Isabella's POV
Pagkatapos bigyan ng first aid ng matandang iyon ang aking pisngi, hindi na ito bumalik pagkatapos, kahit ang Gov. ay hindi ko na nakita hanggang sa gumabi na. Kailangang makatakas ako. Halos panawan ako ng ulirat sa tindi ng kaba habang mabilis kong tinakbo ang madilim na pasilyo ng resthouse ng mga Montevista. Ang puso ko ay parang bomba na sasabog anumang segundo, ang bawat hakbang ko’y tinutulak ng desperasyon. Alam kong delikado ang ginagawa ko, pero hindi ko kayang manatili sa lugar na iyon—hindi ko kayang manatili sa ilalim ng kapangyarihan niya.
"You belong to me now, Isabella Reyes."
Hindi. Hindi ako pag-aari ng kahit sino. Kahit pa ang isang Governor Richard Montevista! Hindi ko kailanman ibibigay ang kanyang kagustuhan. Magiging safe ang tatay ko at mapapawalang sala siya sa paraang alam ko, na may tutulong sa akin. Alam ko may mga tao paring tumutulong sa mga kagaya namin ng tatay ko na mahirap lamang. Makakamtan din namin ang totoong hustisya na hindi lamang para sa mga mayayaman na kagaya ng mga Montevista. Nanginginig ang mga daliri ko habang sinasalat ang malamig na seradura ng pinto sa likuran ng bahay. Please, please… Tahimik akong nagdasal habang pilit kong binubuksan ito. Nang marinig ko ang mahinang click ng pagbukas ng pinto, hindi ko na inisip ang kahit ano—tumakbo ako. Ngunit bago pa ako tuluyang makalabas, isang sigaw ang yumanig sa paligid.
“NANDITO SIYA! HUWAG PALAPASIN!” Napabalikwas ako at nakita kong may isang guwardiyang nakaturo sa akin.
Mabilis akong kumaripas ng takbo palabas, ngunit kasabay nito, nagsimula nang magtakbuhan ang mga tauhan ng gobernador. Ilang hakbang na lang ang layo ko sa mataas na bakod. Hindi ko alam kung paano ko malalampasan ito, pero wala akong pakialam—mas pipiliin ko pang masugatan kaysa bumalik sa impyernong iyon.
“Habulin siya!”
Narinig ko ang yabag ng maraming paa sa likuran ko. Ang bigat ng hininga ko, pero hindi ko tinigilan ang pagtakbo. Sa gilid ng paningin ko, may isa pang guwardiyang papalapit mula sa kanan. Wala akong choice. Sa isang iglap, lumiko ako nang matalim at tinungo ang isang lumang storage shed sa gilid ng bakuran. Itinulak ko ang pinto at mabilis na isinara ito, habang dinig na dinig ko ang paglapit ng mga humahabol sa akin.
“Nasaan siya?!”
Namilog ang mga mata ko sa takot. Pinigil ko ang hininga ko, pilit na pinakikiramdaman ang bawat tunog sa labas.
“Siguraduhin n’yong hindi siya makakalabas ng compound.”
Tiningnan ko ang paligid at nakita ang isang lumang bintana. Wala na akong oras para magdalawang-isip. Iniakyat ko ang sarili ko sa bintana, sinaksak ang mga paa sa gilid, at kahit gasgasin ang balat ko sa bakal, pilit akong sumuot palabas.
Nang tuluyan akong makawala, hindi na ako lumingon. Lakad takbo ang aking ginawa para lang makalayo sa lugar na iyon na itinuring kong isang pangarap noon kapag pumupunta kami ni tatay ngunit ngayon, isa ng impyerno sa paningin ko dahil sa walang pusong gobernador. Pagdating ko sa kalye kung saan naroon ang aming bahay, humihingal ako, hingal na parang muntik nang malunod. Pagod na pagod ako, pero pinilit kong lakasan ang loob ko.
Pero isang tingin lang sa paligid, alam kong may mali.Tahimik. Napakalamig ng hangin. Hindi ito ang tahimik na dating nagpapakalma sa akin—ito ang tahimik na parang may mabigat na bagay na bumabalot sa buong paligid.
At saka ko napansin ang mga mata nilang nakatutok sa akin.
Ang mga kapitbahay namin. Ang mga kakilala ko. Ang mga dati kong nakangiting bumabati sa akin tuwing dumaraan ako.
Pero ngayon… puno ng galit at panghuhusga ang mga tingin nila.
"Wala kang hiya, Isabella."
Para akong sinampal sa narinig ko. Napalingon ako sa matandang dati’y laging nagbibigay sa akin ng tinapay tuwing umaga.
Pero ngayon, ang tingin niya sa akin ay parang isa akong basura.
"Paanong nagagawa mong humarap sa amin matapos ang ginawa ng tatay mo?"
Nanghina ang mga tuhod ko.
"Hindi totoo ‘yan…" bulong ko, halos hindi lumalabas ang boses ko. Pero wala nang nakikinig sa akin.
"Tulad ng tatay mo, isa kang sinungaling."
"Ang kapal ng mukha mong bumalik dito."
"Dapat hindi ka na bumalik!"
Isa-isa silang lumingon palayo, itinakwil ako nang walang pag-aalinlangan. Kahit saan ako lumingon, puro pang-uuyam, puro panlilibak ang sumasalubong sa akin.Ako na lang ang naiwan sa gitna ng lansangan. At sa isang iglap, napagtanto ko—wala na akong uuwian.
Hirap akong humakbang papasok sa lumang bahay namin. Sa bawat paghinga ko, pakiramdam ko’y may bumibigat sa dibdib ko—parang ang hangin mismo’y nagbabanta na sakalin ako.
Takot na takot ako.
Ang mga mata ng mga dating kakilala ko, ang galit at panghuhusga sa kanila… hindi ko na iyon makalimutan. Para akong itinapon sa isang bangin na walang makakapitan.
Pero hindi ako maaaring manatili rito.
Mabilis kong kinuha ang isang lumang bag at inihagis dito ang ilan sa aking damit. Hindi ko na inisip kung maayos ang pagkakapack—ang mahalaga, makaalis ako bago pa bumalik ang mga kapitbahay na maaaring ipagtabuyan ako palabas.
Habang nanginginig ang mga kamay ko sa pagmamadali, mariing pinipigilan ng utak ko ang bumigay sa takot.
"Hindi pa tapos ito. Kailangan ko lang umalis… babalik ako kapag nahanap ko na ang makakatulong sa amin."
Wala akong ibang plano kundi lumayo, maghanap ng kahit sinong may kakayahang ipagtanggol ang tatay ko. Hindi siya mamamatay-tao! Hindi ko hahayaan na malunod siya sa kasalanang hindi niya ginawa.
Mahigpit kong hinawakan ang strap ng bag at huminga nang malalim. Isa, dalawa—
Lumapit ako sa pinto, pero bago ko pa man ito mabuksan—
May malakas na braso ang biglang pumalibot sa akin mula sa likuran.
Napalakas ang pagpalahaw ko, pero hindi ko man lang natapos ang sigaw ko nang maramdaman ko ang malamig na tela na pilit idinidiin sa ilong at bibig ko.
“Mmmph—!” Nagpumiglas ako, desperadong hinampas at kinalmot ang braso ng taong humawak sa akin. Pero masyado siyang malakas—ang higpit ng pagkakakapit niya, at habang tumatagal, ramdam kong unti-unting lumalabo ang paningin ko.
Hindi… hindi…
Nanghihina na ang katawan ko. Para akong inaanod sa kung saang kawalan.
"Huwag… tulungan niyo ako..."
Hanggang sa ang lahat ay tuluyang nagdilim. Ang unang bumungad sa akin ay ang mabigat na pakiramdam sa aking katawan. Parang may bumalot na tanikala sa bawat galaw ko, pilit akong hinihila pabalik sa kawalan.
Hindi ko alam kung gaano katagal akong walang malay.
Nanlalagkit ang lalamunan ko, parang may kung anong bumara sa loob nito, at ang ulo ko’y tila sasabog sa sakit. Napakislot ako, pilit kinakalma ang sarili, pero nang maramdaman kong hindi ako makagalaw nang maayos—doon na ako tuluyang napabalikwas.
Mali. May mali. Napadilat ako. At sa harap ko, isang pares ng nananaliksik na mga mata ang nakatutok sa akin. Matatalas. Walang kahit anong awa. Siya.
Governor Richared Montevista.
Nag-angat siya ng isang kilay nang makita akong nagising. Ang ekspresyon niya ay tila pinaghalong inis at matinding galit—parang isang mabangis na hayop na napilitan lang maghintay bago sumunggab. Nanigas ako.
Hindi ko magawang lumunok habang tinititigan ko siya. Wala akong ideya kung nasaan ako, pero ang malalaking chandelier sa kisame, ang malalapad na kurtina sa paligid, at ang malamig na sahig na marmol… walang duda. Bumalik ako sa impyerno.
Nasa teritoryo niya na naman ako. Humugot siya ng isang malalim na hininga bago dahan-dahang nagsalita.
"Tell me, Isabella, do you have a death wish?"
Malamig. Mapanganib. Para akong natuka ng ahas. Mabilis kong sinubukang bumangon, pero isang iglap lang, inabot niya ang aking braso at madiin itong hinila. Napasinghap ako sa sakit.
"You really thought you could escape me?" Mariing binitiwan niya ako na para bang maruming bagay lang ako. "Did you really think you had a chance?"
Pinilit kong lunukin ang takot. “Bakit mo ako ibinalik rito?!” Nanginginig ang boses ko, pero hindi ko na magawang itago ang takot sa loob ko.Dahan-dahan siyang yumuko, inilapit ang mukha sa akin hanggang sa halos magdikit ang aming mga ilong.
"Because you belong to me now!." Madiin ang bawat kataga, puno ng hindi matitinag na kapangyarihan.
Napapikit ako, pilit nilalabanan ang bumabangong takot sa puso ko.
"Hindi mo ako pag aari Mr. Montevista! Wala ni sino man ang nag mamay-ari sa akin, lalong lalo na hindi ikaw na isang demonyo!" matapang kong sigaw dito. Marahas siyang lumayo at dumistansya. Tinanggal niya ang suot niyang gloves, itinapon iyon sa tabi, saka tumingin sa akin na para bang isa akong mababang nilalang na hindi niya dapat pinapansin.
"The moment na pinatay ng tatay mo ang ama ko, pag-aari ko na ang buhay mo Isabella"
Anong karapatan mong sabihing pag-aari mo ako?! Hindi pinatay ng tatay ko ang ama mo!" sigaw ko, pilit na pinapatibay ang sarili. Ngunit ngumisi lang siya. Isang mapanuyang ngiti na nagpadama sa akin ng matinding panghihina.
"Karapatan?" aniya, mabagal ang pagbigkas, parang tinutukso ako. "You think you have a right to question me?"
Mabilis siyang lumapit, at bago ko pa mapaatras, naramdaman ko ang mahigpit niyang paghawak sa aking baba. Napaigik ako sa sakit.
"You are nothing, Isabella." Matalim ang kanyang tinig. "You are just a pathetic girl carrying the name of a murderer."
Napalunok ako.
"Hindi totoo 'yan!" pinilit kong isigaw, pero natawa lang siya—isang nakasisindak na halakhak.
"Not true?" Bumaba ang kanyang tinig, halos pabulong, ngunit bawat salita'y parang kutsilyong dumudurog sa akin. "Then tell me, Isabella... What exactly are you worth?"
Hindi ako makasagot.
"Wala kang pera. Wala kang kapangyarihan. Ang tanging meron ka lang ay ang pangalan ng tatay mong pumatay sa ama ko. And you think you can fight against me?" Pinilit kong hindi ipikit ang aking mga mata, hindi hayaan ang luha na pumatak.
"Demonyo!"
"Oo demonyo ako, lalong lalo na sa harap ng mo na anak ng isang kriminal! Kaya huwag mo nang subukan pang lumayo, Isabella. Dahil sa susunod na gawin mo ‘yan… hindi lang ikaw ang magbabayad ng presyo."
Bumigat ang pakiramdam ko sa huling babala niyang iyon.
Alam kong hindi lang ito simpleng banta.
At mas lalong alam kong hindi ito ang huli!