Noong gabi ring iyon, gaya ng napag-usapan ay sumabay sa amin si Alania. Sa biyahe pabalik ng isla ay pinapakiramdaman ko si Bryce dahil mas tahimik siya sa aking inasahan. Ni hindi niya man lang magawang tumingin kay Alania nang diretso. Iyong kaibigan ko naman ay halatang gusto umatras dahil sa guidance history nito. Hindi ko alam kung may koneksyon na ba sila noon o `di kaya’y nakapag-usap na pero bakit ang awkward nila?
May hindi ba ako nalalaman?
Mabilis lang na dumaan ang buong linggo. Noong Martes, mas bumigat ang workload sa school kaya’t nawalan masyado ng panahon sa mga nais ituro sa akin ni Lola. Wala namang klase si Alania noong Miyerkules habang si Imon ay maghapong excused sa klase. Iyon ang dahilan kung bakit wala rin akong ibang nakausap o nakahalubilo maliban kay Bryce.
Pagsapit ng Huwebes at Biyernes, maghapon lang akong tumambay sa bahay upang sumunod sa mga utos ni Lola. Sari-saring techniques ang mga itinuro niya at partikular na roon ang pagtatama sa paggawa ng potion. Mabait naman si Lola ngunit hindi sa oras ng pagtuturo. Nasisigawan na nga lang niya ako minsan kapag mali-mali ang nagagawa ko sa practice.
Kung may pinakamahirap man sa akin sa puntong iyon, talagang sa ritual ako pumapalya. Maliban kasi sa hirap ako bumigkas ng Latin, may mga kailangan pang kabisaduhin at isaalang-alang. Hindi lang daw ito basta-basta sinasabi dahil kung magkamali man ng isang salita, maaaring maiba ang buong kahulugan ng orasyon at ritual.
Nang dumating ang Sabado, iyon naman ang araw kung kailan walang pasok si Alania. Ako naman ay mayroon kaya inobliga kong tapusin sa umaga ang mga natitirang gawain. Ilang beses ko pang binalik-balikan ang talampas dahil hindi na nagparamdam si Tinio mula noong Lunes. Hindi ko maiwasang abang-abangan ang chat niya o `di kaya’y ang pagpapakita niya sa campus. Nakakailang chat na rin ako upang kumustahin siya ngunit wala ni isa sa mga iyon ang ni-reply-an niya.
“Magkanong bili mo riyan?” si Bryce habang isinusuot niya ang kaniyang sapatos. Napatuyo ko naman na sa buhanginan ang paa ko kaya hinihintay ko na lang siya matapos.
Tinutukoy niya ang cellphone na hawak-hawak ko. At gaya ng dinahilan ko noon kay Alania, sinabi kong pinag-ipunan kong bilhin ito. Masyado kasing nakapagtataka kung sasabihin kong si Tinio mismo ang nagbigay nito.
“Limang libo,” sagot ko. Tumayo na siya nang pinapagpag ang mga palad.
“Mahal,” aniya. “Saan mo `yan ginagamit?”
“W-wala lang. Para matuto—”
“Para matuto o dahil may ka-text ka?”
Pumarte ang labi ko. “Ka-text? W-wala ah!”
Nagsimula na kaming maglakad papuntang niyugan at patungong campus. Bago ko ibinulsa ang phone ko ay sinilip ko muna ang oras. Malayo-layo pa naman ang time ng unang period dahil papatak pa lang ng eleven ng umaga. Sinadya naming mapaaga nang sobra para magkaroon pa ng time mag-review sa paparating na midterm exam.
Hindi kami naghiwalay ng landas nang marating ang campus. Sabay kaming tumungo sa library kung saan napag-usapan na roon kami hihintayin ni Imon. Nagdesisyon kaming mag-group study kahit medyo taliwas sa gusto ko. Mas sanay kasi ako `pag mag-isa.
Namula ang pisngi ni Imon nang makita niya kaming papunta sa puwesto niya. Malayo iyon sa bookshelves at sa iba pang lamesa’t upuang matatagpuan dito. Good thing na malapit sa bukas na bintana upang mahaplusan kami ng hangin.
May gusto si Imon kay Bryce. Mukhang alam na rin ng iba niyang mga kakilala dahil narinig ko sila minsan. Ito namang si Bryce ay parang manhid. Wala ba siyang ideya na may gusto ang tao sa kaniya at sadyang gumagawa lang ng paraan para mapaglapit sila?
Ang lakas ng loob ni Imon, sa totoo lang. Kahit walang kasiguraduhan kung magugustuhan pa rin ba siya pabalik ay sige pa rin nang sige. Ni wala ring nakakaalam kung pumapayag ba si Bryce sa homosexual relationship. Paano pala kung isa itong homophobe?
“Namumula ka yata?” usisa ko kay Imon nang marating na namin ang puwesto niya. Umupo ako sa mismong tabi niya habang si Bryce naman ay sa tapat niya. May mga libro at notes nang nakahain sa lamesa at iyon kaagad ang pinuntiryang basahin.
“God, Samira,” bulong niya sabay hipo sa magkabilang pisngi. “Goodness, hindi ako maka-get over.”
“Bakit?” Inilabas ko ang mga notes na na-review na kagabi sabay patong sa tapat ni Bryce. Akala ko ay wala lang `tong mga sinasabi ni Imon ngunit nang marinig ko ang sumunod niyang sinabi ay pati ako nagulat.
“Nilapitan ako kanina ni Trivino!” mahina ngunit tila pasigaw niyang wika. “Hindi si Tinio Trivino ha? Si Trio Trivino!”
Ilang ulit akong lumunok dahil kahit ako’y hindi halos makapaniwala. I mean, may possibility namang pumunta si Trio dito dahil nasa iisang isla lang ito pero bakit sa dinami-rami ng tao ay si Imon pa?
“T-trio Trivino? Sigurado ka? Baka mamaya si Tinio talaga—”
“I’m pretty sure, Sam. Sigurado akong si Trio iyon at ikaw ang hinahanap niya!”
Nalaglag ang panga ko roon. Mabilis akong umiwas ng tingin saka bumaling kay Bryce. Ito namang si Bryce ay nakatuon ngayon ang tingin sa amin. Hindi ko siya makitaan ng kahit ano maliban sa mga matang tila nagtatanong at nais umalam sa mga naririnig.
Nang si Imon naman ang tumingin sa kaniya ay saka siya yumuko sa binabasa. Hinayaan ko na lang at muling binigyang-atensyon ang usapan.
“Bakit ako? Bakit ako ang hinahanap niya?”
“Iyon nga ang hindi niya sinabi. Nang sabihin ko kasing wala ka pa, agad na siyang umalis.”
Hinawi ko ang talikwas ng aking buhok. “Mga anong oras niya ako hinanap? Kanina pa ba?”
“Alas nuwebe yata iyon kung `di ako nagkakamali. Wala pa yatang ten seconds ay umalis na siya.”
“Wala ba siyang binilin sa’yo?”
“Wala naman.”
“Sinong kasama niya?”
“Wala rin.”
Naging makulay bigla ang sumunod na usapan nang ilarawan naman niya kung gaano kagwapo si Trio. Mula raw sa suot nito, sa tindig, at sa itsura, wala raw kahit na sino ang hindi mahuhumaling. Kulang na nga lang ay ituring niyang Greek God. Tuwang tuwa siya at animo’y nakakita ng artista.
Tumayo si Bryce at hindi nagpaalam. Umalis siya nang walang sabi-sabi habang nasa kalagitnaan si Imon ng pagkukwento. Dala-dala niya ang kaniyang bag kaya paniguradong hindi na siya babalik dito, anong problema no’n?
“Na-offend ba natin siya?” tila guilty si Imon. Nanaig na rin ang pag-aalala sa kaniyang mukha.
Nagkibit-balikat ako. “Baka may gagawin lang?”
“Ewan, siguro. Pero teka nga, bakit hinahanap ka ni Trio? Paano ka niya nakilala?”
Hindi ko sinagot ang tanong na iyon. Sa halip na magpakatotoo at sabihing si Alania ang nagdala sa akin noon sa Rancho Trivino, sinabi kong saka ko na lang sasabihin kapag handa na ako. Bukod kasi sa hindi ko pa napoproseso ang lahat ay baka maubos pa namin ang oras kadadaldal. Sobrang crucial pa ng araw na ito dahil sunod-sunod ang midterm exam.
Naging ayos naman ang lahat hanggang sa lumipas ang buong hapon. Sa gabi, gaya ng nakasanayan ay hinatid pa ako ni Bryce sa amin. Wala siya ni kahit anong sinabi o tinanong dahil baka gaya kong drained at pagod. Nakatulog na lang ako nang hindi pa naghahapunan.
Linggo ng umaga nang nagdesisyon si Lola umalis upang pumunta sa Isla Capgahan. Aniya, may mga bibisitahin lang siyang pasyente at bibili na rin ng stocks para sa pagkain. Pagkaalis niya ay sakto namang dumating si Alania. Nagulat na lang ako dahil hindi pa ako nakakapag-ayos.
“Long time no see!” aniya sabay yakap sa akin. Ngumiwi na lang ako na para bang hindi pa ito nangyari. Noon, kapag talaga masyadong busy sa school ay hindi na kami nakakapag-usap.
“Anong long time no see? Ilang araw lang naman tayong hindi nagkita.”
“Kahit na,” wika niya sabay kalas ng yakap. Saka niya ipinakita ang dala niyang basket ng prutas na mahahalatang bagong pitas. “Anyway, namunga na ulit ang lansones at rambutan.”
“Salamat.”
Sa sala kami pumuwesto kung saan madalas ginaganap ang konsultasyon sa mga pumupunta. Iisang bintana lang ang bukas habang iyong pinto ay nakasara upang mapaalam na walang available para sa mga sadya nila. Kung kaya ko lang sana ay maaari ko namang pagbigyan. Kaya lang, sa sobrang dami ng mga ginawa kahapon, I don’t think na mabibigyan ko pa ng sapat na enerhiya ang trabaho ko.
Nagkwento siya tungkol sa mga naranasan niya ngayong linggo. Umikot lang naman daw sa school dahil hell week talagang maituturing `yon. Sa kabutihang palad, naging magaan naman ang professor sa kaniya. Hindi na tulad noong inabot siya ng gabi para lang sundin ang pinag-uutos sa kaniya.
Nagkwento rin naman ako pero dito sa bahay at sa campus lang umikot. Sinabi ko kung paano ako nahirapan sa mga pinagagawa ni Lola at kung paano ko iyon pinagsabay sa pag-aaral. Nang umabot naman sa puntong sinabi ko ang tungkol sa paghahanap sa akin ni Trio, doon na siya tumili. Napangiti na lang ako nang `di oras.
“What? Bakit ngayon mo lang sinabi?” Hindi na siya magkanda-ugaga.
“Kahapon lang naman iyon.”
“Kahit na! Dapat pinuntuhan mo ako sa’min para ibalita `yan! Gosh, that’s improvement!”
Umiling ako. “Hindi tayo sigurado roon, Al. Ni hindi ko alam kung bakit niya ako hinahanap. Hindi rin naman kasi niya sinabi kay Imon ang dahilan.”
“Pero wala kayong koneksyon nitong nakaraan `di ba?”
“Koneksyon?” pagtataka ko.
“I mean, hindi na kayo nag-usap mula noong pumunta tayo sa kanila.”
“Wala. Maliban kung gumawa ka ng paraan para—”
“W-what? No! Wala akong ginawa. Ni hindi na nga ako bumalik doon mula noong sabihin kong hindi ka naman talaga nag-a-apply bilang katulong.”
Gusto ko sanang sabihin sa kaniya iyong mga nalaman ko mula kay Tinio. Mula sa paghingi niya ng tulong para mapaglapit kami ni Trio hanggang sa puntong nakiusap siya na para bang doon nakasalalay ang buhay niya. Kung doon pa lang ay naglilihim na siya, paano pa kaya sa ibang bagay? Totoong maganda ang intensyon niya para hindi `to sabihin sa’kin pero… hindi ko rin maiwasang mabahala.
Hindi nalalayo ang reaksyon niya sa naging reaksyon ni Imon. Maliban sa sila pa itong mas kinikilig sa akin, nagtatatalon pa na parang dapat talagang i-celebrate. Tinolerate ko na lang hanggang sa magdesisyon na siyang umuwi. May mga kailangan pa kasi siyang tapusin.
Mag-isa akong nagpahinga sa bahay hanggang sumapit ang tanghali. Pagdating ng hapon ay doon na ako naligo’t nag-ayos bago nagdesisyong tumungo sa talampas. Magbabaka-sakali lang na baka may balita akong matatanggap kay Tinio mula sa mga pinadala kong mensahe. Kumusta na kaya siya?
Ilang minuto mula sa amin ang layo ng talampas. Kinailangan ko pang magdala ng payong dahil mainit ang sinag ng araw kumpara sa umaga. Pilitin ko man kasing manatili sa ibang lugar ay doon lang talaga ako sa tuktok nakakasagap ng signal. Kailan kaya darating `yong point na aabot na ito sa kahit saan?
Habang humahakbang paakyat, kabi-kabilang sanga ng puno ang kailangan kong hawiin. Sinadya ko na ring buksan ang mobile data upang pumasok na ang signal nang hindi mamamalayan. Pagdating sa tuktok ng talampas, abot-abot na hingal ang aking natamo. Akala ko ay walang ibang narito ngunit taliwas ang aking nakita.
Anong ginagawa niya rito?
Umiwas kaagad ako ng tingin nang lumingon siya sa akin. Nakaupo siya ngayon sa ilalim ng puno at nakapatong ang braso sa likod ng kaniyang ulo. Nakasandal siya’t halatang nagpapahangin. Sa ganda ba naman ng tanawin dito, hindi na nakakagulat kung bakit siya nandito.
Pero bakit siya lang? Bakit kami lang dalawa? Wala ba siyang kasama or bagong girlfriend?
Maganda naman sana ang panahon para pumalaot. Bakit hindi siya mangisda?
Tuloy-tuloy akong tumungo sa dulo kung saan mas elevated ang puwesto. Inayos ko ang pagkakahawak sa aking payong habang ang isang kamay ay itinaas para sa cellphone.
Ramdam na ramdam ko ang paninitig niya sa akin mula sa `di kalayuan. Hindi ko man tingnan ay alam na alam ko.
“Anong ginagawa mo rito?” dinig kong tanong niya. Hindi ako sumagot dahil hindi ko naman kailangan magpaliwanag. He’s just my ex now.
Itinaas ko pa ang aking cellphone dahil walang tunog na nagno-notify. Bakit ba kasi ang hirap-hirap ng Isla Agunaya?
Hindi ko sinubukang lingunin si Kario. Sa halip ay binaba ko na ang cellphone at sinilip kung may pumasok bang mensahe. Na-excite na lang ako nang tumunog ito. Kaagad kong pinindot ang notification hanggang sa ma-redirect ako mismo sa reply ni Tinio.
Nalungkot na lang ako sa aking nabasa.
Tinio: Naaksidente ako. Can you come visit me? Isama mo na rin si Alania, please.