"Naglibot daw kayo sa farm ni Bennett, Denisse?" nakangiting tanong ni Mrs. Guererro sa kanya habang naghahapunan sila.
"Oho. Malawak din ho pala ang farm niyo at niyog ho ang karaniwang tanim," sagot naman niya. "Kaso matatanda na rin ang mga puno at halos hindi na maakyat ang iba. Bakit wala hong gaanong tanim na bago?"
"Dalawa na lang kaming mag-asawa dito mula nang dalhin si Bennett sa Hawaii ng kapatid niya. Bukod sa napunta sa gastusin sa ospital ang pera dito sa farm, wala ring mag-aasikaso ng niyugan dahil may sakit din ang Uncle mo. Wala naman kaming tauhang puwedeng asahan dahil nagsipagtanda na rin."
Hindi sinasadyang napatingin siya kay Dominico nang banggitin ni Mrs. Guererro ang pagdala nito kay Bennett sa Hawaii. Nalaman niya kay Bennett na galit na galit pala ito sa kanya noong halos hindi na makalakad ang kaibigan. Iyon marahil ang dahilan kung ganoon na lang kainit ang dugo ng lalaking ito sa kanya. Sa halip tuloy na inisin niya ito lalo ay nagbago ang desisyon niya. Isasama niya na lang si Dominico sa taong paluluguran niya dito sa Guererro Farm. Baka sakaling lumambot ang puso nito at magkasundo naman sila sa huli.
"I'm really sorry for what happened, Auntie," muli niyang paghingi ng paumanhin."
"Tapos na 'yun at maayos naman na ang kalagayan ng kaibigan mo. Kaya rin namin siya pinauwi dito ay para mamahala siya sa farm baka sakalinh maisalba pa. Lagi na lang si Dominico ang nagsasalba sa problema namin sa mga gastusin," sabat naman ng Papa nila Dominico. Hindi na naman naiwasang magtama ang paningin nila ng supladong binata. Gusto niya sanang ignorahin muna ito pero tila pareho silang conscious sa isa't isa.
"At 'yun nga ho siguro ang dahilan kaya ako pinadala ni Papa dito. Kahit paano may expertise ho ako sa pag-manage ng farm. Okay lang ho ba kung tulungan ko si Bennett?"
"Naku, oo naman." Hindi niya alam kung bakit halos matuwa pa si Mrs. Guererro sa pagpayag. "Walang alam ang anak kong 'yan sa pamamahala sa farm dahil mahilig sa barkada noon pa. Malaking bagay kung kayong dalawa ang magtutulungan ngayon."
"Kayo rin naman ang magkakatuluyan ng anak namin, maganda ang suhestyon mo na makikialam ka sa pamamalakad ng lupain namin. Baka kahit paano'y gumanda ulit at lumago ang farm katulad ng Hacienda Luna."
Gusto sana niyang salungatin ang sinabi ni Mr. Guererro na sila ang magkakatuluyan ni Bennett. Una, malayo sa ideal man niya ang kaibigan. Bukod sa mas happy-go-lucky ito sa kanya, hindi niya tipo ang lalaking halos lahat ng babae ay kinakawayan na tila ito isang pulitikong tatakbo sa susunod na eleksyon. Bennett is too friendly to everyone. Gusto niya ay iyong lalaking reserve, medyo tipid magsalita, at tila misteryoso ang dating.
Dominico is that exact man. Despite his domineering attitude, he has this s****l appeal that every woman would die for. Ang mga mata nito'y tila nagbabaga kapag tumitig sa babae nang walang kangiti-ngiti. At ang matipuno nitong katawan ay tila nililok ng sculpture na matutunaw ka kapag niyakap ka nito.
Pero nasobrahan namang masyado ang pagka-misteryoso dahil sa sobrang katipiran sa pagsasalita, ni halos hindi niya makausap. Kahit ngayon sa hapag-kainan ay kumibo-dili ito sa mga magulang. Si Bennett ang kanina pa kwento nang kwento kung saan sila nakarating habang nagjo-jogging.
"Hindi pa ho namin nalibot lahat dahil wala ho kaming sasakyan kanina, Mama," kwento rin ni Bennett. "Akala ko ho kasi ibibigay na sa 'kin ni kuya 'yung kotse niya."
"Hindi ko alam na maglilibot kayo sa farm," sagot naman ng Mama ni Bennett. "Puwede mo bang ipahiram na lang ang sasakyan sa kapatid mo para may magamit sila ni Denisse, Dominico?"
Nakita niyang kumunot ang noo ng binata. Bago may lumabas na salita mula sa bibig nito ay nagpaliwanag naman ang ina nito.
"I'm sorry. Alam kong nasabi ko na huwag mong iwanan sa kapatid mo ang sasakyan dahil kung saan-saan na naman 'yan pupunta. Pero nakakahiya naman na sa kakarag-karag na kotse natin pasakayin si Denisse."
Iyon pala ang dahilan kung bakit naningkit ang mata nito nang sabihing ipahiram ay Bennett ang sasakyan. Puwede naman niyang ipadala ang kotse niya dito para may magamit siya. Kapag nalaman ng Papa niya na aasikasuhin nila ni Bennett ang farm ay baka payagan naman na siya nito. Pero mas maganda yata ang naisip niyang isa pang paraan.
"Bakit hindi ka na lang sumama sa paglilibot sa farm?" Sinadya niyang tamisan ang ngiti kay Dominico. "Bennett is not allowed to drive your car, I am also suspended to drive any type of vehicle for the meantime, iyon lang ang pinakamagandang gawin."
"Gagawin niyo akong driver, Miss Silvestre?" Hindi niya alam kung sarkastiko ba ang ngiting sumilay sa labi nito na halos guhit lang. Napakatipid talaga.
"Oo nga naman, bakit natin gagawing driver si kuya? Alam mo bang manager ng hotel 'yan sa Hawaii at may-ari ng tatlong coffee shop doon?"
Muli siyang napatingin kay Dominico na tuluyang sumilay ang ngiti sa labi na para bang sinasabing 'I will not be your driver'.
"Baka lang kasi may suhestyon ka na makakatulong sa pagbabalik ng sigla ng farm niyo?" katwiran naman niya kay Dominico. "Ano naman ang masama kung mag-drive ka? You maybe be the wealthiest man in wherever place you came from, but this is also your farm."
"Kay Bennett na kasi ang farm na ito, Denisse," sala ni Mrs. Guererro bago pa magsalita si Dominico. "Mayaman na kasi ang isang anak kong 'yan kaya kay Bennett na mapupunta ang lupang ito."
Natitiyak niyang sakit ang gumuhit sa mata ni Dominico na pilit nitong itinago dahil umiwas na ng tingin sa kanya. Parang may humaplos na init sa dibdib niya na para siyang naawa kay Dominico. Sa kanilang magkakapatid, walang mas mayaman o mas mahirap. Pantay-pantay sila sa pagmamahal ng mga magulang nila. Kaya't kahit sa mana ay walang mas malaki o mas maliit ang hati. Kahit si Lawrence na kapatid lang nila sa ama ay kapareho nila ng hati sa mana. At mahal na mahal din ng Mama niya ang kapatid sa labas kaya't mas gusto ni Lawrence na dito manirahan sa Pilipinas.
"You mean you're only here on a vacation?" tanong niya ulit kay Dominico. Wala siyang pakialam kung mahalata ng mga kaharap na mas interesado siya kay Dominico kaysa kay Bennett.
"Yeah... a month or two."
"Then it is worth to spend your vacation on farming. It will be fun, I promise."
"Hmmm... Fun... The last time you and Bennett had fun, he almost lost his legs." Muli na namang bumalik ang tipid nitong ngiti.
"Okay na okay na ang mga paa ko, kuya," pagbibida ni Bennett. Hindi niya inalis ang tingin niya kay Dominico na hindi rin inaalis ang pagkakatitig sa kanya. "In fact, we had a race this afternoon. Kaso natalo ako."
"At mauulit 'yun kung iiwan mo ulit sa 'kin ang kapatid mo nang walang chaperone," aniya kay Dominico. "For your information, hindi na ako ang naghamon ng karera kanina kung hindi ang kapatid mo."
"Fine." Dinala nito ang baso sa bibig at uminom. Ang adam's apple naman nito ang napagtuunan niya ng pansin. Nang ibaba nito ang baso ay sinalubong ulit ang tingin niya. "Ichi-check ko na rin kung totoong ang farm ang inaasikaso niyo o wala kayong ginawa kung hindi magkarerahan at magharutan ng kapatid ko."
"Bukas magseseryoso na talaga kami, kuya," pagkumpirma ni Bennett sa kapatid. Wala naman talaga silang ginawa ni Bennett kanina sa farm kung hindi mag-jogging dahil inaanalisa pa niya kung ano ang pwedeng gawin sa malawak na lupain ng mg Guererro na wala na halos napapakinabangan.
"See? Wala na ngang alam ang kapatid ko sa pagbubukid, sinamahan mo pa ng karera na akala mo lahat laro. I wonder what will happen to this farm under my brother's management."
Isang matamis na ngiti ang pinakawalan niya. May palagay siyang wala itong bilib sa kakayanan niyang mamahala ng farm. Ngayon pa lang ay excited na siyang ipamalas ang lahat ng natutunan nilang magkapatid sa Mama't Papa niya.