Magkasabay silang naglalakad ni Ryder palabas ng talon habang hindi parin tumitigil ang mabilis na pintig ng puso niya.
"Did you grow up here?" Dinig niyang tanong nito.
Napatikhim siya at sumulyap sa lalaki na nakatingin pala sa kanya. Agad naman siyang nag-iwas ng tingin at itinuon ang mga mata sa daan. "Ah, oo. Dito kasi ako pinanganak."
"Really. You don't look like a native here." Komento nito.
Dahan-dahan siyang napalingong muli kay Ryder. "Bakit mo naman nasabi?"
Huminto naman ito sa paglalakad kaya ganun din siya. "First you don't look like a Filipina at all. Your eyes... It's pale blue... Their beautiful. I like them," tila nahahalina nitong sambit.
Napakurap-kurap siya at naasiwang muling nag-iwas ng tingin. "I—ikaw din naman, hindi mukhang pinoy. Mukha kang Afam."
Sa sinabi niya ay bahagyang natawa si Ryder. Lumitaw tuloy ang pantay at mapuputi nitong mga ngipin. Minsan lang siya nakakakita ng ganun sa lugar nila kaya hindi niya maiwasang humanga.
"I know that term. But I am not an afam Malia. I'm half British."
Napatango-tango siya. Kaya pala ang gwapo nito at ang sarap sa tenga tuwing nagsasalita ito ng ingles. "Pasensya na. Iyon kasi ang tawag namin sa mga dayuhan dito na hindi purong pinoy," nahihiya niyang sambit.
Muli na naman itong ngumiti. Siguro noong nagpaulan ng kagwapuhan ang Diyos, present itong si Ryder at sinalo iyon lahat.
"Nevermind. Anyway, how old are you Malia?"
Pati ang pagkakabigkas nito sa pangalan niya ay masarap sa tenga kung pakikinggan. "Twenty three na ako."
"May boyfriend ka na ba?"
Napakurap-kurap siya sa tanong nito bagama't umiling parin siya bilang tugon.
"That's good to hear then," mahina nitong pagkakasabi pero narinig parin niya.
"Bakit mo naman naitanong?" Usisa niya.
Umiling si Ryder bago tumingin sa unahan. "Pwede mo na akong iwan dito. Ako na ang maghahanap ng matutuluyan ko."
"Sigurado ka ba?" Alanganin niyang tanong.
Agad namang tumango si Ryder. Nakaramdam man siya ng panghihinayang sa kaalamang maaaring hindi na niya ito makikita pang muli ay hindi siya nagpahalata at nginitian parin ang lalaki.
"K—kung ganun ay aalis na ako. Mag-iingat ka sa daan at... ikinagagalak kitang makilala," nahihiya niyang sambit.
Kita niyang umangat ang sulok ng labi nito. "Ikinagagalak din kitang makilala magandang binibini."
Bahagya siyang napayuko at ilang sandali pa ang lumipas bago siya muling nag-angat ng tingin. "Alis na ako, Ryder."
Tumango naman ang lalaki. "Mag-ingat ka, Malia..."
Lumipas pa ang ilang segundo bago niya napagpasyahang iwanan na ito sa daan. Matapos ang ilang hakbang ay muli niyang nilingon si Ryder. Nakatanaw parin ito sa kanya at kumaway pa kaya kumaway narin siya pabalik bago nagpatuloy sa paglalakad. Dahil maaga pa naman, papasok na lang siya sa trabaho at naghanap ng dahilan kung bakit siya nalate.
"Aba, bakit mukhang masaya ngayon ang muse ng flower farm?" Usisa ni Becca, ang isa sa mga tauhan ng farm na kaibigan niya.
Napanguso siya bago ibinaling ang mga mata sa bulaklak na kasalukuyan niyang tinatanim sa black bag. "Lagi naman akong masaya."
"Talaga? Bakit parang namumula yang pisngi mo? Nagbablush ka ba?"
Kahit marumi ang kamay niya ay napahawak siya sa kanyang pisngi. "Ano bang pinagsasabi mo dyan?!"
"Aruy! Itong si Malia nagdadalaga na," nakangiti nitong tukso sa kanya kaya agad siyang nag-iwas ng tingin.
"Ewan ko sayo!" Pairap pa niyang sabi.
Hindi talaga nakatiis si Becca at tumabi pa sa kanya. "Sino? Hindi ka naman mahilig sa mga lalaki kaya excited akong malaman kung sino?"
Huminga siya ng malalim habang inaalala si Ryder. Posible palang kiligin sa lalaking isang beses mo lang nakasalamuha? Akala niya ay kailangan makilala mo itong maigi bago ka magkagusto.
"Hindi naman kasi siya taga-dito eh. Bakasyonista yata yun at naligaw lang. Nakilala ko lang siya kanina Becca. Ang gwapo niya kasi kaya humanga ako sa kanya," malumanay niyang kwento.
"Talaga? Mas gwapo pa ba sa Saavedra brothers?" Puno ng interes nitong tanong.
Marahan siyang tumango. Sa kanilang lugar kasi, ang dalawang magkapatid na Saavedra ang pinakagwapo at mayaman pero sa nakita niya kanina, mukhang higit na gwapo si Ryder kaysa sa dalawa.
"Aba! Talagang gwapo nga! Sana makita ko din para kiligin din ako kagaya mo! My gosh! Love at first sight yarn!"
"Sira!" Natatawa niyang ani.
"Pero seryoso Malia, ito ang unang beses na nakita kitang nagkaroon ng interes sa isang lalaki. Ang maipapayo ko lang sayo, maghinay-hinay ka. Alam mo ba na ang mga taong pihikan kapag nagkagusto talagang sagad kung magmahal?"
Dahan-dahan siyang napalingon kay Becca na seryosong nakatitig sa kanya. Matagal na niyang kilala ang babae at dumaan na rin ito sa pakikipagrelasyon.
"Hindi rin naman tayo sigurado kung makikita ko pa ulit yun kaya malabong tuluyan akong mainlove sa kanya."
"Naku! Kahit na! Anong malay natin. Sabi mo nga hindi taga-dito diba? First time mo pa namang magkacrush. Baka mamaya pagsamantalahan ng lalaking iyon ang kainosentihan mo at lokohin ka. Ito ang tatandaan mo, Malia, wag na wag mong isusuko ang bataan. Karamihan sa mga lalaki iyan lang ang habol sa atin!" Tila may galit nitong bigkas.
Hindi niya tuloy maiwasang mapangiwi. "Grabe ka naman, Becca."
"Bakit hindi ba totoo?" May kalakasan nitong bigkas at pinanlakihan pa siya ng mata. "Yang inlove inlove nayan sa una lang yan masaya pagkatapos puro problema na. Kaya mag-iingat ka. Wala pa namang gamot sa sugatang puso."
Napasimangot siya. "Parang tinatakot mo naman ako."
"Hindi naman. Sinasabihan lang kita base sa experience ko. Tsaka magkaibigan tayo. Hahayaan ba naman kitang mapahamak?"
Sa sinabi nito ay napalitan ng ngiti ang simangot niya. "Salamat sa paalala Becca."
"Walang anuman pero naamoy ko na dilis ang ulam mo. Bigyan mo ako mamayang tanghalian ah," anito na ikinatawa niya.
"Oo na. Magtrabaho na nga tayo," taboy niya sa dalaga.
Dumating ang tanghalian. Halos sabay-sabay lang din silang kumain lahat sa mahabang kawayan na mesa. Dumating ang grupo ng mga kalalakihan at umupo di kalayuan sa kanila. Tahimik lang siyang kumakain nang bigla nalang may nag-abot ng adobong manok na ulam sa kanya. Nang mag-angat siya ng tingin, nakita niyang si James iyon.
"Para sayo, Malia, luto ng nanay ko," kaswal nitong sambit.
Agad na pumailanlang ang mapanukso nilang mga kasamahan. Noon paman ay nagpapahiwatig na si James sa kanya na manliligaw ito subalit tinanggihan niya ng maayos ang lalaki. Ganunpaman, hindi parin ito tumitigil sa pagbibigay ng ulam at meryenda sa kanya. Alam niyang sadyang mapagbigay ang binata pero ayaw niyang bigyan ito ng maling akala.
Nahihiya naman siyang ngumiti bago umiling. "Sayo nalang yan, James. Maraming salamat sa pag-alok mo."
"Tanggapin mo na Malia. Marami naman akong dala..."
"Hindi na James. Malapit narin naman akong matapos. Pasensya ka na" malumanay parin niyang tanggi. Bukod sa ayaw niya itong bigyan ng malisya, hindi talaga siya mahilig sa adobong manok kahit na malakas siyang kumain ng balut gayong manok parin naman iyon. Itlog nga lang ang porma.
Nagpakawala ng isang buntong hininga si James bago tumango. "Okay lang," anito bago bumalik sa pwesto nito kasama ang mga kaibigan ng lalaki.
Nang makaalis si James ay naramdaman niyang may nakatitig sa kanya. Inilinga niya ang tingin sa paligid at agad na napansin si Tina na nasa bandang harapan niya at matalim ang titig sa kanya.
"Alam mo Malia. Saksakan ka talaga ng arte. Pinapahirapan mo masyado si James. Feeling mo ang ganda-ganda mo na ano? Dapat nga magpasalamat ka na napansin ka niyan," maanghang nitong patutsada.
Simula ng magtrabaho siya sa farm, mainit na talaga ang dugo ni Tina sa kanya. Mas lumala pa iyon nang malaman nitong pinopormahan siya ni James. Lagi siya nitong pinagdidiskitahan na pinagpapasensyahan nalang niya. Ayaw niyang masangkot sa gulo at baka mag-alala pa ang lola niya.
"Ano naman ngayon kung ayaw tanggapin ni Malia ang ulam? Eh ayaw niya nga sa adobong manok eh! Siguro naiinggit ka kasi gusto mo ikaw ang bigyan kaso dedma ang beauty mo," mapang-asar na sabi ni Becca.
"Anong sabi mo?!" Maangas sa ani Tina at marahas na tumayo.
"Oh, bakit, hindi ba?!" Pagalit nating gantinni Becca.
Mabilis siyang tumayo para awatin si Becca. Agad niya itong hinila palayo sa mesa para hindi na lumaki pa ang gulo.
"Bakit ka ba umiiwas sa babaeng yun! Nasobrahan na ang topak nun sa ulo ha. Kailangan ng patulan para tumigil," gigil na asik ni Becca ng makalayo sila sa mga kasamahan nila.
Huminga siya ng malalim bago sumagot. "Trabaho ang hanap natin dito Becca at hindi away. Baka kapag lumaki pa ang gulo pareho tayong masesante. Iyon lang naman ang iniiwasan ko."
Pinamewangan naman siya ng dalaga. "At hahayaan mo nalang na api-apihin ka ng pangit nayun? Kaya hindi yun pinansin ni James, mukha kasing ipis ang gagà!"
Imbes na sumagot siya ay natawa narin siya. "Baliw! Grabeng panlalait yan."
"Totoo naman kasi. Inggit yan sa beauty mo kaya bitter. Sorry nalang siya, kahit ilang foundation pa ilagay niya sa feslak niya, di ka parin niya mapapantayan."
Napailing nalang siya. "Hayaan mo na. Lalaban naman ako kapag sobra na talaga..."
Napabuntong hininga ang kaibigan niya. "Ewan ko sayo, Malia."
Sumapit na ang uwian nila. Medyo natagalan siya dahil may isinagawa pang meeting ang buong farm kasama silang mga tauhan. Papalapit na siya sa kanila nang mapansin niyang may ilaw ang kubo na katabi ng bahay ng lola niya. Matagal ng walang umuukupa doon kaya nakapagtataka.
Nakita niya ang kanyang Lola Margarita na nakaupo sa papag at mukhang hinihintay siya. Agad siyang nagmano sa matanda bago nilingon ang kubo.
"Bakit po may ilaw ang kubo, Lola?"
"May naghahanap kasi ng pansamantalang matutuluyan kaya pinagbigyan ko na. Extra income, apo," sagot nito kasabay ng paglabas ng isang lalaki.
Kumunot ang kanyang noo nang makitang si Ryder ang tinutukoy ng lola niya!