ka na, Decdec,” mahinang saad niya. Tumayo na siya kaya umupo na ako.
Pagkaupo ko ay napasandal ko sa upuan ko. Nakatulala ako sa upuan na nasa harapan ko. Ang hirap at ang sakit pala talaga sa loob kapag ikinumpara ka sa ibang tao na alam mong hinding-hindi mo maaabot ang galing na tinataglay nila.
Hindi ako galit sa mga kapatid ko kahit pa paulit-ulitin na ipamukha sa ‘kin kung gaano sila kagaling, samantalang ako ay puro pagpapabaya lang sa pag-aaral ang alam gawin. Hindi naman kasalanan ng mga kapatid ko na ipinagkukumpara kami. Hindi rin naman ipinaramdam sa ‘kin ng mga kapatid ko na kailangan kong mainggit sa kung anong galing at talino na meron sila.
Ang totoo niyan, sila ang unang naniwala sa kakayahan ko. Sila ‘yong palaging nandiyan kapag nawawalan ako ng tiwala sa sarili ko. Hindi nila hinayaan na maramdaman ko ang pagka-insecure dahil palagi nilang ipinapaalala sa ‘kin na may kaniya-kaniyang galing ang bawat tao. All of us were born uniquely from each other.
“If the cell is the basic unit of life (all organisms), then what do we call the river of life?” tanong ni Miss kay Myrtil na nakatayo sa harapan ko. Hindi kumukurap si Miss habang nakatitig kay Myrtil.
“The river of life is called blood,” mabilis na sagot ni Myrtil. Wala pa yatang limang segundo bago siya nakasagot. Confident pa siya sa kaniyang sagot dahil kalmado ang kaniyang tindig at ang tono ng kaniyang pananalita.
Napataas ang kilay ni Miss at saglit na napunta sa ‘kin ang mga mata niya. Tila may ipinapahiwatig. Ibinalik din naman niya kaagad ang paningin niya kay Myrtil. “Excellent, Yohiri. Continue your active participation in our class. You may now take your seat again.” Pagkatapos no’n ay nagtawag na siya ng iba pang magre-recite.
Nang makaupo si Myrtil ay hinawakan niya ako sa braso. Napatingin ako sa kamay niya. “Ayos ka lang ba, Decdec?” tanong niya. Hindi ako tumugon. “Malamang hindi! Nagtatanong ka pa, Myrtil!“ pagsaway niya sa sarili. “Decdec, huwag mo na lang masyadong isipin ‘yong sinasabi ng ibang tao patungkol sa ‘yo. Alam mo naman kung ano ang gusto mo at ang kakayahan mo kaya magtiwala ka ro’n.”
Ang problema nga ay hindi ko alam kung may kakayahan ba ako. Sinasabi ng mga kapatid ko na may natatangi akong kakayahan ngunit hindi ko pa naman nakikita o nagagamit ‘yon. Pakiramdam ko ay wala akong talento. Hindi kaya totoo na ampon lang ako kaya ako lang ang naiiba sa aming magkakapatid?
Napailing-iling na lang ako sa sarili ko. Nang dahil sa sinabi ni Miss ay nagulo ang sistema ko. Hindi ko maikakaila na naapektuhan ako nang dahil sa sinabi niya kanina. Alam ko kasi sa sarili ko na wala akong laban sa mga kapatid ko.
“Hoy!” pagkuha niya sa atensyon ko. Napabaling ako sa kaniya at nakita kong nag-aalala ang ekspresyon niya. “Sinabi ko na sa ‘yo na huwag mo na ngang isipin ‘yong sinabi ni Miss. Don’t be so affected because of it, okay?” Hindi ako sumagot at nagpatuloy lang sa pagbaba sa hagdan. “Decdec!” tawag niya pa.
“I am not thinking about it anymore, Myrtil. Don’t be so overreacting. I am fine. You don’t need to worry about me because I am absolutely okay,” usal ko nang hindi siya tinitingnan. Nakatuon lang ang atensyon ko sa hagdan. “Alam ko naman na hindi ako magaling sa academics, bakit ko itatanggi ‘yon? And don’t you say that I am doing good enough because I know I am not. Pero iniisip ko na… na hindi naman nila alam ‘yong pinagdadaanan ko kaya bakit ko pa didibdibin ang mga sasabihin nila? Kung ano ang gusto nilang paniwalaan, bahala na sila.”
Ang gaan sa pakiramdam na sabihin ang ilang bahagi ng iniisip ko. Kahit na nasanay akong kimkimin ang lahat ay hindi ibig sabihin no’n na kakayanin ko na hanggang sa dulo. Kailangan ko pa ring maglabas ng saloobin sa ibang tao para kahit papaano ay mapagaan ang kalooban ko.
“That’s the Decdec I know!” masiglang saad niya. “Alam ko na matapang ka at malakas ang loob mo pero huwag mo kalilimutan na palagi akong nandito para maging sandalan mo. Palagi mong tatandaan na may Myrtil ka sa buhay mo na hindi ka iiwanang mag-isa, na hindi ka pababayaang harapin ang laban mo nang hindi siya kasama.”
Nang dahil sa sinabi ni Myrtil ay tuluyan na talagang gumaan ang pakiramdam ko. Hindi man totally nawala ang bigat ay nagpapasalamat ako na nandiyan siya upang pagaanin ang kalooban ko. Isa talaga ‘to sa mga pagkakataon na kailangan ko talaga ng kaibigan—bukod sa mga kapatid ko.
“Nasaan na pala ‘yong bubble gum na ibinigay ko? Buti hindi mo nalunok no’ng nagre-recite ka?” ani ko nang makalabas na kami sa College of Medicine.
Natawa naman siya at saka ako tiningnan. “Akala mo ba ay sumagot ako nang nasa bibig ko pa ‘yon? Yaks! Kadiri naman ‘yon! Syempre wala na ‘yon sa bibig ko nang tumayo ako,” sagot niya.
Kumunot ang noo ko. “Saan mo pala inilagay?”
Ngumisi siya at saka tumigin sa ‘kin na parang may ginawa siyang kalokohan. “Saan pa ba? Edi sa bag ko! Ibinalot ko sa papel at inilagay rito.” Sabay turo niya sa pocket ng bag niya. “Ipinanghawak ko pa nga sa ‘yo ‘yong kamay na ginamit ko sa pangkuha ng bubble gum, ‘di ba?” natatawang saad niya.
Nandidiri ko naman siyang tiningnan. “Ang dugyot mo, Myrtil! Kaya pala may pahawak-hawak ka pa sa kamay ko! Pahingi nga ako ng alcohol mo!” malakas na sabi ko.
Tumawa naman siya. “Ang arte, ah! Ito naman si Nurse Acibar, oh! Binibiro ka lang naman, kumakagat ka na kaagad.”
Umirap ako. “Kahit pa! Akin na ‘yong alcohol mo. Ang dugyot mo, Myrtil!” Hindi ko ma-imagine na idinura niya sa kamay niya ‘yong bubble gum tapos inilagay sa papel.
Kukuhanin na niya sana ang alcohol ngunit sabay kaming napatigil nang marinig ang sigaw mula sa malayo. “Myrtil! Decyrie!” Galing kay Michael ‘yon.
Masama akong tumingin kay Myrtil. “Sinabihan mo na naman ba ang pinsan mo, Myrtil? Ilang beses ko bang sasabihin sa ‘yo na ilayo-layo mo sa ‘kin ‘yang—”
“Excuse me? Hindi ko ‘yan sinabihan na puntahan tayo rito. Paalis na nga tayo at papunta na sa labas, ‘di ba? At para sabihin ko sa ‘yo, wala na akong planong paglapitin kayong dalawa!” Pagkatapos ay humarap siya sa pinsan niya. “Anong ginagawa mo rito, Michael?”
Nakalapit na pala si Michael sa ‘min. Nginitian niya ako ngunit binigyan ko lang siya ng isang irap. “Sasamahan ko kayo kung saan kayo pupunta. Wala na rin naman akong klase kagaya niyo at wala rin akong pupuntahan, kaya… sasama na lang ako.”
“Hindi ka puwedeng sumama, Michael. Babae sa babae lang ‘to kaya pumunta ka na sa mga kaibigan mo,” pagtataboy ni Myrtil sa pinsan niyang mukhang wala namang balak na sundin siya.
“Sadly, wala ang kaibigan ko ngayon kaya wala akong pupuntahan. Bakit ba ayaw mo akong isama?” pagmamaktol naman ni Michael. “Hindi naman ako manggugulo sa inyong dalawa. Gusto niyo sa malayo lang ako.” Hindi talaga susuko, ah?
Humugot ng malalim na hininga si Myrtil. “Bahala ka nga sa buhay mo!” At iniwanan niya na naman ako kasama ang pinsan niya.
Humabol ako kaagad kay Myrtil dahil ayaw ko na ulit maiwan kasama si Michael. “Myrtil, wait! Hintayin mo ko. Kung hindi mo ko hihintayin, sasabunutan kita!” Tumigil naman siya sa paglalakad kaya nakahabol ako sa kaniya. “Takot ka naman palang masabunutan, eh.”
Nagpatuloy siya sa paglalakad. “Eh kung ikaw kaya ang sabunutan ko?”
Tumawa ako nang malakas. “Kung kaya mo,” sabi ko na may halong pagbabanta.
Hindi na siya ulit nakasagot.