Tumingala ako sa langit habang humahakbang sa school ground ng campus na ito. Lunes na naman kaya dapat nang asahan ang parating na workload.
Hindi nga dapat ako papasok ngayon. Sa sobrang bigat kasi ng loob ko, pakiramdam ko’y wala rin akong maiintindihan sa mga lessons ngayon. Kaya lang, mahigpit ang ilang professor sa attendance. May mga bumabase sa bilang ng absences at iyon ang kinakatakot ko maging dahilan ng bagsak na grado.
Nakakuyom ang kanan kong kamay kung saan nakatago ang aking agimat. Patuloy kong pinanghahawakan ang sinabi noon ni Lola na kapag nanghihina ako at nawawalan ng motibasyon, gamitin ko lang ito at panatilihing nakakubli sa aking palad. Epektibo naman dahil kung ikukumpara kanina, mas gumaan na ang loob ko. Tinutulungan ko na lamang kalmahin ang sarili ko habang nasa likod ko si Bryce— sumusunod.
Iniwas ko na ang pagkakatingala sa langit nang sumilay ang haring araw. Iilan lamang ang mga estudyanteng nakasasalubong ko na paniguradong nasa afternoon shift din ang klase. May ilang napapatingin sa akin at ganoon din sa aking likod. Nang lumagpas na silang lahat ay hindi ko na napigilang huminto at harapin si Bryce.
Nagsalubong ang aking kilay nang huminto din siya kagaya ko.
“Mauna na ka,” malamig kong sabi ngunit parang hindi siya magpapatinag. Kung maaari ko lang gamitin ang potion ni Lola para makontrol ang isang tao, baka kanina ko pa naisipang gawin sa kaniya. Gusto ko lang mapag-isa ngayong araw. Sapat na ang iniyak ko kagabi nang kasama siya roon sa dalampasigan.
Hindi siya kumibo, ni hindi rin gumalaw o kumislot. Nanatili ang tingin niyang nahahalataan ng pag-aalala.
“Hindi mo kailangang sumunod sa’kin. Okay lang ako.”
“Alam kong hindi,” bigkas niya sabay adjust sa pagkakasabit ng isang strap ng bag sa kaniyang balikat. Nainis ako roon.
“Anong kailangan mo? Kung may gusto kang sabihin o gawin, sabihin mo na para `di ka na bumuntot nang bumuntot—”
“Anong nangyari kagabi? Bakit ang bigat ng iyak mo? May nangyari bang masama?” sunod-sunod niyang tanong na ikinaparte ng labi ko. Kung puwede ko lang sagutin ang mga iyon nang naaayon sa kung ano man ang totoo, talagang sasabihin ko at ikukwento sa kaniya. Ngunit hindi ito basta-basta. Kaibigan ko si Alania at tungkol ito sa pagkahumaling ng isang Trio Trivino. Ano na lang ang iisipin niya kung nagdadrama ako sa ganitong dahilan? Alam niya kung gaano kami ka-close ni Al at ayaw kong maisip niyang nakikipagplastikan na lamang ako.
I get it. Valid ang rason ko upang maging malungkot nang ganito. Pero kagabi, sa gitna ng iyak ko, doon ko mas na-realize na walang dapat sisihin dito. Hindi nakokontrol ang pag-ibig. Ni hindi ito kaya pigilin sa kahit na anong disenteng paraan. Kung may solusyon man, naniniwala akong paghihintay lang at paglimot.
Natulala ako kay Bryce. Nang matauhan ay umiling ako at muling tumalikod. Nagpatuloy akong maglakad sa lilim ng mga punong nakahilera sa gilid ng daanan ngunit sa puntong ito ay humabol siya at tumabi sa akin.
Bumulong siya, “Kung hindi mo sasabihin sa akin ang nangyari, si Alania mismo ang tatanungin ko.”
“Sige!” bulanghit ko nang nanlalamig ang pakiramdam. Huminto ako at bumaling sa kaniya. “Tanungin mo siya at tingnan natin kung may maisasagot siya. `Di ba’t sinabi ko na sa’yo kagabi na personal kong problema ito? Huwag ka nang makialam!”
Sa sigaw na iyon, mas gumaan ang aking loob. Ang bigat ay lalong nabawasan bukod sa tulong ng agimat na inaasahan kong tatalab. Ngayon ko napagtanto na ito pala ang kailangan ko— ang taong mapagsasabihan ng mga nangyari lalo na sa mga oras na nag-usap kami ni Trio.
But I can’t. Ano mang pilit ang gawin ko sa sarili upang mag-rant kay Bryce, maisip ko pa lang si Alania ay nanlalambot na ako. I can’t disclose this to anyone. Hindi kahit kay Imon.
**
Madalas akong tumambay sa canteen kapag maghihintay ng klase. Doon ko kadalasang ginagasta ang oras ko hanggang sa sumapit ang ala-una. Pero iba ang ginawa ko sa araw na ito. Sa lobby ako tumambay mag-isa habang si Bryce ay umiba ng daan.
Tiyak na may pasok si Alania. Kung doon ako sa canteen nanatili, baka doon niya rin ako matatagpuan. Siguradong pipilitin niya ako magkwento tungkol sa mga napag-usapan namin ni Trio kagabi. Alam kong pipilitin niya ako magsalita at natatakot akong baka maiyak lamang ako sa harapan niya.
Nang tumapat na sa ala una ang orasan, dali-dali akong dumiretso sa designated classroom. Pumuwesto ako sa third row at bumuklat ng notes. Naitago ko na rin ang agimat sa aking bulsa lalo’t may takot pa rin ako sa husga ng iba. Magiging okay pa rin kaya ang tingin nila sa’kin sa oras na malaman nilang minana ko na ang tradisyon ni Lola?
“Oh? Nandito ka na pala?” ani Imon sabay bagsak ng bag sa kaniyang arm chair. Umupo siya nang sa akin nakaharap.
Umangat ang tingin ko sa kaniya mula sa aking notes na ni isa ay wala akong maintindihan. Kung ano-anong mga detalye na ang aking nababasa ngunit nadi-distract pa rin nang sobra.
Tinanguan ko siya kaya nagpatuloy siya sa pagsasalita.
“Akala ko kasi hindi ka papasok.”
Nagtaka ako roon. “Bakit naman? Paano mo nasabi?”
“Hello? Wala ka kaya sa canteen. `Di ba’t doon ka naman lagi naghihintay?”
“Oo..”
“Kanina ka pa ba nandito?”
“Dito sa campus?” paniniguro ko. Sumang-ayon siya base sa kaniyang tango. “Oo, kanina pa ako dito. Kasabay ko si Bryce.”
“Speaking of Bryce,” sabi niya saka hininaan ang boses. “Nadaanan ko sila ni Alania. Magkausap sa likod ng building malapit sa canteen.”
Unti-unting namilog ang mga mata ko. Hindi ko man alamin kay Bryce kung anong posible nilang pinag-usapan, ngayon pa lang ay nahihinuha kong tungkol sa pag-iyak ko ang paksa nila!
Shit. Sinabi ko nang huwag na siya makialam. Bakit ang kulit niya? Ano na lang ang sasabihin ko kay Alania sa oras na magkita kami?
Humagikhik siya. “Oh `di ba, nagulat ka rin. Sa tingin mo, ano kayang pinag-usapan nila?”
Umiwas na ako ng tingin sa kaniya dahil saktong bumukas ang pinto at iniluwa nito si Bryce. Tuloy-tuloy siyang tumungo sa kaniyang upuan sa second row nang hindi man lang tumitingin sa akin.
“Ayan na siya…” bulong ni Imon. Gaya ko ay umayos na siya ng pagkakaupo sa arm chair.
Humanda talaga sa’kin `yang si Bryce sa oras na malaman kong sinabi niya kay Al ang lahat. Baka piliin kong hindi na lang sumakay sa bangka niya, at mapilitan sa serbisyo ni Kario. Kaya nga ako tumagal sa kaniya ay dahil sa ganda ng mga naipakita niya. Taliwas siya sa lahat ng mga sinabi sa’kin ni Alania.
Sarado man at magulo ang utak, iwinaksi ko na lamang ang lahat ng iyon nang dumating ang professor. Nakisabay ako sa daloy ng discussion ngunit ni minsan ay hindi nagtaas ng kamay para sumagot sa recitation. Masyado akong pre-occupied upang maintindihan lahat. May iilan akong nauunawaan pero patuloy akong dinadala ng lecheng isip na ito sa lahat ng mga sinabi ni Trio kahapon.
Naluluha ako habang nakatitig sa nagsasalita sa harapan. Palihim kong hinawakan sa loob ng aking bulsa ang agimat at ikinuyom na para bang dito nakasalalay ang disposisyon. Halos dalawang taon akong lihim na humanga sa kaniya at hindi niya iyon mapapansin dahil patuloy siyang mabubulag kay Alania.
Anong mga salita pa ba ang mas sasakit pa rito? Makakaya ko pa bang harapin ang kaibigan ko kung repleksyon lang ng mga sinabi ni Trio ang makikita ko? Paano ko malalagpasan ang lahat ng ito? Kailan?
“Class, dismissed,” rinig kong sabi ng prof nang matapos na ang ikalawang subject ngayong hapon. Ganoon kabilis na lumipas ang oras. Sa dami ng bumabagabag sa akin ay hindi ko na namalayan.
“Sam, breaktime na. Hindi ka lalabas?” pag-aya sa’kin ni Imon. Umiling ako nang nakayuko sa arm rest.
“Hindi na.”
“Okay.”
Nang masiguro kong nakalabas na siya kasama ang ilan naming mga kaklase, bumaling ako sa second row, partikular na sa kung saan nakaupo si Bryce. Nanlalim ang mga mata ko nang makita siyang nakahalukipkip at kung makatingin sa bintana ay tila ba walang pinoproblema.
Ilan sa mga babae naming kaklase ay lihim na kinikilig sa kaniya. Nasuya na lang ako dahil umaalburuto pa rin ang inis na hindi ko alam kung kailan mawawala. Silang dalawa ni Alania? Hah. Hindi ako magkakamaling ako ang naging laman ng usapan nila!
Tumalikod siya at biglang lumingon sa akin. Namutla na lamang ako sa gulat lalo na nang tumagal ang titig niya sa’kin. Ako na mismo ang umiwas at kunwari’y naging abala sa notes na nakapatong sa aking tapat. Habang hinahawakan ang agimat sa aking bulsa, sa isip-isip ko’y minumura ko na siya.
Hindi niya alam kung gaano kabigat sa akin ang problemang ito. Hindi niya alam kung gaano kahirap ang lahat sa parte ng pagkakaibigan namin ni Alania. Wala dapat akong sisisihin kung sakali mang lalala ito pero kung totoo nga ang suspetya kong ikinuwento niya ang pag-iyak ko kagabi, `di ako magdadalawang isip na ituro siya.
Sa huling subject para sa gabi, matiyaga kong hinintay na matapos ang oras. Malaki ang pasasalamat ko na wala ni isa mang naganap na surprise quiz dahil kung nagkataon man, baka wala akong ni isa mang masasagot.
I had to calm myself. Kailangan kong panatilihin kung ano na lang ang natitira sa’kin ngayong sumapit na ang alas otso ng gabi at oras na upang umuwi.
Nagpaalam si Imon na hindi siya makasasabay sa amin paglabas. Aniya, may mga kailangan siyang asikasuhin sa student office para sa mga ganap ng mga organizations na sinalihan niya.
Nang makatayo na ako at masukbit na sa magkabilang balikat ang bag, dumapo ang pansin ko kay Bryce na hindi maintindihan ang ekspresyon. Naglalakad na siya palapit sa akin habang iyong iba naming kaklase ay kanya-kanya ng labas.
Nagtagis ang aking mga bagang kapipilit na maging okay ang susunod na sitwasyon. Utang na loob, ayaw ko nang madagdagan pa ang mga alalahanin.
“Tara na,” sabi niya sa boses na hindi tipikal kumpara noong mga nagdaan. Nangingibabaw ang panlalamig nito na para bang ako pa itong may nagawang kasalanan.
Hindi ako nagsalita. Kaysa naman mag-inarte ako at ipagtabuyan siya. Saan ako sasakay nang ganitong oras? Siya lang ang kilala kong taga-Agunaya na ganitong shift din ang uwi. Sa layo at delikado ng dagat na tanging buwan lamang ang inaasahang liwanag, nakatatakot talaga ang biyahe.
Kagaya ng nakasanayang makita sa panggabing tanawin ng Capgahan State, mga lamp post ang nagbigay-kulay sa campus. Sinadya kong hindi kami magdikit ni Bryce habang naglalakad palabas. Maraming times na sinasadya kong bagalan ang aking lakad; hindi dahil pagod na kundi para makapuwesto sa likuran niya. Kaya lang, sa tuwing ginawa ko iyon ay sinasadya niya rin maging mabagal. Ang ending, kapwa kami nasa gilid ng isa’t isa at hindi man lamang nagkikibuan.
Nang mapadpad na kami sa labas ng school building, kapwa namin natagpuan ang sarili sa napakatahimik na hallway. Nakabibingi. Kung may ingay mang namumutawi, mga mahihinang makina lang iyon ng mga sasakyan sa malayong kalsada at mga kuliglig na nagpapaligsahan sa palitan ng ingay.
Hindi ko na napigilan. Nagsalita na ako nang tuloy-tuloy ang mga hakbang.
“Sana sinabi mo noong una na tsismoso ka pala,” patuya kong wika. Hindi na ako nagulat nang huminto siya at naiwan sa aking likod.
Naghintay ako nang ilang segundo bago humarap sa kaniya.
Mula sa puting ilaw ng hallway na ito, namataan ko ang pangungunot ng noo niya.
“Anong sinasabi mo?”
“Alam mo ang tinutukoy ko, Bryce.”
“Huh?”
“Mahirap ka kausap. Tsismoso ka.”
Bago pa lumala ang lahat, pinili kong bumaling sa dinaraanan at magpatuloy sa paglalakad. Pero sa bilis ng galaw niya, wala pa mang tatlong hakbang ay nakuha na niya ang aking palapulsuhan. Dali-dali niya akong hinarap sa kaniya nang naglalaban naman ngayon ang mga kilay.
“Anong narinig mo tungkol sa’kin? Sabihin mo. Magpapaliwanag ako,” aniya.
Umiling ako. “Malinaw na sa akin kaya hindi ko na kailangan ng paliwanag mo!”
Nakita ko kung paano niya kinagat ang ibaba niyang labi. Sunod ko na lang namalayan na hindi na pala sa palapulsuhan ko ang hawak niya. Napaatras ako nang umangat ang magkabila niyang kamay at lumipat sa gilid ng aking mga balikat.