bc

Written In The Stars (Completed)

book_age0+
7.6K
FOLLOW
74.9K
READ
billionaire
possessive
second chance
friends to lovers
pregnant
playboy
arrogant
drama
sweet
bxg
5 Seconds of Summer
like
intro-logo
Blurb

Sa edad na dalawampu ay hindi pa nagkakaroon ng boyfriend si Margaux. May history pa naman ang pamilya nila na hirap nang magkaanak kapag nasa late twenties na. Kaya nagdesisyon siyang sumailalim sa artificial insemination noong nakatira pa siya sa New York. Nagbalik siya sa Pilipinas at doon ay muling nagkrus ang mga landas nila ni Miro, ang kababata niya na wala nang ginawa noon kundi asarin siya. Pero napakalaki na ng ipinagbago nito at tila desidido itong bumawi sa kanya. Niligawan siya nito. Hindi narendahan ni Margaux ang puso niya at tuluyang nahulog ang loob niya kay Miro. Kung kailan maligaya na siya kay Miro saka naman niya nalamang buntis siya. Tagumpay ang artificial insemination. Paano niya ipaliliwanag ang sitwasyon niya kay Miro?

chap-preview
Free preview
Chapter 1
TUTOK na tutok ang mga mata ni Margaux sa papel at lapis na hawak niya habang iginuguhit ang pinakaguwapong mukha na nakita niya sa buong buhay niya. Napangiti siya pagkatapos niyang iguhit ang mga mata nito. Sa mga iyon pa lang ay kilig na kilig na siya. Kung bakit kasi napakaguwapo ni Roy Lopez, bukod pa sa napakahusay nitong sumayaw. Tuloy ay ang binatilyo ang madalas na subject ng mga iginuguhit niya. Sa sobrang tutok sa ginagawa ay hindi niya namalayan ang paglapit ni Miguel Robert Lagdameo o “Miro” sa likuran niya. “Bulaga!” “Ay, kalabaw!” Halos mawala sa kinalalagyan ang puso niya dahil sa lakas ng kabog ng dibdib niya. At bago pa niya maisip na itago mula kay Miro ang sketch pad niya ay hawak na nito iyon. Pakiramdam ni Margaux ay unti-unting tinatakasan ng kulay ang kanyang mukha habang nakakunot-noong tinititigan ni Miro ang nakaguhit sa sketch pad. Pagkatapos ay nakangising binalingan siya nito. “May gusto ka sa kanya, ano?” anito na muling sinipat ang larawang iginuhit niya. Kinakapatid niya si Miro dahil ninang niya ang mommy nito. Pero kahit yata mamatay siya at muling mabuhay ay hinding-hindi mangyayari na gugustuhin niyang makilala ito. Wala itong ibang ginawa kundi ang guluhin siya. Mula yata nang magkaisip siya ay naging biktima na siya ng mga kalokohan nito. Ito ang maitim na ulap na tumatabing sa maliwanag niyang mundo. “So?” kunwari ay bale-walang wika ni Margaux, pero ang totoo ay nananalangin na siya sa lahat ng mga santo na sana ay bale-walain na lang ni Miro ang bagay na iyon. “Sige, tutulungan kita,” wika nito kapagkuwan. Inilibot nito ang tingin sa paligid ng campus, hanggang sa tumigil ang mga mata nito sa direksiyon ng atrium. Nanlaki ang mga mata niya nang makita niya roon si Roy, ang crush niya na siya niyang iginuhit. “M-miro, huwag kang magkakamaling gawin ang—” Subalit bago pa niya ito mapigilan ay malalaki ang hakbang na tinungo nito ang atrium. “M-miro, p-please…” nanginginig ang boses na pakiusap niya rito. Nabuhayan siya ng pag-asa nang tumigil ito sa paghakbang. Ang akala niya ay hindi na nito itutuloy ang balak ngunit nang lingunin siya nito ay puno ng pang-aasar ang mukha nito. Nanigas siya sa kinatatayuan nang lapitan nito si Roy. May sinabi muna si Miro kay Roy bago nito ibinigay sa huli ang iginuhit niya. Tumalikod na si Margaux at tumakbo papasok sa comfort room bago pa siya tuluyang mamatay sa sobrang kahihiyan. Isinusumpa na talaga niya ang pangalang Miguel Robert Lagdameo. He was the most annoying person she had ever met! Pulos kalokohan ang alam nito at sa malas ay siya ang laging biktima ng mga kalokohang iyon. Naroroong lagyan nito ng bulate ang bag niya, o kaya ay kainin ang baon niyang sandwich. Madalas din nitong pakialaman ang mga gamit niya. Wala na itong ibang ginawa kundi pestehin ang buhay niya. She was Margaux Santillan. Ulila na siya sa ina dahil maaga itong binawian ng buhay dala ng kanser sa dugo. Ang papa niya at ang daddy ni Miro ang talagang magkaibigan. Pero malabong mapasa sa kanila ni Miro ang pagkakaibigang iyon dahil hindi niya kailanman gugustuhing mapalapit sa binatilyo. Mabuti na lamang at magma-migrate na silang mag-ama sa New York. Senior executive ng isang international software company ang papa niya. magkakaroon ng expansion sa New York at ito ang naatasang mamahala roon. Takang-taka ang papa niya kung bakit tuwang-tuwa siya nang sabihin nito sa kanya na kailangan nilang mag-migrate sa New York. Ang akala nito ay malulungkot siya. Well, hindi niya maiwasang matuwa dahil maghihiwalay na sila ng landas ng lalaking hari ng mga kalokohan. Kaya nga iniiwasan niyang pumunta sa bahay ng mga ito. Kahit niyayaya siya ng Ninang Rose niya na sa hacienda siya magbakasyon kapag walang pasok ay todo-tanggi siya. Nasisiguro kasi niya na hindi siya makakaligtas sa mga kalokohan ni Miro. Kahit madalas itong mapagalitan ng ninang niya, wala pa rin itong pagbabago. Nang tuksuhin sila ng matatanda na baka sila ang magkatuluyan ay taas-noong ipinagsigawan ni Margaux na si Miro ang pinakahuling taong pag-uukulan niya ng pansin. Sinabi pa niya na pangit na nga ito ay pangit pa ang ugali nito. Akala niya ay matatauhan na si Miro, pero sa malas ay tila lalo pang lumala ang topak nito sa ulo.   “H-HI…” “R-Roy!” gulat na sambit ni Margaux nang lapitan siya nito sa kinauupuan niyang bench. Nag-init ang mukha niya nang maalala niya ang nangyari nang nagdaang araw. “H-hey, wala kang dapat ikahiya, Margaux,” napakamot sa batok na wika nito. Tumawa siya nang mahina. “A-anong wala? Imagine, nalaman mong may crush ako sa `yo. Kung hindi lang magkaibigan ang mga pamilya namin ni Miro, matagal ko nang ipina-salvage ang lokong `yon.” Nagkamot uli ito sa batok bago itinuro ang bench na kinauupuan niya. “Puwedeng makiupo?” “S-sure…” alanganing wika niya. Kinakabahan din siya dahil kinakausap siya ng crush niya. “Ahm, Margaux… ano… M-may gusto sana akong ipagtapat sa `yo,” wika nito na tila hindi mapakali. Ano kaya ang ipagtatapat nito sa kanya? Baka crush din siya nito at ngayon lang ito nagkalakas ng loob na lapitan siya dahil nalaman nito na pareho pala ang nararamdaman nila. Hindi ba, ganoon minsan ang ibang lalaki? Nagkakaroon lang ng lakas ng loob kapag alam ng mga ito na may pag-asa pala sa babae. “Uhm, Margaux…ano, eh…” “W-what?” Gusto na niyang himatayin. Kilig na kilig siya. “H-hindi tayo talo…” sa wakas ay sabi ni Roy. “But please don’t be offended,” maagap na wika nito nang marahil ay mapansin nito ang pamumula ng mukha niya. “Ang ibig kong sabihin, ano… ahm… I’m… I’m gay.” Umawang ang bibig niya pero walang salitang lumabas mula roon. Gulat na gulat siya sa sinabi nito. Ni hindi pumasok sa isip niya ang bagay na iyon. “N-nagbibiro ka ba?” alanganing tanong niya. Baka naman pinagti-trip-an lang siya nito. “Hindi ako nagbibiro, Margaux. Ito ang pinakatatago-tago kong sekreto.” Sinuri niya ang mukha nito. Tila seryoso nga ito sa sinabi. Pero hindi pa rin siya makapaniwalang totoo iyon. Sino ang mag-iisip na bakla ito gayong lalaking-lalaki itong tingnan at pupusta rin siya na halos buong female population ng eskuwelahan ay may crush dito. “I-I don’t know what to say…” ani Margaux sa kawalan ng masabi. Bumuntong-hininga ito. “Nagtataka ka ba kung bakit ko sinabi ito sa `yo?” “B-bakit nga ba? Para itigil ko na ang pagkakaroon ng crush sa `yo?” Malungkot na tumawa ito. “You saved me, do you know that?” “A-ano?” “Nahihirapan na rin kasi ako. Parang sasabog na ang pakiramdam ko sa pagtatago ng tunay kong pagkatao. I… I was planning to end my life.” “A-anong— Diyos ko, Roy!” kinikilabutang wika niya. “Iyon ang totoo. Nahihirapan na ako at gusto ko nang sumuko. Wala akong mapagsabihan ng nilalaman ng loob ko, so I planned to kill myself. Hanggang sa ibigay sa akin ni Miro ang sketch na ginawa mo. Alam mo ba kung ano ang tingin ko sa papel na iyon? Para iyong liwanag sa madilim kong landas. I saw you as an angel. Bigla kong naisip, bakit hindi ako magbukas ng loob sa `yo?” “R-Roy…” “P-puwede ba tayong maging magkaibigan, Margaux?” “O-oo naman! Bakit hindi.” Bakit nga ba hindi, gayong kung tutuusin ay wala pa talaga siyang matatawag na kaibigan sa eskuwelahang iyon. Isa pa, hindi niya alam na may ganoon pala itong pinagdaraanan sa buhay. “S-salamat. It means a lot to me,” ani Roy na ginagap ang kamay niya, ramdam niya ang panginginig niyon. Sa puntong iyon ay alam niyang walang patutunguhan ang pagkakaroon niya ng crush dito dahil magsisilbi lamang itong matalik na kaibigan sa kanya. “K-kaya lang, hanggang graduation na lang ako rito. Pupunta na kami sa New York at doon na maninirahan,” malungkot na wika niya. Dalawang buwan na lang at graduation na, pagkatapos ay lilipad na sila ng papa niya sa New York. “Pero puwede pa rin naman tayong maging magkaibigan kahit magkalayo tayo. Susulatan at tatawagan kita, pangako. At saka, nariyan lang ang Internet. Puwede tayong mag-e-mail sa isa’t isa araw-araw.” “Hindi tayo magkakahiwalay, Margaux. Sa Juilliard ako mag-aaral.” “The Juilliard School?” nanlalaki ang mga matang tanong niya. Isa ang Juilliard sa pinakaprominenteng eskuwelahan sa larangan ng pagtatanghal o performing arts. Kilala iyon sa buong mundo at nasa New York iyon. “Ipu-pursue mo ang pagsasayaw?” Tumango ito. “Dancing is my life. Hindi ko nakikita ang sarili ko na may iba pang ginagawa sa hinaharap.” Sa sobrang galak niya ay nayakap niya ito. “PDA, gross!” sabi ng kung sino. Napalis ang malawak na ngiti ni Margaux. Nilingon niya ang pinagmulan ng tinig at nakita niya si Miro. Kung makatingin ito ay animo isa siyang kriminal. Sa halip na magpadala sa inis at mapikon uli rito ay ikinawit niya ang braso niya kay Roy bago binalingan si Miro. “I haven’t thanked you yet, have I? Thank you sa pagkokonekta sa mga landas namin ni Roy. May silbi ka rin pala sa buhay ko kahit paano,” nakangising wika niya. Kumunot ang noo nito. Akala niya ay magsasalita pa ito pero tumalikod na ito at naglakad palayo. Namamalikmata lang ba siya? Bakit tila bagsak ang mga balikat nito? “ANO’NG ginagawa ng lalaking iyon dito? Pati ba naman Sabado ay hindi niya palalampasin at mang-aasar pa rin kahit naririto sa pamamahay namin?” nakakunot-noong wika ni Margaux sa sarili nang makita niya si Miro na kalaro ng papa niya ng Scrabble. Nilapitan niya ang ama at hinagkan ito sa pisngi. “Ang aga ng ‘buwisit’-a mo, Papa,” nakasimangot na wika niya. Ang aga pa pero mukhang sira na ang buong araw niya. Natawa ang papa niya. Hindi kaila rito ang disgusto niya kay Miro. “Huwag kang sumimangot, lalo kang papangit,” nakangising wika ni Miro bago ito naglagay ng tiles sa Scrabble board. Ang salitang “quiz” ang binuo nito at nakakuha ito ng triple word score doon. Hindi na iyon big deal dahil alam niyang matalino ito. Sa katunayan, nakasisiguro siya na ito ang magiging valedictorian. “Hijo, huwag mong inisin, baka lalong hindi pumayag `yan,” natatawa namang wika ng papa niya. Umupo siya. “Pumayag saan, `Pa?” “O, ikaw na ang magsabi, Miro. Good luck sa `yo.” Tumayo na ang papa niya. “Maiwan ko na muna kayo rito at kailangan kong pumunta sa fish farm. Huwag kayong magpapatayan, ha,” biro pa nito. “Bakit nandito ka?” nakataas ang isang kilay na tanong ni Margaux kay Miro nang makaalis ang papa niya. “Bakit, masama bang pumunta rito?” balik naman nito. Ang loko at ipinatong pa talaga ang mga paa sa mesita habang ang magkabilang kamay ay ipinatong nito sa ulo nito. Kung umasta ito, animo nasa sariling pamamahay ito. “Oo, dahil bawal ka rito. Hindi welcome dito ang mga teroristang tulad mo!” asik niya rito. “Oh? `Di ba, ikaw ang leader namin? Kung nasaan ang leader, dapat naroon din ang mga alagad, `di ba?” nakangising wika nito bago humalakhak. Napikon siya. Akmang tatayo na siya at magwo-walk out, ngunit bago pa niya magawa iyon ay nahawakan na nito ang kamay niya. Lumipad ang tingin niya sa kamay nitong nakahawak sa kamay niya. Hindi niya maintindihan kung bakit kakaiba ang init na hatid ng kamay nito. Ipiniksi niya ang kamay para makalaya rito. “Bakit namamawis yata ang kamay mo, Margaux? Pasmado ka ba?” pang-aasar nito at talagang ipinakita pa sa kanyang ipinunas nito ang palad nito sa suot na damit. “Get out!” nanggigigil na sigaw niya. Kahit kailan, pagdating kay Miro ay napakadaling uminit ang ulo niya. “Umuwi ka na sa inyo at huwag na huwag ka nang magkakamaling pumunta pa rito kahit kailan.” Nang hindi ito tuminag ay lalo siyang nainis. Dinaklot niya ang kuwelyo nito at hinila ito patayo. “Alis na sabi! Tsupi!” “Teka lang, huwag ka namang masyadong marahas. May sasabihin pa ako, eh,” wika nito na napakamot pa sa ulo. Bahagyang natigilan si Margaux. Himala na bigla yatang tumiklop sa kanya si Miro. Nawala ang pang-aasar sa mukha nito at tila bigla itong nag-alangan. Pero hindi siya magpapadala roon. Malay ba niya kung ginu-goodtime lang pala siya nito. “Hindi ako interesado sa kung ano mang sasabihin mo. Makakaalis ka na!” “Sandali lang naman.” Pinamaywangan niya ito. “O sige, sabihin mo na kung ano man ang sasabihin mo, pagkatapos ay lumayas ka na agad,” naniningkit ang mga matang wika niya. Sa ikalawang pagkakataon ay nagkamot ito sa ulo at lalong naging obvious sa mga mata nito ang uneasiness. “M-margaux…” “Ano?!” singhal niya. Huwag na huwag itong magkakamaling sabihin na nanlalaki ang mga butas ng ilong niya dahil makakatikim talaga ito ng sapak mula sa kanya. “Nakasinghal ka agad, paano ko pa sasabihin ang pakay ko niyan? Pinapakaba mo ako, eh.” Lalo siyang nairita. “Puwede ba, sabihin mo na kung ano man ang sasabihin mo? Sinasayang mo ang oras ko!” Huminga ito nang malalim na animo nag-iipon ng lakas ng loob para masabi ang pakay nito sa kanya. “Iimbitahin sana kita na maging ka-partner ko sa seniors’ ball.” Umawang ang bibig niya. Tama ba ang narinig niya? Niyaya siya nitong maging kapareha sa seniors’ ball nila sa Lunes? Ngumiti siya, hanggang sa ang ngiting iyon ay nauwi sa halakhak. Nananakit na ang tiyan niya sa kakatawa at hindi pa sana titigil sa pagtawa kung hindi pa niya napansin na nakatingin lang sa kanya si Miro. Nailang siya dahil wala siyang makitang bahid ng kayabangan sa anyo nito. “N-O. No!” sabi ni Margaux kapagkuwan habang umiiling. Hinding-hindi siya papayag na sumama rito sa seniors’ ball. Natatakot siya sa kalokohang binubuo nito sa isip laban sa kanya. Isa pa, wala siyang balak na um-attend ng seniors’ ball. Mas gusto pa niyang umakyat sa bubong ng kanilang bahay, humiga roon, at pagmasdan ang mga bituin sa langit. Kapag nag-migrate na sila sa New York, baka hindi na niya magawa ang ganoon. “B-bakit naman hindi?” tanong ni Miro na bahagya pang nanghaba ang mga labi na animo nagtatampo. “At bakit naman ako papayag? Malay ko ba kung ano na namang kalokohan ang pinaplano mo. Kilala kita, terorista ka!” Nagtaas ito ng kanang kamay. “Promise, wala akong gagawing kalokohan. Magpapakatino ako.” Tinaasan niya ito ng isang kilay. “‘Hindi’ ang sagot ko at wala kang magagawa para baguhin iyon. At saka may escort na ako, si Roy. Iba na lang ang yayain mo. Maraming kababaihan sa school ang matutuwa na maging escort ka, pero hindi ako kabilang sa mga iyon,” sabi niya. Tinapik-tapik pa niya ang pisngi nito bago ito tinalikuran. Malaki ang atraso nito sa kanya at hindi siya madadala sa pagbabait-baitan nito.          

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

A Night With My Professor

read
495.9K
bc

The Sex Web

read
131.2K
bc

I was once His Secret Wife (COMPLETED)

read
389.0K
bc

Payment of Debt

read
87.6K
bc

Tamed to Be Yours

read
385.0K
bc

Mistaken Identity Tagalog Story

read
64.2K
bc

A Soldier's Love Montenegro

read
69.2K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook