KABANATA 27

2872 Words
KABANATA 27 Yria's POV Habang nasa sasakyan ay hindi nawawala ang ngiti ko. Natutuwa ako para sa dalawa dahil nagkita silang muli. Kahit si Gaston lang ang nakakaalala at walang maalala si Trudis ay masaya ako sa pagkikita nilang muli. Panay naman ang sulyap ni Trudis kay Gaston na nakatutok ang atensyon sa pagmamaneho. Napaisip tuloy ako. Siya kaya iyong tinawagan ni Hermes na pumunta ng bahay? Kung ano pa mga iniisip ko. Si Gaston lang pala iyon. Hindi na din ako nakapagsalita ng magpakilala ito sa amin sa ibang pangalan. Hindi Gaston ang sinabi nitong pangalan kundi Gahel. Siguro ay tatanungin ko na lang si Gaston kapag nasa bahay na kami. Tumanaw ako sa labas ng bintana. Gabi na pala. Sobra akong nag-enjoy pati oras hindi ko namalayan. Ngunit kahit magpakasaya ako ay pilit pa din na may pumapalit na lungkot. Naramdaman kong nag-vibrate ang aking cellphone. Tiningnan ko kung sino iyon. Sabagay, wala naman iba nakakaalam ng numerong iyon kun'di mga kasama ko sa bahay, si Hermes at si Val. Kumusta na kaya si Val? Hindi ko na siya natawagan simula ng makakita si Hermes. Hindi na din siya tumawag at nagti-text sa akin. Hermes: Where are you? Sabi nito sa text. Sumagot ako na malapit na. Hindi na ito nag-text pa. Huminto kami sa harap ng gate ng bahay ni Hermes. Nauna ng bumaba si Trudis at ako ay nanatili pa din nakaupo. Parang ang bigat ng aking pakiramdam. Bumukas na ang pinto ng sasakyan sa gilid ko. Humugot muna ako ng malalim na buntong hininga saka bumaba ng sasakyan. Parehong nakangiti si Trudis at Gaston sa akin. Tila ba excited ang mga ito. "Yria, pwede ba habang pumapasok tayo sa loob ay nakapikit ka?" baling sa akin ni Trudis at umangkla sa aking braso. Nagtataka ko itong tiningnan. Anong palabas ito at kailangan ko pang pumikit pagpasok sa loob? Nagtatanong ang matang sinulyapan ko si Gaston na nanatiling nakangiti. Tila nakuha naman agad nito ang pahiwatig ko at tango ang naging tugon nito. Wala na akong nagawa kun'di ang pumikit. Narinig kong bumukas ang gate at marahan akong inalalayan ni Trudis papasok sa loob ng bahay. Hindi ko alam kung para saan ito pero iba ang nasa isip ko. Unti-unti na namang tinutusok ng matalim na bagay ang puso ko sa isiping iyon. Huminto kami ni Trudis. Wala akong marinig na ingay sa loob ng bahay kun'di ang isang pamilyar na tugtugin. Hindi iyon kalakasan sapat lang para marinig ng tao sa loob. Now playing: Can't Help Falling In Love With You Napangiti ako. Hindi ko talaga pagsasawaang pakinggan ang tugtuging iyon. Para iyon kay Hermes. Ang unang lalaking nagpatibok ng aking puso. Sa isiping iyon ay hindi ko napigilan ang pangingilid ng aking luha sa mata. Muli akong masasaktan sa gabing ito. "M-maaari ko na ba buksan ang aking mata, Trudis?" garalgal kong tanong dahil ano mang oras ay bibigay na ako. Wala akong narinig na sagot bagkos ay isang pamilyar na amoy ang nanuot sa aking ilong. Lumuwag ang pagkakahawak sa akin ni Trudis at tuluyan na nitong inalis ang kamay sa akin. Nang gawin ni Trudis iyon ay may isang kamay muli ang humawak sa akin at muli akong inalalayan maglakad. Ilang hakbang lamang ang aking ginawa at kalauna'y huminto na kami. "You can now open your eyes." Mahina at malambing na wika sa akin ng pamilyar na boses. Unti-unti kong iminulat ang aking mata. Hindi si Hermes ang una kong nasilayan kun'di naagaw ng aking atensyon ang mga naggagandahan at nagkikislapang mga ilaw. Maliliit lamang iyon ngunit napakagandang pagmasdan dahil sa iba-iba ang kulay ng mga iyon. Inilibot ko pa ang aking paningin at lalo akong namangha sa aking nakita. Nasa hardin lamang kami pero sa nakikita ko ay para akong nasa Wings Fairy. Iba't-ibang bulaklak ang aking nakita. Bawat ilaw ay may mga nakasabit na mga bulaklak. Tumingin din ako sa inaapakan ko. Mga petals iyon na kinalat sa kung saan. Sobra akong nasorpresa ngayon. "You like it?" tanong ng tinig sa aking likuran. Pumihit ako para makita ko ito at ang nakangiting si Hermes ang aking nasilayan. "I-ito ba ang dahilan kung bakit mo kami pinalabas?" naluluha kong tanong rito. Tumango ito bilang tugon. Mabilis ko itong niyakap ng mahigpit. Hindi ko na napigilan ang pagpatak ng aking luha mula sa mata. Napakasaya ko dahil ngayon ko lang ito naranasan. Hindi ko lubos akalain na gagawin nito iyon. Ang sorpresahin ako. "Are you crying?" nag-aalala nitong tanong. Akma itong hihiwalay sa pagkakayakap sa akin ngunit niyakap ko pa ito ng mahigpit. "Yakapin mo lang ako Hermes," sambit ko at tuluyan ng umagos ang aking luha. "Bakit ka umiiyak? Hindi ko gusto na umiiyak ka, Yria. Ako ang nahihirapan." Nag-aalala nitong wika at niyakap pa ako ng mahigpit. Umiling-iling ako. Masaya lang ako dahil sa ginawa nito. "Isa ito sa pinakamasayang nangyari sa akin. Masaya lang ako kaya ako umiiyak." Pilit kong pinasigla ang aking boses. Ngunit sa kabila ng siglang iyon ay hindi matatawaran na sakit ang aking nararamdaman sa gagawin ko ngayong gabi. Inilayo nito ang aking katawan mula sa pagkakayakap nito. Nabanaag ko pag-aalala nito ng makita ang nag-uunahang luha sa aking pisngi. Mabilis nito iyon pinunasan gamit ang palad nito. "Ang ganda mo pa naman tapos umiiyak ka?" saad nito na may paghanga sa mga mata. Mahina akong tumawa sa tinuran nito at suminghot. "Pangit na ba ako?" tanong ko na pilit tinatago ang lungkot. "Of course not. Ikaw ang pinakamaganda sa mata ko, or should I say… shunga sa mata ko?" nangingiti nitong wika. Natawa ako sa sinabi nito. "Salamat dito, Hermes. Hindi ko inaasahan ito." Nakangiti kong wika. "Hindi pa ito ang sorpresa ko," sambit nito at muli akong inalalayan. Tinungo namin ang maliit na mesa na nakapwesto sa gitna. May nakita pa akong mga baso doon at isang bote na hindi ko alam kung ano ang laman. Hindi kami naupo bagkos ay tinungo namin hindi kalayuan sa mesa ang mga petals din na may hugis. Hugis puso iyon. Hindi ko iyon napansin kanina dahil nasa kabilang gilid ng mesa iyon at natatakpan. Pumunta kami sa gitna. Hinawakan nito ang aking kamay at marahan nito akong inikot na parang nagsasayaw. "You are so beautiful tonight, my angel." Sabi nito ng humarap ako. Nilagay nito ang dalawa kong kamay sa magkabila nitong balikat. Habang ang dalawang kamay naman nito ay nasa bewang ko at marahan akong nilapit. "Let's just enjoy the night. I played our favorite song, do you hear it?" sabi nito. Tumango naman ako bilang tugon. Nagsimula na kaming sumabay sa musika. Pinakatitigan ko ito. Hanggang ngayon hindi pa din ako makapaniwala na magmamahal ako ng isang taga lupa. At ngayon nga ay pinaparamdam din nito kung gaano nito ako kamahal. Kaya ko ba gawin? Kaya ko ba muli masaktan? Pero gagawin ko ito alang-alang sa taong nagmamahal rito. At hindi ako iyon. Balang araw mamahalin din nito si Karla. Kung mananatili pa ako dito sa mundo nito ay ang iisipin ko na lamang ang tungkulin ko. Hindi ko na hahayaan na mahulog pa ang loob nito sa akin. Sana kaya ko. Sana. "Alam mo bang hindi sa akin galing ang ideya na ito?" natatawa nitong wika. "Ha?" "Si Gaston ang nag-suggest sa akin na ganito ang gawin. Maganda daw ito para sa katulad mong mahilig sa mga bulaklak." Paliwanag nito. Napangiti ako sa sinabi nito. Ibig sabihin ay kanina pa nandito si Gaston. Tinulungan nito si Hermes na mag-ayos dito. "Salamat ulit," tanging nasambit ko. "Hindi na kita tatanungin ulit dahil sinagot mo na ako ng oo…" sabi nito. Tumigil ito sandali. May kinuha ito sa suot nitong pantalon. Isa iyon na kulay pula at maliit na kahon. Bahagya itong lumayo sa akin. Binuksan nito ang hawak at tumambad sa akin ang isang maliit na hugis bilog na may kumikislap sa bandang gitna. Para iyong dyamante. Nagtatanong ang matang sinulyapan ko ito. "Maaari ko na ba isuot ito sa'yo?" nakangiti nitong wika. Muling naglandas ang aking luha kasabay niyon ang aking pagtango bilang sagot sa tanong nito. Kinuha nito ang aking kaliwang kamay at sinuot nito sa aking palasinsingan ang singsing. Ito ang simbolo ng pagmamahal sa akin ni Hermes. Dapat masaya ako pero lungkot ang bumabalot sa aking pagkatao. "Mahal na mahal kita, Yria." Sabi nito ng maisuot na sa akin ang singsing at pinakatitigan ako. Hindi nakaligtas sa aking mata ang mumunting kislap sa gilid ng mata nito ngunit nakangiti pa din ito. "Hermes," mahina kong wika at muling tumulo ang aking luha. Ito ang huling gabing makakasama ko ito. Ang gabi na huli kong masisilayan ang masayang ngiti na sa akin lamang binibigay. Isipin ko pa lang ang gagawin ko ay sobra na akong nasasaktan. Parang unti-unting tinutusok ang puso ko at bumabaon iyon hanggang sa kailaliman. Naninikip ang dibdib ko sa sakit. Kasalanan ko naman dahil nagmahal ako ng isang taga lupa. Hindi ako nakinig sa mga Guardian Fairy na hindi maaaring makipag-ugnayan ang katulad ko sa taga lupa. Lalong-lalo na sa aking ginagabayan. Parusa na ito sa akin. Ang masaktan ako ng paulit-ulit dahil sa ginawa ko. Hinawakan ko ang pisngi nito. Gusto ko iparamdam na kahit sa huling sandali namin na magkasama ay mahal na mahal ko ito. "Lagi mo tatandaan na mahal na mahal kita. Hindi ako nagsisisi na minahal ko ang isang tulad mo. Ka-kahit paulit-ulit man akong m-masaktan, i-ikaw pa din ang pipiliin kong mahalin." Halos hindi ko na mabigkas ang mga huli kong sinabi dahil sa pag-iyak ko. Kailangan ko ng magpaalam. "Mas mahal kita, Yria. H'wag mo akong iiwan ha?" nakikiusap nitong wika. Nakagat ko ang aking ibabang labi. Kahit masakit ay tumango lamang ako rito. "H'wag ka ng umiyak, please." Hinalikan ako nito sa noo at pagkatapos ay pinagdikit nito ang aming mga noo. "H-Hermes," "Hmm?" "Maaari mo na akong halikan," saad ko sa gitna ng pag-iyak. Kahit mahirap sa akin ang gagawin ko ay kailangan ko itong gawin. Gusto ko maging masaya si Hermes sa piling ng taong nagmamahal rito. Tinanggap ko na sa sarili na hindi ako nararapat kay Hermes. Hindi ako ang magpapasaya sa kan'ya dahil iba ang mundong ginagalawan ko. Ayos lang kahit ako lang ang masaktan. Kakayanin ko, h'wag lang si Hermes. "Are you sure?" naninigurado nitong tanong. Wala itong ka-ide-ideya sa posibleng mangyayari. Tumango lamang ako bilang tugon. Kumapit ako sa magkabilang gilid ng laylayan ng damit nito. Hinalikan muna ako nito sa noo, pababa sa ilong hanggang sa tinitigan muna ako bago nito nilapit ang labi sa labi ko. Sapo ng dalawang kamay nito ang magkabila ng aking pisngi. Handa na ako sa mangyayari. Handa na akong makalimutan ni Hermes. Kasabay ng pagpikit ng aking mata ay ang paglandas ng aking mga luha. Ang paglapat ng aming mga labi ay hudyat ng isang masakit na kapalaran. Kapalaran na kahit kailan ay hindi magbabago kahit na paulit-ulit na mangyayari. Ito ang nakatadhana sa aming dalawa. Tadhana na kahit kailan man ay hindi maaaring magsama ang isang taga lupa at ang fairy. Babaunin ko ang masayang alaalang ito. Mga alaalang tanging ako lang ang nakakaalam. At ang lungkot at sakit na tanging ako lang din ang makakaramdam. Isa lang ang hudyat para tapusin ko ang gabing ito. Pinitik ko ang aking daliri kasabay ng paglayo ng labi nito sa labi ko. Umiiyak na pinagmasdan ko lamang ito habang dahan-dahang inalalayan ko para mahiga sa damuhan. Pumitik pa ako ng dalawang beses. Para iyon kay Trudis at Manang Nora. May mga alaala akong aalisin sa kanila. Ang isipin na pati ang mga ito ay mawawalan ng alaala ay labis na nagpapahirap sa akin. "P-patawarin mo ako Hermes. Kailangan ko itong gawin. H-hindi ako ang nararapat sa pagmamahal mo." Umiiyak kong wika. Nilapit ko ang aking labi sa labi nito at hinalikan ko ito. Ito na ang huling halik ko para sa kan'ya. "Yria," Napalingon ako sa nagsalita. Ang puno ng lungkot at pag-aalala ang aking nakita sa mukha ni Gaston. Lumapit ito sa akin. Tiningnan nito si Hermes na nasa damuhan. "Ma-masakit nga talaga Gaston. Ma-masakit d-dito…" marahas kong hinampas ang aking dibdib. Para iyong pinipiga sa sakit. Pinigilan ako ni Gaston sa aking ginagawa. Maging ito ay nahihirapan sa sitwasyon ko. "Alam ko. Pero wala tayo magagawa dahil ito ang kapalaran natin. Kayanin mo, Yria. Mas may sasakit pa diyan. Ang tuluyan tayong maglaho sa buhay nila kapag natapos na tayo sa ating misyon." Paliwanag sa akin ni Gaston. "Ma-mahal na ma-mahal ko si Hermes, Gaston. Pa-parusa ba ito sa akin ng mga fairy dahil sinuway ko sila?" Patuloy ko at humagulhol na ako ng iyak. Umiling si Gaston. Niyakap ako nito ngunit hindi niyon nagawang tanggalin ang sakit na nararamdaman ko. "Hindi ito parusa Yria. Nagmahal lang tayo." "Pero bakit ganito? Ba-bakit nila tayo hinayaang gabayan ang mga taga lupa? A-alam ba nila na ma-mahuhulog tayo? Na magmamahal tayo? Bakit, Gaston? Bakiiit?" sunod-sunod kong tanong. Kung kanina ay walang makakatumbas sa saya na naramdaman ko ay wala ding makakatumbas sa sakit na nararamdaman ko ngayon. Para akong pinapatay ng paulit-ulit sa sobrang sakit. "K-kung alam ko lang na masasaktan ako ng ganito, sana… sana… h-hindi ko hinayaan na mahulog sa kan'ya." Mahina kong wika. Kumalas na ako sa pagkakayakap kay Gaston. "Anong gagawin mo?" nagtataka nitong tanong. "Aalis ako," tipid kong tugon. "Saan ka pupunta?" Pinunasan ko ang aking mga luha at tumayo. "Hindi ko alam. Babalik na lang ako kapag h-hindi na ma-masakit," sagot ko at muling naglandas ang aking mga luha. Tinapat ko ang aking hintuturo kay Hermes na nakahiga sa damuhan. Umangat ito sa ere ng ginawa ko iyon. Tumayo na din si Gaston. "Paano si Trudis at Manang Nora?" "Aalisin ko ang lahat ng alaala na kasama nila ako." Sagot ko at nagsimula na akong maglakad kasabay niyon si Hermes na nakalutang sa ere. Sumunod si Gaston sa akin. "Sigurado ka ba? Kapag ginawa mo iyan ay mababawasan ang enerhiya mo sa katawan. Alam mong hindi tayo ang dapat na gumawa niyan. Manghihina ka Yria." Paalala nito sa akin. Pero desidiso na ako. Tatanggalin ko ang alaala ni Trudis at manang. Iyon lang ang tanging paraan para hindi din maguluhan si Hermes. Kung kailangan kong magsimula ulit ay gagawin ko. "Hindi mo ako mapipigilan, Gaston. Kailangan kong gawin ito. Hindi naman siguro iyon kabigat para mabawasan ang enerhiya ko." " Ako na ang ga-" "Hindi!" putol ko sa sasabihin ni Gaston. Ayaw kong pati ito ay manghina sa kagagawan ko. "Ipaubaya mo na sa akin ito Gaston." Pakiusap ko. Wala na itong nagawa kun'di ang sundin ako. Hindi na din ito sumunod sa kwarto ni Hermes. Pagdating ko sa kwarto ni Hermes ay marahan ko itong binaba sa higaan. Muling pumatak ang aking luha ng pagmasdan ko ito. Ito na din ang huling titig ko sa gwapo nitong mukha. Hindi ko alam kung kailan ako babalik. Siguro ay kapag kaya ko na muling humarap sa kan'ya. Muli ko itong dinampian ng halik sa labi. "Ang lahat ay panaginip lang Hermes. P-pero para sa akin ay isang masayang panaginip." Sambit ko at muling naglandas ang masaganang luha mula sa aking mga mata. Kahit masakit ay tuluyan ko ng nilisan ang kwarto nito. Bumaba ako at tinungo ko ang kwarto ni Manang Nora. Simulan ko na tanggalin ang mga alaala nito. Pagkatapos ay si Trudis. Pagpasok ko sa kwarto namin ay nandoon si Gaston. Hindi ko na ito nagawang sulyapan. Tumabi ako kay Trudis na walang malay. Tinapat ko ang aking hintuturo sa gilid ng sintido nito. Tinanggal ko ang mga alaala nito na kasama ako. Alam ko na kahit magsimula ako sa umpisa ay magiging malapit pa din kaming dalawa ni Trudis. Nang matapos ay nag-ayos na ako ng mga gamit ko. Wala akong tinira na maaaring makita ni Trudis. Lumabas na ako ng kwarto habang nakasunod naman si Gaston sa akin. Nasa labas na ako ng gate ng magsalita ito. "Balitaan mo ako Yria. Pasensya na at hindi kita masamahan." Hinging paumanhin nito. Ngumiti lamang ako rito. "Okay lang, kaya ko. Fairy ako, madami akong kayang gawin." "Pakiusap ko lang, iwasan mo gamitin ang kakayahan mo. Para din sa iyo ang sinasabi ko." Nag-aalala nitong wika. Tumango lamang ako bilang tugon. Tuluyan ko ng nilisan ang lugar kung saan maiiwan ang lalaking mahal ko. Hindi ko nagawa ang gusto nito na h'wag ko itong iwan. Ngunit ito ako at papalayo sa tirahan nito. Pakiramdam ko naiwan ang puso ko sa lugar na iyon. Habang naglalakad ay walang tigil sa pag-agos ang aking luha. Napahawak ako sa aking dibdib dahil sa sakit na aking nararamdaman. Sa totoo lang hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng aking mga paa. Basta ang alam ko ay naglalakad lang ako na walang patutunguhan. Hanggang sa nakaramdam ako ng pagkahilo. Ito na yata ang senyales na nabawasan ang enerhiya ko sa katawan. Ngunit nagpatuloy pa din ako sa paglalakad kahit nangangatog ang tuhod ko at nakakaradam na ako ng panghihina. May nakita akong liwanag na papalapit sa kinaroroonan ko. Sabay ng pagkasilaw ko sa ilaw na iyon ay ang tuluyan na panlalabo ng aking mga mata. Naramdaman ko na lamang ang paghandusay ko sa kalsada at ang paghinto ng isang sasakyan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD