HINDI ako nakatulog nang maayos noong isang linggo dahil pinagpilitan talaga ni mama na mag-sleepover si Asher sa kwarto ko. Pero nauwi kami sa dining area.
Doon lang kami tumambay hanggang sa mag-umaga. Mukha namang nakatulog siya kahit paano kahit na nakaupo lang pero ako, hindi. Baka kasi pagdilat ko, wala na siya kaya hindi talaga ako natulog.
ALAS singko na ng hapon nang makababa ako sa Marikina galing Pasig. Sinubukan ko ulit mag-apply doon sa call center company na pinag-apply-an ko noong mga nakaraang buwan pero hindi pa rin ako nakapasa sa final interview.
Umupo na muna ako sa isang waiting shed dito sa labas ng sports center dahil ang sakit na talaga ng sakong ko. Paltos na naman ang inabot ko sa bagong bili kong close shoes dahil nabasa iyong doll shoes na sinusuot ko noong nagpatila ako ng ulan sa Tandang Sora.
Uhaw na uhaw at gutom na gutom na talaga ako kaya napagdesisyunan ko na magpunta muna sa Kim Sarang's para makapag-unwind bago ako umuwi ng bahay.
"Hi, Ms. Chesca," nakangiting bati sa akin ni Lorice pagpasok ko.
Ngumiti rin ako at naghanap ng mauupuan. Sumunod naman siya sa akin yakap-yakap ang menu.
"Mukha kayong haggard." Nangalumbaba siya sa harap ko.
"Hay naku. Kung alam mo lang ang pagod ko ngayong araw. Gusto ko na iunat itong mga paa ko sa kama." Bahagya kong inihiga ang ulo ko sa mesa at ang braso ko ang nagsilbing unan.
"Ano pong nangyari?"
"Hindi na naman ako nakapasa." Pareho kaming sumimangot at napabuntong-hininga.
"Alam niyo, kung hiring sana kami, wala na po kayong poproblemahin."
"Kaya nga, eh. Kaso mukhang matumal kayo." Luminga-linga ako sa palagid at nakitang kaunti nga lang ang mga customers nila sa café ngayon.
"Kapapahinga lang po namin," sigaw ni Layne na nasa counter. Tumawa si Lorice at sumandal sa upuan.
"Humupa na iyong dami ng tao. Kanina gusto kong maging octopus para ma-accomodate lahat," aniya.
"Sana all." Umupo ako ng maayos at kinuha ang menu na nasa aking harapan.
"Isang frappucino." Tumayo na siya at kinuha ang hawak kong menu.
"Shuta kang bakla ka!" Napalingon kami sa ingay ng isang babaeng kapapasok lang ng café—si Maylori iyon.
"Tatawagan pa lang kita, gaga," sagot ko sa kanya. Dali-dali siyang umupo sa tapat ko at dume-kwatro.
"Sus. If I know, gusto mong magsolo dahil hindi ka na naman nakapasa sa interviews mo," umirap siya sa akin at kinawayan ang crush niyang si Layne.
"Pasmado bibig mo, 'te?" Tinaasan ko siya ng kilay.
"Naiinis kasi ako sa'yo. Bakit hindi mo sinabi sa akin na Range Rover ang sumundo sa iyo na JEEP noong nakaraan?"
"Kanino mo nalaman ang chismis na iyan?" Hininaan ko ang aking boses at lumapit nang kaunti sa kanya.
"Chismis pala, ah. Mas mahal ako ng pamilya mo kaysa sa iyo kaya nilaglag ka nila," pagbibida nila.
Sabi ko na nga ba. Wala talang sikretong hindi mabubunyag kila mama kapag si Asher ang usapan. Kulang na lang ipagkalat nila sa mga kapitbahay ang nangyari.
"Layne, isang caramel macchiato nga," utos niya. Tumango naman siya bilang sagot.
"So, ano? Hindi ka pa rin ba magkukwento? May ibibigay pa naman ako sa iyo."
Nakikipag-bargain na naman siya sa akin. Balak ko naman talagang sabihin sa kanya iyon at saka wala namang nangyaring espesyal noong gabing iyon bukod sa parang si Asher ang nagmistulang anak nila kaysa sa akin.
"Fine." Inirapan ko siya.
"Inabutan ako ng ulan sa Tandang Sora. Buti na lang may nasilungan akong waiting shed. Tawag ako nang tawag sa iyo pero hindi ka sumasagot. Bwisit ka," ika ko.
"Nakatulog ako. Okay, continue."
"Eh, biglang may huminto na Range Rover sa tapat. Malay ko bang siya iyon. Nalaman ko na lang noong lumabas siya ng kotse tapos may hawak na siyang payong," dagdag ko.
"God, this is going to be so romantic." Pinagdaop niya ang kanyang mga palad at kinikilig na ngumiti.
See? May meaning na kaagad sa kanya iyon. Maski si mama ay ganyan din ang naging reaksyon noong nagkwento ako.
"Gaga. Pinasakay niya lang ako sa kotse niya tapos kumain sa Greenwich."
"Oh, it's a date! It's a date!" Pumalakpak pa siya habang patuloy na na-e-excite sa mga susunod na pangyayari.
"Tumigil ka nga. Kumain lang kami tapos hinatid niya ako sa bahay. Tapos!" pagpapaikli ko ng kwento.
"Iyon lang?"
"Ahuh." Tumango ako.
"Swear?"
"Hindi kami natulog—"
"OMG!!!!" Sa lakas ng sigaw niya ay napatingin sa amin ang mga tao at ang crew ng café. Gusto ko siyang buhusan ng kumukulong brewed coffee ngayon sa ginagawa niya.
"Gaga. Gusto kasi ni mama na doon kami sa kwarto ko matulog. Eh ayoko nga kaya doon na lang kami sa dining area nagpaumaga. Siya nakatulog kahit nakaupo pero ako hindi." Kasi nga baka mawala siyang parang bula.
"Bakit? The Great Asher Mobtelumiere na iyon, friend!"
"Eh ano naman? Malaki ang respeto ko roon sa tao. At saka, mabait siya. Hindi katulad ni George."
"Fine. Sige. Mukha namang totoo iyang sinasabi mo."
"Kailan pa ako nagsinungaling sa iyo?"
"Oo na!" Bigla niyang nilabas ang malulutong na four thousand pesos sa kanyang long wallet. "Oh." Inabot niya iyon sa akin.
"Para saan?"
"Ate Madel," maikling sagot niya pero na-gets ko kung anong ibig niyang sabihin.
"Seryoso?" Tumango siya. "Shocks, thank you!" Niyakap ko siya ng mahigpit.
"Seriously, girl? P 267.00 a day? Eh, pangkain ko lang iyan sa isang araw. Nakakaloka ka talaga."
"Kailangan ko kasi talaga ng trabaho kaya kahit below minimum iyon, pinatulan ko na." Natuwa naman ako sa ginawa ni beshy. Ngayon, may panggastos na ulit ako kung sakaling mag-apply ako next week.
"Pero paano mo nakuha?"
"Tinakot ko siya na ipapa-Tulfo ko silang tatlo kapag hindi nila binigay ang pera. Kulang pa nga iyan, eh," sabi niya.
"Here's your order." Nilapag ni Layne ang order ko at ni Maylori sa mesa.
"Thank you, Layne." Nag-beautiful eyes pa siya sa lalaki bago ito umalis. Diyos ko, kalandi.
Nasa kalagitnaan kami ng pagkukwentuhan nang biglang dumating si Mr. Kim at may hawak na malaking tray.
"Cinnamon rolls." Binaba niya ito sa mesa.
"Mr. Kim, hindi po kami nag-order," pagtanggi ko.
"Galing sa pinsan ko."
"Pinsan?" Sabay naming sabi ni Maylori.
"Si Asher. Pinsan ko." Doon na napatingin sa akin si Maylori. Parang pulang-pula ang mukha ko sa pagtitig nilang dalawa sa akin. Oo, may meaning iyong titig nila na para bang may ginawa kaming milagro kahit nalulungkot akong sabihin na wala naman talagang nangyari.
"B-Bakit daw?" tanong ko.
"I don't know." Nagkibit-balikat siya at pumunta sa counter.
"Mukha ngang hindi talaga kayo natulog." Kinuha niya ang isa sa apat na pirasong cinnamon roll at buo niya itong kinain habang hindi ako nilulubayan ng titig.
"Wala akong alam!" pagdidiin ko sa kanya. Luminga-linga akong muli sa paligid ngunit parang wala naman siya rito.
"Mr. Kim, nice joke, ah!" sigaw ko sa kanya. Nagtawanan silang mga nakatumpok sa counter.
Nagpaalam ako kay Maylori na pupunta muna sa banyo dahil kailangan kong mag-ayos bago ako umuwi. Ayokong makita nila mama na mukha na naman akong hindi natanggap sa trabaho.
Dali-dali kong hinawakan ang door knob at binuksan ang pinto ngunit napahinto ako nang makapasok sa loob dahil sa aking nakita.
Si Asher iyon at wala siyang suot na damit pang-itaas. Nakatingin siya sa malaki at parihabang salamin ngunit lumipat ang mga titig na iyon sa akin.
"What the f**k?" sigaw niya.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang napakahabang latay na nasa likod niya. Mula iyon sa kaliwang balikat patungong sa kanyang kanang baywang.
"What are you doing here?!" Mukhang nagulat rin siya nang makita ako kaya bigla siyang nagsuot ng puting longsleeves.
Napaiwas tuloy ako ng tingin at sinabing, "Sorry. Hindi ko naman alam na may tao. Naka-vancant kasi."
"You don't even know how to knock!" Napaigtad ako sa lakas ng boses niya na umalingawngaw sa apat na sulok ng banyo.
"S-Sorry. Pasensya na talaga." Para namang nasimento ang mga paa ko dahil hindi ko ito maigalaw sa bigat. Gusto ko na sanang lumabas ng banyo at kumaripas ng takbo pauwi.
Nanlilisik ang mga mata niyang nakatingin sa akin. Ibang-iba iyon sa Asher na nakilala ko. Nakita ko ang pagpapakalma niya sa kanyang sarili bago ako muling kinausap. Sumandal siya sa lababo at humalukipkip.
"Nakita mo, hindi ba?" tanong niya sa akin.
"A-Ang alin?"
"Huwag mo akong gawing tanga. Alam kong nakita mo!" Pinipilit kong pakalmahin ang aking sarili ngunit nanginginig ang mga kamay ko sa takot. Pakiramdam ko ay si George ang nasa harap ko ngayon at anytime ay kaya niya akong saktan.
"N-Nakita ko. Nakita ko, okay? Pero iwawaglit ko sa isip ko na nakita ko iyon." Huminga ako nang malalim upang kumalma at isiping magkaiba si George kay Asher. Hinding-hindi sila magkatulad. Hindi ako nito kayang saktan dahil wala naman kaming relasyon.
"Do you think I will buy that?" tanong niya. Humakbang siya palapit sa akin ng kaunti at hindi ako tinigilan sa pagtitig na para bang tatagos ito sa kaloob-looban ko.
"A-Ano bang gusto mong gawin ko?"
"Leave. Huwag na huwag kang magpapakita sa akin simula ngayon. Ayaw na kitang makita." Dinaig pa ng mga pangungusap na iyon ang napakasakit na break up taglines na narinig ko na sa mga pelikula.
Tiningnan ko siya sa kanyang mga mata ngunit siya ang unang umiwas.
"O-Okay, sige." Kahit pa pakiramdam ko'y nangangatog pa rin ang aking mga tuhod ay pinilit kong tumalikod sa kanya at dahan-dahang naglakad palabas ng banyo. Isinara ko ang pintuan at walang ibang nasa isip kundi umuwi na ng bahay.
Dali-dali akong lumabas ng café at sumakay ng tricycle. Narinig ko pa ang pagtawag sa akin nang ilang beses ni Maylori ngunit hindi ko na siya nalingon.
Habang nasa biyahe ay ang daming pumapasok na tanong sa utak ko. Nakatulala lang ako sa kawalan at biglang nalungkot sa hindi ko malamang dahilan.
"Anak, buti naman at nandito ka na. Halika, kumain na tayo." Ibinagsak ko ang aking shoulder bag sa sahig nang marating ko ang bahay.
Napakabigat ng pakiramdam ko sa nangyari at para akong tatrangkasuhin. Dinaig ko pa ang hiniwalayan ng jowa.
"Anak, okay ka lang?" Napatingin ako kay papa at mama. Dama ko ang pag-aalala sa kanilang mga mata habang nakatitig sa akin.
Agad tumulo ang mga luha ko na kanina ko pa tinitimping hindi bumagsak dahil ayokong makita ako ni Asher na ganito kalambot. Nilapitan ako ni mama at niyakap nang mahigpit. Hinawakan naman ni papa ang kamay ko at marahang hinaplos-haplos ito.
"Chekay, ano bang nangyari?" tanong muli ni mama. Humagulgol ako ng humagulgol at iniyak lahat ng luhang kaya kong ilabas.
Natakot ako, nalungkot, nadismaya at nagulat sa nangyari pero dapat okay lang sa akin iyon, hindi ba? Bakit ko ba ginagawang big deal ang sinasabi niya eh, malabo naman talagang magkita ulit kami?
Pinunasan ko ang luha sa aking mga pisngi at tumingin sa kanilang dalawa.
"H-Hindi po ulit ako nakapasa," pagsisinungaling ko. Nakita ko ang pagsimangot nilang dalawa sa akin.
"Okay lang iyan, anak. Try and try, hindi ba?" pag-alo sa akin ni papa.
"Marami pang trabaho riyan. Hindi mo kailangang magmadali," ani mama. "Halika na. Kumain na tayo. Pinagluto kita ng paborito mong sinigang," yaya niya sa akin. Sabay kaming tatlo na naglakad papunta sa hapag.
This is better this way. Mas mabuti nang wala silang alam. Ngayon lang naman ako nagsinungaling sa kanila at gusto ko munang sarilinin itong nangyari sa akin. Ayoko na iba ang isipin nila tungkol kay Asher. Baka may pinagdadaanan lang iyong tao at ayaw niyang may makakita noon.