He’s not aware of it. Kung itatanggi lang niya ito nang itatanggi, baka hindi na ito matatapos. Kailangan niya lamang aminin na may mali siya at nang hindi na mas lumala ang pag-alburuto ko rito. Mahirap bang sabihin na may ginawa siyang hindi ko nagustuhan?
Hindi ako magagalit sa mababaw na dahilan. Kung walang kwenta lang iyon, `di ko na sana pinag-aksayahan ng oras. But like I said, it’s between me, Alania, and Trio. Si Alania na halos kapatid na ang turing sa akin at si Trio na higit kong pinahalagahan sa lahat ng mga lalaking nakilala ko.
Nanggilid ang luha ko habang nakatitig sa kaniya. Humagibis ang hanging sinlamig ng dayuhang hamog na siyang nagbigay ng bahagyang kilabot sa’kin. Hindi ko magawang iwasan ang sinsero niyang mga mata. Sa pamamagitan ng mga ilaw na nagbibigay liwanag dito sa hallway, nakikita ko kung paano iyon mas pumungay kaysa kanina.
“K-kailangan pa ba natin itong p-pag-usapan?” namamaos kong tanong. `Di siya gumalaw at matagal bago nasundan ang huli niyang kurap.
Mula rito, rinig ang ingay ng mga estudyanteng naglalakad. Batid kong hindi rito ang kanilang daan dahil mas maraming pumipili maglakad sa mga shortcuts. Ni hindi ko maintindihan kung bakit dito kami napadpad. Kapwa ba namin sinadya rito para makapag-usap?
“Galit ka. Galit ka at hindi ako papayag umuwi hangga’t `di ko alam kung bakit. Ako ba ang dahilan?”
Nandilim ang paningin ko nang naging malinaw na naman lahat ng mga sinabi sa’kin ni Imon kanina. Muling nagtagis ang mga bagang ko kasabay ng bahagyang pagkuyom ng aking mga palad.
“May sinabi ako sa’yo kanina, `di ba?” malamig kong bigkas nang nagpipigil sa pag-apoy ng galit. Umismid ako at suminghap nang pagkalalim-lalim. “Nakalimutan mo?”
He shook his head. “Wala akong pinagsabihan tungkol sa mga nangyari kagabi. Walang—”
“Wala?” pagdududa ko. “Sigurado ka? Wala? Ang hirap paniwalaan niyan, Bryce.”
“Anong gusto mong marinig kung gano’n? Wala talaga akong sinabihan. Hindi ko `yon problema at hindi ko `yon dapat pakialaman.”
“Eh anong pinag-usapan niyo ni Alania sa likod ng building? Kung hindi iyon importante o mahalaga, bakit doon pa?”
Mula sa mga sinabi ko, namataan ko ang paggaan ng kaniyang ekspresyon. Mula sa kaninang nabibigatan sa pag-aalala, ngayon ay para bang yelong natunaw. Kulang na lang ay ngumiti siya. Hindi ko alam kung insulto ba iyon o wala lang.
Nagtanong siya, “Nakita mo kami kanina?”
“May nagsabi sa’kin.”
“Sino?”
“Dapat pa bang sabihin kung sino? Bakit hindi mo na lang sabihin kung anong napag-usapan niyo?”
Hinimas niya ang gilid ng kaniyang leeg sabay baling sa aming paligid. Ilang segundo ang hinintay ko bago niya ibalik ang tingin at bago marinig ang sunod niyang mga sinabi.
“Kinausap ko lang siya nang masinsinan. Tinanong ko lang kung bakit ayaw niya sa’kin,” aniya.
Naningkit ang mga mata ko. “`Yon lang?”
Tumango siya, dahilan kung bakit mula sa kaniya’y naitutok ko sa’kin ang inis. Oh God. Kung iyon nga ang totoo, nagsayang lang ako ng maraming oras para sa isang bagay na hindi naman pala talaga nangyari! Anong kalokohan ito? Bakit ganito?
`Di ko na nagawang magsalita sa mga sumunod na tagpo. I saw how he tried to open his mouth but no words came out. Gusto kong magpalamon sa lupa sa sobrang kahihiyan. Kung ano-ano na ang mga sinabi ko sa kaniya bago nito at hindi ko na iyon mababawi!
“Tara na, huwag na nating isipin,” aniya sa gitna ng napakahabang katahimikan. Umasta siya na para bang walang nangyari sa kabila ng masasakit kong mga salita kanina. Gusto kong humingi ng tawad ngunit iba ang sinasabi ng isip ko. Naroon pa rin ang sakit sa lahat-lahat ng mga nangyari mula kagabi at masakit para sa pride kong lalong magpakababa.
Hindi niya ako hinayaang maglakad sa likod niya o sa unahan. Siniguro niyang nasa tabi ako at walang kibo. Pinapanatili kong sa daan ang aking tingin dahil nahihiya akong lumingon. Anong mukha ang maihaharap ko? Para lang akong asong tumahol sa maling puno.
Napunan ng ingay ang pumapalibot sa amin nang lumagpas na kami ng maraming metro mula sa hallway. Nasa catwalk na kami ng campus at palabas na ng main gate. Sa parteng ito ay may ilang pundidong ilaw. At sa tuwing dumadaan kami sa madidilim na parte, doon pa lang ako nagkakaroon ng lakas na sumilip sa kaniya nang palihim. Bagaman hindi ko siya masyadong makita, pakiramdam ko ay kalmado naman siya.
`Di ba siya galit? Dahil kung sakali mang magtampo siya, may dahilan naman kung bakit. Hindi niya kasalanang masaksihan kung paano ako pumalahaw ng iyak kagabi. Magiging mali lang iyon kung pinagkalat niya at literal na sasabihin kay Alania.
Pagtuntong namin sa gilid ng kalsada, as usual ay buhay na buhay ang mga streetfood vendors na nakahilera sa magkabilang bangketa. Wala akong gana kanina ngunit nang maamoy ang bango ng mga pagkain, doon nagsimulang kumulo ang aking tiyan. `Di ko na lamang mapigilang lumingon sa mga ito, lalo na sa mga squidballs. Bakit ba kasi nag-skip ako ng recess kanina? Imbyerna naman.
“Gusto mo ba?” usisa sa akin ni Bryce habang naglalakad-lakad nang mabagal. Pagtanaw ko sa kaniya, doon ko malinaw na nakita ang normal niyang tingin sa’kin. Hindi siya `yong makikitaan ng bigat o ng kahit anong negatibo. Nakikita kong sinsero pa rin siya sa kabila ng mga sinumbat ko.
“H-hindi, napatingin lang ako—”
“Gusto mo,” deklara niya saka lumiko patungo sa isang bakanteng street vendor. Wala ni sinuman ang nakapila kaya nakausap kaagad niya ang tindero.
Ano mang tanggi ko, I have to admit that I liked what he did. Though nahihiya, good thing na siya na mismo ang gumagawa ng paraan para mawala ang tensyon sa aming pagitan. I could not thank him enough for being kind… for understanding what I’ve been through. Kung sarili lang niya ang inisip niya, baka kanina pa niya ako iniwanan.
Kusang umangat ang dulo ng aking labi dahil sa pagpipigil ng ngiti. Subalit kasabay nito, nang lumipat ang tingin ko sa pinakadulo ng mga stalls, isang pamilyar na lalaki ang nakita ko na nakasandal sa pinto ng itim na kotse. Hindi ko masyadong makita ang mukha niya ngunit sa tindig, tangkad, at postura ay para bang nakita ko na noon. Kung nasa tapat lang siya ng ilaw, baka doon ko na siya tuluyang makilala.
Nang ibalik ko ang pansin kay Bryce, prente pa rin siyang naghihintay sa kaniyang binibili. Lagpas dalawang minuto ang pinalagpas ko saka muling lumingon sa lalaking nakasandal sa kotse. Nagtaka ako nang makitang wala na roon ang sasakyan. Wala na rin `yong lalaki na sa posisyon ko kanina nakaharap. Posible naman siguro ang ilang minuto para mapaandar niya iyon palayo rito. Sadyang `di ko lang naabutang sumakay at umalis.
Pagkabigay kay Bryce ng dalawang cup ng squidballs, humarap siya sa’kin at inabot ang isa. Sa pagkakataong ito ay hindi ako nahirapang ngumiti lalo’t isa `tong squidballs sa mga comfort foods ko.
“Maraming salamat…” bulong ko sa kaniya nang tumabi siya sa’kin. Hindi muna kami naglakad upang makain ito nang maayos.
Tango lang ang tinugon niya sa’kin. Sumilay din ang kaniyang ngiti bago isubo ang squidball. Kahit papaano, sa kabila ng mga napagdaanan ko ngayong araw, kahit hindi ganoon kaperpekto ay bumawi naman ang gabi. Umaasa na lamang ako na maging pabor din sa akin ang mga mangyayari bukas lalo’t pipilitin na naman ako ni Alania magkwento.
KINABUKASAN, mga pasyente ni Lola ang bumungad sa aking umaga. Tatlo sila at pare-parehas nabalis ayon sa resulta ng pagtatawas. Ubos na ang dahon ng mayana kaya napag-utusan akong mamitas nito sa bukid. Isang kilometro ang layo nito sa’min kaya malayo-layong lakad ang kailangang tahakin.
Tulog pa ang mga tao dahil wala pang alas sais ng umaga. Hindi pa sumisikat ang araw kaya’t madilim pa ang paligid. Nahihirapan akong tumingin sa mga malalayong distansya dahil sa makakapal na hamog. Parang bumaba ang mga ulap at halos yakapin na ako ng lamig.
Inayos ko ang pagkakahawak sa dala kong basket na gawa sa rattan. Maiingat ang mga hakbang ko sa basang damuhan upang umiwas sa pagtisod. May mga bato at kahoy kasing nakakalat dito. Hindi lang ako isang beses nadapa rito. Hindi na mabilang-bilang kaya natuto na.
Nang marating ko ang bukirin, pumuwesto ako sa partikular na parte kung saan may mga usbong ng kulay lilang mayana. Akma na sana akong yuyuko upang mamitas ngunit nagtaka ako nang makita si Kario sa kabilang dako. Hindi ko maintindihan kung bakit wala siyang saplot pang-itaas. Pawisan siya at…
Gustuhin ko mang umatras ay hindi ko na lang magawa. May pinulot siyang palakol sa paanan at nagsimulang magsibak ng mga kahoy na nakahambalang. Sa likod niya at gilid ay may matatayog na puno. Init na init na ba siya sa lagay na `yan? Mahamog ah?
“Magkakasakit ka kung `di mo isusuot `yan!” sigaw ko upang marinig niya ako sa puwesto niya. Itinuro ko ang damit niyang nakasabit sa pinakamalapit na puno, hanggang sa huminto siya at lumingon sa akin. Kahit sarili ko ay hindi ko naunawaan. Hindi ko na siya dapat pinakialaman ngunit inudyok ako ng sistema ko.
Kunot-noo siya. Seryosong seryoso ang mukha na para bang may nagawa akong mali. Anong mali roon kung sinasabi ko lang ang maaari niyang indahin? Manggagamot ang Lola ko kaya naituro sa akin ito. Masamang iladlad ang hubad na katawan sa hamog, lalo na kung pagod at pawisan.
Hindi niya ako sinunod. Sa halip na kunin ang damit niyang nakasabit, nagpatuloy lamang siya sa pagsisibak. Nagkibit-balikat ako’t hindi na nagulat. Hindi naman na niya ako kaano-ano ngayon maliban sa pagiging ex. Hindi ko siya kaibigan at hindi na rin magiging kaibigan ang turing niya sa’kin.
Itinuloy ko na ang pamimitas ng mayana. Higit limampung dahon ang pinakukuha sa’kin at pinili ko iyong mga bagong usbong. Masasabi kong expert na ako pagdating dito dahil maliban sa tinuruan ako, ginagawa ko na ito mula noong bata pa. Madalas din akong isama noon sa ibang isla sa Palawan— hindi upang gumala kundi para sa mga halamang gamot na gagamitin sa sorcery.
Sa tuwing humihinto sa pagsibak si Kario, lihim akong napapatingin sa kaniya. Minsan ay hindi niya napapansin, minsan ay nagtatama rin ang aming mga mata. Sa mga ganoong pagkakataon ay ako na mismo ang kusang umiiwas. Bakit ba ang galing ng mga lalaki pagdating sa titigan?
“Oh God! Nandito ka lang pala!”
Tumingin ako sa bungad ng kakahuyan kung saan karaniwang dumadaan ang mga nakatira sa gawing gitna ng isla. Malayo iyon mula sa puwesto ko at nahaharangan pa ng ilang mga matataas na halaman. Paniguradong hindi ako nakita ni Alania na ngayo’y pormal sa suot niyang school uniform. Bagong ligo siya base sa kinang ng mahaba niyang buhok habang dala-dala ang bag.
Itinuon ni Kario ang atensyon sa kaniya. Ako naman ay bumalik sa pagpipitas at walang balak na magpakita. Tatanungin lang ako niyan tungkol sa naging usapan namin ni Trio. Hanggang ngayon, kahit na ano mang lalim ng pag-iisip ang gawin ay hindi ko pa rin alam ang mga sasabihin.
“Bakit wala ka ro’n? Magpapahatid sana ako sa’yo.” Umaalingawngaw ang boses ni Alania.
Sumagot si Kario. “Akala ko hindi ka papasok?”
“Okay na ako.”
“Sigurado ka?”
“Uhm… oo. Saka may exam daw pala kami. Ayaw ko maghabol.”
Nang sumilip ako mula sa munting hawi ng mga dahon ng mayana, namataan ko kung paano humakbang si Alania. Paika-ika siya at para bang may sakit na iniinda. Para namang prinsipeng tumulong si Kario. Pagkasuot niya ng kaniyang damit ay nilahad niya ang kaniyang braso upang maging alalay.
Baling bali ang mga kilay ko sa nasaksihan. Anong nangyari kay Alania? Anong dahilan ng pag-iika-ika niya? Ni hindi ko siya nakikitaan ng galos sa kahit na anong parte. Mukha namang… okay siya.
Nanatili ang kuryosidad ko hanggang sa makabalik na ako ng bahay. Imbes na si Lola ang gumamot sa mga pasyente niya, ako ang inutusan para na rin maturuan. Isa-isa niyang sinabi kung paano ito lutuin upang maging gamot sa sakit ng tiyan. Naging madali naman dahil malinaw at nasa punto ang mga hakbang na binibigkas.
Pagkaalis ng tatlong pasyente, isang lalaki ang hindi ko inasahang magpapakita sa harap ng pintuan. Sa gulat ay napatulala ako nang matagal. Para bang humahanga pa rin ako sa kabila ng mga nalaman sa kaniya noong isang araw. Ganito ba talaga kapag seryoso na sa nararamdaman? Alam kong hindi niya ako magugustuhan pero may munting parte sa’kin na nais pa ring umasa.
Hindi ko siya tinanong kung bakit siya narito. Bakit ko pa aalamin kung nasabi na niya dati?