Napabalikwas ako ng bangon nang biglang padabog na bumukas ang aking kwarto.
“Aira!” Napatayo ako bigla. Halos sumakit ang aking ulo dahil sa biglaang paggalaw. Nakita ko ang galit nitong mukha at kahit hindi iyon nakadirekta sa akin ay nakakatakot pa rin.
“B-Bakit, sir!?” Lalong nagsalubong ang kilay nito.
“Do you know what time is it!? It’s already 10 a.m. and you’re still sleeping!?” Dumagundong ang boses nito sa aking kwarto. Napasilip ako sa wall clock at nakita ang oras. Oo nga ‘no?
Napasarap ang tulog ko. Grabe naman kasi ang pagod na naranasan ko kahapon. Pagkahiga sa kama ay bagsak talaga agad ang katawan ko.
“Ano, tutunganga ka na lang ba diyan? Gusto mong palayasin na kita ngayon mismo sa bahay ko?!” Bigla akong nag-panic.
“Sir Cedrick, sorry po. Medyo napagod lang po kahapon kaya hindi ko narinig ang alarm. Saglit lang po, mga ten minutes pa po, higa lang ako ulit.” Lalong naging nakakatakot ang expression ng kanyang mukha.
“What!?” Galit na sabi nito.
“Ibig ko pong sabihin, ten minutes lang po at mag-bibihis lang ako saka hilamos. Magluluto na po ako kaagad ng pagkain.” Pagkasabi ko niyon ay bigla na siyang lumabas at pabagsak na sinarado ang pinto.
Napakaepal naman niyon. Gusto ko pang matulog eh! Napahinga ako ng malalim at walang nagawa kundi bumangon na at kumilos. Nagluto ako ng pagkain. Hindi ko alam kung para ba sa almusal iyon o sa pananghalian pero para safe ay dalawa ang niluto ko. Dinala ko ang pang-almusal sa kwarto ni Cedrick.
Unang katok ko pa lang ay binuksan na niya ang pinto. Padabog niyang kinuha ang tray at walang sabi-sabing sinarhan ako muli ng pinto. Napangisi ako. Kawawa naman. Gutom na gutom siguro.
Bago ako tuluyang makababa ay muli niyang binuksan ang pinto.
“Dalhan mo rin si Candy ng pagkain. Kanina pa iyon nagwawala sa labas. Ikaw ang bahalang magpakain mag-isa.” Pagkatapos niyon ay binagsak na niya ulit ang pinto.
Ang aga-aga, napaka-high blood! Maaga siyang tatanda kapag ganyan.
Bumaba ako at kumain na muna. Makakapaghintay naman si Candy, ang tyan ko hindi. Dinala ko ang pagkain sa aking kwarto at doon kumain. Nilabas ko ang aking Iphone para magcheck ng mga updates sa agency namin. Hindi ko na kasi iyon nagawa kagabi dala na rin ng matinding pagod.
Nakita ko ang ilang text messages doon mula kay Amir at kay Sir Tristan. Una kong binuksan ang sa boss kong pangit.
Aira, how was your first day? I hope you’re already planning out your mission.
Napairap ako. Paano ko kaya magagawa iyon kung napakaraming pinapatrabaho ng Cedrick na ito! Lugi talaga sa isang katulong lang! Pagdating sa gabi, imbis na nagpaplano ako sa misyon ko ay bumabagsak ako sa higaan at nakakatulog na agad.
Kung gusto niyang mabilis na matapos ang mission sana tatlo ang pinadala niya dito para mas madali! Or dapat ay siya ang nandito kasi siya naman ang nakaisip!
Sunod kong tinignan ang text ni Amir.
Kamusta? Maayos naman ba ang trato sayo diyan? If you need help, you can always contact me, okay?
Napahinga ako ng malalim at nagpatuloy na sa pagkain. Pagkatapos niyon ay naghugas na ako ng pinggan at hinanda ang pagkain ni Candy.
Sa totoo lang ay hindi ko alam kung paano ko mapapakain ang lion na iyon ng hindi napuputulan ng kamay. Bagong salta lang ako dito at hindi niya pa ako kilala tapos ay ako na agad ang magpapakain! Sana manlang ay binigyan ako ni Cedrick ng adjustment period kay Candy para makikilala ako!
Kabado akong naglalakad papunta sa kulungan ni Candy. s**t! Mas kabado pa ako dito kaysa makipagbarilan sa mga tao ah!?
Tumaas ang balahibo ko sa katawan nang biglang nagwala si Candy habang nakatingin sa akin. Tumutulo ang laway nito habang hindi mapakali sa loob. Halos gusto na niyang pabagsakin ang mga bakal na kulungan para lang makakain.
Hindi ko nga lang alam kung kanino siya naglalaway. Kung sa pagkaing dala ko ba o sa akin mismo. Baka kasi pagkain din ako sa paningin niya eh.
We’re now face to face to each other. Narinig ko ang malalim na ungol nito.
“Hi Candy…” Muli itong nagwala. Nagpaikot-ikot ito at kinalampag ang bakal. Napapikit ako nang tumalsik pa ang ilang laway nito sa aking mukha. Kadiri!
Inangat ko ang pagkain niya. Sinundan niya iyon ng tingin at inamoy-amoy. Pagkatapos ay masamang tumitig sa akin.
Sa nanginginig na mga kamay ay tinanggal ko ang pagkakandado ng kulungan niya at mabilis na pinasok ang kanyang kainan. Halos sundan niya pa nga ang aking kamay. Akala niya ata talaga at ako ang pagkain niya!
Pinapanuod ko siyang kumain nang biglang nagsalita sa aking likod si Cedrick. Napahawak ako sa aking dibdib bago hinarap ang lalaki. Bakit ba laging nanggugulat!?
“Are you already feeding her?” Malamig na sabi nito.
“Pinapakain ko na po siya.” Tumango ito habang diretso ang tingin sa kulungan.
“Paliguan mo siya pagkatapos niyang kumain. Tuturuan kita kung paano.” Nakahinga ako nang maluwag nang sinabi niya iyon. Mabuti naman ‘no? Akala ko naman pababayaan niya lang ako na paliguan si Candy ng mag-isa!
Nanatili siyang nakatayo sa aking gilid habang ako ay pinapanuod ang alaga niyang si Candy na kumain. Makaraan ng ilang minuto ay umalis ito saglit. Nang bumalik siya ay dala na niya ang chains ni Candy. Pumasok siya sa loob ng kulungan at nilagay iyon kay Candy.
Dinala niya iyon sa labas, sa pwesto niya kahapon kung saan niya ito pinakain. Lumapit ako doon at napansin ko sa gilid ang mga kagamitan panligo.
“Aira, panuorin mo itong mabuti dahil isang beses ko lang ito ituturo. Next week, kung mapagdesisyunan kong hindi kita papalayasin sa bahay ay ikaw na ang bahalang magpaligo at magpakain sa kanya. Naiintindihan mo ba?” Masungit niyang sabi.
Umamba akong kokotongan siya. Gustong-gusto kong hampasin ang batok niya habang nakatalikod siya sa akin ngunit biglang umungol si Candy habang masama ang tingin sa akin. Bwisit! Bwisit kayong dalawa!
Hinaplos ni Cedrick ang katawan ni Candy at agad itong kumalma. Binasa niya ang katawan ng lion at sinabunan iyon. Medyo may katagalan nga iyon gawin dahil medyo marumi na ang katawan ni Candy.
Sa lahat ng direksyon ay nasabon at na-brush ni Cedrick. May iilan pa ngang hindi natanggal na dumi dahil hindi niya naman nakikita ang sinasabunan niya. Hindi ko na lang din sinita dahil baka biglang ako pa ang magsabon sa lion na iyan.
Matapos ng halos trentang minuto na pagsasabon ay binanlawan na niya ito. Nakakagulat dahil sa buong proseso ng pagligo ni Candy ay tahimik lang ito. Hindi ito nagwawala o natatakot sa tubig.
Inabot ko ang twalya kay Cedrick para mabawasan ang pagkabasa ng katawan ni Candy. After that, she shrugged her body to remove some of the water. Napaatras ako nang natalsikan ako ng bahagya.
Pigil ang aking tawa nang makitang basang-basa si Cedrick. Hindi kasi ito nakaiwas dahil hindi niya naman nakita ang ginawa nito.
Nabitin sa ere ang aking tawa nang humarap ito. Dahil sa nabasa ang kanyang damit ay bumakat at halos makita ko na ang kanyang katawan. Bumaba ang tingin ko sa abs nito.
Hmm, infairness. Not bad.
Nakangisi ako at ine-enjoy ang magandang view sa aking harapan. Ano kayang pakiramdam kung papadaanin ko ang aking kamay sa kanyang toned chest at abs. Teka ilan ba iyon? Naningkit ang mata ko at binilang iyon.
Lalong lumaki ang aking ngisi nang mabilang na anim iyon. Sarap!
Naputol ang pagsulyap ko sa katawan niya nang marinig ang galit na ungol ni Candy. Tinaasan ko ito ng kilay. Ang damot naman!
“Give me the towel.”
Sayang lang talaga at bulag siya. Siguro kung hindi ay pwedeng maghubad na lang ako sa harap niya para bumigay siya agad at mahanap ko na ang vault. Bonus pa na mararamdaman ko ang macho niyang katawan. Siguro hahayaan ko na may mangyari sa amin kapag ganoon. Hindi naman na masama para sa first time.
Okay lang ma-virgin-an basta sa kanya.
“Aira, ang twalya. Bingi ka ba?” Naputol ang aking pag-iisip nang marinig ko ang kanyang iritableng boses. Nagsasalita pala siya?
“Ah, Sir. Pasensya na po.” Inabot ko ang tuwalya. Napasimangot ako nang makitang ipinantakip niya iyon sa kanyang katawan. Ano ba ‘yan? Ang bilis naman!
“Open the cabinet beside the brush and shampoo. May blower doon. Akin na at isaksak mo na rin.” Agad kong sinunod ang utos niya. Nang maiabot ko ang blower ay agad niyang pinagana iyon saka itinapat sa balahibo ni Candy.
Nagtaka ako. Kailangan pa palang i-blower? Akala ko pagkatapos paliguan ay okay na iyon. Papatuyuin pa pala iyon. Pambihira! Ang time-consuming naman pala ng lion na ito eh. Ang high maintenance! Ang kapal ba naman ng balahibo nito, aabutin pa ata ng isang oras ang pagpapatuyo ng balahibo nito eh!
“Don’t ever change the settings of the blower. Aabutin ito ng halos isang oras. I will check her fur after you take her a bath. Kapag hindi ko nagustuhan ang resulta ng pagpapaligo mo sa kanya, makakalayas ka na ng bahay ko. Do you understand?” Napasimangot nanaman ako. Ang straight forward talaga niya oh!
Hindi lang magustuhan, mapapalayas na agad! Wala manlang second chance?
Halos mangalay ako sa pagtayo habang nagpapatuyo siya ng balahibo ni Candy. I’m really amazed on how the lion behave on him. Napakaamo. Akala mo ay napakaliit lang na kuting. Naglalambing pa nga ito sa kamay niya!
I doubt it if she’ll still behave like that to me. Sa tuwing humahakbang nga ako palapit sa kanila ni Cedrick ay dumidilat ito at sinasamaan ako ng tingin. Minsan nga ay uungol pa ito ng mahina. Good luck na lang talaga sa akin next week.
Pinakuha ni Cedrick ang isang upuan mula sa bodega sa likod ng garahe. Napangiti ako. May kabaitang taglay pala siya eh. Buti naman at naisip niya na nangangalay na ako.
Pagkabalik ko sa kanila ay naupo na ako habang pinapanuod sila.
“Aira, nasaan na ang upuan na pinakuha ko sayo?!” Naiinis na sabi nito. Agad na nagsalubong ang kilay ko.
“Huh? Nandito na sir, nakaupo na ko.” Sarkastiko siyang tumawa.
“Sinabi ko bang para sayo iyan? Akin na, manatili kang nakatayo dahil wala ka namang ginagawa.” Napanganga ako at hindi makapaniwala sa kanyang sinabi. Aba’y walang hiya!
Pagalit kong binigay sa kanya ang upuan. Biglang umahon si Candy at galit na umungol sa akin. Ewan ko sa inyong dalawa! Pareho kayong napakasungit at palaging galit!
Pigil na pigil akong magpadyak sa damuhan. Nangangalay na talaga ako sa pagtayo ko. Isa’t kalahating-oras na ata akong nakatunganga lang sa kanya! Tirik na rin ang araw at walang silong sa pwesto ko!
Nang sa wakas ay natapos na siya, dinala na niya si Candy sa loob ng kulungan nito. Maamo itong naglambing kay Cedrick bago nagtungo sa pwesto nito na parang tulugan. Tuwing umaga at gabi lang daw kasi ito papakainin kaya siesta niya ng ganitong oras.
Wow, sana lahat may oras mag-siesta! Parang gusto ko na lang maging si Candy ngayon!
Nakasunod ako kay Cedrick habang naglalakad papasok ng bahay. Nakahinga ako nang maluwag nang maramdaman ko ang lamig ng bahay. Magtutungo na sana ako sa kusina para manghalian nang tumigil si Cedrick sa unang baitang ng hagdan.
“Give me lunch upstairs. Bilisan mo lang dahil nagugutom na ako.” Masungit na sabi nito bago nagpatuloy na sa paglalakad.
Inirapan ko siya bago dumiretso sa kusina.
Habang hinahanda ko ang kanyang pagkain ay kung ano-anong masasamang gawain ang pumapasok sa utak ko.
Haluan ko kaya ng muriatic acid itong pagkain niya? Or dishwashing liquid? Pwede ring zonrox para malinis naman ang madumi niyang budhi. Napakasama ng ugali eh!
Kumuha ako ng suka bilang sawsawan. Isda kasi ang niluto kong ulam at nakita kong mayroon siyang suka na timplado na nasa isang litrong boteng babasagin. Budburan ko pa kaya ng mga sampung sili ito? Tama lang para sa napakaanghang na pakikitungo niya sa aking bwisit siya!
Sa huli ay nanaig ang kabaitan sa akin. Baka kapag ginawa ko ang iniisip ko kanina ay mapalayas ako ng wala sa oras. Kailangan ko talagang mag-practice na maging mabait. Kailangan ko din ng mahabang pasensya.
Pagkatapos kong maihatid sa kanya ang pananghalian niya ay mabilis akong kumain dahil marami pa akong lilinisin sa ikalawang palapag.
Sumatotal ng ng kwarto doon ay anim. Apat ang guest rooms, isang entertainment room, at isang library.
Bawat guest room ay pare-pareho lang ang laki at disenyo. Hindi nakatakas sa akin ang mga camera doon kaya pasimple lang akong naglinis.
Naisip ko kasi, para sa unang linggo ko dito, I will first familiarize myself on the camera’s hidden inside of each rooms. Kakabisaduhin ko rin ang bawat pasikot-sikot ng buong mansyon para kung sakaling nakaisip na ako ng magandang plano ay alam ko kung saan ako lulusot para makatakas.
Tutal ay tatlong buwan naman ang binigay sa akin ni Sir Tristan. Pwede naman siguro na hindi muna ako maghahanap ngayong week. Ang mahalaga lang muna ay malibot ko ang buong mansyon.
Kahapon habang naglilinis ako sa first floor ay napansin ko ang pagkakapareho ng mga disenyo mula sa sahig hanggang sa pader at sa hindi malamang dahilan ay nakaramdam ako ng kakaiba doon. Hindi ko lang kasi makumpirma ang iniisip ko dahil maraming mga camera ang nakabantay sa akin kaya pinalagpas ko na muna.
Kakausapin ko si Sir Tristan next week kung pwedeng i-hack niya lahat ng security camera dito sa mansyon ni Cedrick. It will take a lot of time to do that because the mansion is really huge. Kahit isa o dalawang oras lang kada araw ang pag-hack nila ay okay na iyon. Para lang makausad ako sa paghahanap ng vault na iyon.
Katulad ng sa first floor ay masyadong pare-pareho ang disenyo. Ang pinagkaiba lang ay ang mga gamit sa loob. Sana ay tama ang naiisip ko para mas mapadali ang misyon ko dito.
Habang naglilinis ako sa isa sa mga guest room ay nakakita ako ng isang kulay pula na lacy panty sa ilalim ng kama. What the hell?! Don’t tell me…
May mga nagpupuntang babae dito!? Aba naman, ayos pala ang Cedrick na iyon! Akala ko pa naman walang ibang tao na nakakalabas pasok dito, bakit may mga p********e naman atang nakakapasok dito!? Aba hindi na pwede iyan ngayong nandito ako!
Binulsa ko ang panty na iyon. Pwede naman pala siyang akitin eh. Totoong lalaki pa rin naman pala siya na may pangangailangan. Pwes, gagawin kong edge iyon ngunit bago iyon ay iisipin ko muna kung paano ako makakalapit sa kanya.
Pinagpatuloy ko ang paglilinis. Hindi naman gaanong maalikabok ang mga nililinisan ko dahil wala namang gumagamit ng mga kwarto. Kahit ang mga banyo ay hindi rin gaanong madumi kaya kaunting kuskos lang ay okay na.
Grabe, pagkatapos ko siguro sa misyong ito, hindi na ako babalik bilang agent. Magkakatulong na lang siguro ako. Magiging expert akong tagalinis dito eh.
Bandang alaskwatro ako natapos maglinis ng tatlong guest room. Ang natitirang iba ay bukas na lang. Kailangan ko na kasi magluto ng hapunan. Ang galing talaga, wala manlang akong oras para maupo o mahiga at makapagpahinga. Nakakaawa talaga ang sitwasyon ko dito. Wala naman akong ibang magawa kundi magreklamo na lang ng magreklamo.
Nang matapos akong magluto ay hinatid ko na ang pagkain kay Cedrick. Katulad ng palaging nangyayari ay kinukuha niya lang iyon at pabagsak na sinasara ang pinto. Ang sungit talaga. Ang hirap makaporma kapag ganyan. Magsasalita pa lang ako, sasaraduhan na ko ng pinto. Grabe talaga iyon.
Pagkatapos kong maghapunan ay dinalhan ko naman ng pagkain si Candy. Heto nanaman po tayo. Papalapit pa lang ako sa kanya ay kumakalampag na ang gate. Pakiramdam ko ay naglalakad ako palapit sa huling hantungan ko, ang chinopchop na Aira Valdez.
Masama ang tingin niya habang naglalaway. Huminto ako sa harap niya at nakipagsukatan ng tingin.
“Candy, kailangan nating maging friends. Feeling ko ikaw ang secret weapon ko kay Cedrick eh.” Ginantihan niya ng isang malakas at malalim na ungol ang sinabi kong iyon.
“Aba, huwag kang nagrereklamo diyan ha. Gusto mo bang hindi kita pakainin?” Lumakas ang ungol niya. Kinalampag niya pa ang gate habang masama ang tingin sa akin.
“Candy, huwag mo kong titignan ng ganyan ha. Gugutumin talaga kita!” Napaatras ako nang bigla niyang kinagat ang bakal. Tumaas ang balahibo ko nang makita ang malalaki at matatalim niyang ngipin.
Shit, isang kagat niya sa akin, giniling ang kalalabasan ako. Giniling na Aira.
“Aba! Talagang palaban ka ha!? Bahala ka diyan!” Tinalikuran ko siya ngunit napahinto rin nang makita ang madilim na mukha ni Cedrick habang nakaharap sa akin.
“Talaga? Ulitin mo nga ang sinabi mo.” Galit na sabi nito. Napatameme ako. Pilit akong tumawa.
“S-Sir! Nandyan ka pala! Binibiro ko lang itong si Candy para naman maging close kami agad.” Kinakabahan kong sabi. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit nagagawa kong kabahan sa kanya. Wala kaya akong kinakatakutang tao. Ewan ko lang kung bakit exempted siya doon. Siguro ay dahil kay Candy.
Kapag tuluyan siyang nainis sa akin ay pwede niyang pakawalan si Candy para lapain ako eh.
He crossed his arms. Umigting ang panga niya at kahit hindi eksakto ang tingin niya sa akin ay kinilabutan talaga ako.
“Gugutumin mo si Candy? Gusto mo bang ikulong kita diyan sa tabi niya?” Napanganga ako. No, he can’t be serious! Peke akong tumawa.
“Sir, magaling ka palang mag-joke.” Nagsalubong ang kilay niya at nilabas ang susi ng kulungan ni Candy mula sa kanyang bulsa. s**t! Totohanin niya ba talaga!?
“Sa tingin mo nakikipagbiruan ako sayo?” Malamig na sabi niya.
“T-Teka po, huwag naman sir. Mahal ko pa ang buhay ko.” Hindi niya ako pinansin. Diretso siyang naglakad papunta sa kulungan ni Candy. Mabilis niyang natanggal ang lock niyon.
“Get in.”
Shit!
“Sir…” Kabadong sabi ko. Hindi ako makapaniwala na ganito siya kawalang puso. Mas malala pa siya kay Sir Tristan!
“Get in and give her the food. Bilisan mo bago ako mairita ng tuluyan sayo at ikukulong talaga kita diyan.” Nakahinga ako nang maluwag. Mabilis kong nilagay ang pagkain ni Candy at saka nagmamadaling tumakbo palabas bago pa ako nito masakmal.
“Okay na po, Sir Cedrick.” Ni-lock niya ang gate at binulsa na ang susi.
“Next time you do that to my pet, tabi kayong matutulog sa loob ng kulungan na iyan. Nagkakaintindihan ba tayo?” Mabilis akong sumagot. Nakakatakot magalit! Bwisit talaga!
Nasa loob na ako ng aking kwarto. Naramdaman ko ang pag-vibrate ng aking Iphone. Nakita kong si Amir iyon kaya sinagot ko.
“Hello?” Mahina kong sabi. Dumiretso ako sa loob ng banyo. Mahirap na at baka nandyan lang pala sa paligid si Cedrick.
“Aira, how are you? Hindi ka naman nagrereply sa texts ko?” Umirap ako sa kawalan. Clingy talaga nito, feeling boyfriend.
“How am I supposed to do that? Ni maupo nga saglit hindi ko magawa dito. I’ll send you my schedule here. Literal na katulong ako dito, Amir!” Galit na sabi ko. Gusto kong mag-rant at magsabi ng masasamang salita pero pinigilan ko dahil baka tumaas bigla ang boses ko.
“Huh? Bakit? Hindi ba maganda ang trato sayo diyan? You can just reject your mission and come back home, Aira.” Nag-alala ang boses nito.
“And if I do that, Sir Tristan will taunt me. Hindi niya ko titigilan at ipagkakalat niyang wala akong kwentang agent dahil hindi ko nagawa ang misyon ko and that’s a no.” Huminga siya ng malalim.
“Then what can I do to help you?” Saglit akong napaisip sa sinabi niya.
“Can you convince him to take a look on the security cameras around and inside the mansion? Sobrang dami nila at hindi ko alam kung bakit ganoon kung bulag naman ang Cedrick Mercado na ito.” I heard him typing on his computer. Siguro ay nilalagay na agad niya sa request records.
“Yes, sure. Ano pa?”
“Wala na muna sa ngayon. Dalawang araw pa lang naman ako dito. Babalitaan kita kapag nakaisip na ako ng plano at kapag may improvement na.” Binaba ko ang tawag pagkatapos niyon.
Kinabukasan ay tinapos ko ang natitirang mga kwarto na dapat na linisin. Medyo malikabok ang entertainment room dahil mukhang wala namang gumagamit niyon. Ganoon din ang library. Hindi ko nga maintindihan kung bakit may ganito pa siya eh bulag naman siya.
Biglang bumahid ang pagiging kuryoso ko sa kanya. Paano ba siya nabulag?