ARAW ng Sabado. Badtrip si Neil dahil pinilit siya ng kanyang ina na samahan si Phoebe na mamalengke sa bayan. Ayaw niya sanang sumama ngunit wala siyang nagawa kundi ipagmaneho ang dalaga sa kalapit na bayan.
Lulan ng sasakyan, binabalot naman ng katahimikan ang dalawa habang bumabiyahe sila. Seryosong nakatingin lang si Phoebe sa bintana habang si Neil naman ay tutok na tutok sa pagmamaneho ng sasakyan.
Napatingin si Phoebe sa katabi. Hindi na rin niya nakayanan ang pananahimik nito kaya nagsalita na siya. "Kung napilitan ka lang ni Tita Salud na samahan ako sa pamamalengke, okay lang sa akin na mauna ka ng umuwi kapag nakarating na tayo sa bayan. Magko-commute na lang po ako pauwi, Sir Neil."
Narinig ni Phoebe kung paano sumagitsit ang binata sa kanya. "I can't. Hindi puwedeng iwanan ka as mother told me lately. Baka maligaw ka raw. Hindi ka taga-Maynila, 'di ba?" aniya. Nakataas pa ang isang kilay niya nang bigyan niya ng pansin si Phoebe.
"Pero alam ko naman po ang daan pauwi kasi lagi po akong namamalengke tuwing Sabado."
"Kahit na. Mother's order,” pagmamatigas ni Neil.
Napangiwi si Phoebe. "Napaka-protective naman ni Tita Salud sa akin. Sige. Ikaw na po bahala sa akin, Sir Neil," nakangising sagot na lang ni Phoebe. He shook his head like he doesn’t care about what she uttered.
Muli silang binalot ng katahimikan hanggang sa muling nagsalita si Phoebe. "Sir Neil?" tawag pa niya.
"What?" may iritang wika niya rito.
"May itatanong po ako sa iyo," sabi ni Phoebe. "Pero naisip ko na huwag na lang at baka sigawan mo na naman ako."
Napairap bigla ng mata si Neil. Pinaalala pa talaga niya sa akin ang ginawa ko sa kanya noon. "Say it. Gusto kong marinig," utos niya rito.
"G-Gusto ko lang po kasi tanungin kung s-sino po 'yong babae na kasama niyo po doon sa picture noong araw na nakita niyo po akong pumasok sa kuwarto mo."
Parang nanginit naman ang mukha niya sa tanong ng dalaga. "'Di ba, sabi ko sa iyo, that is beyond on your concern."
"Kaya nga po sabi ko rin po sa inyo kanina na hindi ko na lang po dapat tatanungin. Tapos pinipilit niyo po akong sabihin sa inyo ang gusto kong itanong."
Natahimik si Neil sa sinabi nito at hindi siya nagsalita. Minsan talaga ay hindi niya maintindihan si Phoebe. Madaldal rin 'tong isang 'to.
"Hey! 'Wag kang maging kampante sa akin, ah. Porke't humingi ako ng sorry sa iyo noong isang araw ay hindi ibig sabihin na mai-easy mo na ako," panenermon niya kay Phoebe na ikinatahimik naman ng dalaga. “At saka, puwede ba, tumigil ka kakasalita diyan. Putak ka ng putak. ‘Yong bunganga mo parang pinaglihi sa puwet ng manok. Ang ingay-ingay mo!”
Sorry naman, tugon ni Phoebe sa kanyang sarili. Pinili na lamang niyang tumahimik dahil mukhang naha-high blood na naman sa kanya ang masungit na mokong na ito.
Muling naghari sa kanila ang katahimikan bago ulit nagsalita si Neil sa tanong ni Phoebe sa kanya. "That's my ex-girlfriend," mahinang sambit niya rito. Parang may kung anong bumaon sa lalamunan niya ng sabihin niya iyon kay Phoebe.
Patango-tango naman si Phoebe sa tinuran ng binata. "Ganun po ba."
"Oo, kaya puwede bang tumahimik ka na lang diyan. Don't ever try to question me about my ex-girlfriend or else," nakagat niya ang kanyang labi upang pigilan niya ang sarili sa pagsasalita. Kailangan niyang kontrolin ang kanyang sarili ngayon.
"Yes po. Tatahimik na," sabi pa ni Phoebe. Umaksyon pa siya na parang ziniper niya ang kanyang bibig para hindi na siya makapagsalita.
Mga ilang saglit pa ay biglang naisipan ni Neil na magtanong kay Phoebe.
"Ikaw? Kailan ka babalik sa Leyte?" daretsahang tanong niya rito.
Tumingin si Phoebe sa kanya. "Po?"
"Bingi ka ba? Alam kong narinig mo ang sinabi ko, 'di ba?"
"Sorry naman po. Pero kung tinatanong niyo po kung kailan ako babalik sa Leyte, eh, saka na po kapag nakaipon na ako ng pera. Naaatat po ba kayo?"
Napailing na lang si Neil at binigyan niya ng tingin ito. "Oo. Gusto kong umalis ka na para wala ng asungot sa bahay... at sa buhay ko," madiing tugon niya rito. Sinabayan pa niya ito ng nakakalokong ngiti nang muli siyang humarap sa kalsada. Gusto lang kasi niyang asarin si Phoebe sa totoo lang.
Nagkibit-balikat si Phoebe sa sinabi ng binata sa kanya at hindi na lang nagsalita. Nakita iyon ni Neil at mukha hindi yata natablan ito ng pang-aasar niya.
Hindi pa sila nakakarating sa kanilang destinasyon ay biglang napansin ni Phoebe na mali yata ang kalsada na tinatahak nila. Biglang siyang nagtaka at binigyan niya ng pansin ang binata na tahimik na minamaneho ang sasakyan.
"Sir Neil, hindi po rito ang daan papuntang palengke," nag-aalala pa niyang tugon rito.
"Alam ko. Ayokong sa palengke ka mamili ng mga kakainin natin. Doon tayo sa mall. Mas fresh doon kaysa sa palengke mo."
"Pero mas makatitipid po tayo kapag sa palengke—ayyyyy!!" Shuta!
Malakas na tinapakan ni Neil ang brake ng sasakyan kaya muntikan ng mangudngod si Phoebe sa harapan. Mabuti na lang at naka-seat bealt siya. Dahil kung hindi, tuluyan talaga siyang mangungodngod doon sa windsheild.
"Stop talking, okay. Ang ingay mo! Puwede bang sundin mo na lang ang gusto ko?"
Lagi ko naman talaga sinusunod ang mga gusto niya, eh. Wala naman akong magagawa, naiiritang sabi ng isipan ni Phoebe pero hindi na lang siya nagsalita at tumango na lang bilang sagot sa sinabi ng binata sa kanya. Baka kasi kung babanatan niya ito, baka doon lang magsisimula ang away nilang dalawa.
"Good," sabi pa niya. "Stupid girl," dagdag pa ni Neil nang imaneho niya ulit ang kanyang sasakyan. She mocked again na parang ginagaya niya ang huling salitang binitawan ng lalaki sa kanya in a childish way. Muli siyang napangiwi at hindi na lang nagsalita. Kahit kailan talaga ay walang kabutihang ipinapakita si Neil sa kanya.
***
ISA-ISANG kinukuha ni Phoebe sa stall ang mga de-latang kailangang bilhin niya. May dala-dala rin siyang checklist na minu-minuto ay tinitingnan niya kung tama ba o sakto lang ang mga kinukuha niyang mga grocery item sa stall. Habang si Neil naman ay nakasunod lang sa kanya; hila-hila ang malaking cart na puno ng mga grocery item. Hindi sila nagkikibuan habang naglalakad silang dalawa.
"Next, dalawang malaking pack ng gatas," bulong pa ni Phoebe sa sarili habang tinitingnan niya ang kanyang checklist na medyo gusot-gusot na dahil sa pagkakahawak niya. Kaagad naman niyang hinanap ang item na kukunin niya. Nakita naman niya ito sa pinakataas na parte ng stall. Gustuhin man niyang abutin ito ngunit hindi naman niya magawa dahil noong pinaulanan ng Diyos ang mundo ng katangkaran, tulog siya noon at hindi siya biniyayaan ng height. Kaya heto, nananatili siyang pandak.
Ngunit sinubukan pa rin ni Phoebe na abutin iyon kahit wala naman talagang pag-asa na maaabot niya. Mabuti na lang at may isang taong nag-abot ng malaking pack ng gatas na iyon. Biglang napatingin si Phoebe sa kanyang likuran at nakita niya na si Neil pala iyong nag-abot sa gatas pagkatapos ay ibinigay ito ng binata sa kanya. Walang salitang umalis ito tulak-tulak ang cart.
Bigla na lang may naramdaman siyang kakaiba sa kanyang dibdib nang magdaplis ang katawan nito sa kanyang likuran kanina. Dagdagan pa nang magtama ang kanilang mata kanina nang ibigay ni Neil sa kanya ang dalawang malaking pack ng gatas. Mabilis na umiling si Phoebe para alisin sa kanyang isipan ang iniisip n’ya. At saka siya sumunod dito. Bruha ka talaga, Phoebe! Walang malisya roon!
Nang makalapit siya kay Neil ay napansin niyang dumadampot ito ng malalaking chichirya sa isang stall. Sa sobrang dami ay parang napuno na yata ang cart. Kaagad naman niya itong sinaway.
"Sir Neil, w-wala po iyan sa checklist. Hindi po natin iyan bibilhin dahil sakto lang po 'yong pera na ibinigay ni Tita Salud sa akin sa pamamalengke," aniya.
Binalingan naman siya ni Neil. Nangliliit ang mga mata nito. "Don't worry. Hindi ako katulad mo na pulubi. May pera akong dala rito. Ako ang magbabayad sa mga chichirya na ito," masungit nitong sabi sa dalaga at saka ito naunang umalis. Naikuyom naman ni Phoebe ang kanyang kamao dahil sa inis niya sa lalaking iyon. Mukhang sumusobra na yata ‘yon, ah.
Kahit kailan talaga napaka-halimaw mong mokong ka!
Matapos ilagay ni Phoebe ang lahat ng mga grocery item na nakasulat sa kanyang checklist sa cart ay kaagad na silang pumunta sa cashier lane upang makapagbayad. Mabuti na lang at may bakanteng lane silang nakita kaya doon sila pumunta. Mabilis na inilagay ni Phoebe sa counter ang mga binili niya para i-punch na ng cashier.
"Bilisan mo diyan at nagugutom na ako. Maghihintay lang ako sa labas," mainit ang ulo na utos ni Neil sa kanya nang mauna itong lumabas mula sa cashier lane.
Tumango lang si Phoebe sa kanya at hindi na nagsalita pa. Abala kasi siya sa paglalagay ng mga grocery item sa counter. Nang makita niya itong umalis, narinig niyang bigla na lang siyang kinausap ng cashier na umaasikaso sa kanya. Kitang-kita pa sa mukha ng babaeng cashier na iyon kung paano ito kinikilig. Wlang ideya si Phoebe kung bakit kinikilig ang babaeng iyon.
"Mukhang mainit po ang ulo ng boyfriend niyo, ma'am," pangisi-ngisi pa nitong sabi kay Phoebe.
Kunot-noong tumingin siya sa cashier. "'Di ko po iyon boyfriend, miss. Amo ko po iyon na laging mainitin ang ulo. Talo pa ang matandang babaeng nagme-menopause," naiirita niyang sagot sa cashier. Binalingan pa niya ng tingin si Neil na malayo na pala sa kanyang kinatatayuan.
Mas lalo pang kinilig ang cashier nang dahil sa sinagot niya. "Ganun po ba. Ang suwerte niyo naman po at may amo kayong guwapo."
Sumagitsit siya. Guwapo nga. Ang sungit-sungit naman.
Nginitian na lang ni Phoebe ang cashier at hindi na muling nagsalita. Hinintay na lang niya na matapos ito sa pag-punch ng mga grocery item na binili niya.
"Five Thousand Five Hundred pesos po lahat, ma'am," sabi pa sa kanya ng cashier. Kinuha niya ang kanyang wallet na nasa bulsa. Pagbukas niya ay tumambad roon ang five thousand pesos na binigay sa kanya ni Salud pang-grocery. Bigla siyang nataranta. Kulang kasi ang pera.
Sabi ko na nga ba sa mokong na 'yon na 'wag na siyang bumili ng mga chichirya. Mukhang ako pa yata ang magtatapal sa kulang. Nakakainis talaga 'yong ungas na 'yon!
Mabuti na lang at may dala siyang extra money. Suweldo niya iyon noong nakaraang isang buwan. Five hundred lang naman ang itatapal niya para makapagbayad siya sa kanyang binili na grocery item.
May utang siya sa aking Five Hundred. Lagot siya sa akin, nabubuwiset niyang tugon sa kanyang sarili.
Nang makapagbayad na si Phoebe ay mabilis naman siyang umalis sa grocery store ng mall bitbit ang dalawa at malalaking plastic bag na puno ng mga grocery item. Kailangan niyang puntahan si Neil para makauwi na sila.
Ngunit sakto naman sa kanyang paglabas sa grocery store ay kaagad na nahagip ng kanyang mga mata ang binata. Sa pagkakataong ito, napansin niyang hindi ito nag-iisa dahil may kausap itong isang babae. Napahinto siya sa paglalakad at napatingin siya sa dalawa. Kaagad na namukhaan niya ang babaeng kausap nito.
Teka? Siya 'yong ex-girlfriend ni Neil, ah?
Ibang-iba ang hitsura ng babaeng iyon sa hitsura sa litratong nakita niya noon sa kuwarto ng binata. Kahit sobrang layo ng puwesto niya sa dalawa, napapansin niya kung gaanong sobrang putla ang babaeng iyon habang kausap nito si Neil. Nangangayayat rin ito at para sobrang tamlay.
Napapansin pa ni Phoebe kung paano nag-uusap ang dalawa. Parang nagtatalo ang mga ito at nakikita pa niya kung paano nagagalit si Neil sa kausap na babae. Habang ang babae naman ay mistulang parang nagmamakaawa sa harapan ni Neil.
Hindi na nagawa pa ni Phoebe na lapitan ang dalawa. Pinanuod niya lang ang mga ito hanggang sa makita niya na nag-walk out si Neil. Papalabas yata ito ng mall. Hindi pa siya nakakalakad ay nahagip na siya ng tingin ng babaeng kausap nito. Ang sama-sama ng tingin nito sa kanya. Bakit naman?
Kung makatingin naman 'to, parang ako 'yong may kasalanan sa lahat na nangyari sa kanila ni Neil.
Hindi na lang niya pinansin ito at mabilis naman niyang sinundan si Neil. Sinubukan pa niyang tawagin ang binata ngunit hindi ito lumilingon sa mga tawag niya. Patuloy lang ito sa paglalakad hanggang makalabas ito ng mall.
Nang tuluyan na rin siyang nakalabas ng mall, mas binilisan pa ni Phoebe ang kanyang paglalakad kahit sobrang bigat na ng dala niyang mga plastics. Halos tumakbo na rin siya para lang maabutan niya si Neil na wala yatang planong hinatayin siya. Nagbibingi-bingihan pa ito kahit na alam ni Phoebe na naririnig ng binata ang mga tawag niya.
"Sir Neil, hintayin mo naman ako!" sigaw pa niya.
Biglang napahinto si Phoebe nang makita niyang huminto sa paglalakad si Neil. Binalingan pa siya nito at kitang-kita niya kung paano umaagos ang luha nito sa magkabilang pisngi.
Teka? Umiiyak ba siya? tanong pa ni Phoebe sa kanyang sarili. Nakasalubong ang dalawang kilay niya. Ito na yata ang pinakaunang beses na nakita niyang umiiyak si Neil.
Nagpatuloy si Phoebe sa paglalakad para lapitan ito. Ngunit hindi pa siya nakakalapit ay mabilis na humakbang ulit si Neil para tumawid sa kalsada.
Malakas siyang napasigaw nang may makita siyang isang sasakyan na papalapit dito.
"Sir Neil!!"
Mabilis na tumakbo si Phoebe sa kinatatayuan ng binata at kaagad na itinulak ito upang hindi ito mabangga sa paparating na sasakyan. Pero huli na ang lahat bago pa man siya makaalis sa kanyang puwesto matapos niyang itulak si Neil sa kinatatayuan nito. Naramdaman na lamang ni Phoebe na may matigas na bagay ang bumunggo sa kanyang katawan. Sobrang lakas niyon na halos matalsik na ang buong katawan niya. Naramdaman na lamang ni Phoebe na nakahandusay na pala siya sa kalsada at unti-unti na siyang nawawalan ng ulirat.