MARY.
White shirt, skinny jeans, doll shoes and a mustard-yellow body bag.
Tinitigan niya ulit ang medium- built niyang katawan sa salamin. Very casual. Nothing special para mapansin. Just like how her ninang instructed her. Makurba man ang harap at likod niya, hindi rin naman ito kalakihan para pag-interesan ng atensiyon. Sa height na five feet four, sakto lang ang forty kilos na timbang para sa kaniya.
Saktong ganda ng Pilipina.
Kumindat siya sa salamin para mapalakas ang loob. Naka-ponytail ang chest-length, wavy hair niya. Hindi siya pala-lagay ng make-up but today, nag-blush on siya at pink liptint na sumakto sa kulay ng kaniyang balat na bahagyang lighter sa kayumangi. May kahabaan ang kaniyang pilikmata at kontento siya sa natural na kapal at linya ng kaniyang kilay. Simpleng pearl stud earrings at mumurahing gold watch sa kaniyang kanang kamay ang napili niyang accessories. So overall, katanggap-tanggap ang hitsura niya. Para sa kaniya.
Makakaharap niya si Raymond Wang at ang dalawang bisita kahapon sa opisina. Natural gugustuhin niyang maging presentable kapag nakipag-meet na siya sa kanila. And Raymond Wang in the flesh? My god! Kagabi pa yata siya nagba-blush at nagpa-panic kakaisip ng gagawin niya today.
Nasa comfort room siya sa 6th floor ng private hospital sa Ortigas. Ang floor ng kuwarto ng paborito niyang aktor. Ang pinangarap niyang mapanood man lang sana sa mga shootings nito personally ngayon ay magiging kliyente pa nila. Kliyente niya. How odd is that?
Huling sipat sa sarili, "Mary Antoinette Sandoval, meet Raymond Wang. Today, may shooting kayo. Don't feel awkward, isang taon lang ang tanda niya sa 'yo, okay?" kausap niya sa sarili. Mabuti na lang walang tao sa loob ng CR.
Marahan siyang kumatok sa laminated door ng room 606. May tumunog na mahinang alarm at bumukas ang lock nito. Bumungad sa kaniya ang magarbong kuwarto. Maliban sa puting kurtina na nakasara sa inaasahan niyang hospital bed ni Raymond, wala ng sign sa loob na hospital room ito. Maaliwalas ang powder blue nitong wall paint at magara ang mga display.
"Mary, good morning. You're just in time," bati ni Mr. Guillermo na may kahinaan ang boses. "Come in, please."
Lumapit siya sa kina Peter na nakaupo sa three-seater leather sofa at umupo sa one-seater na nakaharap sa kanila.
Kinakabahan siyang ngumiti at nagpasalamat kay Peter nang mag-abot ito sa kaniya ng isang tasa ng kape. Halos kasing edadan lang ito ni Raymond at kasing tangkad. May well-built body, gwapo at magaan ang aura ng mukha.
"I assume naipaliwanag na sa 'yo ni Miss Moralez kaya ka narito," simula ni Mr. Guillermo. Nasa late thirties na ang hitsura ng silahis na lalaki. Makinis ang balat nito na tila may pagka-Chinese.
"Sabi po ni Ninang, kailangan niyo ng taong maraming alam sa background niya at... Imposibleng makilala ng iba," simple niyang sagot.
"Yes. We cannot risk anyone recognizing you and make another fake issue sa alaga ko," sang-ayon ni Mr. Guillermo.
Napasulyap si Mary sa nakatakip na kurtina. Nakaramdam siya ng excitement na makita ang idol at awa rin at the same time. Naaalala pa niya ang hitsura nito sa TV no'ng isinasakay ito sa ambulansiya.
"Are you a member of his fans club?" tanong ni Mr. Guillermo na ikinailing niya
"Are you sure? Puwedeng maging tsismis yan," usisa ng manager.
"Wala po akong hilig sa gano'n at wala po akong time. Nasusuportahan ko lang po siya sa panonood ng movies niya," paliwanag niya.
Minsan nga lang, sa pirated cd. Siyempre hindi niya na maamin 'yon.
"I believe her. Hindi siya pamilyar sa mata ko," sagot ni Peter na nakatingin sa kaniya.
"That's good. Dahil hindi ako makakapayag na magkaroon ng leak ang gagawin natin. Ayokong madagdagan ang damage sa image ni Raymond. And please, call me Simon," pahayag ni Mr. Guillermo sabay handshake sa kaniya.
Nagvibrate ang telepono niya. Pasimple niyang sinilip at binasa ang text message ng kinakapatid niyang si Carlo. Hindi raw ito makakauwi agad dahil sa school schedule at mas makakatulong ang sahod nito sa pagpapagamot ng kaniyang ninang.
"Is there a problem?" si Mr. Guillermo.
Inabot niya ang kape para makaiwas ng tingin habang umiiling.
"Ano ho bang role ang gagawin ko?" casual niyang tanong.
"Naalala mo ba ang huling issue niya?" tanong ni Peter.
Tumango siya habang inilalapit ang kape sa labi.
"We need you to be his fiancee."
Nasamid siya sa sinabi ni Peter. Halos malapnos ng kape ang lalamunan at ilong niya nang lumabas ang mainit na likido dito. Naluha siya sa init!
"Jesus, are you okay?!" saklolo ni Peter.
Halos mawalan siya sa katinuan. Hindi ma-absorb ng utak niya ang lahat. Ang sinabi ni Simon, ang mainit na kape at ang pagpunas ni Peter ng tissue sa mukha niya.
Inabot ni Mary ang malamig na tubig na inilagay ni Peter sa harap niya at nilagok iyon nang bongga.
"S-so you mean, hindi totoong engaged siya?!"
"Lakasan mo pa, hija, iparinig mo sa labas," sarkastikong sabi ni Simon habang umiirap.
"S-sorry..." bawi niya. "So sinabi niya lang 'yun para soplakin ang fake news ni Jennilyn? Sinasabi ko na nga ba, e. Hindi siya bagay sa babaeng 'yun!" nanggigigil niyang sabi kahit pabulong.
"So, okay ka na? Okay na tayo?" tanong ni Simon na parang lumalabas na ang pagkasilahis sa inis. "Maglalabas na ako ng statement sa kalagayan ni Raymond at ikaw ang-"
"Teka teka teka!" harang niya. "Ako ang ano? Hindi ako pumapayag," pauna niya nang warning.
"What?!" violent reaction ni Simon. "Hindi puwede. Nag-wire transfer na ako ng downpayment sa inyo."
"Isosoli ko. Or bibigyan ko kayo ng kapalit. Yung mas magaling. Hindi ko kaya ang ganito. Fiancee? No way." -papa-hysterical niyang reklamo.
Ni hindi ko alam kung kaya kong humarap sa kaniya!
Tumayo na siya at naglakad palabas sa pintuan bago pa siya kulitin ng mga ito. Naiisip niya pa lang na magkasama sila ni Raymond ay kinikilabutan na siya! Paano pa siya aarte? Fiancee?! My gosh!
"Wait!"
Napahinto siya sa pintuang automatic nang bumukas. Kasabay ng paglingon niya sa tawag ni Peter ay ang paghawi nito ng kurtinang nakatakip sa hospital bed. Napigil ang paghinga niya nang lumitaw ang lalaking nakahiga sa kama. For the first time, nakita niya nang personal si Raymond.
Humakbang siya papalapit. Walang kilos itong nakahiga. Nakapikit.
Napalunok siya. May galos ang mga braso nito at may brace sa leeg. Maging ang guwapong mukha nito ay may mga pasa at sugat. May benda rin ang ulo nito.
"Nabasa mo ba ang reaksiyon ng mga fans ni Jennilyn? Kung paano siya nilait at pinangalanang maniac at user?" sabi ni Simon sa likuran niya.
"Just this morning, his bashers tagged him with Karma. Though ipinagtatanggol siya ng mga fans niya, mas pinaglalaruan ng media ang ingay ng haters niya," paliwanag ni Peter. "Please, tulungan mo siya."
"You don't need to worry about acting in front of him. The truth is, he's in a coma. We just need to prove that he's telling the truth about his fiancee," pahayag ni Simon. "And maybe we can work on some-"
Natigil ang sasabihin ni Simon nang biglang umangat ang dibdib ni Raymond. Tapos ay bigla itong nangisay. Mabilis humingi ng tulong si Peter sa labas. Lumapit sila ni Simon sa magkabilang side ng kama na hindi alam kung ano ang gagawin. Tumitirik ang mata ni Raymond!
"Tulong!" sigaw niya habang pinipigilan ang walang kontrol na kilos ng idolo.
Tumabi siya nang magdatingan ang mga doktor at nurse. Hindi niya napigilan ang mangatal sa takot dahil sa napapanood. Sa isang iglap, nakita niya sa binata si Erica. Ang batang kailan lang ay namatay sa kaniyang mga kamay.
****
"Damn it!"
Halos napatalon si Mary sa pagkakaupo nang magmura si Simon habang may kausap sa telepono. Kinakabahan siyang nagmatyag at naghintay ng balita mula sa manager ni Raymond.
Kanina, matapos ang ilang minutong ginugol ng mga doktor kay Raymond, inilipat ito sa operating room.
"Ubusin mo 'yang food mo," suggest ni Peter sa kaniya. Bumaba sila sa food court para doon maghintay ng balita. Hindi niya naman magawang kumain dahil sa tensiyon na naramdaman niya mula kanina.
"Sino'ng kausap mo?" tanong ni Peter kay Simon nang bumalik ito sa upuan. Binuksan nito ang cellphone at nagpakita ng news online.
*Actor Raymond Wang, dead?!
*Raymond Wang, siningil ng Karma sa ginawa kay Jennilyn Soriano?
*Raymond Wang's accident, gawa-gawa lang para kaawaan.
Umiiling na uminom ng soda si Peter nang tumunog ulit ang telepono ni Simon.
"Jerry, I'm sorry... But I'm not ready... I know... I can't," stress na sagot ni Simon.
Malungkot siyang lumingon kay Peter na wala ring magawa sa sitwasyon ngayon.
"Ayan na nga ang sinasabi ko, e. Napaka-playboy kasi ni Raymond Wang. Ayan tuloy!"
"Oo nga, mukhang totoong kinarma siya. Magsisinungaling pa kasi, makatakas lang sa ginawa niya kay Jennilyn."
Nakasimangot si Mary na tumingin sa kaniyang likuran. Talaga ngang laman ng bawat balita ngayon si Raymond. Pero sa nakita niyang sitwasyon ng aktor, parang hindi nito deserving ang mapagtsismisan nang gano'n.
"Excuse me, huwag niyo namang pag-usapan pa nang ganiyan 'yung tao. Naaksidente na nga eh," mahinahon niyang sita sa dalawang nurse pala na mukhang naka-break.
Pinigilan siya ni Peter pero inismiran siya ng mga ito kaya nagpatuloy siya.
"Wala kayong karapatan husgahan 'yung tao na para bang kilala niyo siya," halos pabulong niyang pagkakasabi dahil hindi niya naman ugali ang nakipagtalo sa usapang artista.
Pero hindi lang icon ang tingin niya ngayon kay Raymond.
"Bakit, kilala mo ba si Raymond Wang?" patol ng isang nurse na maldita. Nakakapikon ang kasamaan ng ugali!
"Eh, kung sabihin kong oo?" wala sa isip niyang hamon.
"So... I'm supposed to meet Raymond Wang's fiancee, here?"
Shock na napalingon si Mary sa lalaking malakas ang boses na nagsalita. Nakatayo ito sa tabi ng table nila at may kasamang lalaki na may hawak na camera.
Oh, sht.