Bago ko pa man pasukin ang mundo ng sorcery, kinonsidera ko na ang mga bagay na ito: kung ano ang magiging trato sa akin ng mga kakilala kong may pagpapahalaga sa relihiyon, kung ano ang magiging reaksyon ng kaibigan kong tutol dito, at kung gaano kagulong buhay ang papasukin ko dahil malayo ito sa normal na iniwanan ko.
Alania has accepted this pero paano kung malaman ng mga schoolmates ko? Talamak pa naman ang diskriminasyon sa mga gaya ko. Nang sinabi ko nga kay Lola ang tungkol dito ay parang balewala lang sa kaniya. Sa dinami-rami na raw kasi ng pinagdaanan niya, wala na raw epekto ang mga pangungutya’t panghuhusga.
Kaya ngayon, hindi pa ako sigurado kung kaya ko na bang sabihin kay Tito Alfred kung ano na ba ang ganap ko. Dahil kahit na isipin ko pa lang, may posibilidad na baka ilayo niya ang anak sa’kin.
“Busy sila ngayong buwan. Iyon ang alam ko dahil `yon lang naman ang sinabi ng bisor kanina,” ani Tito Alfred habang naglalakad-lakad. Patungo na kami ngayon sa resthouse kung saan maaaring magpahinga ang mga trabahador na gaya niya. Sa tantya ko ay parang aabutin pa ng limang minuto bago iyon marating. May kalayuan kasi iyon mula sa kwadra at sa iba pang working facilities na mayroon dito.
Nakapagitna si Alania sa’min. Siya na ang nagtatanong habang ako patingin-tingin sa paligid.
“Eh si Trio po? May balita ka sa kaniya?”
Tumawa si Tito. “Nahuhumaling yata ang anak ko sa isang Trivino?”
“Tay! Hindi ah!” pagtanggi ni Al. Napalingon kaagad ako sa kanila nang nakangiwi. “Gusto lang po talaga namin makipagkaibigan.”
“Sus, makipagkaibigan... Sam,” tawag niya sa’kin nang nakangiti. “May hindi ba sinasabi sa’kin ang anak ko?”
Nagkibit-balikat ako roon. Dito ko nahinuha na hindi sinabi sa kaniya ni Al kung bakit ba talaga kami narito. Akala niya anak niya ang may gusto kay Trio?
Nakakahiya kung malaman niyang ako.
“W-wala naman po,” mahinhin kong sagot. Hindi naman naniwala roon si Tito.
“Hmm, malalaman ko rin naman `yan kahit na itago niyo. Ang mahalaga, gumagawa kayo ng koneksyon sa isang Trivino na saksakan sa yaman.”
Alania scoffed to utter mockery. Umirap pa siya para panindigang tinatanggihan niya ang akusasyon.
Pero naisip ko rin bigla na bagay sila ni Trio. Sa ganda niyang `yan, masasabi kong higit na mas malaki ang kaniyang pag-asa kaysa sa’kin. Hindi kasi gaya niya, masyado lang akong simple. Ako `yong ordinaryong tipo ng babaeng nag-aayos lang kapag may lakad.
Si Alania? Effortless. Maganda na talaga siya kahit na `di mag-ayos.
Nang marating namin ang resthouse sa dulong gilid ng rancho, pumasok kami at umupo sa isa sa mga nakapalibot na upuan. Gawa sa kawayan ang buong kubo at pawid naman ang bubong. May malawak na hapag sa gitna kung saan may mga pitsel, baso, at miryenda gaya ng mga hinog na prutas at biscuits. May mga nakahilera ring bag na pumunan sa mga bakanteng puwesto.
Malaki ang kabuuan ng lugar para sa maraming bilang ng tao. Ngunit sa lawak nito, kami lang tatlo ang nandito.
Si Tito Alfred na mismo ang naglipat ng tubig sa baso na ipaiinom niya sa’min. Tinanggihan kaagad iyon ni Alania kaya ipinatong na lang sa aming harapan.
Hindi siya umupo gaya namin. Prente niya kaming tiningnan na para bang may inuusisa.
“Tay, may posibilidad bang lumabas si Trio sa mansion nila?”
“Hindi ko alam, `nak. Gustuhin ko man kayong ihatid doon sa loob, nakakahiya dahil baka mapagalitan pa `ko.”
“Sino pong magagalit sa’yo?” tanong pa niya.
“Si Estefania,” wika niya. Nagtaka ako bigla doon.
“Estefania?” tanong ko.
“Nanay iyon ng half-brother niya, si Tinio.”
Minsan nang nabalita noon na kapwa na pumanaw ang biological parents ni Trio dahil sa aksidenteng natamo sa gitna ng biyahe sa dagat. Natiyempuhan daw ng malakas na ulan at hangin kaya hindi na umabot nang buhay sa Isla Capgahan. Hindi naman iyon big deal sa’kin noon dahil nobyo ko pa noon si Kario. Ngunit ngayong nag-sink-in ulit sa’kin kung gaano kalupit ang trahedyang naranasan ni Trio, napaisip ako kung paano iyon umepekto sa kaniya.
Nakinig ako nang mabuti sa mga sumunod na sinabi ni Tito Alfred. Aniya, si Estefania raw ang naanakan ng ama ni Trio bago pa naikasal noon. Nagmula raw ito sa mahirap na pamilya ngunit nang makahanap ng pagkakataon upang isiwalat kung ano ang totoo, agad-agad na naasikaso ang parte ng yaman niya. Kaya ngayon, kung may higit mang nakatatanda upang mag-manage ng Rancho Trivino, si Estefania iyon na hindi naman totoong kadugo ni Trio. Itatanong ko pa lang sana kung kumusta siya bilang amo ngunit inunahan na niya ako at sinabing masungit daw at matapobre.
Natakot ako ngunit hindi naman pinanghinaan ng loob. Lalo na nang sabihin niyang may mga kamag-anak naman daw si Trio na taliwas sa pamamahala ni Estefania dito sa rancho. Nagkatinginan naman kami ni Alania subalit walang bakas ng gulat sa kaniyang mga mata. Para bang narinig na niya ang kwentong ito at tila ba ako lang ang `di nakakaalam.
“Nakalimutan ko palang sabihin sa’yo,” sabi niya nang umalis na si Tito Alfred. Tinawag na kasi siya upang umasikaso ng mga kabayo sa kwadra. “Totoo ang sinabi ni Tatay.”
“Okay lang. Hindi ko naman kailangang alamin ang lahat.”
“So yes, may half-brother si Trio sa side ng Daddy niya. Tinio ang pangalan.”
“Ilang taon na?” kuryoso kong usisa.
“Ka-edad lang siguro natin. Hindi ko kasi nakita noong huli kong punta rito. Masyado siyang mailap sa mga tao.”
“Sino ang nagsabi sa’yo? Si Tito?”
Umiling siya. “Si Trio.”
Ininom niya ang tubig na inalok kanina ni Tito Alfred. Wala na lang ako masabi dahil talagang may koneksyon na sila ng taong irereto niya sa’kin. Somehow, nakitaan ko ng higit na pag-asa ang sarili ko— na mas mapapadali ang lahat kung lalapatan ko pa ng diskarte.
“Nakita ko na rin minsan si Tita Estefania. At oo, kahit sa mukha pa lang, masungit na.” She cleared her throat. “Siguro mabait naman `yon kung magiging mabait din tayo sa kaniya. Who knows? Baka mali lang tayo ng alam `di ba?”
Kinumbinsi ko ang sarili ko roon dahil mahirap naman kung lulunurin ko sa negatibong bagay ang isip ko. Pasukan pa naman sa lunes kaya kailangan ko na ring tatagan ang sarili ko. Second sem na namin sa unang taon ng kolehiyo at matatapos na sa mga susunod na araw ang sem break.
Hindi ko ginaya ang ginawa niya. Hinayaan kong nakabalandra lang ang baso ng tubig sa aking tapat. Ayaw kong inumin.
“Paano natin makakausap si Trio?”
She immediately replied, “Ako mismo ang pupunta roon sa mansion. Daldalhin ko siya rito.”
“H-huh? Eh `di maiiwan ako rito?”
“Oo. Rest assured na hindi ako magtatagal. Gagawin ko ang best ko, okay?”
Tinapik niya ang balikat ko. Wala akong nagawa kundi pumayag at tumango-tango.
Bago siya umalis, pinaalalahanan niya ako kung ano ang dapat kong gawin. Sumilip-silip lang daw ako sa bintana upang alamin kung papunta na ba sila rito o hindi pa. I should brace myself more. Eh pa’no ba naman kasi, halata raw sa mukha ko na gahol ako sa kaba. Magmumukha pa raw pilit ang ngiti ko kung susubukan ko para sa kaniya.
Iyon nga ang pinag-isipan ko nang matanto kong ako na lang ang mag-isa rito sa resthouse. Ngingiti pa ba ako gayong hindi naman maganda ang pagkakahanay ng mga ngipin ko? Hindi naman malala ang pagkasungki ko. May isa lang na bahagyang naka-atras na para bang nahihiya’t nagtatago.
Sinabi sa’kin noon ni Lola na mas maganda raw ako kapag nakangiti. Kinuwestyon ko rin ito kay Kario no’ng mga panahong boyfriend ko pa siya at wala naman daw siyang pakialam kung sungki ako o hindi. Walang dapat ikahiya pero ang hirap kasi kapag conscious ka sa itsura. I kept wondering all the time if my smile bothers anyone. Ang ending, tikom-labi ako kahit natatawa.
Lumipas ang sampung minuto, tumayo ako sa kinauupuan ko at sumilip sa bintana. Tinapat ko mismo ang paningin ko sa daanan kung saan naglakad si Alania kanina. Wala akong ibang nakita kundi ganoon pa rin; mga lalaking abala sa kani-kanilang mga toka bitbit ang timba, sako, at lubid. Mayroon pang nakasakay sa naglalakad na kabayo. Lahat sila ay walang emosyon— puro seryoso’t tila walang mga ekspresyon.
Kung may kataasan pala ang sweldo rito, bakit hindi na lang mamasukan si Kario rito? Total hindi naman tiyak kung marami ang mahuhuli nilang isda sa tuwing papalaot.
Eh teka, bakit ko ba siya iniisip?
Nang magsawa ako sa paulit-ulit kong nakikita, nagpasya na akong tumalikod upang humarap sa pwestong iniwanan. Sa gulat ko bigla dahil may lalaki nang nakaupo roon, saglit akong napatili at napatakip nang mabilis sa bibig. Umatras ako ng tatlong beses hanggang sa maramdaman kong dumikit ang likod ko sa bintana. Titig na titig ako habang siya ay relax lang kung ngumuya ng Sky Flakes na pinulot sa mesa.
Nagtama ang aming mga mata. Unang pumasok sa isip ko na baka si Trio ito ngunit dahil sa side part haircut ng kulay kape niyang buhok, natanto kong hindi siya.
Pero bakit namumukhaan ko si Trio sa kaniya? Bakit parang… kahawig?
Naging abala ang isa niyang kamay upang pasadahan ng haplos ang harapang parte ng kaniyang t-shirt. Kulay turquoise iyon at binagayan ng denim pants bilang pang-ibaba. Mestiso siya kaya litaw na litaw ang pagiging brown ng mga mata. Samahan pa ng matangos na ilong, kulay rosas na labi, at silver piercing sa kanang tenga.
Sino siya?
“Kaninong anak ka?” tanong niya matapos lunukin nang buo ang natitirang biscuit sa kaniyang palad. Nakita ko kung paano niya ininuman ang baso na sa akin inalok ni Tito kanina.
Napakurap-kurap ako. Kailangan kong kumpirmahin na hindi siya si Trio!
“Sino ka? A-anong pangalan mo?”
Sarkastiko siyang ngumisi, tila nang-aasar. “Sagutin mo muna ako.”
Agad akong umiling. “Hindi ako anak ng kahit na sinong trabahador dito. Kaibigan lang ako ng anak ni Tito Alfred.”
Naglaho ang kaniyang ngisi kasabay ng pangungunot-noo. “Alfred Silvestre?”
Nag-aalangan man, napatango na lang ako.
“So Alania’s your best friend, then?”
Oh, kilala niya si Al.
“Nasagot ko na ang tanong mo kaya sagutin mo na rin ako,” wika ko.
Mahina siyang tumawa. Animo’y hindi man lang nawalan ng reaksyon nang makumpirma kung sino ang kasama kong pumunta rito.
“Pilitin mo muna ako.”
Pumarte ang labi ko sa gulat. Tatarayan ko na sana siya dahil sa biglang pag-ahon ng inis ngunit naisip ko rin na baka may koneksyon siya kay Trio. Saka ano bang malay ko? Baka siya pala si Trio.
Humila ako ng isang upuan saka umupo nang malayo sa kaniya. Umiling ako bilang `di pagpayag sa nais niyang mangyari.
“`Di bale, hihintayin ko na lang ang kaibigan ko.”
“Ikaw rin, bahala ka.”
Matagal-tagal na noong huli kong masilayan si Trio. At kung babase ako sa instinct ko, masasabi kong hindi siya ito dahil batid kong hindi siya ganito kung makitungo sa tao. Saka taliwas ito sa sinasabi ni Alania. Tahimik ba ang ganitong klaseng tao?
Bigla kong naalala ang mga ikinuwento ni Tito Alfred kanina. Sa puntong ito ay tinitigan ko ang lalaking ito nang mata sa mata, hanggang sa matanto ang posibilidad kung sino siya.
“Tinio?” I guessed.
“You got it right!” he joyfully exclaimed. Hindi pa siya nakuntento sa kinaing biscuits dahil pumulot pa siya ng apple na nakabalandra lang sa hapag. Sa bahagyang katahimikan ng paligid, naririnig ko pa ang tunog ng kaniyang mga nguya. Ayaw niya ring alisin ang pagkakalapat ng tingin sa akin. Ewan ko, mukhang interesado rin yata siya upang makilala ako.
“So ikaw pala ang anak ni Estefania...”
He chuckled. “Nakuwento rin ba sa’yo kung gaano siya kasungit?”
Hindi ako sumagot.
“Lagot ka, baka paalisin ka rito `pag nakita ka,” panakot niya.
“Tinio…”
“Unless you befriend me. Mabait `yon sa mga kaibigan ko.”
Pinilig ko ang aking leeg. Hindi ako sigurado kung magagawa ko ba siyang ituring na kaibigan. Hindi sa pinangungunahan ko kung anong klaseng pagkatao ang meron siya ngunit bakit parang nararamdaman kong hindi kami magkakasundo?
Malayong malayo ang vibes niya sa isang Trio Trivino.
“Hihintayin ko si Al.”
“Hmm, bakit, ayaw mo sa’kin?”
“Wala akong sinasabi—”
“Ayaw mo sa’kin,” deklara niya nang naroon pa rin ang `di mawala-walang ngisi.
Hindi ako nagsalita. Ayaw ko na munang pahabain ang usapan dahil pakiramdam ko’y mauubusan lang ako ng lakas. Sa halip ay tumayo na lang ulit ako saka humarap sa bintana.
Bakit ba ang tagal bumalik ni Alania?