HINDI maipinta ang mukha ni Neil nang malaman niya sa kanyang ina na pag-aaralin nito si Phoebe. Wala siyang problema roon. Ang ikinagagalit niya ay siya ang ginawang dahilan ng ina para hindi tumanggi si Phoebe nang magkausap ang dalawa kagabi sa kuwarto.
Gusto sanang tumanggi ni Phoebe sa kagustuhan ni Salud na pag-aralin siya nito. Ayaw niya kasing gumastos pa ang mabait na ginang para sa pag-aaral niya.
"Tita Salud, 'wag na po. Ang dami niyo na pong naitulong sa akin. Okay na po iyong suweldo na ibinibigay niyo sa akin buwan-buwan. Iipunin ko na lang po iyon para sa pag-aaral ko," sabi ni Phoebe kay Salud.Naramdaman ni Phoebe na hinawakan ni Salud ang kanyang kamay. "No. Hindi ako papayag. Papaaralin kita... at what my son requested."Tila naguguluhan pa rin si Phoebe kung bakit gusto siyang pag-aralin ni Neil. "Tita, bakit po gusto ni Neil na pag-aralin ako?"Hindi nagsalita ang ginang sa kanya bagkus ay ngumiti lang ito. Heto na naman ang ngiti nito na sobrang napakamisteryo. Iniisip tuloy ni Phoebe na parang may binabalak ito sa kanya. Hindi niya lang alam kung ano iyon. "Hija, don't worry, okay. Ako bahala sa pag-aaral mo. Mabuti pa ay magpahinga ka na at maaga pa kayong aalis ng anak ko bukas."Sabay silang tumayo ni Salud at parang pinipilit pa siya nito na makalabas na sa kuwarto upang matapos na ang kanilang pag-uusap. "Pero, Tita, bakit po—""Bukas na tayo mag-usap. Magpahinga ka na."Hindi na muling nakapagsalita pa si Phoebe dahil mabilis ng isinarado ni Salud ang pinto ng kuwarto nito.
Kaya kinabukasan, heto siya ngayon, nasa loob ng sasakyan ng binata habang tinatahak nila ang mahabang kalsada papuntang Cavite.
"Hindi ko alam kung bakit ako ang idinahilan ni mama para pag-aralin ka. Ni wala akong sinasabi sa kanya na gusto kitang pag-aralin," nabubuwiset na tugon ni Neil habang nagmamaneho ito. Naihinto naman ng binata ang pagmamaneho dahil nakapila sila ngayon sa isang toll gate para makapasok sa CAVITEX. Habang hinihintay na umusad ang lane, wala pa rin sa mood na tiningnan niya si Phoebe na tahimik lamang na nakaupo sa front seat ng sasakyan. "Oh, baka naman sumisipsip ka sa mama ko," parang musmos na batang tugon ni Neil habang hindi pa rin maipinta ang mukha nito.
Biglang umusbong sa dibdib ni Phoebe ang inis sa binata. "Napaka-immature mo naman mag-isip. Hindi ako sumisipsip sa magulang mo!" sigaw pa niya rito. "Nalilito nga ako kung bakit niya ako pag-aaralin. Sabi niya kasi ay gusto mo raw."
Hindi na nakapagsalita pa si Neil dahil ayaw niyang makipagtalo kay Phoebe. Baka kung saan pa mapunta ang pagtatalo nila.
Tumahimik na lang silang dalawa sa loob ng sasakyan habang tinatahak nila ang kabuuan ng CAVITEX.
Malayang nakatingin lamang si Phoebe sa bintana ng sasakyan at tinatanaw ang lugar na dinadaanan nila. Hindi niya namalayan na nakaiglip na siya at nakatulog.
***
INIHINTO ni Neil ang kanyang sasakyan sa isang bungalow na bahay na hindi naman kalakihan katulad ng bahay ng kanyang ina sa Maynila. Maituturing na ancestral house na ng pamilya ni Neil ang bahay na ito sa Cavite dahil bahay ito sa kanyang namayapang ama na may-ari naman ng namayapa nitong mga magulang. Nang magkaroon kasi ng business ang ina sa Maynila ay napilitan sila na lumipat na lang doon kaysa naman bumiyahe pa ng sobrang layo si Salud. Nang tumungtong si Neil ng kolehiyo, ang ancestral house na ito ang nagsilbing tirahan niya habang nag-aaral sa Cavite. Wala namang problema sa bahay na iyon dahil sa hitsura nito ay mukhang bago pa at moderno. Pina-renovate kasi ito ng ama isang taon bago ito namatay.
Matapos patayin ni Neil ang makina ng sasakyan, napatingin siya kay Phoebe. Napansin niyang taimtim itong natutulog habang nakasandal ang ulo nito sa bintana ng sasakyan. Natatakpan ang mukha nito ng kaunting hibla ng buhok kaya hindi makita ni Neil ang kabuuang mukha nito.
"Phoebe, gising na!" pukaw niya sa dalaga. Hindi ito nagising. Patuloy lang ito sa pagtulog. Hinawakan niya ang balikat nito at saka niya niyugyog. Ngunit parang patay na manika si Phoebe dahil ayaw nitong magising.
Napahinto si Neil sa pagyugyog at napatingin sa mukha nito. Inalis niya ang mga nakaharang na hibla ng buhok at iniligay sa likurang tenga. Sa pagkakataong iyon, malayang pinagmamasdan niya ang natutulog na si Phoebe.
Parang bata itong natutulog habang nakapikit ang mga mata. Hindi niya alam ang dahilan ngunit bigla na lang napangiti si Neil ng wala sa oras nang makita niya ang kabuuang mukha ni Phoebe.
Tingnan mo nga naman. Pagod na pagod sa biyahe? Akala mo naman ang haba ng biniyahe namin, aniya habang nakangisi siyang nakatingin kay Phoebe.
Maya-maya pa ay napadako siya sa pulang labi nito. Hindi niya maintindihan ang sarili dahil parang may nagtutulak sa kanya na sunggaban ng halik iyon. Teka? Bakit naman niya hahalikan si Phoebe? May nararamdaman ba siyang affection para rito?
Wala, ‘no! He thought.
Napailing siya para burahin ang iniisip niya. 'Wag! 'Wag kang maging manyak, Neil. I-off mo 'yong pagkamanyak mo ngayon. Bakit mo naman naisipan na halikan ang stupid girl na ito?
Ngunit parang hindi yata effective. Kasi bigla na lang niyang naisipan na ipagpatuloy ang gusto niyang plano. Isang daplis lang naman, eh, sabi pa ng kanyang devil side.
Umayos siya sa kanyang puwesto upang makalapit sa mukha ni Phoebe. Unti-unti naman niyang inilalapit ang kanyang labi sa labi nito. Ngunit huli na ang lahat dahil saktong iminulat na ni Phoebe ang mga mata niya. 'Yon nga lang, nakita niya ang mukha ni Neil na sobrang lapit sa kanya kaya malakas na hinampas niya ito. "Aray!" ngiwi ni Neil at mabilis siyang napaupo sa kanyang puwesto.
"Bastos! Anong ginagawa mo!?" naiirita pang tanong ni Phoebe matapos niyang hampasin ng malakas ang pisngi ng binata. Himas-himas naman ni Neil ang kaniyang kaliwang pisngi dahil sa hapdi ng pagkakasampal nito.
"Gigisingin lang kita!" sagot ni Neil. Weh? ani naman ng kanyang devil side.
"Gigisingin!? Eh, bakit sobrang lapit mo sa akin!?" pagrereklamo pa ni Phoebe habang nakasalubong ang dalawang kilay.
Walang salitang lumabas sa bibig ni Neil. Nauutal siya. Kinakabahan. Bumibilis ang t***k ng puso. Ano ngayon ang idadahilan niya?
"Gigisingin nga lang kita! Ano ba ang iniisip mo? N-Na... na hahalikan kita, ganun?"
Biglang namula ang dalawang pisngi ni Phoebe. Parang kamatis iyon na sobrang pula. Huli na para itago niya iyon kay Neil kasi nang tingnan siya ng binata ay bigla na lang lumitaw sa labi nito ang ngiting nakakaloko.
"Gusto mo yata, eh?" pang-aasar ni Neil sa kanya kaya mas lalong namula ang mga pisngi ni Phoebe.
"Manyak ka rin, eh 'no!?" singhal niya.
"Well, ano namang masama kung hahalikan kita? Lalaki ako, babae ka. Natural lang sa lalaki at babae ang naghahalikan."
Napapapikit si Phoebe sa sinasabi ng binata sa kanya. Nandidiri kasi siya sa pinagsasabi nito. Bakit bigla na lang sila napunta sa ganoong usapan?
"Tumigil ka na! Nandidiri ako sa iyo, Sir Neil," pagdidiin niya.
"It's Neil! Walang 'sir', okay?"
Napangiwi siya at napatingin na lang sa malaking gate na medyo kinakalawang na. "Nandito na po ba tayo?"
"Yes. Gigisingan nga sana kita para sabihin sa iyo na nandito na tayo. Tapos bigla mo na lang akong sinampal!" pagmamaang-maangan pa ni Neil kahit na alam niya na hindi naman iyon talaga ang pakay niya kaya niya nilapitan ang mukha ni Phoebe. Nagpapa-feeling victim na lang siya para hindi siya mahuli nito; kahit na nagi-guilty siya sa kanyang ginawa. Mabuti na lang at hindi natuloy.
Hindi nagsalita si Phoebe bagkus mabilis nitong kinuha ang bag pack na nasa paanan lamang ng kinauupuan; kinuha ang isang saklay na nakalagay naman sa passenger seat, at dali-daling bumaba ng sasakyan. Umikot pa ito hanggang sa makalapit na ito sa harapan ng malaking gate; pinagmamasdan ang kabuuan ng bungalow house.
Kinuha naman ni Neil ang susi ng kanyang sasakyan at saka siya sumunod sa dalaga. Tinabihan niya ito sa kinatatayuan habang nakapamulsa ang dalawang mga kamay.
"You like it?" nakangisi pang tanong ni Neil kay Phoebe.
"Okay lang naman. Pero mas malaki pa rin 'yong bahay niyo sa Maynila." Napatingin si Phoebe kay Neil. "Teka? Kaninong bahay 'to?"
"Sa papa ko. Actually, bahay ng mga magulang niya, lolo at lola ko. Pinamana lang sa kanya matapos silang ikasal ni mama. Dito ako tumutuloy habang nag-aaral ako rito sa Cavite. And maybe, you will also. May makakasama na ako," nakapanglolokong ngising saad ni Neil sa dalaga nang tingnan niya ito. Sa ngiti pa lang ng labi nito ay masasabi ni Phoebe na parang may binabalak iyong plano. Mana rin siya sa mama niya, ‘no!? Naisip niya.
Malaya silang pumasok sa malaking gate. Pagkapasok nilang dalawa ay sinalubong sila ng sandamakmak na santan sa facade ng bahay na iyon. Namumutok sa kulay pula ang mga bulaklak nito na sobrang ganda pagmasdan. Kahit iyon lang ang halaman na nakatanim doon ay masaya naman si Phoebe na makita ito.
Meron pang lumang poso na nakatayo sa gitna, malapit sa tangke ng tubig. Sa sobrang tagal nang nakatayo ang posong iyon, kinakalawang na rin ito katulad ng gate.
Pinabayaan lang ni Neil ang dalaga na magtitingin doon habang siya naman ay abalang binubuksan ang pinto ng bahay. Nang mabuksan na iyon ni Neil, hindi naman niya napansin na nasa likuran na pala niya si Phoebe. Naunang pumasok si Neil sa loob ng bahay at sumunod naman si Phoebe sa kanya. Inihagis ni Neil ang dala-dala niyang bag sa isang foam na sofa at saka siya dumaretso sa kusina upang uminom ng tubig.
Hindi pa rin nawawala sa mukha ni Phoebe ang pagkamangha niya sa kabuuan ng loob ng bahay na iyon. Sobrang liit lang ng space sa loob pero kung titingnan sa labas ay sobrang laki nito. Maliit lang ang space ng sala at may isang thirty two inches na flat screen TV na nakadisplay sa isang malaking shelf na puno ng mga CDs at DVDs. Dinidivide naman ng shelf na ito ang pagitan ng sala at kusina. Sa kaliwang bahagi naman ay naroon ang dalawang pinto ng kuwarto ng bahay.
Maya-maya pa ay lumapit si Neil sa kanya habang nakapamewang. "You like it now?"
Tumango si Phoebe. "Oo naman. Sabi ko nga kanina, napakasimple ng bahay na ito kumpara doon sa bahay niyo sa Maynila."
"Well, masanay ka na," sabi ni Neil. "Dahil sa bahay na ito, dito kita hahalikan. Dito tayo gagawa ng sarili nating pamilya," nakangising pang-aasar na sabi niya kay Phoebe saka niya nito iniwanan.
"Eeewww! Manyak!" sigaw pa ni Phoebe kay Neil. Pero deep inside, parang kinikilig siya. Malandi ka rin, Phoebe, ‘no?
"Gustong-gusto mo naman!" Tiningnan pa ni Neil si Phoebe at saka siya ulit tumalikod. "Come on, stupid girl! Isarado mo ang pinto at pupunta na tayo sa school. Magpapa-enroll pa tayo!" he shouted back.
Sort of, hindi niya tuloy maiwasan na mamula ulit ng pisngi dahil sa kilig na nadarama. Nakarurupok lang talaga ang pang-aasar ng binata sa kanya ngayon. Ang landi mo, self, ah!
***
TATLONG oras mahigit nang nakapila si Neil sa cashier section upang magbayad ng miscellaneous fees. Tumatagiktik na sa pawis ang kanyang mukha lalo na ang kanyang buong katawan dahil sa sobrang init ng panahon ngayon. Basang-basa na rin sa pawis ang likod ng damit niya ngunit hindi na niya iyon binigyan ng pansin dahil mas nakatuon siya sa pila.
Iniwan naman muna niya si Phoebe sa high school department at hindi na niya alam kung ano na ang ginagawa ng babaeng iyon. Sa pagkakaalam niya ay mukhang magte-take pa muna ng entrance exam si Phoebe bago makapag-enroll. Besides, gusto na niyang matapos itong paghihirap niya ngayon dahil hindi pa siya nagkakapag-lunch. Kumukulo na ang kanyang tiyan dahil sa sobrang gutom.
Ilang minuto ang nakakalipas sa kanyang paghihintay ay nahagip niya hindi kalayuan si Phoebe. Kumunot ang noo niya nang makita niyang hindi ito nag-iisa dahil may kasama itong lalaki at kilalang-kilala naman niya ang lalaking kasama nito.
Si Tommy, ang kilalang heart throb kuno ng university at isang sikat na varsity player ng school para sa larong volley ball. Sa sobrang tangkad ni Tommy, halos hanggang dibdib lang si Phoebe nito. Nagmumukha tuloy unano ang dalaga.
Pero hindi gusto ni Neil si Tommy. Dahil may hitsura naman ang binatang athlete, maraming nagkakagusto rito. Kaya ganun na lamang ito ka-confident na maging babaero. Lahat na yata ng babae sa school ay naging girlfriend na nito pero hindi naman nagtatagal. Ang pinakamatagal na yata na relationship ni Tommy sa isang babae ay nasa isang linggo lang and the rest were two days or one day.
Nang makalapit ang dalawa sa kinatatayuan ni Neil, nakakapanlokong tiningnan siya ni Tommy. "So, it's true! Ikaw pala ang amo ng magandang dilag na kasama ko," pagsasaad pa ni Tommy sa kanya. Sa tono ng boses pa lang nito ay gusto nitong asarin si Neil. Alam kasi ni Tommy na may galit ito sa kanya noon pa man.
Hindi naman siya nagsalita dahil pinipigilan niya ang sarili na huwang mairita rito.
"Neil, hindi ko kasi alam kung saan dito 'yong college department. Nakita ako ni Tommy at sinamahan niya ako," narinig pa niyang tugon ni Phoebe pero hindi niya iyon pinansin. Nakatingin lang siya nang masama kay Tommy.
Bakit niya kinaiinisan ang lalaking ‘to? Isa rin kasi si Tommy sa lalaking naging boyfriend ni Sofia noong mga panahon na pinagmamasdan pa niya sa malayo ang dalaga. Nang malaman niya na sinaktan lang nito si Sofia, galit na galit siya sa lalaking ito.
"Puwede ba! Kung may balak ka kay Phoebe, 'wag mong subukan dahil ako ang makakaharap mo!"
"Is that a threat? 'Wag mong subukan, Neil. Dahil alam naman natin na duwag ka." Lumapit sa kanya si Tommy at may ibinulong sa kanyang tenga. "But don't be upset. Your maid will be my next target soon. Kaya pagbutihan mong huwag siyang magkagusto sa akin or else... alam mo na ang mangyayari," nasisiyahan pang bulong nito at sabay tapik ng malakas sa kanyang braso. Humarap naman ito kay Phoebe matapos siya nitong kausapin.
"Well, Phoebe, iiwanan na kita rito sa high blood mong amo dahil baka hinahanap na ako ng kapatid ko. Magkita na lang tayo sa first day of school, ah. Pagaling ka," nakangiti pang pagpapaalam ni Tommy kay Phoebe.
"Thank you ulit sa paghatid mo sa akin, Tommy. Kung hindi mo ako hinatid, baka naligaw na ako sa school na 'to. Ang laki-laki kasi tapos hindi ko pa kabisado ang lugar."
"No problem. Mauna na ako sa iyo." Kinuha ni Tommy ang isang kamay ni Phoebe at saka nito hinalikan ang likuran. Bago pa ito umalis ay binigyan pa nito ng fierce smile si Neil at muli nitong tinapik ang braso ng binata. Nang makaalis ito, nakita ni Neil kung gaanong sobrang kinikilig si Phoebe dahil sa paghalik ni Tommy sa kamay nito. Kaya dali-dali niya itong sinaway.
"Hoy! Ba't kasama mo 'yong lalaking iyon!?" singhal pa niya sa dalaga.
Parang bula na nawala ang pagkakangiti ni Phoebe sa tinuran ni Neil sa kanya. "Heto naman! Ang OA mo. Hindi ko naman sinasadya na magkakakilala kami ni Tommy. Sinamahan niya kasi 'yong kapatid niyang babae na magpa-enroll. Mukha ngang magiging classmate ko si Eunice, eh."
"Eunice? Sinong Eunice?" nagtatakang tanong ni Neil.
"Si Eunice, bunsong kapatid ni Tommy. Grade Nine na rin. Katulad ko. Siya nga pala, bakit Grade Nine na ang tawag sa high school ngayon? Dati kasi third year ang—"
Napahinto na lamang si Phoebe sa pagsasalita dahil nagulat siya nang bigla siyang hawakan ni Neil sa braso niya. Muntikan na nga siyang matumba dahil nakasaklay siya ngayon. Sobrang diin ng pagkakahawak nito at nasasaktan siya.
"Huwag na huwag kang lalapit sa lalaking iyon! Maliwanag ba?"
"Teka!? Wait! Nasasaktan ako!"
"Basta sundin mo na lang ang sinasabi ko! Huwag kang lalapit sa lalaking kapre na iyon!"
"Bakit ba!? Ano bang meron kay Tommy, ah!? Mukha namang mabait ang tao."
He hardly scoffed. "Talaga lang, ah! Hindi mo pa kilala ang mga tao rito sa school kaya 'wag kang masyadong maa-attached sa mga taong kakilala mo pa lang. Naiintindihan mo ba ako!?"
"Teka nga lang! Bitawan niyo po muna ako!" Malakas na inalis ni Phoebe ang pagkakahawak ni Neil sa braso niya. "Ano ba kasi ang meron sa Tommy na iyon? Manyak ba 'yon!"
"Mas manyak pa iyon sa akin! Kaya sundin mo na lang ang sinasabi ko!"
Napangiwi na lang si Phoebe at nakasimangot na tinalikuran niya si Neil, yakap-yakap ang dala niyang brown envelope na naglalaman ng mga papeles para sa enrollment. "Kahit kailan talaga ang sungit-sungit ng mokong na 'to!" bulong niya sa kanyang sarili at mukhang narinig yata iyon ni Neil.
"Anong sabi mo!?" sigaw ulit ng binata sa kanya.
"Wala po," may pagtatampo sa boses na tugon niya sa binata. Akala pa naman ni Phoebe ay nagbago na ng ugali si Neil. 'Yon pala, scam lang pala ang lahat. Isang araw lang pala itong magbabago ng ugali para sa kanya, para sa ginawa niyang sakripisyo na hindi ito mabangga ng sasakyan. Pagkatapos niyon, parang balik ulit sa dati ngayon. Hinawakan pa siya nito ng mahigpit sa braso. Sobrang sakit. Feeling niya parang bumaon ang kuko nito sa kanyang balat. Naaalala tuloy ni Phoebe ang gabi kung paano siya nito kinaladkad papalabas ng kuwarto.
"Ikaw nga pumila rito. Nagugutom na ako. Bibili lang ako ng makakain sa labas," masungit na utos pa ni Neil sa kanya kinalaunan. Wala naman siyang nagawa kundi sundin ang utos ng binata. Binigay pa ni Neil sa kanya ang envelope na dala-dala nito.
Aalis na sana si Neil nang bigla siyang natigilan sa sinabi ni Phoebe. "Wait! 'Yong pangbayad mo nga pala sa cashier. Akin na. Wala akong dalang pera rito." Naalala ni Phoebe na may utang pala ang lalaking amo sa kanya na five hundred pesos noong pumunta sila sa mall.
Hindi maipinta ang mukha na kinuha ni Neil ang kanyang wallet sa bulsa at dumukot ng pera roon. Binigay naman niya iyon kay Phoebe pagkatapos.
Pero nang muling tumalikod si Neil sa kanya ay muli natigilan ang binata sa paghakbang dahil may isang pamilyar na babae ang humarang sa kanyang daraanan.
"Neil," the girl said in a pity voice. "Can we talk?"
Hindi na muling napigilan ni Neil ang sarili. Naghari na naman ang galit at sama ng loob sa kanyang puso ng makita niya si Sofia na nasa harapan niya ngayon.
"Anong ginagawa mo rito!?" singhal niya kay Sofia. "'Di ba sabi ko huwag ka ng magpapakita sa akin!"
"Gusto ko lang makipag-usap sa iyo, Neil. Sana bigyan mo ako ng isang pagkakataon para magpaliwanag." Nasa tono nito ang pagmamakaawa.
Hindi namalayan ni Neil na biglang tumahimik ang nasa paligid niya. Nakatingin na ang lahat ng mga tao sa kanilang dalawa ni Sofia, lalo na si Phoebe na hindi maintindihan kung ano ang pinag-uusapan nilang dalawa.
"Please... 'Dy."
Natigilan si Neil sa ibinigkas ni Sofia sa kanya. Tinatawag siya nito sa endearment nila noon na 'My at 'Dy na ibig sabihin ay Mommy at Daddy. Sobrang corny pero iyon ang tawagan nilang dalawa noon. Siya pa nga ang nag-isip ng endearment nila.
Nararamdaman na naman niya ang luhang namumuo sa kanyang mga mata. Gustuhin man niyang pigilan na huwag tumulo iyon sa kanyang pisngi ngunit huli na ang lahat.
Kahit anong pilit ni Neil na magalit sa babaeng nangloko sa kanya ay mukhang hindi pa rin yata uubra ang galit niyang iyon dahil inaamin naman niya sa kanyang sarili noon pa man na may natitirang pagmamahal pa rin siya para kay Sofia. Nagpapakatanga nga siya, 'di ba? But he tried to forget all the things she had done. Gusto na niyang alisin sa puso ang pagmamahal na iyon at wala pa rin siyang solusyon kung paano niya magagawa iyon. Siguro nga ang pakikipag-usap dito ang tamang paraan upang hindi na siya magpakatanga rito. Kaklaruhin niya ang lahat, ito ang kanyang iniisip.
Pinahid ni Neil ang kanyang luha at saka niyang hinawakan ang kamay ni Sofia upang makaalis na sila sa lugar na iyon.
"Come on. We will talk," mahina pa niyang sabi rito. “Let’s settle this thing.”
Nang mawala na ang dalawa, halos hindi naman maintindihan ni Phoebe ang kanyang nararamdaman habang pinapanuod ang dalawa na magkahawak-kamay na naglalakad papalayo sa kanyang kinatatayuan. Pakiramdam niya parang may kumikirot sa bandang gitna. Teka? Nagseselos ba siya? Bakit naman ako magseselos!?
Nagbuga na lang siya ng malakas na hangin at itinuon ang sarili sa pinipilahan. Napangiwi siya at hindi na lang niya pinansin ang dalawa.