RETURN OF THE UNWANTED
KABANATA 2
AMBER
Naaalala ko noon. Ang saya nang buhay ko sa bahay ampunan. Kahit hindi ko sila tunay na mga pamilya, itinuring nila akong parang isang anak. At sapat na nga iyon sa akin. Wala na akong mahihiling pa noon kundi ang kaligtasan ng lahat, kaligtasan nina Sister at ng mga bata.
Pero nagbago iyon lahat. Ang daming nagbago sa buhay ko. Kung dati, wala akong gustong hilingin ngayo’y gusto ko na lang na ibalik iyong dating buhay ko. Kuntento at purong kasiyahan lang ang siyang nararanasan ko.
Ngunit maibabalik ko pa kaya?
Pinunasan ko ang mga luhang bumuhos mula sa aking mga mata. Kahit pala gaano natin kamahal ang isang taong kung hindi tayo nito mahal, wala tayong magagawa kundi ang umiyak lang nang umiyak. Ginawa ko naman ang lahat ngunit bakit hindi pa rin sapat ang lahat.
Pinagsisihan ko noon kung bakit nasabi ko pa sa kaniya. Pinagsisihan ko noon ang mga nangyari sa aming dalawa. Ngunit kahit ano’ng pagsisisi ko’y hindi na nito maibabalik ang nakaraan at itama lahat nang mga pagkakamali. Nagsisisi ako kahit alam kong wala akong kasalanan at biktima lang din ako. Pero sadyang bingi na yata siya’t kahit ano’ng gawin kong paliwanag ay hindi niya ako pinakikinggan.
Hanggang kailan pa ba ako magtitiis? Hanggang kailan ako masasaktan?
“Mom.” Mabilis kong inayos ang sarili ko. Pinunasan ang mga bakas ng mga luha sa aking mga mata. Tumingin ako sa salamin ngunit kahit ano’ng pagtago ko ay nakikita pa rin ang totoong ako.
Bumuntonghininga ako. Lumabas na ako ng aking kuwarto at bumungad sa akin si Queeny na nakasuot na ng kaniyang uniform. Kumunot ang noo ko at doon ko lang naalala na hindi ako nagising nang maaga at hindi ko alam kung nakatulog pa ba ako. Dahil sa labis-labis na kirot ang naramdaman ko sa aking puso, hindi ko na alang kung ano’ng nangyayari dahil iyak lang ako nang iyak.
“I’m ready na po, but he’s not here po para ihatid ako sa school. At saka po, hindi pa po kasi ako nagbi-breakfast.” Nanghina ang mga tuhod ko dahil sa narinig. Kaya napahawak ako sa pinto at napatakip sa aking bibig upang pigilan ang paghagulgol. Ngunit sadyang mahina akong nilalang dahil kahit anong pagpigil ko’y bubuhos at bubuhos pa rin ang aking mga luha.
Mas lalong bumuhos ang mga luha ko nang lumapit si Queeny at niyakap ang mga tuhod ko. “Don’t cry na po. Everything’s gonna be fine. Hindi po kita iiwan, Mommy.”
Tuluyan akong bumagsak at napaluhod. Mahigpit kong niyakap ang anak ko. Siya lang ang kasangga ko. Sa mura niyang edad ay naiintindihan na niya ang mundong ginagalawa ko. Siya lang ang kasama ko at hindi ko kaya kung mawawala siya. Siya lang ang lakas ko, ang nagpapalakas sa akin, at nagbibigay ng dahilan na magpakatatag ako.
Mahal na mahal ko ang anak ko.
--
Dalawang araw nang wala si Paolo rito sa bahay. Hindi ko naman siya matawagan kung kumusta na ang kaniyang kalagayan dahil na rin sa wala akong cell phone na magagamit. Kaya itinuon ko na lang ang sarili sa aming anak. Ako ang naghahatid sa kaniya sa eskwelahan nito at pagkauwi ay pumupunta ako sa aming mga kapitbahay upang maglaba at maglinis sa kanilang mga bakuran. Ito lang din kasi ang alam kong trabaho na mabilis akong kikita para sa babaunin ni Queeny at sa pang-araw-araw naming pagkain.
Wala rin kasi akong kasiguraduhan kung babalik pa ba siya rito sa amin. Hahayaan ko na siya kung hindi, pero kung siya man ay babalik. Bukas pa rin naman ang tahanang ito para sa kaniya. Dahil siya rin naman kasi ang bumili nito gamit ang pera ng kaniyang mga magulang at ako, kahit na piso ay wala akong naitulong. Nagpapasalamat naman ako dahil kahit na hindi maganda ang turing nito sa akin, bumili pa rin siya ng bahay na may maayos na tulugan dito sa isang village.
Nag-unat-unat ako nang matapos kong isampay ang mga nilabhan ko. at pagkatapos kong makuha ang bayad nito’y kaagad akong bumalik ng bahay kung saan naabutan ko ang pinto na nakabukas. Bigla akong kinabahan dahil baka may pumasok na magnanakaw. Kaya mabilis akong pumasok sa loob ngunit sana pala’y hindi ko na lang ginawa nang maabutan ko ang eksenang mas lalong ikinabasag ng aking puso.
“N-Nakabalik na pala kayo. G-Gusto niyo ba ng meryenda?” tanong ko sa kanilang dalawa na mabilis naman nilang ikinakilos dahil sa gulat. Mula sa mapusok na halikan ay mabilis silang humarap sa akin. Tumingin ako sa mga mata ni Paolo ngunit katulad ng mga nakikita ko noon, wala pa ring ipinagbago, wala pa ring emosiyon.
“Oh I’m sorry. Nandiyan ka pala.” Ngumiti si Stella, ang kabet ng asawa ko o tama bang sabihing kabet siya dahil hindi ko naman maramdamang ako ang nauna sa kaniya. Mas lalong nitong idinikit ang sarili kay Paolo. “Huwag ka nang mag-abala pa. Kakatapos lang kasi naming kumain,” dagdag pa nito’t saka bumaling kay Paolo. “Let’s go upstairs, babe?”
Tumingin ako kay Paolo at nanatiling nakatingin ito sa akin. Gusto kong sabihin sa kaniya na huwag siyang sumama rito, na sana’y hindi nila gagawin ang tumatakbo sa isipan ko’t sana’y ako na lang. Kahit magdusa ako, huwag lang niyang gawin iyon sa mismong tahanan namin.
Ngunit hindi ko masabi lalo pa’t dahan-dahan siyang bumaling sa babae. Natigilan ako nang ngumisi siya’t inakbayan ito. At tulad ng isang babasaging bagay, unti-unting nagkakapiraso ang puso ko nang sabay silang tumalikod at umakyat sa ikalawang palapag.
“P-Pao…” basag ang boses kong bulong habang nakasunod ang mga tingin sa kanilang dalawa. “B-Ba’t mo ba ‘to ginagawa sa akin? H-Hirap na hirap na ako.”
Kahit pa yata nilakasan ko ang boses ko habang sinasabi ang mga iyon ay hindi na siya makikinig sa akin. Bakit? Bakit sa harap ko pa? Ang sakit. Ang sikit ng dibdib ko. Ito ba iyong ganti niya sa akin dahil aniya’y sinira ko ang buhay niya noon? Bakit kailangan ko pang magdusa ng ganito kahirap. Ang nais ko lang naman ay kompletong pamilya para sa anak namin ngunit bakit ganito? Kompleto nga ngunit hindi ko maramdaman na kasama namin siya. At hindi ko alam kung tama ba talaga ang mga naging desisyon kong manatili pa rin sa piling niya.