Gahol ang paligid. Mga munting apoy lang ng kandila ang nagbibigay liwanag sa apat na sulok at kumakalat ang aroma ng nanunuot na langis ng mayana. Araw na ng linggo ngayon at isa sa mga nakatakda ang pagpunta ng mga magpapagamot kay Lola. Abala sana ako sa pagtapos ng mga pending activities at assignments na ipapasa sana sa Martes ngunit dahil obligado akong tumulong, wala akong choice kundi manatili rito sa sala at tulungan si Lola.
“Aray! Mama pigilan mo na sila! Ayaw ko na!” sigaw ng dalagitang sinasapian. Trese anyos na ito at namumutla ang balat. Tumitirik na ang kaniyang mga mata. Ibang iba na rin ang boses na mas malalim at animo’y kinokontrol ng demonyong nais sumakop sa kaniya.
Kapwa nakapalupot sa kadena ang kaniyang mga kamay habang nakahiga sa papag na hindi kalakihan. Mukha lang akong kalmado sa aking ekspresyon habang tangan ang palangganita ng mga traditional herbs ngunit sa kaloob-looba’y nag-aalala ako sa kalalabasan. Umiiyak ang mga magulang niya sa gilid— magkayakap at kulang na lang ay umalis dahil sa hirap ng nasasaksihan.
“Egredere de corpore eius! Tu huc non pertinent!” nakabibingi namang sigaw ni Lola habang hawak ang kwintas ng milagro. Patuloy niya itong hinahampas sa dibdib ng nangingisay na dalagita habang binabasbasan ng langis na gawa sa tanglad at pepper. Sa halip na nakatayo, kinailangan pa niyang umupo sa tabi ng sinasapian. Sinabi niya kanina na malakas daw ang puwersa ng demonyong sumasanib dito at hindi lang basta-bastang orasyon ang kailangan gawin.
Sa ilang sigaw pa ni Lola sa paulit-ulit na bigkas ng Latin, lumingon siya sa akin at humingi ng langis. Dalawang munting bote na ang kaniyang naubos dahil sa tagal ng proseso. Sunod niyang inusal ang dasal sa malakas na paraan. Aahon pa sana ang takot ko kung hindi pa titigil ang pagsapi ngunit kumalma na rin sa paglipas ng ilang minuto.
Humugot nang malalim si Lola. Nilapitan niya ang mukha ng dalagita at inutusan itong dumilat.
“N-nasaan ako? A-anong… anong nangyari?” anito sa garalgal na boses. Napatakbo na lamang ang mga magulang niya patungo sa kaniya at niyakap na para bang walang bukas.
Nagbigay ng espasyo si Lola. Hinayaan niya muna ang tatlo at isinama ako sa kusina.
“Natatakot ka,” mahina niyang sabi habang hinuhugasan ang mga kamay na nabahiran ng langis. Namataan ko pa ang kalmot na natamo niya sa pagwawala ng nasapian.
Ipinatong ko ang palangganita sa lamesa kung saan nakalagay ang mga kagamitang madalas nagagamit sa ritual. Lumunok ako at kunot-noong tumugon.
“Po?”
Mula sa lababo ay marahan siyang humarap sa akin. Sa puntong ito ay pinupunasan na niya ng tuyong tela ang kaniyang mga kamay.
“Takot ka. Natakot ka sa nakita mo.”
Sarkastiko akong tumawa. “Ano ka ba naman Lola. Maraming beses ko na po itong nasaksihan.”
“Iyon nga ang problema, Samira. Kung maraming beses mo na palang nakita, bakit natatakot ka pa?”
“Hindi po ako takot—”
“Alam kong niloloko mo ang sarili mo,” pagputol niya, dahilan kung bakit natigilan ako at nakipaglaban sa titig niya. Namumuti na ang buhok niya sa katandaan. Ang balat ay kulubot na at prominente ang mga pekas. Bahagya na rin siyang kuba ngunit kung umasta ay walang iniinda. Hindi maitatangging malakas pa siya sa edad na ito at walang inuurungan. Ganoon siya katapang.
Nagpatuloy siya, “Itago mo man `yan sa kilos mo, malalaman at malalaman ko pa rin. Sabihin mo nga, may pinagdadaanan ka ba?”
Nabigla ako roon. “H-huh? Wala naman po. Namomroblema lang sa school.”
“Pag-aaral ba o relasyon sa ibang tao?”
Isa ito sa mga dahilan kung bakit minsan ay pinagsisisihan kong maging apo ng isang manghuhula, manggagamot, at magtatawas. Tipong kahit na anong pagsisinungaling pa ang gawin ko, malalaman at malalaman pa rin niya kung ano ang aking itinatago. Katunayan ay hindi na ito bago. Noong bata pa lang ako ay madalas na niya akong napapagalitan dahil wala akong matago-tago.
Lumaki ako sa kaniyang poder mula noong namatay si Tatay. Mag-isa lang akong anak at naging mahirap iyon lalo’t sa murang edad ay nawasak ang aming pamilya. Si Nanay ay sumama sa kaniyang kinakasama, nagkaroon ng anak at nakabuo ng pamilya. Gustuhin ko mang lumipat doon at makisali, ako na mismo ang tinatamaan ng hiya para sa lalaking ipinalit niya kay Tatay.
Minsan sa isang buwan ay bumibisita ako roon upang makipaglaro sa mga bata. Good thing na kinikilala nila ako bilang ate nila kahit na magkaiba kami ng ama. Kahit paano, sa tuwing nakikita ko ang inosente nilang ngiti ay gumagaan kaagad ang pakiramdam ko. Dahil sa kanila at kay Lola, hindi ko naramdamang mag-isa ako.
Matagal ko nang tinanggap ang lahat ng ito. At sa dinami-rami ng mga naging karanasan ko bilang apo ng isang sorceress, wala na talagang bago kapag may isusugod na sinasapian ng demonyo o ng engkanto. Ngunit sa kabila nito, kahit pa yata milyon na ang makita ko ay para bang `di na maalis sa sistema ko ang takot— ang takot na pilit inaalis ni Lola dahil sagabal daw ito sa magiging trabaho ko.
“W-wala po,” sabi ko nang nanghihina. “Stressed lang po talaga ako…”
“O siya, sige. Magpahinga ka na. Bukas na bukas din ay may ituturo ako.”
“Pero may pasok po kami bukas…”
Kumunot ang kaniyang noo. “Teka, nagpapalusot ka ba? Iniiwasan mo ba ito?”
“H-hindi naman po. I mean, baka lang po kasi magiging busy ako at `di ko na muna mapagtutuunan ng pansin.”
“Samira, kung gusto may paraan. Kung ayaw, may dahilan. Ikaw ang mamili dahil para ito sa ikabubuti mo. Ikaw ang bahala.”
Nang tawagin na siya ng magulang ng pasyente sa sala ay saka lang siya umalis sa aking harapan. Naiwan naman akong mag-isa rito sa kusina nang napapatitig sa sindi ng kandila. Kung hindi lang brown-out ngayon ay makakapag-review pa sana ako para sa exam bukas. Bakit ba kasi nagiging magulo ang lahat kung kailan may pinaghahandaan ako kinabukasan?
**
Umaga, alas nuwebe ng umaga. Gumising ako nang hindi usual sa oras ng aking bangon dahil napuyat ako kaka-cellphone. Ito ang gadget na binigay sa akin ni Tinio noong Miyerkules. Sa loob ng ilang araw ay natutunan ko naman gamitin dahil naturuan naman niya ako noong Sabado. Nakausap ko na si Alania tungkol dito ngunit hindi ko sinasabing si Tinio mismo ang nagbigay. Naniwala siya nang sabihin kong pinag-ipunan ko ito sa loob ng maraming taon at hindi naman naging big deal.
Hindi ko siya kinompronta kagaya ng paalala ni Tinio. Bagaman pinag-iisipan ko pa lang iyong planong nais niya gawin, ang sigurado’y wala akong dapat ibulgar. Kating-kati na nga ang dila ko upang pagsabihan si Alania ngunit pinipili kong manahimik. Nagkukunwari akong walang alam dahil siya mismo ang nagsabi kay Tinio na huwag sabihin sa’kin ang mga nalalaman.
Mayamaya pa naman ang klase kaya tumungo ako sa talampas kung saan maaaring makasagap ng signal. Buti na lang ay naka-pajama ako’t kaswal na damit dahil may iba rin palang tao rito. Kagaya ko ay may hawak ding cellphone at may kausap sa kabilang linya. Mukhang wala namang pakialam noong makita ako kaya nag-indian seat na ako sa damuhan.
Sa ibaba ng talampas na ito ay makikita ang napakalawak na sakop ng karagatan. Sa malayo ay makikita ang maunlad na Isla Capgahan at ang mga bantayog na pagmamay-ari ng mga mayayaman. Sa dami ba naman ng mga nagpapaligsahan doon, hindi nakakagulat malaman na pati isla ay nag-a-adjust sa mga pagbabagong nagaganap. Hindi lang mga Trivino ang naghahari doon. Isama na ang mga Cascayno at Savillano.
Napasinghap ako nang makitang may pumasok na signal sa aking cellphone. Kaagad kong binuksan ang mobile data at dumiretso sa Pazelite account na si Tinio rin ang gumawa. Pagpindot ng message icon ay iyong mensahe lang niya ang aking nakita. Siya lang din naman ang friend ko rito kaya kaming dalawa lang ang magkakaroon ng interaction.
Tinio: How’s your weekend? How about your approval?
Naniningkit ang mga mata ko habang binabasa ito. Nagtipa naman ako ng reply bilang sagot.
Ako: Magkita tayo mamaya.
Napabuntonghininga ako nang mag-send ito bago pa mawala ulit ang signal. Pagkatapos ay nagpasya na akong tumayo at bumalik ng bahay upang mag-ayos para sa school. May mga kausap naman si Lola nang maabutan ko kaya wala siyang pagkakataon upang pagsabihan ako sa mga nangyari kagabi. Pagkabihis ay kalmante akong tumungo sa dalampasigan kung saan naghihintay si Bryce.
Tumayo siya nang lumabas ako sa niyugan. Tangan-tangan ko ang aking medyas at sapatos na siya kong isusuot mamaya pagkarating sa Isla Capgahan.
Kagaya ko ay pormal siya sa kaniyang white polo. Kapwa nakatupi ang dulo ng kaniyang slacks hanggang tuhod.
“Hindi ka ba natatakot ma-late?” tanong niya habang inaalalayan akong sumakay sa nakalutang na bangka. Magaspang at mainit ang kaniyang palad, senyales na bugbog ito sa mga gawain.
“Late na ba tayo?”
“Hindi pa naman. Medyo matagal ka kasi.”
“O-okay… s-sorry…”
Pagkaupo ay ipinatong ko sa paanan ang sapatos. Saka ko kinandong ang bag na ang laman ay dalawang notebook, tatlong ballpen, at ang aking cellphone. Nang makasakay rin si Bryce ay doon na ako nagdesisyong lumingon sa gawing kanan ng dalampasigan. Muntik pa akong maubo nang makita si Kario sa hindi kalayuan— nakatingin sa amin at nakasandal sa gilid ng nakaahon niyang bangka.
“Ex mo siya, `di ba?”
Umingay man ang makina nang paandarin na ang bangka ngunit narinig ko pa rin ang tanong na iyon. Hindi ako tumalikod upang lingunin siya. Sa halip ay tumango-tango ako.
“Pagsabihan mo nga minsan. Akala yata nilalandi kita,” aniya.
“Bakit, may ginawa ba siya? Kinausap ka niya?”
“Hindi naman. Kanina pa kasi masama ang tingin sa’kin. Kung tutuusin magkaibigan din naman ang mga tatay namin.”
Gusto ko sanang ikuwento na sadya talagang seloso si Kario. Kilalang kilala ko na kahit pa `yong mga itinatago niya pero magmumukha lang akong tanga kung ibibigkas pa iyon. Walang muwang si Bryce upang paghinalaan. Kalat na nga yata sa school ang isyu tungkol sa’min kahit wala namang katotohanan.
Nang marating ang campus ay isang oras mahigit na lang bago matapos ang shift ng mga pang-umaga. Naghiwalay na kami ni Bryce ng landas dahil aware na rin siya sa mga tsismis na walang katotohanan. Doon siya sa canteen samantalang ako ay sa bench na malapit sa TLE garden. Dito ay wala ni isang nakatambay. Malakas pa ang signal at saksakan ng tahimik.
“I knew it. Dito ka talaga pupunta.”
Lumukso ang puso ko sa sobrang gulat kaya para akong tangang napadama sa dibdib. Tumayo ako’t humarap sa mismong direksyong pinanggalingan nito, at muntik ko nang mabitawan ang hawak na cellphone. Bakit parang kabute kung sumulpot ang lalaking ito?
“Tinio! May history ako ng atake sa puso kaya utang na loob, huwag na huwag mo na uulitin!”
Mula sa mapaglarong ngisi ay naglaho iyon at nagseryoso. Nagbago ang timpla ng kaniyang emosyon. Ngayon ay nababahiran na ng pag-aalala.
“Okay, I’m… I’m sorry. Did I hurt you?”
Umiling ako nang nahihimasmasan. “Hindi naman…”
“God, thanks.”
Iba naman ang outfit niya ngayon. May pagka-koreano ang style dahil bagsak ang brown niyang buhok at kulay peach ang polo shirt. Bitin ang kulay abong trouser at bumagay ang light brown loafer shoes. Para siyang espesyal na panauhin sa campus na ito at sa unang tingin ay literal na titingalain.
Muli akong umupo sa bench kung saan ang lilim ay saktong binibigay ng makapal na dahon ng puno. Hindi ako nagkamali nang inasahan kong uupo siya sa aking tabi. As usual, sumaliw sa bahagyang simoy ng hangin ang kaniyang pabango.
“I received your reply. May signal na sa inyo?” tanong niya. Patuloy naman akong kumalikot sa phone at pilit kinakabisado kung anong mga hindi pa nasusubukan.
“Nagkataon lang. Umakyat kasi ako sa talampas,” tugon ko.
“Would you mind if I plan for a visit?”
Humalakhak ako. “Para puntahan ang bahay ni Alania? Sure. Magugulat `yon.”
“No,” pagtanggi niya. “Sa inyo. Sa inyo mo ako dalhin.”
Natigilan ako.
“S-sure ka?”
“Bakit?”
“Uh… wala lang.”
“Huwag ka matakot, okay? Alam ko ang tungkol sa lola mo. Alam kong may sorcery kayo.”
Umawang ang labi ko roon. Wala sana akong balak magpakita ng reaksyon ngunit hindi na nito mababago ang lahat. All I need to do now is just accept the fact that one day, every one will know about this.
I sighed as I played the phone on my bare hand. “Hindi ka natatakot sa’kin?”
“Walang dapat ikatakot,” wika niya sabay ngiti nang magtama ang aming mga mata. “Wala.”