chapter 1
Ang pahiwatig na itó’y nagkakabuluhán.
Nakapigil kay kabisang Tales ang pagkaalaala sa kaniyáng anák.
--Kung ipahihintulot ninyó--anyá--ay tutung̃o akó sa bayan at
isasangunì ko sa aking anák; babalík akó rito bago magtakipsilim.
Nagkásundô silá sa gayón at pumanaw noon din si kabisang Tales.
Ng̃unì’t ng̃ nasa labás na siyá ng̃ nayon, ay nátanaw niyá sa malayò,
sa isáng landás na tung̃o sa kagubatan, ang prayleng nang̃ang̃asiwà
sa _hacienda_ at ang isáng taong nákikilala niyáng siyang kumuha ng̃
kaniyáng mg̃a lupaín. Ang pagkagalit ng̃ isáng lalaking nakakita
sa kaniyáng asawa na pumapasok na kaakbáy ng̃ ibáng lalaki sa isáng
silíd na lihim ay hindî papantáy sa sulák ng̃ galit ni kabisang Tales
sa pagkakakita sa dalawáng iyón na patung̃o sa kaniyáng bukid, sa
mg̃a bukid na kaniyáng ginawâ at inasahan niyáng maipamamana sa
kaniyáng mg̃a anák. Sa warì niyá’y nagtatawanan ang dalawáng iyón,
linilibák siyá sapagkâ’t walâng magawâ; pumasok sa kaniyáng alaala
ang sinabing: hindî ko ibibigáy kung dî sa dumilíg muna sa kanilá
ng̃ sariling dugô at ilibing sa kanilá ang asawa’t anák......
Nápahintô, hinaplós ng̃ kamáy ang noo at ipinikít ang mg̃a matá;
ng̃ mulîng dumilat ay nákitang namimilipit sa kátatáwa ang taong
iyón at sapol ng̃ prayle ang kaniyáng tiyan upang huwag pumutók sa
katuwâán; at pagkatapos ay nákita niyáng itinurò ang kaniyáng bahay
at mulîng nang̃agtawanan.
Naghumugong ang kaniyáng taing̃a, náramdamán sa kaniyáng palipisan
ang higing ng̃ isáng hagkís, ang ulap na pulá’y sumipót na mulî sa
kaniyáng paning̃ín, mulîng namalas ang katawáng bangkáy ng̃ kaniyáng
asawa’t anák at sa kapiling ay ang lalaki at ang prayleng nagtatawá
na pigil ang tiyan.
Nalimot niyá ang lahát, lumikô at tinung̃o ang landás na linalakaran
ng̃ lalaki at ng̃ prayle; yaon ang landás na tung̃o sa kanyáng
bukirín.
Si Simoun ay nabagót sa kaaantáy kay kabisang Tales sa gabíng yaón.
Nang mágisíng siyá kinabukasan ay nápunáng ang supot na katad na
kinalalagyan ng̃ kaniyáng rebolber ay walâng lamán; ng̃ kaniyáng
buksán ay nakakuha sa loob ng̃ kaputol na papel na kinababalutan
ng̃ agnós na may esmeralda at brillante at kinasusulatan ng̃ iláng
salitâ sa wikàng tagalog, na ang sinasabi ay:
“Ipagpatawad pô ninyo, ginoo, na kahi’t nasa aking bahay ay pagnakawan
ko kayó: ng̃unì’t ang pang̃ang̃ailang̃an ay siyáng nag-udyók sa
akin, ng̃unì’t iniwán kong kapalít ng̃ inyóng rebolber ang agnós na
pinakananasà ninyó. Kailang̃an ko ang armás at makikisama na akó sa
mg̃a tulisán.
Ipinagbibilin ko sa inyóng huwag ipagpatuloy ang inyóng lakad,
sapagkâ’t sa dahiláng walâ na kayó sa aking bahay, ay hihing̃án
namin kayó ng̃ malakíng tubós pag kayó’y aming nábihag.
TELESFORO JUAN DE DIOS.”
--Nátagpûán ko rin ang taong aking hinahanap!--ang bulóng ni
Simoun--may kauntî pang balisa...... ng̃unì’t lalòng mabuti;
mátututong gumanáp sa kaniyáng ipang̃akò.
Ipinag-utos sa kaniyáng alilà na tumung̃o sa Los Baños na sa
dagat-dagatan magdaan at dalhín ang malakíng maleta, at doon siyá
hintín, sapagkâ’t siya’y sa katihan magdáraán na dalá ang kinalalagyán
ng̃ mg̃a batóng mahahalagá.
Ang pagdatíng ng̃ apat na guardia sibil ay lalò pang nakagalák sa
kaniyá. Húhulihin ng̃ mg̃a sibil si kabisang Tales, ng̃unì’t sa
dahiláng hindî nákita ay si tandâng Selo ang dinalá.
Tatlóng p*****n ang nangyari sa gabíng yaón. Ang praileng
nang̃ang̃asiwà sa _hacienda_ at ang bagong hahawak ng̃ mg̃a lupà ni
kabisang Tales ay nang̃átagpûáng patáy, baság ang ulo at may sumpál
na lupà sa bibíg, sa kalapít ng̃ mg̃a lupaín nitó; sa bayan, ang
asawa ng̃ bagong mag-aarì ng̃ lupà na pinatáy ay patáy ding inumaga,
na punô rin ng̃ lupà ang bibíg at pugót ang ulo, at may kasiping na
papel na kinasusulatan ng̃ pang̃alang “Tales” na ang ipinanulat ay
dalirìng isinawsáw sa dugô......
¡Manahimik kayó, mapapayapàng tagá Kalambâ! Sa inyó’y walâng
nagng̃ang̃alang Tales, sino man sa inyó’y hindî siyáng nakagawâ ng̃
kasalanan! Ang mg̃a pang̃alan ninyó’y Luis Habaña, Matias Belarmino,
Nicasio Eigasani, Cayetano de Jesús, Mateo Elejorde, Leandro
López, Antonino López, Silvestre Ubaldo, Manuel Hidalgo, Paciano
Mercado, kayó ang boong bayan ng̃ Kalambâ!.... Lininis ninyó ang
inyóng mg̃a bukirín, ginugol ninyó sa kanilá ang boong búhay, ang
mg̃a naimpók, mg̃a pagpupuyát, pagtitipíd, at pagkatapos ay inalís
sa inyó, pinalayas kayó sa inyóng mg̃a tahanan at ipinagbawal sa
ibá ang kayó’y patuluyin! Hindî pa nasiyahang lapastang̃anin ang
katwiran kundî niyurakan sampû ng̃ mg̃a banal na kaugalìan ng̃ inyóng
bayan.... Naglingkód kayó sa Harì at sa España, at ng̃ sa ng̃alan
nilá’y pinag-usig ninyó ang katwiran ay itinapon kayó’t sukat ng̃
hindî man linitis, inilayô kayó sa yakap ng̃ inyóng mg̃a asawa at sa
halík ng̃ inyóng mg̃a anák.... Mahigít sa tiniís ni kabisang Tales
ang tiniís ng̃ bawà’t isá sa inyó, ng̃unì’t gayón man, ay walâ sa
inyóng naghigantí. Hindî nagkaroón sa inyó ng̃ ling̃ap ni kaawàan at
pinag-usig pa kayó hangáng sa kabilâng buhay, gaya ng̃ ginawâ kay
Mariano Herbosa.... ¡Lumuhà kayó ó matuwâ sa mg̃a liblíb na pulông
iyóng linálagalág nang hindî alám ang sasapitin! Kinakandili kayó
ng̃ España, at sa málao’t mádalî ay tatamuhín ninyó ang katwiran!
XI
LOS BAÑOS
Ang kataastaasang Capitan General at Namamahalà sa Kapulùang Pilipinas
ay nang̃aso sa Busóbusó.--Ng̃unì’t sa dahiláng may abay na isáng
bandang músika (sapagka’t ang gayóng kataás na tao’y hindî dapat
máhulí sa mg̃a santóng kahoy na ipinagpuprusisyón) at sa dahiláng
ang pagkagiliw sa dî matingkalâng arte ni Sta. Cecilia ay hindî pa
laganap sa ugalì ng̃ mg̃a usá at baboy-damó sa Busóbusó, ay walâng
nahuli ni isá mang dagâ, ni ibon, ang General na may kasamang banda
ng̃ músika at kaalakbáy na mg̃a prayle, mg̃a militar at mg̃a kawaní.
Inakalà na ng̃ mg̃a may kapangyarihan sa lalawigan na may maaalis
sa katungkulan ó kayâ’y malilipat; ang mg̃a kaawàawàng kapitán sa
bayan at mg̃a kabisa ay hindî nang̃ápalagáy at hindî nang̃ákatulóg
sa pang̃ang̃anib na baká masumpung̃án ng̃ maalindog na máng̃ang̃asó
ang ipalít silá sa mg̃a hayop sa gubat na hindî marunong umalinsunod,
gaya ng̃ ginawâ na ng̃ isáng _alcalde_ noóng mg̃a nakaraáng araw
na napapasán sa tao, sa boô niyáng paglalakbáy, sapagkâ’t walâng
mabaít na kabayong maaásahang hindî magbabagsák sa kaniyá. May isáng
balitàng kumalat na mayroón ng̃âng gagawín ang General sapagka’t
ang gayóng pangyayari umanó ay isáng simulâ ng̃ paghihimagsík na
dapat sugpûín kaagád: na ang isáng pang̃ang̃asong walâng náhuli ay
makasisirâ sa karang̃alan ng̃ mg̃a kastilà, at ibp., at humanap na
tuloy ng̃ isáng kahabaghabág na taong papagsusuutín ng̃ suot usá,
nang sinabi ng̃ General (sa udyók ng̃ isáng pagkahabág na hindî
natimbang̃án ni Ben Zayb ng̃ salitâng pagpuri) at pinawì ang lahát
ng̃ pang̃ambá at sinabi, na siyá’y naaawàng pumatáy ng̃ mg̃a hayop
sa gubat.
Kung ipagtatapát ay sadyâ ng̃âng nasisiyahang loob ang General at
_inter se_ ay nalulugód siyá, sa dahiláng ¿anó ang nangyari sana
kung hindî tumamà sa pagtudlâ sa isáng usá na hindî nakababatíd ng̃
ugalìng dapat ipamalas sa mg̃a gayóng kaparaanan? ¿saán masasadlák
ang karang̃alan ng̃ nakapamamahalà? ¿Bákit? ¡Isá ba namáng Capitang
General ang hindî tumamà na warì’y bagong nang̃ang̃aso! ¿anó na
lamang ang wiwikàin ng̃ mg̃a indio, na, sa kanilá’y mayroón din
namáng iláng mabuting manudlâ? Málalagáy sa kapang̃aniban ang tíbay
ng̃ Inang bayan.....
Yaón ang sanhî kung kayâ’t ipinag-utos ng̃ General (na nakatawa ng̃
tawang koneho at anyông mang̃ang̃asong masamâ ang loób) ang pagbabalík
kaagád sa Los Baños, at ipinaghambóg, sa paglalakbáy, ang kaniyáng
kagiting̃an sa pang̃ang̃aso sa ganitó ó gayóng páng̃asuhán sa España
at warìng ibig ipahiwatig ang pag-alipustâ niyá sa mg̃a pang̃ang̃aso
sa Pilipinas, bagay na inaakalàng kapit sabihin dahil sa nangyari;
¡psé! ang paliligò sa Dampalít (daáng paliit), ang sigang̃an sa
baybay ng̃ lawà, ang paglalarô ng̃ _tresillo_ sa palasyo at pagdayo
sa gayón ó ganitong kalapít na binúbulusán ng̃ tubig ó sa lawàng
kinalalagyán ng̃ mg̃a buwaya ay mainam pá kay sa roón at hindî pá
mápapará ang karang̃alan ng̃ inang bayan.
Nang isá sa mg̃a hulíng araw ng̃ buwan ng̃ Disiembre ay nakikipaglarô
ng̃ _tresillo_ ang Capitang General samantalang inaantáy ang oras
ng̃ pananghalìan. Katatapos pá lamang niyáng maligò at pag-inom ng̃
isáng basong sabáw at lamán ng̃ buko, kayâ’t ang mg̃a sandalîng
iyón ay siyáng bagay samantalahín sa paghing̃î ng̃ mg̃a biyayà.
Isá pang nakapagpaparagdág sa kaniyang katuwâan ang pananalo,
sapagkâ’t pinupunyagî ni P. Irene at ni P. Sibyla, na kaniyang mg̃a
kalaban, ang lihim na pagpapataló, samantala namáng si P. Camorra
ay nagng̃íng̃itng̃ít sapagkâ’t, sa dahiláng karáratíng pa lamang
ng̃ umagang yaón ay hindî niyá batíd ang mg̃a pakanáng iyón. Sa
dahiláng pinagbubuti ng̃ parìng-artillero ang pakikipaglarô ay
namúmulá at nápapakagát labì sa tuwîng malilibáng ó mámamalî sa
pagsugál si P. Sibyla, ng̃unì’t hindî siyá makaimík dahil sa malakí
niyáng pag-aalang-alang sa dominiko; datapwâ’y si P. Irene namán ang
pinagbubuntuhán niyá ng̃ galit, sapagkâ’t ipinagpápalagáy niyáng
mapagpusà at sa gitnâ ng̃ kaniyáng kabuhalhalan ay dî binibigyáng
halagá. Hindî man lamang siyá tinitingnán ni P. Sibyla: binabayàan
siyáng mag-uung̃ól; datapwâ si P. Irene, sa dahiláng mapakumbabâ,
ay humihing̃îng tawad samantalang hinihimas ang tungkil ng̃ mahabà
niyáng ilóng. Ang General namán ay nagagalák at sinasamantalá ang
pagkakámalî ng̃ kaniyáng mg̃a kalaban, sapagkâ’t siyá’y mabuting
magparaán, alinsunod sa payo ng̃ kanónigo. Hindî batíd ni P. Camorra
na ang pinaglalaruán sa ibabaw ng̃ dulang na iyón ay ang ikalulusog
ng̃ pag-iisip ng̃ mg̃a pilipino, ang pagtuturò ng̃ wikàng kastilà,
sapagkâ’t kung nalalaman niyá, ay malugód sanang nakihalò sa _láruan_.
Sa mg̃a durung̃awáng bukás ay pumapasok ang malinis at masaráp na
simoy at nátatanaw ang lawà, na ang kaniyáng tubig ay mahinhíng
bumúbulong, sa paanan ng̃ bahay, na warìng nang̃ang̃ayumpapà. Sa
dakong kanan, sa malayò, ay nátatanáw ang pulông Talím na lubhâng
bugháw; sa gitnâ ng̃ lawà at halos katapát lamang ay may isáng
pulông kulay dahon, ang pulô sa Kalambâ, na walâng tao at ang ayos
ay warìng kabiyak na buan; sa kaliwâ, ang magandáng pángpang̃in na
nahihiyasán ng̃ kakawayanán, isáng bundók bundukang tanáw ang boong
lawà, malalawak na bukirín, sa dako pá roon ay bubóng na sagà sa mg̃a
pagitan ng̃ kulay na berdeng maitímitím ng̃ mg̃a dahon, pagkatapos
ay ang bayang Kalambâ at sa hulíng dakong abót ng̃ tanáw ay warìng
bumábabâ ang lang̃it sa tubig ng̃ lawà na anyông dagat, na siyáng
sanhîng tawagin siyáng “dagat na tabáng” ng̃ mg̃a taga roon.
Sa isáng dulo ng̃ salas ay nároroon ang kalihim na nakaupô sa haráp
ng̃ isáng mesa na kinapapatung̃an ng̃ iláng putol na papel. Ang
General ay masipag at hindî niya ibig ang mag-aksayá ng̃ panahón,
kayâ’t tinatapos ang iláng gáwàin samantalang nag-aalkalde sa tresillo
ó samantalang namimigáy ng̃ baraha.
Samantala namáng naglalarùan ay naghihikáb at nabubugnót ang kalihim.
Ang ginágawâ sa umagang iyon ay ang pagpapalitpalit ng̃ bayang dapat
kalagyán ng̃ mg̃a kawaní, mg̃a pag-aalís sa katungkulan, pagpapatapon
sa malayòng lupà, pagbibigáy ng̃ biyayà at ibp., ng̃unì’t hindî
pá dumárating sa malakíng usapang inaantáy ng̃ lahát, ang ukol sa
kahiling̃an ng̃ mg̃a nag-aaral na pahintulutan siláng makapagtayô
ng̃ isáng Academia ng̃ wikàng kastilà.
Ang isáng kawaníng may mataas na katungkulan, si don Custodio at
isáng prayleng nakatung̃ó at warìng may iniisip ó may kabigatan
ang loob (P. Fernandéz ang kaniyáng pang̃alan) ay nang̃agtatalong
marahan ang usapan, samantalang payao’t dito silá sa dalawáng dulo
ng̃ salas. Sa isáng silíd na kalapít ay nádiding̃íg ang tunóg ng̃
mg̃a bola ng̃ billar, tawanan, halakhakan, ang boses ni Simoun;
itó’y nakikipagbillar kay Ben Zayb.
Si P. Camorra ay bigláng nagtindíg.
--¡Si Cristo na ang makisugal sa inyó, _puñales_!--ang pabulalás na
sabing kasabáy ang paghahagis ng̃ mg̃a barahang nálalabí sa kaniyá,
sa ulo ni P. Irene--¡puñales! ang tayâ ay sigurong siguro na, kundî
man ang _codillo_, at natalo pá dahil sa tawag! ¡Puñales! si Cristo
na ang makisugal!
At galít na galít na isinasalaysáy sa lahát ng̃ naroroon ang
pangyayari, lalòng lalò na sa tatlóng naglalakád, na warìng siyáng
ibig niyang pahatulin. Sumúsugal ang General, siyá ay laban, may
tiklóp na si P. Irene: humatak siyá sa espada at ¡puñales! hindî
pinasunód ng̃ kamoteng si P. Irene ang kaniyáng masamâng baraha. ¡Si
Cristo na ang makilarô! Siya’y hindî naparoon doon upáng magpatalo
ng̃ salapî at durugin ang kaniyáng ulo sa walâng kapararakan.
--Ang akalà marahil ng̃ neneng itó--ang patuloy na námumulá--ay
kinikita ko ang salapî ng̃ papalikwatlikwat lamang. ¡Ng̃ayón pá
namáng ang aking mg̃a tao’y nang̃agsisitawad na!
At umuung̃ol na tumung̃o sa kinalalagyán ng̃ billar, na, hindî
na pinakinggán ang mg̃a hing̃îng ipagpaumanhín ni P. Irene na
nagtatangkâng mang̃atwiran sa tulong ng̃ paghaplós ng̃ ilóng.
--¿Ibig pô bá ninyóng umupô, P. Fernandez?--ang tanóng ni P. Sibyla.
--Masamâng manglalarò akó ng̃ _tresillo_--ang sagót ng̃ prayle.
--Kung gayó’y paparituhin si Simoun--ang sabi ng̃ General--¡eh!
Simoun, eh, mister! ¿ibig bagá ninyóng makilahók sa isáng larô?
--¿Anó ang ipasisiyá tungkól sa mg̃a “armas de salón”?--ang tanóng
ng̃ kalihim na sinamantalá ang pagkakáhintô.
Dumung̃aw si Simoun.
--¿Ibig bagá ninyóng maupô sa lagáy ni P. Camorra, ginoong Simoun?--ang
tanóng ni P. Irene--ang itatayâ ninyó’y brillante at hindî tantós.
--Walâng kailang̃an sa akin ang gayón--ang sagót ni Simoun na lumapit
at ipinapagpág ang yeso na nasa kaniyáng kamáy--at kayó ¿anó ang
inyóng itátayâ?
--¿Anó bá ang maitatayâ namin?--ang tugón ni P. Sibyla--Ang General
ay makatátayâ ng̃ maibigang itayâ, ng̃unì’t kamí, mg̃a parì, mg̃a
_sacerdote_......
--¡Bah!--ang putol na pakutyâ ni Simoun--ang ibabayad ninyóng dalawá
ni P. Irene ay mg̃a kaawànggawâ, panalang̃in, kabaitan, ¿anó?
--Batíd ninyóng ang mg̃a kabaitang tagláy ng̃ isá’t isá--ang talád na
walâng halòng birò ni P. Sibyla--ay hindî kagaya ng̃ mg̃a brillante na
maaarìng másalin sa ibá’t ibáng kamáy, ipagbilí na sa isá’t ipagbilí
pa nitó.... yaón ay dalá ng̃ tao, mg̃a bagay na hindî málalayô sa
katawán......
--Kung gayón ay papayag akóng sa salitâ na lamang ninyó akó
bayáran--ang paklíng masayá ni Simoun--Kayó P. Sibyla sa bawà’t limáng
tantós na ibíbigay ninyó sa akin ay sasabihin na lamang ninyó, sa
halimbawà: lilimutin kong limáng araw ang karálitàan, ang kababàang
loob, ang pagkamasunurin.... kayó namán P. Irene: lilimutin ko
ang kalinisang ugalì, ang pagkamahabagin, at ibp. Nakita na ninyó
na napakauntîng bagay, at akó, ang ibibigáy ko’y ang aking mg̃a
brillante.
--¡Nápakatang̃ìng tao itóng si Simoun, kung anó anó ang iniisip!--ang
sabing tumatawa ni P. Irene.
--At _itó_,--ang patuloy ni Simoun na tinangkî sa balikat ang
General--ang ibabayad nitó sa akin sa bawà’t limáng tantós ay
isáng _vale_ na katimbáng ng̃ limáng araw na pagkakábilanggô, sa
isang _solo_ ay limáng buwan, sa isáng _codillo_ ay isáng utos na
pagpapatapon, na walâng nakatalâng pang̃alan, sa isáng _bola_....
ay isáng utos sa guardia sibil na makabaríl sa daán sa taong
parurusahan, samantalang ipinaghahatiran, at ibp.
Ang hamon ay napakatang̃ì. Ang tatlóng lálakadlakád ay nang̃agsilapit.
--Ng̃unì’t ginoong Simoun--ang tanóng ng̃ mataás na kawaní--¿anó
ang máhihitâ ninyó sa pananalo ng̃ kabaitan sa bung̃ang̃à, at mg̃a
buhay ng̃ tao, mg̃a pagpapatapon at mg̃a pagpatáy?