Tayo sa tamang oras, sa maling mundoUpdated at May 8, 2025, 20:55
Cyrus "Cy" Viloria ay isang rakistang wasak, isang kaluluwang gutay-gutay ng kabiguan at alak. Dati siyang pangarapin, minsang naniwalang makakarating sa tuktok gamit ang musika, ngunit unti-unting nilamon ng hirap, pagkatalo, at sariling multo. Sa gabi ng nakita na niya ang kanyang direksyon, habang nilalakad ang isang madilim na eskinita pauwi mula sa isang gig, isang hindi inaasahang pangyayari ang magbabago sa landas ng kanyang buhay.
Doon niya nakilala si Liane San Cristobal isang babaeng litaw sa dilim, takot, nanginginig, tumatakbo mula sa isang panganib na higit pa sa laman ng eskinita. Isang babae mula sa kabilang dulo ng mundo. Mayaman, edukada, anak ng isang respetadong negosyante. Pero sa gabing iyon, wala siyang kwintas ng yaman, walang proteksyon ng pangalan. Isa lamang siyang takot na babae, at si Cy ang naging tagapagligtas niya.
Hindi magkatulad sina Cy at Liane. Isa’y alipin ng kahapon, ang isa’y bihag ng kapangyarihan.
Ngunit sa pagitan ng sigarilyo, alikabok, at musika, unti-unti silang nagkakilala. Sa mundong hindi pantay, natagpuan nila ang iisang tibok ng puso.
Ngunit ang lahat ay komplikado.
Si Nicholas "Nic" Terrago, isang lalaking anak ng makapangyarihang politiko, ay ipinakilala kay Liane ng kanyang sariling ama. Isang planadong relasyon, isang alyansang nakatali sa kapangyarihan, pera, at politika. Walang tunay na pagmamahal. Si Liane ay ipinupuwersa sa isang mundong ayaw niya, habang si Nic, na sa unang tingin ay ginoo, ay may madilim na lihim: kasakiman.
Nang matuklasan ni Nic na may sakit sa terminal stage ang ama ni Liane, at na si Liane ang magiging tagapagmana ng napakalaking yaman, nagsimula siyang gumalaw. Hindi pagmamahal ang nais niya, kundi kontrol. Hindi puso ang habol niya, kundi ang kayamanan. At sa likod ng magarang ngiti niya ay ang planong itago magpakailanman ang karapatang mabuhay ni Liane.
Ngunit hindi niya inasahan si Cy.
Si Cy na isang rakistang binigyan ng bagong direksyon ng isang babae mula sa kabilang mundo. Si Cy na unti-unting natutong magmahal nang totoo pagkatapos masaktan, at mas pinili ang musika at buhay kaysa alak at galit. Si Cy na handang harapin ang isang makapangyarihang tao, at ang panganib ng pagkawasak, para lamang iligtas ang babaeng nagpatibok muli ng kanyang puso.
Sa ilalim ng mga ibat ibang kulay ng ilaw ng siyudad, sa mga barikada ng kasinungalingan at pera, maglalaban ang dalawang lalake. Isa, para sa kapangyarihan. Isa, para sa pag-ibig.
Sa istoryang ito, hindi lang ito kwento ng isang rakistang naligaw ng landas. Isa itong laban ng puso laban sa ambisyon. Isa itong awit ng dalawang mundong pilit pinagdikit ng tadhana.
At sa huli, ang tanong: sapat ba ang pagmamahal ng isang musikerong wala sa plano ng mundo, para sagipin ang isang prinsesang bihag ng kasinungalingan at ilaan ang buhay niya para dito?