Suot ang ochre linen dress na ngayon ko pa lang magagamit, binagayan ko ito ng braided hairstyle at bead chain necklace bilang accessory. Hinayaan ko na ring magpalagay ng make-up kay Alania dahil kanina pa siya kulit nang kulit. Wala na sana iyon sa plano ko dahil hindi ako `yong tipo ng babae na mahilig sa ganito. Napilitan lamang akong pumayag lalo’t minsan lang naman ito.
“Oh `di ba? Mas gumanda ka!” mangha niyang sambit habang nakaharap kami sa full-length mirror. Hindi ko alam kung dapat ko bang paniwalaan iyon dahil hindi naman ako nagagandahan sa sarili ko.
Napansin niyang ngumiwi ako kaya naglaho ang ngiti niya. Ibinaba niya angt palette saka humalukipkip nang nakasimangot.
“Hanggang ngayon ba naman, Sam? God! Paano ka mapapansin ni Trio niyan?”
Umismid ako. “Ano ba kasing dapat ko pang gawin? Ito oh, suot ko na `tong button-through. Ginamit ko na rin ang necklace na pinahiram mo, may make-up na ako, at sa wakas nakikita na ang nape ko. Ano pang kulang para lang sa standard ng isang Trivino?”
Her lips parted. Kulang na lang ay lamunin ako sa sinabi ko.
“Hello? Naririnig mo ba `yang sarili mo? Oo, nagawa mo na halos lahat ng request ko pero utang na loob naman, ngumiti ka! Para kang natatae eh.”
Pinuwersa kong ngumiti sa salamin. Ngunit sa halip na matuwa roon, kabaliktaran pa ang inasahan kong reaksyon. “Ayan, nakangiti na—”
“Anong nakangiti? Ngumingiwi ka kaya! Gayahin mo kasi ako, ganito oh.”
Iminuwestra niya kung paano dapat ang gawin ko, isang bagay na hindi ko kayang gawin dahil sungki ang upper set ng ngipin ko. Isa ito sa mga insecurities ko kung bakit hindi ako palangiti. Kaya minsan kapag may picture taking o `di kaya’y natatawa, pinipili kong itikom lang ang aking bibig. Hinahayaan kong labi na lang magdikta kung nakangiti ba ako o hindi.
“Ayaw ko. Masyadong malawak `yan,” pagtanggi ko.
“Sige na! Mas gaganda ka `pag ginawa mo. Smile na.”
Iiling-iling akong umirap. “Alam mo namang sungki ako, `di ba? Tingin mo magugustuhan niya `to kapag makikita niya? Huwag na, Al. Kuntento na ako sa ganito.”
Naglaho din ang ngiti niya, senyales na napasuko na lang. Nagtataka nga ako kung hindi ba siya napapagod kapipilit sa akin dahil hindi naman ito ang unang beses. Sa dinami-rami ng event na imbitado kami, panay lang tanggi ang ginawa ko. Hindi ko naman kasi siya gaya na saksakan sa taas ang confidence. Maganda na, matalino pa.
Isa rin iyon sa mga rason kung bakit kapag nasa school kami, ako ang madalas na nilalapitan para tanungin tungkol sa kaniya— lalong lalo na ng mga nagkakagusto. Sa dinami-rami kasi ng mga estudyante roon sa Cagpahan, ako lang itong ka-close niya. Siyempre, minsan, nahihiya na ako kapag dumidikit sa kaniya. Pero siya iyong klase ng kaibigan na ginagawa ang lahat para pataasin ang self-esteem ko. Siya iyong klase na hindi mapagmataas. Kahit na alam ng lahat kung gaano siya kaganda at katalino, pinipili pa rin niyang magpakakumbaba.
She’s not Alania Silvestre for nothing.
Umamo bigla ang ekspresyon niya sa puntong ito. Naglaho iyong panggagalaiti upang pilitin pa ako sa huli niyang suhestyon.
“Sorry kung na-offend man kita. I just want the best for you lang naman eh. Wala namang masama kung susubukan natin, `di ba?” kalmado niyang wika.
“Kailan ba ako na-offend sa’yo? Siguro slight lang nang pilitin mo akong ngumiti nang todo-todo pero all in all, na-a-appreciate ko naman.”
“Hmm, sure?”
“Oo naman, Al.”
“Okay! Lagpas alas otso na rin pala ng umaga. Umalis na tayo habang `di pa sumasapit ang alas nuwebe.”
Nagsimula na siyang i-prepare ang sarili. Saglit siyang tumingin sa salamin upang mag-retouch nang kaunti. Wala namang gaanong maisasaayos ro’n dahil para sa’kin, maganda na siya sa kahit na anong anggulo. Ganoon yata talaga kapag natural na maganda.
Dinala na niya ang pouch niya saka nauna nang lumabas. Nagpahuli naman ako dahil ako itong magsasara ng pinto. Saktong sakto dahil may tao na sa tarangkahan para magpakonsulta sa akin. Si Al na mismo ang nagsabi rito na may lakad ako kaya wala raw munang tawas.
“I can’t belive you inherited this. Seryoso ka ba talaga Sam?” tanong niya nang makalabas na kami sa bakuran. Patungo na kami ngayon sa dalampasigan kung saan kami maghihintay ng bangkang masasakyan. Iyon lang kasi ang tanging paraan upang marating namin ang Isla Capgahan— sa isla kung saan matatapuan ang high-end properties ng mga Trivino.
“Ulit-ulit? Oo na nga `di ba?”
“So how was your first day? Kung kahapon nagsimula, anong nangyari?”
Matagal ang inabot bago ako sumagot. Ito ang rason kung bakit ang tamlay-tamlay kong gumising kanina kahit na kapana-panabik dapat.
“Nakapatay ako ng kambing para sa black potion. Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para lang matapos `yon sa takdang oras pero pumalya.”
“Pumalya?” nagtataka niyang tanong.
“Natapon kasi habang ginagawa ko… at dahil sa kapabayaan.”
Suminghap siya bago magsalita. “Maybe, hindi talaga para sa’yo. Or maybe, sign `yon na hindi para sa’yo ang sorcery.”
Nagkibit-balikat ako. “Wala eh, nanumpa na ako. Kailangan ko lang panindigan.”
Wala na siyang imik. Narating na rin kasi namin ang dalampasigan at nakitang may bangkang nag-aabang doon. Nang kumaway si Al sa lalaking nagbabantay, parang gusto ko na lang umatras dahil humarap iyon at nakita ko kung sino. Akma na sana kaming hahakbang patungo roon ngunit mabilis kong hinigit ang kaniyang palapulsuhan.
“Huwag sa kaniya, sa iba na tayo sumakay,” natataranta kong suhestyon.
Kunot-noo siyang bumaling sa akin. “Huh? Bangka lang niya ang available ngayon. Kung maghihintay pa tayo ng iba, baka hindi na tayo umabot sa oras.”
“Dapat bang saktong alas nuwebe? Hindi ba puwedeng ma-late kahit isang minuto?”
“No! Gumagawa tayo ng first impression dito, Sam. Ayaw ko namang pumalya din tayo sa unang pag-uusap niyo ni Trio `di ba?”
“Pero—”
Hindi ko na natuloy ang sinasabi ko nang sumigaw mula sa `di kalayuan si Kario. Napapikit na lang ako nang mariin dahil matagal ko nang ipinangako sa sarili ko noon na hinding hindi na ako sasakay sa bangka niya. Siya ang dahilan kung bakit ako nalunod noon! Tinulak niya ako sa dagat para raw matuto akong lumangoy ngunit pinulikat daw siya kaya kapwa kami lumubog. Himala nga’t nasagip pa kami. Ang hirap lang kalimutan dahil akala ko noong mga araw na iyon, patay na ako.
“Huwag na tayong umarte, Sam. This is now or never, okay?”
Napakurap-kurap ako at huminga nang malalim. Maliban kasi sa dahilang iyon, naging ex ko rin si Kario.