ISABELLA'S POV
Tahimik kong isinara ang pintuan ng silid matapos kong isuot ang napiling damit mula sa mga nakaayos na hanger sa loob ng walk-in closet—isa sa mga ilang piraso ng luho na sigurado akong hindi naman talaga akin. Ang tela ng suot ko'y manipis pero elegante, kulay ivory na may bukas na likod at manipis na sinturon sa baywang. Simpleng bihis pero malinaw ang mensahe: pinili ito para bumagay sa kung sino, hindi para sa akin. Laki ako sa hirap, at ang pagsusuot ng ganitong damit ay hindi ako komportable. Kanina pa ako naghahanap ng jeans at t-shirt, ngunit wala sa mga naroon, lahat mga dresses at skirts na pang mayaman.
Wala akong dalang kahit anong gamit noong kinuha niya ako mula sa aming bahay. Ni isang pantulog, ni isang brush ng buhok. Kaya malinaw kung sino ang may pakana ng lahat ng mga kasuotan sa closet na iyon. Binili niya ito, pinili niya para isuot ko.
Hinaplos ko ang laylayan ng suot kong damit habang unti-unting bumaba sa hagdan. Mahina ang tunog ng takong ko sa marmol na sahig pero bawat hakbang, ramdam ko ang bigat ng presensyang naghihintay sa ibaba.
At nandoon nga siya. Sa paanan ng hagdan, nakatayo si Governor Richard Montevista. Matikas ang tindig, naka dark navy shirt lang na perpekto sa kanyang mapanlinlang na itsura—elegante sa labas, mabangis sa loob. Matiim ang titig niya sa akin. Para bang binabasa niya ang buong pagkatao ko mula ulo hanggang paa. Para bang hinuhusgahan niya kung sapat ba ako sa mga mata niya.
Napahinto ako sa ikatlong baitang ng hagdan. Bigla kong naalala ang tono ng boses niya kanina sa telepono. “I’ll punish you—until I hear you scream my name.”
Muli akong napakapit sa hagdan. Parang sumikip ang hangin. Pinilit kong itago ang kaba sa likod ng malamig kong tingin.
“I said 2pm--it's already 2:30?” pasuplado nitong bungad sa akin pero hindi niya inalis ang titig sa mukha ko. Sumimangot ako.
“Kung hindi mo sana ako dinukot ng basta basta na lang, nakuha ko sana ang mga damit ko. Hindi iyong gagamit ako ng damit na hindi naman para sa akin" patuya kong sabi. Umangat ang gilid ng kanyang labi bago niya ako sinagot.
"What's wrong with that dress?--It suits you!" marahan nitong sabi. Napakislot ako ng hawakan niya ang balikat ko at kunin ang kamay ko para alalayan. Iyong kabog ng dibdib ko sobra, parang nagwawala ang puso ko dahil sa ginagawa niya kahit suplado itong nakatingin sa akin. Napapikit ako ng maramdaman ko ang hininga niya sa aking tenga habang may ibinubulong
"Alam mo ba kung bakit ko pinasuot 'yan sa'yo?" bulong niya, mababa at puno ng tensyon. "Dahil gusto kong makita kung paano mo dadalhin ang mundong hindi sa'yo—kung paano mo lalabanan ang lugar na ito gamit ang kayabangan ng damit na hindi mo pinili."
Napasinghap ako. Gusto ko siyang itulak palayo, pero mahigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ko. Hindi marahas—pero malinaw ang kontrol. Parang sinasabi niyang kahit ang paghinga ko ay sa kanya pa rin nakadepende.
"Bitawan mo ako," mahina pero matigas kong sabi.
Ngumiti siya. “Don’t be so dramatic, Isabella. You wanted to see your father, didn’t you?”
Doon ko lang naalala kung saan kami pupunta. Parang may humigpit na sinturon sa dibdib ko dahil sa sinabi niyang pupuntahan namin si Tatay. Ilang araw ko nang hinihintay ito. Ilang gabi ko nang iniiyak ang tanong kung buhay pa ba siya, kung kumakain ba, kung natutulog ba nang maayos sa kulungan. Ngayon, ilang sandali na lang at haharapin ko siya.
"Let’s go," malamig na sabi ni Richard, sabay hila sa akin palabas ng mansion.
Malakas ang ihip ng hangin sa labas habang sakay kami ng itim na SUV. Tahimik ako sa buong biyahe, nakatingin lang sa bintana habang naglalaro ang tanong sa isip ko—ano ang sasabihin niya? Magpapaliwanag ba siya? Magpapaliwanag ba ako? May karapatan pa ba akong magtanong kung totoo bang nagawa niya iyon?
Wala akong sagot. Pumasok kami sa gate ng kulungan. Mabigat ang bawat pag-ikot ng gulong sa sementadong driveway. Habang nilalakad namin ang hallway, unti-unti akong binabalot ng lamig ng alaala—noong araw na dinala siya ng mga pulis, noong pinagkaguluhan ako ng mga media, noong wala siyang magawa kundi tignan na lamang akong umiiyak. Nakagat ko ang aking labi dahil gustong kumawala ang hikbi ko, naglandas na ang ilang luha ko pero pilit kong itinago kay Governor.
Huminto kami sa isang maliit na silid. Interrogation room. May salamin sa gilid. Isang mesa. Dalawang upuan.
At sa likod ng isa, nandoon siya. Ang tatay ko. Pumayat siya. Tumanda. Parang isang siglo ang lumipas mula noong huli ko siyang makita. Pero sa mga mata niya, nandoon pa rin ang parehong kislap ng pagiging ama. Ang kislap na palaging tumatanggap. Palaging nagmamahal.
Anak…” Mahinang bati niya, pero sapat na para gumuho ako sa kinaroroonan ko. Tinakbo ko ang kinaroroonan niya at niyakap ito ng mahigpit. Kumawala na ang hikbi sa lalamunan ko, wala na akong pakialam pa kung makita ako ni Governor Richard sa pinakamahinang ako.
“Tay…” Napaluhod ako sa kanyang harapan dahil nanginginig ang tuhod ko. Parang tinatahi ulit ang bawat punit sa puso kong nilamon ng mga araw na puro sakit at tanong.
“Sorry… sorry anak… sorry…” bulong niya sa buhok ko habang hinahaplos ang likod ko. Umiiyak na ako nang tuluyan. Nanginginig ang katawan ko sa dami ng gustong itanong, sa dami ng gustong marinig—pero wala sa mga iyon ang lumabas.
Si Tatay ang unang nagsalita.
“Hindi ko na kailangan ipaliwanag ang lahat, anak. Hindi iyon ang mahalaga ngayon.”
Napalunok ako. “Pero Tay—”
“Isabella.” Hinawakan niya ang pisngi ko. “Wala ako diyan ngayon. At ayokong mawalan ka rin… kaya pakiusap, anak. Ingatan mo ang sarili mo. Huwag kang gagawa ng bagay na makakasira sa'yo. Magpakabait ka. Walang ibang mag-aalaga sa’yo kundi ang sarili mo.” nakangiti nitong saad pero ramdam ko ang pait ng ngiting iyon. Ngiti ng isang ama na nahihirapan dahil hindi niya magawang ipagtanggol ang kanyang sarili kahit sa harapan ng kanyang minamahal na anak.
Parang karayom ang bawat salitang binigkas niya—masakit pero totoo. Gusto kong sumigaw. Gusto kong itanong kung bakit, kung paano siya napunta rito. Pero sa kabila ng lahat, nauunawaan ko—ama ko siya. At kahit nasasaktan ako, inuuna pa rin niya ako.
Lumingon si Tatay. Nakatayo lang si Governor Richard sa gilid ng pinto, malamig ang titig, parang hindi bahagi ng eksenang ito pero naroroon para saksihan ang lahat. Napansin siya ni Tatay.
“Pasensiya na, Richard anak,” mahina pero matatag na sabi ni Tatay. “Alam kong ako ang tinuturo sa pagkamatay ng ama mo. Pero kung anuman ang galit mo sa akin, huwag mo nang idamay ang anak ko. Iniiwan ko siya sa pangangalaga mo… kahit alam kong galit ka sa akin.”
Napatingin ako kay Richard. Nanatiling blangko ang mukha niya pero may bahagyang galaw sa panga niya—parang hindi niya inaasahan ang mga salitang iyon. Hindi siya sumagot.
“Pakiusap,” dagdag pa ni Papa. “Huwag siya Richard--mabait ang anak ko. Siya lang ang meron ako---hindi ko kakayanin na masaktan siya, ako nalang ang patayin niyo para maibsan ang galit ninyo sa pagkamatay ni Sir Danilo.”
"Gusto mong huwag ko siyang saktan?” sabay tingin sa akin—matalim, mapanuri, puno ng galit at lungkot na pilit niyang isinisiksik sa likod ng kontroladong anyo. “Too late for that, tatay Facundo. Nadamay na siya sa galit ko. At sa totoo lang… kahit ilang ulit kong sabihin sa sarili ko na hindi ko siya sasaktan, hindi ko na sigurado kung kaya ko pa ‘yon panindigan.”
Napasinghap ako. Naramdaman ko ang paghawak ni Tatay sa kamay ko, parang nagmamakaawa sa katahimikan.
Pero hindi pa tapos si Richard. “Pero isa lang ang malinaw sa akin,” aniya, nakatingin sa aming dalawa. “Hindi ko siya palalayain hangga’t hindi ko nalalaman ang buong katotohanan. At kung kailangan kong ipunin ang bawat hibla ng sakit sa katawan niya para makuha ‘yon—handa akong gawin.”
“Richard…” mangiyak-ngiyak na si Tatay. “Anak ko lang ang natitira sa akin…”
Muling humigpit ang panga ni Richard. Tila may bahagyang lungkot sa kanyang mga mata, pero agad niya iyong tinabunan ng ngiti—isang mapait at mapanuyang ngiti.
“Kung ayaw mong mawala ang anak mo,” aniya, “sana hindi mo pinatay ang ama ko!.”Pagkasabi niya noon ay tumalikod siya, iniwan kaming pareho sa loob ng silid. Nang tumingin ako kay tatay, nakita ko ang luha sa kanyang mga mata at doon, tuluyan na akong nawasak. Umiyak ako sa dibdib ni tatay. Walang salita. Wala nang paliwanag. Wala nang galit. Ang naiwan na lang ay lungkot at isang pangakong hindi ko alam kung matutupad.
"Ilalabas kita dito tay...pangako iyan" umiiyak kong sabi. Ngumiti lang si tatay at hinaplos ang pisngi ko.
"Mahal na mahal kita anak. Huwag mo na akong alalahanin dito, basta magsimula ka ulit, tuparin mo ang mga pangarap natin ha--para paglaya ni tatay, sabay nating punpuntahan ang Niagara Falls." Ang sakit sakit ng dibdib ko habang naririnig ko iyon sa kanya. Paano pa ako magpapatuloy kong wala siya sa tabi ko, paano pa ako magkakaroon ng lakas kung unti unti na akong inuubos ni Governor Richard dahil sa matinding galit at poot niya sa amin?
"Gagawin ko ang lahat tay, makalaya ka lang, pangako iyan!"