ISABELLA'S POV
Tahimik.
Walang nagsasalita sa pagitan naming dalawa ni Governor Richard nang nasa loob na kami ng sasakyan. Kahit ang radyo ay nakapatay. Tanging ugong lang ng sasakyan sa kalsada ang maririnig, at ang paminsang hikbi kong pilit kong sinasakal, pero lumalabas pa rin. Tahimik lang siya sa tabi ko. Kahit ang driver at isang bodyguard na nasa harapan ng sasakyan ay alam kung ramdam din nila ang tensiyon. Nakatitig lang ako sa bintana, pilit isinusubo ang sakit sa dibdib. Mahigpit kong hawak ang panyo ni Tatay na naiwan sa mesa nang yakapin niya ako kanina. Amoy pa niya. Pamilyar. Mainit. Tapat. Pero nawawala. At hindi ko alam kung kailan pa siya muling mapapasaakin. Napapikit ako. Ramdam kong unti-unting lumalakas ang panginginig ng katawan ko. Hindi dahil sa lamig ng aircon, kundi dahil sa bigat ng emosyon. Tila ba ang bawat salitang sinabi niya kanina ay naka-ukit na sa balat ko, paulit-ulit, paulit-ulit, paulit-ulit…
“Isabella... huwag kang gagawa ng bagay na makakasira sa’yo...”
“Anak ko lang ang natitira sa akin...”
“Sana hindi mo pinatay ang ama ko!”
Napakagat ako sa labi, mariin. Umiiyak na ako nang walang boses. Iyak na mahina, nanginginig lang ang balikat ko, at tuloy-tuloy ang mga luha. Hindi ko na pinipigilan. Alam kong nakikita niya ako, pero wala na akong pakialam. Wala na akong lakas para itago ang sakit.
"Stop that." mariing sabi nito. Hindi ko siya nilingon, patuloy parin ako sa pag-iyak. Hindi kayang tablahan ng kanyang maotoridad na boses ang sakit na lumulukob sa aking dibdib ngayon. Napansin ko sa gilid ng mata ko na ikinuyom niya ang kanyang kaliwang kamay nang hindi ako tumugon. Ramdam kong pinapakinggan niya ang bawat hikbing pilit kong sinisikil. Pero sadyang traydor ang sakit na ito, naging malakas na ang hikbi ko, hindi ko na kayang sikilin pa. Sunod sunod na umagos ulit ang luha ko, wala akong pakialam kugn ano man ang sasabihin niya.
"Damn!" rinig ko ang pagmumura nito kaya napapikit ako, ayaw kong makita ng mukha niyang parang demonyo sa paningin ko. Ayaw kong makita ang mata niyang puno ng poot. Pero napaigtad ako ng hawakan niya ang isang kamay ko, mahigpit niyang itiniklop ito sa kanyang kamay. Napabaling ako sa kanya, at ng magtama ang mata namin, blangko parin ang mukha nito.
Tinitigan ko siya ng tahimik at patuloy parin ang agos ng luha ko baka sakaling sa mga mata niya, makita ko ang kahit anong konsensya, kahit anong pakialam. Pero blangko parin siya. Wala pa ring emosyon sa mukha niya, tila isang bato na walang intensyon talagang gumalaw, kahit nasa harapan na niya ang pagkabasag ko. Nakahawak parin ang kamay niya sa akin. Umiwas na ako ng tingin dito at ibinaling na naman ang aking atensiyon sa bintana ng sasakya. Ngunit napasinghap ako ng hilahin niya ako palapit sa kanyang katawan at isinandig ang ulo ko sa kanyang balikat. Halos mawalan na ako ng hangin sa dibdib sa sumunod niyang ginawa. Pinahid niya ang mga luha ko sa pisngi at naramdaman ko nalang na hinalikan niya ang hawak hawak niyang kamay ko. Napapikit ako nang mariin, para akong tinakluban ng kung anong bigat sa dibdib. Hindi ako makagalaw. Hindi ako makahinga. Parang ginapos niya ako sa isang eksenang ayokong danasin mula sa kanya—hindi ngayon, hindi sa ganitong paraan.
Bakit niya ginagawa 'to? Hindi ako nagsalita. Hindi rin siya. Ramdam ko ang kabog ng puso niya sa balikat kong nakasandal sa dibdib niya. Pero tila wala itong saysay—wala akong maramdaman kundi ang sariling sakit na patuloy na tumutulo sa mga mata ko. Ang bawat padampi ng palad niya sa balat ko ay tila paminsang saksak sa sugat na hindi na gagaling.
“Bitawan mo ako…” mahina kong bulong, halos hindi ko na rin marinig ang sarili ko. Pero alam kong narinig niya. Hindi niya ako binitawan. Hawak niya ako habang unti-unti kong nararamdaman ang pagkawasak ng pagkatao ko sa harap niya.
“Sabi mo, mag iimbestiga ka para malaman ang totoo…” mahinang mahina, pero may halong paninikluhod na sabi ko "Bakit kailangan mong sambitin sa harap ng tatay ko ang pagkasuklam mo rin sa akin? Hindi pa ba sapat ang ginagawa mo sa akin, bakit kailangan pang malaman ng ama ko na ako ang kabayaran sa kasalanang hindi naman niya ginawa?"
Dito siya kumilos. Marahan pero mariin, binitawan niya ang kamay ko. Tila may apoy sa mga mata niya nang sa wakas ay tumingin siya sa akin. Hindi galit. Hindi awa. Kundi isang damdaming hindi ko maipaliwanag.
“Dahil kailangan niyang maramdaman,” malamig niyang sagot. “Kung gaano kasakit mawalan.”
Parang tumigil ang mundo ko sa sinabi niyang iyon. Parang sumabog ang puso ko sa loob ng dibdib ko, gustong gusto ko siyang murahin at saktan. Gusto kong sampalin ang katinuan sa kanya, isigaw sa mukha niya na hindi mamamatay tao ang tatay ko pero ang katawan ko, parang wala nang lakas. Parang ako na lang ang patay na tuod.
“Wala kang karapatang sabihing kailangan niyang maramdaman 'yon,” nanginginig ang boses ko habang pinipilit kong igalaw ang nanlalambot kong katawan. "Wala kang karapatang husgahan nalang nga ganoon kadali ang ama ko dahil naniniwala akong wala siyang kasalanan. Wala siyang kasalanan!" mahina pero mariin ang bawat salitang binitiwan ko. Hindi na siya kumibo ulit. Kahit dinig na dinig niya ang pag iyak ko, hindi ko na siya narinig nagsalita ulit bagkus, hinila niya ulit ako palapit sa kanyang katawan at iniyakap ang kanyang mga braso sa akin. Gusto kong magprotesta ngunit hinang hina na ang katawan ko, parang pagod na pagod na akong makipag argumento sa kanya. Iniiyak ko na lamang ang lahat ng sakit mayroon ako hanggang sa makatulog ako. Nang magmulat ako ng mata, buhat na niya ako papasok ng mansion.
"Ibaba mo ako." malamig kong saad. Tinignan niya lang ako pero hindi siya tumigil sa paghakbang sa hagdanan.
"Sabi ng ibaba mo ako---I hate you! I hate you, Richard Montevista!" galit kong sabi habang binabayo ko ang kanyang dibdib. Hindi siya natinag. Patuloy lang siya sa pag-akyat, walang imik, tila baga bingi sa lahat ng sinisigaw ko. Ramdam ko ang paninigas ng katawan niya sa bawat hampas ko sa dibdib niya, pero hindi siya lumaban, hindi rin siya umiwas. Parang tanggap niya ang galit ko—o baka, gusto niyang tanggapin iyon.
“Isang araw, pagsisisihan mo ‘to. Lahat ng ginagawa mo sa ‘kin. Lahat ng sakit na pinatikim mo sa amin ng tatay ko. Balang araw—” naputol ang sigaw ko nang bigla siyang tumigil at tumingin sa’kin.
Nanlilisik ang mga mata niya, hindi sa galit kundi sa isang damdaming malabo, marahas, magulo—gaya ng mga damdaming hindi ko pa kayang pangalanan.
“Hindi ako nagsisisi, Isabella,” mahinang anas niya. “At kung babalik man ako sa araw na 'yon, uulitin ko pa rin ang lahat.”
Napasinghap ako. “Wala kang puso…”
Hindi siya sumagot. Sa halip, binuksan niya ang pinto ng kwarto at dahan-dahang inihiga ako sa kama, parang kahit papaano’y may konting pag-iingat pa rin sa kilos niya. Pero agad din siyang tumalikod matapos akong maihiga—parang ayaw niyang makita ang reaksyon ko, o marinig pa ang susunod kong sasabihin.
“Hindi mo ako pag-aari, Richard…” bulong ko habang pinipigilan ang muling pagtulo ng luha. “Hindi mo ako laruan.”
Nasa pintuan na siya nang marinig niya ‘yon. Tumigil siya saglit, ngunit hindi na lumingon.
“Hindi kita laruan, Isabella,” malamig pero mabigat ang tinig niya. “Ikaw ang kabayaran.”
At tuluyan siyang lumabas. Iniwan akong muli—bitbit ang sakit ng katotohanan na paulit-ulit niyang pinaparamdam sa akin.