NAALIMPUNGATAN si Maki habang nakahiga sa hita ni Benedikt nang may marinig siyang dumagundong. Akala na naman niya ay may aftershock at yumayanig ang lupa. Pare-pareho silang naging alerto at nakita niyang nagising na rin sina Benedikt at ang guide nilang si Ikeng. Dahil sa ingay ay nakita niya ang takot sa mukha ng batang si Jin. Sa palagay niya ay may trauma na ito dahil sa lindol. Mabilis niyang kinuha ang bata mula kay Ikeng para aluin. “Huwag kang matakot. Nandito lang ako. Hindi ka namin pababayaan.” Subalit walang pagyanig ng lupa. Nanggagaling ang ingay mula sa lagusan. “Nandito na sila,” sabi ni Ikeng. “Ire-rescue na nila tayo.” Lumapit sina Benedikt at Ikeng sa lagusan para tingnan kung may maitutulong ang mga ito o kung may posibleng pagguho na magpapahamak sa mga rescuer.

