KUNG matatanggal lang ang leeg ni Andie sa madalas na pag-iling, marahil ay kanina pa niya hinagilap sa lapag ang kanyang ulo. Kapos ang sinabi ni Vicky na kulang sa linis ang bahay nito. Sa pamantayan niya, ubod ng dumi ang bahay. Malamang ay linis-apura lang ang ginagawa ng tagapaglinis nito. Tila kukulangin ang tatlong araw para malinis niya iyon nang uri ng linis na papasa sa panlasa niya.
“Ganito pala ang magiging bakasyon ko,” sabi niya sa sarili habang patuloy na pinagtatanggal ang kung anu-anong nakasabit sa garahe. Siya na rin ang nagpasya na itapon na lamang ang mga iyon tutal sa tingin niya ay hindi na iyon importante. Sige ang pagbagsak ng mga gamit na lumilikha ng ingay. Hindi naman niya iyon iniintindi. Mas concentrated siya sa pag-aagiw ng ceiling at wooden beam.
Pakiramdam niya, daig pa niya ang nag-work out. At kung hindi lang siguro malamig ang klima ay malamang na sumuko na rin siya. Tagaktak na ang pawis niya sa mukha at buong katawan. Wala namang problema sa kanya ang mapagod sa paglilinis dahil hindi rin naman niya matitiis ang ganoong paligid. Tiyak na kikilos din siya para maging akma iyon ayon sa comfort niya.
Inabot niya ang hand towel na malapit sa kanya at pinunasan ang sarili. Napangiti pa siya sa pawis na lumabas sa kanya. She considered her activity as a workout dahil mas madalas na ang sanhi ng pagpapawis niya ay ang init na nagmumula sa kalan.
Inililis niya ang blouse na kakapiraso. Sandaling hinimas ang pipis na tiyan matapos na tuyuin din iyon ng pawis. Nag-stretch siya at ipinasyang ipunin sa isang tabi ang mga kalat. Nang matapos walisin ang alikabok sa garahe ay nagkanaw siya ng detergent powder at Lysol at saka iyon ibinuhos sa flooring. Mabilis siyang nag-eskoba at saka binomba iyon ng tubig. Bagaman pagod, nakadama naman siya ng kasiyahan dahil isang parte na ng bahay ang nalinis niya.
“Hello, Ate Vicky?” aniya sa kapatid nang mabosesan ito na siyang sumagot sa tawag niya. “Saan ko ba dadalhin ang mga basura dito? Puwede bang magsiga dito sa bakuran mo?”
“What?!” gulat na sagot nito sa kanya. “Anong basura?”
“Nagtanong ka pa? Ang daming basura sa garahe! Pinagtatapon ko na. Sino maysabi sa iyong alikabok lang ang dumi sa bahay mo? Kulang pa yata ang bakasyon ko sa paglilinis dito,” kunwa ay reklamo niya.
“Sino ba maysabi sa iyong maglinis ka? Sabi ko naman sa iyo, huwag mo nang intindihin iyan.”
Umungol siya. “Alam mo namang hindi ako mapakali kapag may nakikita akong tambak sa paligid ko. So, ano? Puwede ba akong magsiga? Hindi ba ako irereklamo ng neighborhood kung magkakausok dito?”
“May garbage truck na dumadaan kapag hapon. Isako mo na lang ang mga iyan at ilabas mo. Iyong cabinet sa dirty kitchen, may mga sako doon.”
“Okay.”
“At para naman makabawi ako sa paglilinis mo diyan, dito ka na maghapunan mamayang gabi.”
“Magda-drive pa ako papunta diyan? Mamaya na ako magde-decide. Hindi pa ako tapos maglinis. Inuna ko lang iyong garahe c*m bodega mo,” kantiyaw niya. “Kapag napagod ako, malamang na daanin ko na lang sa tulog ang dinner.”
“Bahala ka. Anytime, you can come here. And remember, hindi ko in-offer sa iyo iyang bahay para linisin mo. Kung gusto mong magpakapagod diyan, di salamat!”
“Palibhasa, alam mong hindi ako makakatagal sa maraming paligid! Saka na tayo mag-dinner together. Mamaya, kape na lang ang dinner ko. Mas masarap pang magbabad sa tub kaysa magluto tutal mag-isa lang naman ako.”
“Ang sabihin mo, talagang tamad kang magluto. Sa lahat naman ng miyembro ng pamilya na hilig at negosyo ang pagluluto, ikaw itong walang kuwenta pagdating sa kusina!”
“Excuse me, marunong akong magluto. Tamad nga lang talaga. Besides, lahat naman kayo ay mapapel sa kusina, bakit mag-aagaw pa ako ng eksena? Sige na, Ate. Hindi pa ako tapos maglinis.”
“Iyong master bedroom, maayos naman hindi ba? Nagpalit ka ba ng beddings? Walang gumagamit noon. Ibukas mo lang muna ang mga bintana para mawala ang amoy kulob.”
“Oo, ginawa ko na iyan kagabi pa. Ako pa ba? Sige na, nang makarami ako dito. Bye.”
Pagkababa niya ng telepono ay lumabas siya ulit ng garahe. Ipinasyang isako na ang mga basura at ilabas na. Hila-hila niya iyon palabas ng garahe nang bigla ay may tumawag sa kanya.
“Miss Andie!”
Kilala niya ang tinig na iyon. Gulat at may pagtatakang nilingon niya ang tumawag. “Twinkle?” aniya sa batang patakbo pang lumalapit na sa kanya. Tinatawid nito ang bakanteng lupa sa pagitan ng dalawang bahay.
“Miss Andie!” tuwang sabi uli ng bata. “Ikaw ang transient diyan? Ano iyang hila mo? Ilan kayo ng friends mo na nandiyan?” sunud-sunod na tanong nito.
“Wait lang, ha?” nakangiting sagot niya dito at inilabas muna ang sako. Pinapagpag niya ang mga kamay sa likuran ng shorts niya nang lapitan niya si Twinkle. “Small world. Diyan ka ba nakatira sa kabila?”
Tumango ito, namimilog ang mga mata na walang dudang tuwang-tuwa. “Yes. Sasabihin ko kay Daddy, ikaw ang transient sa bahay na iyan. Marami kayo, Miss Andie? Nasaan ang mga kasama mo?” At tila matandang nilinga pa nito ang bahay.
“Wala akong kasama. Saka hindi ako transient diyan. Kapatid ako ng may-ari ng bahay. Kilala mo ba ang Ate Vicky ko?”
Tumango ito. “Kaya lang, paminsan-minsan lang namin siya nakikita diyan. Sabi sa akin ni Daddy, mas madalas na transient ang nakatira diyan kaya iba-ibang mukha ang nakikita namin.”
“Tama. But for now, ako muna ang mag-o-occupy ng house. Tayo muna ang neighbors.”
Napangiti nang maluwang si Twinkle. “Yes! Miss Andie, palagi ka bang magluluto ng leche flan at caldereta? Ang sarap kasi nu’n, eh.”
Napangiti din siya. “At malamang, magalit na sa atin ng tuluyan ang daddy mo. Di ba, sabi niya, may diet program ka?”
“Yes. Pero promise, Miss Andie, konti lang ang kakainin ko. Magluto ka ng caldereta, please?”
“Twinkle!” malakas na tawag ng daddy nito.
“Si Daddy!” wika naman agad ng bata. “Magugulat si Daddy kapag nalaman niyang ikaw ang bago naming neighbor. I’m here, Daddy!” malakas ding sagot nito.
Magugulat? tanong ni Andie sa sarili. Eh, bakit sa itsura ng lalaki ay mukhang galit na naman? Hindi niya tuloy naiwasang isipin kung anong bigat ng problema nito para magmukhang pasan na naman nito ang mundo. Palagi na lang yatang lukot ang noo nito tuwing makikita niya. Kungsabagay, kahapon lang naman din niya ito unang nakita.
Palabas ito ng bakuran at ang dirt track na tinugpa rin ni Twinkle kanina ang tinutungo ng mga paa nito.
And suddenly, she was mesmerized. Hubad-baro ito at nangingintab sa pawis ang balat. Pinigil niya ang sarili na mapalunok sa kabila ng panunuyo ng kanyang mga lalamunan. He was just a few meters away. At hindi malayo ang distansyang iyon lalo at humahakbang pa ito palapit sa kanila ng bata.
“You?” sabi nito nang makalapit. Mas madaling ipagpalagay na disgusto ang nakahihigit sa tinig nito kaysa pagkabigla.
“Ako nga,” sagot naman niya sa tinig na balewala dito kung anuman ang maging reaksyon nito sa pagtira niya malapit dito. After all, wala siyang dapat ikadama ng guilt. Ano ba ang malay niya na ang lalaki palang ito ang kapitbahay ng kapatid niya?
“So, ikaw pala ang umagang-umaga pa lang ay nakakabulahaw na ng tulog ng kapitbahay,” supladong sabi nito.
“What?” mainit agad na tugon niya. “Wala akong balak na makabulahaw ng kahit na sino.”
“Well, binalak mo man o hindi, let me tell you na nakabulahaw ka ng tulog ko.”
Tiningnan niya ito mula ulo hanggang paa. Iniwasan niyang minsan pa ay madala siya ng tila likas na karisma ng magandang pangangatawan nito. Ipinako niya ang tingin sa mga mata nito. Wala naman sa itsura na kinulang ito ng oras sa pagtulog.
“Iyang itsura mong iyan, nabulahaw ko ba ang tulog mo?” mataray na sagot niya.