“Te, ang lakas ng tama mo kagabi. Patay-tao ka. Ano bang ininom niyo ni Sevan? Si Sevan din kasi lasing na lasing kaya sina Robert na ang naghatid, tapos natakot ako na ihatid ka kasi yari ako kay Tita buti na lang at dumating yan si Sir, sabi siya na raw maghahatid nang di ka mapagalitan.”
Nanatiling tahimik si Valerie. Di niya inaasahan ang mga pangyayari. Pero natatandaan niya na isang baso lang talaga ang ininom niya, paanong nalasing siya ng sobra. Napasapo na lang siya sa ulo.
“Kaya wala sina Mama,” naiinis na bulong niya sa sarili. “AH! Ang bobo ko talaga! Yari na naman ako kay Mama.”
“Ha?”
“Wala,” takot na takot na sagot ni Valerie.
Noong araw ring iyon ay ilang beses na sinubukan ni Valerie na tawagan si Sevan pero di ito sumasagot.
Habang nasa daan pauwi, ganon na lang ang tensiyon na namumuo kay Valerie sa kung anong sasabihin o ipapaliwanag sa ina. “Sht! Sana mapakiusapan ni Tita Chi.”
Buong buhay ni Valerie, si Tita Chi niya ang nagiging takbuhan niya sa tuwing nagkakaproblema. Lapitin kasi siya ng gulo kaya laging napapagalitan ng ina at si Tita Chi niya ang nagiging tagapamagitan nila.
Pagtigil ng tricycle sa tapat ng kanilang bahay ay parang di na niya kayang humakbang sa sobrang kaba.
“Valerie,” bungad ng ina.
Tumungo na agad siya at walang ibang nagawa kundi ang pumasok sa loob pagtapos na magbayad sa driver.
“Ma, sorry po,” sabi agad ni Valerie at lumuhod.
Sinubukan niyang sipatin ang sala at wala roon ang kaniyang Tita.
“Oh hinahanap mo si Chi? Ha! Wag ka nang umasa. Lumuwas si Chi kaya wala kang magagamit. Anong ginawa mo ha? Kakahiya Valerie. Jusko! Professor mo pa ang naghatid sayo. Nagtiwala ako na payagan ka dahil sa sabi niyo mag-eenjoy lang kayo at sasayaw.” Turan ng kaniyang ina na kahit galit ay kalmado at mababa ang boses nito.
“Ma, sorry ho. Pinagbigyan ko ho kasi ang mga kaklase ko na uminom pero isang baso lang po talaga, di ko naman po inaakala na bibigay po agad ang katawan ko,”
“Diba, sinabi ko na sayo. Di mo sila kalevel kaya bakit ka naman papayag sa ganong klaseng alok? Nakakadismaya!”
“Sorry na po, Ma.”
“I talked to your Dean. Pumayag sila na sa exam ka nalang pumasok at graduation.”
“MA!”
“No. Pag-isipan mo ang kahihiyang ginawa mo!”
Umiiyak na tumakbo si Valerie sa kwarto at nagkulong.
Sinubukan niyang tawagan si Sevan pero sakto namang naexpire ang kaniyang load kaya lalo na siyang nalugmok sa lungkot.
Lumipas ang mga araw na walang ibang ginawa si Valerie kundi ang mag-aral. Kung magpapahinga sa pag-aaral ay nanonood lang siya ng mga drama na pinupuslit ni Quin pag bumibisita.
“Te, di mo namimiss si Sevan?” tanong ni Quin habang nakahiga sa kama.
“Ewan,” iwas niya sa tanong dahil sa loob-loob niya ay parang pinapatay na siya sa pagkamiss nito.
“Ay ano ba yan. Di ba tumatawag?”
“Bakit naman tatawag eh magkaibigan lang naman kami. Kita nga di nagtatawagan,” sagot ni Valerie habang nakaupo sa swivel chair at nakatanaw sa kapunuan sa likod ng bahay.
Sa isip niya, iniiwan na nga niyang bukas ang balkunahe ng kwarto para anytime pwede siyang akyatin nito kaso wala.
“Sabagay, baka nag-eenjoy pa sa luwasan. Di pa rin umuuwi sabi ni Robert,”
“Wag na natin siyang...ah,” ungot ni Valerie nang matigilan sa sasabihin dahil sa biglang pagsakit ng puson.
“Napano ka?”
“Natatae, sama ka?”
“VALII!”
Dali-daling tumakbo si Valerie sa banyo at ganon na lang ang kasabikan niyang makita na sana may dugo na ang kaniyang panty pero wala pa rin. Malapit na ang katapusan pero wala parin siyang dalaw.
Namililipit siya sa sakit ng tiyan at namamawis na ibinaba ang suot na pajama saka tinitigan ang tiyan sa salamin.
Hinimas-himas niya at napakatigas nito. “Imposible. Kabag?” bulong niya saka biglang nasuka.
Pagkasuka ng mga kinain na mga chichirya na dala ni Quin ay guminhawa ang kaniyang pakiramdam.
Paglabas ng banyo, tulog na si Quin kaya natulog na rin lang siya. Kaso ang pagtulog niya, lumala sa paglipas ng mga araw, madalas na siyang tulog. Di na halos makapag-review dahil sa tindi ng antok.
Hanggang dumating ang araw ng exam ay ganon na lang ang kasabikan ni Valerie na pumasok. Bukod sa makakalabas na ulit siya ng bahay ay makikita na niya ulit si Sevan.
“Valerie, do your best,” sabi ng ina bago siya tuluyang naglakad palayo dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay hinatid siya nito sa school kahit sobrang layo ng pinagtuturuan nito sa kaniyang school.
Wala na siyang nauunawaan basta ang alam lang niya ay makikita na niya si Sevan.
At mula sa pathway, ilang metro na lang ang layo sa building nila, kita niya si Sevan na nakikipaglaro sa mga kabarkada.
Gumuhit ang napakalaking ngiti sa kaniyang labi at sabik na naglakad papunta rito.
“Sev—” putol na sabi ni Valerie nang lagpasan siya nito. Ang malaking ngiti ay agad na naglaho sa kaniyang mukha.
Hinabol pa niya ito ng tingin pero dire-diretso lang ito sa paglalakad na kala mo ay di siya kilala.
Grabe ang panginig ng kaniyang katawan.
“Ms. Kli, andiyan ka na pala. Pumunta ka na sa dean’s office at mag-exam. Kanina pa tapos si Sevan,” bungad sa kaniya ng faculty sa dean na kasalubong sa corridor.
Tumango si Valerie at naglakad papunta sa dean’s office at nag-exam.
Pagtapos ng exam ay agad siyang umuwi dahil sa masamang pakiramdam na di niya lubosang alam kung saan nanggagaling. Wala naman siyang karapatang sumama ang loob o ano, hindi naman sila ni Sevan, yon ang paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili.
“Fck you siya!” sigaw ni Valerie nang makarating sa kwarto at humahagulgol pagtapos na sumubsob sa kaniyang unan. “AHHHH!!!!”
Nakatulog na siya sa kaiiyak. Pero kahit nakaiyak ng sobra, paggising niya, di na nawala ang mabigat na pakiramdam na kahit gana sa pagkain ay nawalan na siya.
Lumipas ang mga araw na ganon lang siya. Ngumingiti pag kaharap ang ina pero pag umalis na ay nagbibreak down siya. Minsan, ang buong maghapon nauubos lang sa kaniyang pagsisearch sa internet ng mga symptoms na nararamdaman pero iisa lang ang nakasagot sa kaniya.
“Heartbroken?”
Natigil sa pagtatype si Valerie nang biglang pumasok sa kwarto niya si Quin.
“Anong ginagawa mo rito?”
Di naman sumagot itong Quin bagkus ay sumunggab ito ng yakap sa kaniya at humagulgol. “Te, ok lang yan. Mas maganda ka naman don sa babae. Yuck!” ngawa nito.
“A-anong ibig mong sabihin?”
“Dala ni Sevan ang jowa niya ngayon sa school. Ang kapal pero kahit na alam kong wala naman kayo bakit nasasaktan ako para sayo?”
Napahibi si Valerie pero agad na kinagat ang dila para umiyak.
“Tsk! Sinasayang mo ang luha mo. Ano ka ba. Magkaibigan lang kami ni Sevan diba? Ikaw kasi, mahilig ka manguna-nguna, nag-assume ka naman agad na may gusto ako ron, na kami...”
“Sorry na...pero kasi ang bagay nyo. Pero ang chaka nong babae...”
“Quin stop it. Hindi maganda yon. May rason kung bakit minahal yon ni Sevan. Hindi naman talaga pare-parehas ang mga tao kaya wala kang karapatan na ikumpara kami,”
“Sorry prend. Ang sakit lang talaga, kala ko talaga kayo na poreber pagdating ng araw,”
“Kita mo umabot ka na don,” sabi ni Valerie at nagpakawala ng malalim na hininga. “Anong dala mong bagon drama?”
“Ah maganda to,” biglang bago ang emosyon ni Quin.
Nanood lang sila at nang magpaalam si Quin paalis ay doon na bumuhos ang luha ni Valerie.
“Kaya pala! Ang tanga mo Valerie!” hagulgol niya habang hawak-hawak ang tiyan dahil nananakit ng sobra.
Kaiiyak ay nakaramdam na naman siya ng sukahin at mabilis na tumakbo sa c.r.
“Tangna ang sakit...” ngawa niya habang nakaupo sa tabi ng bowl. “AHH! Bakit ganito kasakit? Alam ko naman na dito lang mauuwi to pero.”
Natigil lang siya nang maramdamang may nakatayo sa pinto ng banyo. Paglingon ay lalo na siyang umiyak nang pumasok ang kaniyang Tita Chi at niyakap siya.
“Tita!”
“Anong problema?” alo nito sa kaniya.
“Tita, ang tanga ko. Umasa ako...”
“Siya tahan na. Malapit na ang graduation, makakalayo ka na. You can start. Tandaan mo, lahat ng nangyayari, may matutunan ka diyan na walang kahit anong aklat ang makakapagturo.”
“Sana nga may formula sa ganito para maabisuhan manlang na babagsak ang final answer.”
“Napakaganda mo Val, maswerte ang magmamahal sayo,”
“Tita, salamat.”
“Always welcome, baby ko.”
“Eh ikaw Ta bakit di ka na nag-asawa?”
“Val, it’s a choice. I don’t think I am capable of falling in love.”
Pagdating ng araw ng graduation ay medyo magaan na ang pakiramdam ni Vali.
“Ma, we made it,” naiiyak na sabi ni Valerie sa kaniyang ina habang inaayusan siya nito.
“May board exam pa,” malamlam ang boses nitong sabi.
“Thank you, Ma.”
“Focus lang, malayo ka pa sa gusto kong marating mo,”
“Ok po,” malungkot na sabi ni Valerie saka napayuko.
Pagdating sa school ay sabik siyang niyakap ni Quin. “Te, we made it!”
“Congrats sa atin,”
“HU! Kala ko talaga di ako makakagraduate,”
“Ha? Bakit naman?”
“Kala ko kasi mabubuntis na ako...haha buti na lang at mahina ang semilya ni Robert,”
“Gaga!”
“Si Tita?”
“Ewan ko, may pupuntahan raw eh,”
“Si Sevan wala. Di daw aattend,”
Ngumiti naman si Valerie, “Wala tayong magagawa.”
“Ay ok na siya,”
“Quin,”
“Sorry. Tara na. After nito, diba aannounce na ni Dean kung sino sa inyo ni Sevan ang ipapadala sa US, no?”
Tumango na lang si Valerie at hinayaang kaladkarin siya ni Quin. Inabot na rin ng gabi ang graduation kahit simple lang ang ceremony.
“Te sayang di ka nag c*m laude. Ikaw kasi, Filipino pa mababa mong grade. Pero sige na, babush, may ganap sina Mama sakin after this.” Paalam ni Quin.
Pagtapos ng paalaman ay nagtungo na si Valerie sa dean’s office.
Kumatok siya sa pinto at sa kauna-unahang pagkakataon ay di ngumiti iyong faculty sa kaniya. Pumasok siya at marahang naglakad papasok.
“Ma—” di naman niya natuloy ang sasabihin nang sampalin siya ng ina.
Ganon na lang ang laguslos ng luha ng kaniyang ina.
“Ms. Kli, maupo ka,” dismayadong sabi ng dean.
Hinubad niya ang suot na toga at naupo, “Ano pong problema?”
Lumabas ng room ang kaniyang ina kaya napuno na siya ng takot dahil hindi naman basta-basta nagkakaganon ang ina.
Iniabot ng dean ang cellphone nito sa kaniya at tila sa isang iglap ay naubos ang kaniyang hininga. “This was you and Mr. Leyron?”