NANG marinig ni Kila ang alarm ng cell phone ni Xander ay pinasok niya ito sa kuwarto upang gisingin. Nagtaka siya nang mapansing nakatalukbong ito ng kumot. Bihira itong gumamit ng kumot dahil naiinitan daw ito. “Xander?” tawag niya nang maupo sa gilid ng kama. “Gising na. Maaga ka ngayon sa school.” Umungol lang ito. Inalis niya ang kumot na nakatalukbong dito. “Gising—” Bigla siyang natigilan nang mapansin na namumutla ito. “Xander?” Dinama niya ang noo nito. Mainit na mainit ito. Bigla siyang kinabahan. Nang nagdaang gabi ay basang-basa itong umuwi sa bahay dahil inabutan daw ito ng ulan at wala itong dalang payong. “Nilalagnat ka,” nag-aalalang sabi niya habang inaayos ang kumot dito. Ungol lang ang naging tugon nito. Siniguro niyang maayos ang pagkakahiga nito bago siya lumabas

