MARY POV
Pumasok na kami sa loob pero nabagabag ang loob ko na bakit tila ay sobrang defensive ni Cindy kahit na wala naman akong iniisip na masama sa kanya.
"Uy Cindy, nandito ka ulit?" Sabi ni tita Vivian.
Sa reaksyon ni Cindy, tila ay naging awkward siya. Para bang mayroon itong pagka ilang.
"Ay... hehehe... kamusta po?" nauutal na sabi ni Cindy, tapos napa tingin pa siya sa paligid, "Ang dami pala naming kalat kagabi no? Nakakahiya naman sayo, Mars, ito ang nadatnan mo ngayong dumating ka galing Singapore. Kung ako ito, baka pinagalitan ko na ang asawa ko."
"Nako Cindy, asa kang papagalitan niyang pamangkin ko ang asawa niya. Eh sobrang lambot ng puso niyan. Tingnan mo si Carlo, nag sinungaling sa kanya na may trabaho pa. Ayun, nabungkin ngayon ng pamangkin ko. Buti na lang at umuwi na itong si Mary."
"Tita, hindi naman po sa ganun, grabe kayo kay Carlo," pag tatanggol ko sa aking asawa.
"Sus? Kung di pagse sinungaling, ano ang tawag mo dun? Hindi niya sinabi sayo ang totoo."
"Nilihim niya lang po tita pero ayos na kaming dalawa."
"Eh basta kahit na anong sabihin mo, sa paningin ko ay nag sinungaling pa rin ang asawa mo," pag gigiit pa ni tita.
Medyo naging awkward na tuloy dito. Pero may point naman talaga si tita, talagang nag sinungaling sa akin ang asawa ko subalit naiintindihan ko siya kasi nahihiya lang din siyang mag sabi sa akin.
Ang importante dito ay maayos na kaming dalawa ni Carlo. Pag nawala ang kalasingan niya, mag uusap kaming dalawa ng mahinahon.
Di ko kasi kaya na mag away kaming dalawa, ang hirap lang ng ganung klase ng set up.
"Sige po tita, tawagin ko lang din si Carlo sa kwarto para sabay sabay na tayong kakain."
"Hindi na ako sasabay kasi may aasikasuhin pa ako sa bahay. Mamaya na lang tayo mag usap, Mary," sabi ni tita sabay alis.
Siguro ay nayayamot lang siya kasi nandito si Cindy sa bahay. Nakakapag taka naman, ano kaya ang ginawa nitong si Cindy para magalit si tita ng ganito sa kanya. Mayroon ba siyang di sinasabi sa akin? Simula nang mag abroad ako, di na kami close ni tita. Pero kung meron siyang alam, dapat ay sabihin niya ito sa akin.
Pag alis ni tita, naupo si Cindy na tila ay at home na at home sa aking bahay. Naka titig lang ako sa kanya, napapa isip pa rin ako hanggang ngayon kung ano ang dahilan kung bakit parang mayroon silang issue.
"Bakit?" tanong bigla sa akin ni Cindy, tapos ang sungit pa ng pagkaka sabi niya sa akin ng bakit.
Kesa naman sa mag ala detective ako, naging prangka na lang ako sa kanya.
"Wag mo sanang masamain pero gusto ko lang sanang itanong sayo kung bakit parang ilag si tita Vivian? May iniiwasan ba siya o may issue kayong dalawa? Kasi kaya ko naman kayong pag batiin kung gusto niyo," sambit ko.
Tinaasan niya ako ng kilay at itinaas ang kanyang isang paa sa upuan. Yung literal na at home na at home talaga.
"Nako, ewan ko ba jan sa taong yan, palagi naman siyang ganyan tuwing nandito ako sa bahay mo. Para bang ayaw niya sa akin or what! Oh baka talagang mayroon lang din saltik ang tita mo o sadyang ganyan na talaga kapag tumatanda na?"
Medyo nabastusan ako sa tabal ng dila niya.
"Grabe ka naman, Mars, di naman ganun siguro. Oo alam kong makati ang dila niyang si tita pero mabuti siyang tao."
"Eh kung mabuti siyang tao, bakit mainit ang ulo niya sa akin? Di lang niya ito isang beses ginawa. Sa katunayan nga, noong nakaraan din, pinag chismisan niya ako at ang asawa ko. Yan na lang nga ang naging hobby niya sa lugar na ito. Palagi siyang naka tambay sa labas at kung sino ang dumadaan sa harapan niya, yun ang ichi chismis niya. Masyado siyang pakialamera sa buhay ng ibang tao."
"Ano ba yan bakit ang ingay?" ang sabi ni Carlo na biglang napa labas ng kwarto.
"Sorry Carlo, baka naaantok ka pa. Pwede ka munang matulog," sabi ko kaagad.
Halata kasi sa kanyang mukha na siya ay nayamot. Alam kong ayaw niyang may umiistorbo sa kanya lalo na kapag natutulog siya.
"Mahaba na ang tulog ko. Baka mag kasakit na ako niyan," naka simangot niyang sagot sa akin. Tila ay lasing pa rin siya sa mga sandaling ito.
"Kape gusto mo?" pag offer ko sa kanya.
Na miss ko ring pag silbihan ang asawa ko kahit papaano. Sa loob ng tatlong taon, ngayon ko lang ito gagawin ulit.
"Sige, paki timplahan na rin itong bisita natin, baka mag tampo," sabi ng asawa ko na naupo sa tabi ni Cindy.
Mabilis kong napansin na iba ang tingin niya rito. Masyadong malagkit at para bang mayroon itong ibang kahulugan. Ganitong ganito ang tingin na gusto kong ibigay niya sa akin kanina nang una niya akong makita.
Kinakabahan ako pero di ko ito masyadong pinansin. Nag timpla na lang ako ng dalawang kape para kay Carlo at kay Cindy.
Bakit ganun, ang sarap ng usapan nilang dalawa. Ayaw kong mag hinala pero iba yung closeness nila ngayon. May something lang talaga with the way na mag usap silang dalawa. Di ko gusto ito, tila ay nakaramdam ako ng selos kahit na may tiwala pa rin ako sa kanilang dalawa, lalong lalo na kay Cindy.
"Mahal, ano nga pa lang pasalubong mo sa akin? May bago ba akong damit, relo, sapatos o ica cash mo na lang? Yung chocolate? Baka pwedeng bigyan ko na lang din ang iba kong mga kaibigan dito, eh sure akong mag pupunta sila kapag nabalitaan nila na nandito ka na ulit sa Pinas."
"Wag, di mo naman siguro kailangan na ipangalandakan na nag balik na ako dito. Di ako presidente o artista na kailangang ipaalam na nandito ako sa Pilipinas. Bukod doon, eh wala rin akong masyadong pera ngayon kasi di ba pinadala ko na sayo lahat? So nasayo ang lahat ng ipon natin."