Pagkatapos ng klase, desidido si Hiraya na mas mapalapit pa sa target. Kaya heto siya ngayon, naglalakad sa kalsada at may determinasyon sa mata habang sukbit-sukbit sa balikat ang isang bagpack. Handa siyang makipagkita kay Kenjie sa palaruan at maging playmates ito.
Kanina lamang sa paaralan, bago siya tuluyang umuwi ay nagpaalam siya sa ina ni Aya. Alam niyang kailangan niyang humingi ng pahintulot sa Ginang. Pinoprotektahan din niya ang buhay ni Aya na maaaring mag-iba kung gagawa siya ng pagkakamali. Nais niyang manatili ang magandang relasyon ni Aya sa ina nito.
Akala niya ay istrikta si Mela at hindi siya papayagan ngunit ikinatuwa at ipinagpasalamat niya nang tumango ito at pumayag. Pero binilinan siya ng babae na huwag aabot ng gabi at kakaligtaan na tumawag. At para sa kanyang tiyak na kaligtasan, susunduin din siya ng babae sa palaruan mamayang hapon.
Inaasahan niya na magtatagumpay ang mga pinaplano. Ang hindi lang niya inaasahan ay ang pagsunod at pagbuntot nina Mayumi at Oscar sa kanya. Napabuntong-hininga siya nang sulyapan ang dalawang kabataan sa likod.
"Ba't ba gusto n'yo pang sumama?" aniya. Ayoko sana na madamay pa sila sa misyon ko. Ano bang gagawin ko sa dalawang ito?
"Ang unfair naman kasi! Bakit si Banoy lang ang inimbita mong maglaro? Hindi ba tayo magkakaibigan dito?" Si Oscar ang sumagot. Halatang nagtatampo ang binatilyo.
"Well, actually, ayoko rin naman maging third wheel sa date ninyo ni Banoy," sagot naman ni Mayumi na tila nag-iinarte pa. "Pero ito kasing si Oscar!" Sabay turo nito sa lalaking kasabayan sa paglalakad. "Siya ang nagpumilit na sumama. Naisip ko naman na makakagulo s'ya sa inyo kaya naman sumama na rin ako." Biglang nag-iba ang ekspresyon ng mukha ng matabang babae at ngumisi nang malaki. "Dont worry, Aya! Ako nang bahala kay Oscar, para maging maayos ang date ninyo ni Banoy."
Kumunot ang noo niya at nagtatakang sinabi, "Date?"
Umakbay si Mayumi sa kanya at halos masakal siya sa braso nito. "Weird si Banoy pero dahil bestfriend kita, susuportahan kita."
Hindi na alam ni Hiraya kung anong sasabihin. Natahimik na lamang siya at napabuntong-hininga. The situation is getting harder now...
Ilang saglit pa ay nakarating na sila sa palaruan na malapit sa Barangay Hall. Natigilan si Hiraya sa paglalakad at tinitigan ang buong paligid. Marami nang bata ang nandoon, magkakagrupo at nagkakanya-kanya ng laro. Nagsisitakbuhan ang mga babae at masayang nagtataya-tayaan, naglalaro naman ng patintero o tumbang preso ang mga lalaki. May iba na nakatambay sa swing, see-saw, at padulasan. Buhay na buhay ang playground. Punong puno ng tawanan at hagikgikan ng mga paslit ang buong paligid.
"Playground pa ang lugar na ito sa panahon na ito, pero sa taong 2022, isa na itong boring na parking lot, " naisip ni Hiraya at nakaramdam siya ng kalungkutan. "Maraming nagbago sa loob ng dalawang dekada. Hindi ko lang sigurado kung ang pagbabago na iyon ay para sa kabutihan."
Walang imik na umupo siya sa isang bakanteng swing at pinanood ang mga bata. Sumunod sa kanya si Mayumi at Oscar.
"Wala pa si Banoy," pansin ni Mayumi, "Pupunta kaya 'yon?"
"Baka indianin ka lang no'n," sabat ni Oscar at kinuyom ang kamao sa tapat ng mukha. "Yari sa 'kin ang Banoy na 'yon! Makakatikim talaga 'yon ng suntok!"
"Hintayin na lang natin!" maagap niyang sagot. "Sinabi ko naman na dito kami magkikita."
"Pero sinabi ba n'yang pupunta s'ya?" tanong ni Oscar.
Natigilan si Hiraya. Sa totoo lang, hindi niya nakuha ang sagot ni Kenjie kanina. Pakiramdam din niya ay pinilit niya ito.
***
Kaninang recess...
Sina Mayumi ay Oscar ay bumili ng makakain sa canteen, samantalang siya at ang ibang mga mag-aaral ay may baong pagkain kaya nanatili lamang sila sa loob ng classroom. Habang nakatitig sa baunan at pinasasalamatan ang Diyos sa pagkain. Napansin niyang walang nilabas na baon na pagkain si Kenjie. Hind rin ito lumabas ng kwarto para bumili ng pagkain.
"Kenjie, wala ka bang baon?" tanong niya rito.
Lumingon ito sa kanya at umiling.
"Uh...." Saglit siyang nag-isip kung ano ang susunod niyang sasabihin. "Gusto mo bang mag-share na lang tayo? Maraming nilagay si Mama na kanin at ulam." Pilit siyang ngumiti habang pinapakita pa ang baon.
Umiling muli ang batang lalaki at nag-iwas ng tingin. "No. Nagluto ng baon ang Mama mo para sa 'yo. Dapat mapahalagahan mo 'yan..."
Sa ganoong punto, nagkaroon siya ng kuryosidad na tanungin ito. "Hindi ba nagluluto ang Mama mo ng baon mo?"
"Hindi ko matandaan kung kailan nagluto ang nanay ko ng pagkain para sa 'kin..."
Natigilan siya. Umurong ang dila niya. Nawalan siya ng mga salitang ibibigkas.
Tumingin muli si Kenjie sa mga mata niya. Walang buhay at emosyon itong nagtanong, "Noong nakita kita sa Talipapa kahapon, iyon ba ang Mama mo?"
"Ah... Eh... Oo?" alanganin pa n'yang sagot.
"Mukha siyang mabait," matamlay nitong sabi.
"Oo. Mabait si Mama Mela," wika niya, "Uhm, ano palang ginagawa mo sa tapat ng Fastfood Resto? Nakatingin ka roon sa loob ng fast food resto. Kakilala mo ba 'yong batang nagdidiwang ng birthday n'ya?" pag-iiba niya ng usapan.
Biglang lumungkot ang kislap ng mga mata ni Kenjie. Naging mailap ang paningin nito at muling binaling paiwas sa kanya. Ipinagtaka niya ang kalungkutang lumabas sa ekspresyon ng kausap.
"K-Kahapon din ay...." Humina ang tinig nito. ".... ay birthday ko..."
Parang nakakita siya ng multo nang sabihin iyon ni Kenjie. Nagbago ang ekspresyon ng mukha niya. Napanganga siya at hindi alam kung ano ang itutugon. Saka niya nagunita ang itsura nito kahapon at ang bitbit na isang plastik ng kanin at isang plastik ng libreng sabaw. Hindi niya maiwasan na madagdagan ang awa para sa batang lalaki.
"Ano... I-I'm sorry... H-hindi kita nabati," pautal-utal niyang sabi.
"That's okay. Wala namang bumabati sa 'kin. Saka sa totoo lang, ikaw lang ang sinabihan ko kung kailan ang birthday ko." Parang nahihiya na pinamulahanan na naman ito ng pisngi.
"Alam ko na!" Sinubukan niyang pasiglahin ang batang lalaki. "Mag-celebrate tayo ng birthday mo mamaya!"
Napaawang ang bibig nito at tumingin muli nang diretso sa kanya. "Ha?"
"Mamaya, pagkatapos ng klase, magkita tayo malapit sa Barangay Hall. Hindi ba malapit lang 'yon dito sa school?" nasasabik niyang sabi.
Nakita ni Hiraya na sumaya ang mukha ng lalaki, kumislap ang mga mata nitong tila nakakita ng pag-asa. Ngunit agad na napawi ang saglit na saya nito nang may biglang naalala. Yumuko ito at mahina't malumbay na nagsalita. "Hindi pwede... Hindi papayag si Nanay..."
"Papayag iyon! Akong bahala!"
"Huwag na. Salamat na lang..."
***
"Aya!" tawag ni Mayumi ngunit tila hindi niya narinig. Ang diwa niya ay nananatili pa rin sa huling usapan nila ni Kenjie.
"Aya!" muling tumawag si Mayumi at sa pagkakataon na ito, bahagyang niyugyog ang balikat niya. Napatingin siya sa batang babae kasabay ng pagbabalik niya sa kasalukuyan.
"Aya, ano ka ba? Tulala ka na d'yan!" panenermon nito at nagkrus ang mga braso. "Tinatanong kita kung ano nang gagawin natin? Mukhang hindi na darating 'yong si Banoy. 30 minutes na tayong naghihintay rito."
"Sabi ko na nga ba at iindianin ka n'yon, e!" giit naman ni Oscar.
Saka lang niya napansin na ilang minuto na pala ang dumaan. Malungkot na nagyuko siya ng ulo. "Anong gagawin ko kapag hindi sumipot si Kenjie? Susunduin din ako ni Mama Mela ng Ala-singko rito. Hindi ako pwedeng magtagal. Masyado yata akong naging demanding kanina. Mukhang na-pressure ko si Kenjie na gawin ang gusto ko."
Natahimik sina Mayumi at Oscar nang makita ang reaksyon ng mukha niya. Nagkatinginan ang dalawa na parang pareho ng naisip.
"Aya, huwag kang malungkot," sabi ni Mayumi na bigla siyang sinugod ng yakap. "Ang lalaking hindi sumisipot sa unang date ay dapat kalimutan! Huwag mo s'yang iyakan. Marami pang lalaki d'yan." Kumalas ito ng yakap at sinumpa pa ang pangalan ni Kenjie. "Yari sa akin si Banoy bukas! Ang swerte nga niya sa 'yo, tapos ganyan lang gagawin niya."
"Eh?" Iyon lang ang katagang lumabas sa bibig niya dahil sa OA na reaksyon ng kaibigan.
"Nasasaktan din ako kapag nakikita kang malungkot, Aya." Lumapit din si Oscar sa kanya at may awa ang mga matang nagpatuloy sa pagsasalita. "Mas gusto kong ako na lang ang masaktan kaysa ikaw..."
"Eh?!" Titig na titig na tumingin siya kay Oscar na mas malala pa ang pagka-OA kaysa kay Mayumi.
"Gusto mo bang sugurin na natin sa bahay ang hampaslupang 'yon? Para naman makatikim din siya ng suntok ko?" suhestyon pa nito na nagtaas ng kamao.
"Alam mo ang bahay ni Kenjie, Oscar?" Nagkaroon siya ng pag-asa dahil sa sinabi ng lalaki. Napatayo siya mula sa pagkakaupo sa swing.
"Oo! Malapit lang 'yon dito sa playground. Alam ko sa, ah-----" Napatili ito at naputol ang sasabihin nang bigla itong hinila ni Hiraya.
"Tara na! Puntahan na lang natin sa bahay n'ya!" sabi ni Hiraya habang hila-hila niya sa braso si Oscar.
"OMG! Hindi nawawalan ng pag-asa si Aya. Ang lakas talaga ng loob niya! Go girl!" suporta ni Mayumi na bumuntot sa likod ng dalawang kaibigan.
"I can't believe it. Ikaw pa ang naghahabol. Sobra mo na akong sinasaktan, Aya," maarteng sabi ni Oscar na suminghot pa ng sipon na parang umiiyak na. "Pero kung 'yan ang ikasasaya mo. Sige, tutulungan kita."
Hindi na iniintindi pa ni Hiraya kung ano ang pinagsasabi ng dalawang bata. Ang tanging pokus ng isip niya ay ang mapalapit kay Kenjie at magawang baguhin ang kapalaran nito.
***