HINDI alam ni Kila kung paano ang magkaroon ng lola kaya nanibago siya habang kasama niya si Lola Ancia. Tatlong araw na sila ni Xander sa Mahiwaga. Kahapon ay umuwi na sa Maynila ang mga magulang nito. Naipasyal na siya ni Xander sa ilang magagandang lugar sa paligid ng villa. Buong buhay niya ay inilagi niya sa lungsod, at sa pangit at dukhang bahagi pa niyon. Bihira siyang makakita ng magagandang tanawin kaya hindi mailarawan ang galak niya habang namamasyal sila. Sariwang-sariwa ang hangin doon. Tila ang taas-taas ng langit. Ang lawak-lawak ng kapaligiran. Halos pulos berde ang nakikita niya. Makukulay ang bulaklak—ligaw man o mga alagang cattleya sa villa. Malinis at malinaw ang mga ilog. Napakabait pa ng mga tao roon. Ayaw na nga sana niyang umalis ngunit alam din niyang hindi maa

