Lunes na bukas at kapwa kami may pasok ni Alania. Hindi kakayanin ng aming oras kung ipagpapabukas pa ang pagbisita kay Tinio. Ano ba kasing nangyari sa kaniya? Anong klaseng aksidente ang natamo niya? Hindi naman siguro kritikal ang kondisyon niya, `di ba?
Ano mang giit ko upang ipilit na hindi iyon malala, binabagabag pa rin ako dahil sa mga araw na hindi nagparamdam si Tinio. Kung `di nga naman iyon kritikal, sana ay nagawa pa niyang pumunta sa campus o mag-reply sa aking mga mensahe. Ano na kaya ang kalagayan niya? Sinubukan ko kasing tumugon sa reply niyang iyon ngunit hindi na siya nagparamdam pa. Idagdag pa ang mas huminang sagap sa signal.
Itiniklop ko ang aking payong nang nag-aalala at naiinis. Pinatay ko na rin muna ang cellphone upang makatipid sa battery. Nang tumalikod ako ay hindi pa rin nagbabago ang posisyon ni Kario. Kagaya kanina, nakaupo pa rin siya’t nakasandal sa ilalim ng puno— tila sarap na sarap sa sariwang hangin na namumutawi sa tuktok ng talampas.
Ako ang unang umiwas ng tingin sa saglit na pagtagpo ng aming mga mata. Nang makabuwelo na ay saka ako nagsimulang maglakad.
Mabuti naman at hindi na niya ako inintriga. Aminado akong inaabangan ko iyon dahil sa naging tanong niya kanina. At wala na rin naman akong dapat pang ipaliwanag sa kaniya. As long na hindi siya naaapektuhan ng ginagawa ko, labas na siya roon.
Sa halip na dumiretso ako sa bahay, lumihis ako ng daan patungo sa tahanan nina Alania. Totoong may kalayuan dahil ilang metro pa ang kailangang tahakin at isang malawak na bukid pa ang dapat tawirin. Lagi akong tumutungo roon noong mga panahong hindi pa ako ganoon ka-busy. Kung hindi mananatili sa kanila upang mag-usap tungkol sa mga bagay-bagay, pumupunta kami sa taniman ng kanilang rambutan at lansones.
Sa pagkakaalam ko ay tiyuhin ni Alania ang namamahala roon. Mababait naman sila at walang isyu sa gawain ng Lola ko. Iyon ay kahit mga kilalang devoted christians ang kanilang angkan. Hindi ko lang alam kung batid na ba nilang minamana ko ang tradisyon.
Ilang mga kalalakihan ang nadaanan kong naglalaro ng basketball sa daan. Iyong iba ay napatingin sa akin samantalang ang iba’y nag-focus lang sa bola. Sa kanilang mga mata, halata ang tila pagpukaw ng mga atensyon. May dalawang napatayo mula sa kinauupuang damuhan at kumaripas ng paglapit sa akin.
“Samira? Kay Alania ba ang punta mo?”
Hindi ako sumagot. Sa pagkakataong iyon ay lahat ng mga lalaking ito’y napatingin sa akin. Ultimo mga walang pakialam ay parang mga asong nakaamoy ng buto. Sa bilang ko ay nasa pito sila. Ang iba ay kasing-edad ko at mas marami ang mas nakatatanda.
Natatawa na lang ako sa aking loob. Pinipigilan ko lang ipakita dahil bukod sa hindi maganda ang aking ngiti, natatakot ako na baka ma-offend ko sila. Wala man silang sabihin sa akin o patunayan, kitang kita sa tingin nila ang desperasyon. Lahat sila ay may pagtingin kay Alania.
Lahat.
Umiling ako kahit na kina Alania talaga ang sadya ko. Sa puntong ito ay sabay-sabay na napabuntonghininga ang mga nasa likod saka nagpatuloy sa paglalaro.
Samantala, tumamlay naman ang dalawang lumapit sa akin. Para bang binawian ng lakas mula sa hindi maabot-abot na kasabikan.
“Pero nag-uusap pa naman kayo?” tanong ng isa.
Sumagot ang isa sa mga naglalaro nang hindi lumilingon sa amin, “Oo, ka-close niyan si Alania. Madalas ko sila makitang magkasama sa campus.”
“Oh, iyon naman pala.” Nanumbalik bigla ang ngiti ng nagtatanong sabay baling sa akin. “Puwedeng mag-request?”
Nahihiya man ay tumango ako. Mabuti na ito kaysa sumama sila sa’kin. Ang dami-dami pa naming gagawin sa mga natitirang oras ng linggo.
Saglit na nag-usap ang dalawa. May kung ano silang binulong sa isa’t isa na hindi rin nagtagal.
“Puwede mo ba akong ipakilala? Ako si Edward.”
“Ako naman si Janjan.”
Nag-aalangan akong pumayag nang pigil ang pagngiwi. Hindi sa nasusuya ako o ano pero sa tingin ba nila’y mapapansin sila? Sa dinami-rami ng tinanggihan ni Alania, I don’t think mabibigyan pa sila ng chance.
Kung si Tinio nga lang ay nahihirapan na, paano pa kaya sila?
Iyon ang una kong isinalubong kay Alania nang marating ko ang kanilang bahay. Naabutan ko siyang nagbabasa lang ng notes niya sa terasa at prenteng nakaupo sa isang wooden chair. Natuwa raw siya dahil naisipan ko pa raw pumunta. At mas lalo pang binalot ng pananabik nang tanungin ko kung puwede ba siyang sumama patungong Isla Capgahan— sa Trivino.
Napapaypay siya sa kaniyang sarili. Pumasok kaagad sa isip niya na baka si Trio ang dahilan kung bakit ko ito naisipan. Ngunit nang ipaalam kong naaksidente si Tinio, doon nawala ang ganda ng kaniyang reaksyon. Ang ngiti ay napalitan ng tikom, ang mga mata nama’y bahagyang naningkit.
“A-ano raw ang nangyari?”
“Kanina ko lang din nalaman,” tugon ko. “Basta pinapapunta tayo roon base sa pakiusap ni Tinio.”
“Ngayon na?”
Tumango ako. “Kakayanin ba? Kasi tingin ko hindi na kakayanin kung ipagpabukas o sa mga susunod na araw. Masyado na tayong busy at `di pa nagtutugma ang schedule.”
Hindi na siya nag-isip. “Tingin ko kakayanin naman. Pero paano `yan? Baka gabihin na tayo ng uwi.”
“Ayos lang,” sabi ko nang wala ni ano mang pinapakitang pangamba. “Gabi-gabi naman kami kung umuwi galing klase kaya okay na okay lang.”
“Nagpaalam ka na ba sa lola mo?”
Umiling ako. “Hindi pa siya umuuwi pero may tiwala naman sa’kin `yon. Huwag lang ako magpapalipas ng magdamag.”
Pagkatapos ng usapang iyon ay nagpahintay pa siya upang makapagpalit at makapag-ayos. Mini skirt at floral shirt ang kaniyang isinuot habang nakalugay ang maitim at mahaba nitong buhok. Na-insecure na nga lang ako dahil kahit na anong ayos ay lumilitaw pa rin ang kaniyang ganda. Hindi maitatanggi na manliliit ang sinumang tatabi sa kaniya.
Don’t get me wrong. Hindi naman iyon ang kaso sa tuwing magkasama kami. Katunayan, kahit na minsang inaatake ng insecurities, na-i-inspire pa ako sa humility na mayroon siya. God, sa dinami-rami ng mga humahanga sa kaniya, ni minsan ay hindi lumaki ang kaniyang ulo. Siya pa rin ang kalog na Alania na una kong nakilala. Siya pa rin ang kaibigan kong hindi nagmamaliit ng iba.
May mga times lang siguro na nag-aasaran kami pero hanggang doon lang iyon. The rest, siya pa itong umaangat sa’kin para lang mapansin ako. Kaya nga na-a-appreciate ko ang mga efforts niya para lang mapalapit ako kay Trio. Hiling ko lang na sana huwag niyang sagarin ang sarili niya lalo’t mas marami pang bagay na dapat pagtuonan ng pansin.
Nang madaanan namin ang mga naglalaro ng basketball sa daan, lahat ay tumahimik na para bang nakakita ng anghel. Kulang na lang ay maglaway at matunaw sa sobrang paghanga. Palihim na nga lang akong naiinis dahil hindi rin kumportable ang tingin ng iba. At dahil hindi naman na ito bago, pinalagpas na namin hanggang sa makalayo na kami sa puwesto nila.
Pagdating sa aming bahay, dali-dali na akong tumungo sa kwarto upang magpalit ng suot. Simpleng cream shirt at jeans ang aking pinili dahil wala sa intensyon kong magpaporma o magpakitang gilas kay Trio. Pupunta kami para bisitahin si Tinio. Sakali mang mabigyan ng muling pagkakataon kay Trio, siguro ay bonus na lang iyon.
“Wala ka na bang ibang damit?” kuwestyon sa akin ni Al. Umiling ako dahil wala naman akong pakialam sa itsura ng aking pananamit. Basta presentable ay okay na.
“Puwede na `to Al—”
“A-anong puwede? Opportunity mo na ulit ito para makita si Trio.”
Tumamlay ako. “Hindi naman si Trio ang dahilan kung bakit tayo pupunta roon.”
“Kahit na. Malay natin lapitan ka niya `di ba? Hinanap ka pa nga kamo sa campus.”
Napahinga ako nang malalim sa punto niya. Walang maitatanggi sa kaniyang mga sinabi dahil maraming posibilidad. Kung totoo nga ang ibinalita sa akin ni Imon tungkol doon, maaaring mamaya ay magkaroon kami ng sandaling pagkakataon upang pag-usapan iyon.
Para saan kaya?
Tungkol kanino?
`Di rin ako napilit ni Alania sa aking suot. Sa ilang saglit pa ay nagdesisyon na kaming umalis nang dala ang aking cellphone. Aniya, sasakay kami sa kung anong available na bangka sa dalampasigan. Mas sumang-ayon ako roon kaysa sa una niyang suhestyon na puntahan pa si Kario upang magpahatid.
Kung ano-ano ang aming pinag-usapan habang naglalakad papuntang dalampasigan. Kung hindi tungkol kay Trio ay tungkol naman kay Tinio. At base sa kaniyang mga sinasabi, halatang wala siyang ideya sa totoong nararamdaman ni Tinio sa kaniya. Hindi pa naman kasi umaabot sa kaibigan ang turing niya sa magkakapatid. Lubos daw niyang iginagalang dahil amo raw iyon ng tatay niya.
Tiyak na matutuwa si Tito Alfred sakaling malaman niyang isa sa mga Trivino ang may gusto sa anak niya. Biruin ba namang hindi na kailangan ni Alania makapagtapos para mas umangat pa sa buhay. Sa yaman ng mga Trivino, kulang ang salita upang ilarawan. Hindi lang mga luho ang kaya nilang i-afford. Baka nga buong Isla Capgahan ay kaya nilang bilhin.
Maayos naman ang daloy ng aming usapan tungkol sa mga Trivino, partikular na sa mga ari-arian nito. Wala namang problema hanggang sa marating na namin ang dalampasigan. Umalab bigla ang inis sa sistema ko nang makita si Kario at ang bangka niyang tila ba nakahanda na sa dagat. Nag-aayos siya ng lubid at mabilis na napadapo ng tingin sa amin.
Subalit agad namang nabawi nang makita ko sa `di kalayuan si Bryce. Kagaya ni Kario ay may kung ano siyang hinahanda sa kaniyang bangka, kung hindi pagbubuhol ng lubid ay nag-aalis ng mga naipong tubig mula sa loob. Kami-kami lang ang narito kaya siguradong naagaw namin ang kaniyang atensyon. At kung ako ang tatanungin, sa kaniya ko pipiliing sumakay.
“Kay Kario tayo.”
“Kay Bryce tayo.”
Sabay pa kaming nagsalita ni Alania. Kaagad kaming napatingin sa isa’t isa nang kapwa nakakunot ang mga kilay. Seryoso ba siya? Tingin niya kakayanin kong sumakay sa bangka ng ex kong pilit ko nang nilalayuan?
Hinayaan ko siyang magpaliwanag. “Kay Kario na tayo sumakay, Sam. Hindi mo ba na-realize na kaskasero `yang si Bryce? Nakakatakot siya magpaandar. Sobrang bilis.”
Sumagot kaagad ako, “Kung delikado tayo sa kaniya, bakit hanggang ngayon ay okay pa naman ako? Sa ilang beses kong pagsampa sa bangka niya, ni hindi man lang kami napano. Hindi gaya diyan kay Kario na muntik pa akong—”
“Iba naman `yon.”
“Iyon nga ang punto ko, Al. Mas mapagkakatiwalaan ko si Bryce kaysa kay Kario.”
Umiling siya at bumulong. “Hindi ko kakayaning sumakay sa kaskaserong iyan.”
“Bakit galit na galit ka sa kaniya? Anong ginawa niyang mali sa’yo?”
“Wala.”
“Wala?” pag-ulit ko. “O dahil sa guidance history niya?”
“Basta.”
Kapwa kami nanahimik at nag-isip-isip nang mabuti. Hindi pa naman gaanong lumulubog ang araw kaya mahaba-haba pa ang oras bago sumapit ang dilim.
“Fine. Ganito ang gawin natin,” aniya na pinakinggan ko nang maayos. “Kay Kario ako sasakay, kay Bryce ka naman.”
“W-what?”
“Hindi tayo magkakasundo eh. Ayaw mong sumakay kay Kario at ayaw ko naman diyan sa isa.”
“Pero…”
“Pero ano?”
Bumuga ako ng malakas na hangin. “Sige. Kung dito lang din tayo magkakatalo. Mas mabuti nga kung sa magkaibang bangka tayo sasampa.”
“Okay. Maghintayan na lang tayo mamaya,” aniya.
May halong inis nang maghiwalay kami ng landas. Siya ay papunta kay Kario habang ako ay papunta kay Bryce. Hindi ko na sinubukan pang lumingon doon dahil mas masisira lang ang mood ko. Hanggang dito ba naman kasi ay may pinag-aawayan. Nakakainis.
“Samira?”
“Bryce…” Huminto ako sa dulo ng tuyong buhangin. Patuloy siyang nagsasalok ng tubig habang nakatingin sa akin. Puting kamisa de tsino ang pang-itaas niya. Sa pawisan niyang noo ay mahahalatang galing na siya sa mabigat na gawain.
Sandali siyang napalingon sa puwesto nina Kario at Alania. “Magpapahatid ka?”
“Oo sana. Puwede ba?” tanong ko.
“Puwede naman. Saan?”
“Sa Isla Capgahan lang.”
“Balikan?”
Doon pa ako mas nag-isip-isip. Dahil kung sasakay ako sa kaniya nang balikan, paniguradong oras pa ang ilalagi niya sa dalampasigan para lang hintayin ako. Safe to say kung magpapasundo ako ng alas siyete ng gabi. Iyon ay kung wala siyang ibang ginagawa.
“Okay lang kung magpapasundo ako kahit alas siyete ng gabi? Baka kasi magtagal kami.”
“Saan ba ang punta mo at bakit tatagal?”
I sighed. “Kina Trivino.”
Paniguradong narinig niya ang sinabi ko ngunit hindi iyon ang umagaw sa kaniyang pansin. Muli siyang napalingon sa puwesto nina Kario dahil sa malakas na hagikhik ni Alania. Walang matinong rason kung bakit dapat kong kainisan pero bakit hindi ko mapigilan?