"B—bakit po siya nandito?" Puno ng pagtataka niyang tanong.
Tumayo ang kanyang Lola Margarita at sinenyasan pa si Ryder na lumapit. Hindi naman nag-atubili ang lalaki at agad na naglakad sa kinaroroonan nila.
"Hijo, ito ang apo kong si Malia. Diba napakagandang bata?" Nakangiti nitong sambit.
Nilingon niya si Ryder na nakatitig sa kanya. Pinukol niya ito ng nagtatanong na tingin subalit nginitian lang siya ng lalaki.
"Good evening Malia," bati pa nito.
Nang hindi siya sumagot ay palihim siyang siniko ng kanyang lola kaya napilitan siyang ngumiti dito. "G—good evening din," mahina niyang bigkas.
"Totoo nga pala ang sabi ninyo sakin kanina Lola. Manang-mana po sa inyo si Malia," baling ni Ryder sa lola niya.
Tumawa ang kanyang Lola Margarita dahilan para lihim siyang mapangiwi. Ano kaya ang nakain nito at pinatuloy si Ryder sa kubo nila.
"Naku, sinabi mo pa!"
"Lola, mag-usap muna tayo," bulong niya sa matanda.
Nginitian nito si Ryder. "Pasok muna kami sa loob ha. Pumasok ka na rin sa kubo dahil malamig na."
Marahan niyang iginiya ang kanyang Lola papasok at iniwan na si Ryder sa labas. Agad niyang isinara ang pinto at dinala ito sa kusina.
"Lola, bakit niyo po pinatuloy ang lalaking iyon dito?" Tanong niya.
Totoong may crush siya sa lalaki ng una niya itong makita pero parang hindi yata tama na narito ito sa pamamahay nila lalo pa't isa parin itong estranghero. Naalala niya kanina na sinabi nitong gusto nitong tumuloy sa bahay niya. Sinusundan ba siya nito? Hindi kaya stalker ang lalaki? Kung ganun ay napakamalas naman niya. Minsan na nga lang siya magkakagusto, sa stalker pa!
"Ay, ano kaba naman! Dagdag income iyon apo. Alam mo namang matagal ko na talagang planong paupahan yang kubo sa labas kaya lang wala namang pumunta dito para magrenta," paliwanag ng matanda.
Nagpakawala siya ng isang malalim na buntong hininga. Mukhang hindi na niya mababago pa ang isip nito dahil kapag nagdesisyon ang Lola niya, hinding-hindi na talaga nito binabawi.
"Sigurado po ba kayo na hindi siya masamang tao?"
Muling ngumiti ang Lola Margarita niya at parang kinikilig pa. "May masamang tao ba na ganyan ka-gwapo? Kahit medyo malabo na ang mata ko, alam kong pogi ang lalaking yan. Bagay na bagay kayo. Dapat ganyan ang mga lalaking pipiliin mo. Parang artista."
Napailing nalang siya. Walang patutunguhan ang usapan nila ngayon kaya naman iniwan na niya ito sa sa kusina at pumasok na sa kanyang silid para magbihis. Matapos niyang kumain ng hapunan ay dumiretso na siya ng higa sa kanyang kama subalit lumipas nalang ang ilang sandali, hindi parin siya dinadalaw ng antok.
Huminga siya ng malalim bago bumangon at sumilip sa bintana. Napakurap-kurap siya nang makita si Ryder na nakaupo sa kawayang papag na paborito nilang tambayan ni Corazon. Mukhang malalim ang iniisip nito.
Napagpasyahan niyang lumabas para kausapin ang lalaki tutal ay hindi pa naman siya inaantok. Agad na lumingon sa kanya ang binata nang maramdaman nitong papalapit siya.
"Hi," maikling bati ni Ryder.
"H—hi," nahihiya niyang tugon.
Umupo siya sa papag may kalayuan kay Ryder. Ramdam niya ang pagsunod ng mga mata nito sa kanya dahilan para makaramdam siya ng pagkaasiwa.
"Gabi na. Hindi ka pa ba matutulog?" Tanong niya.
Umiling naman si Ryder. "Hindi pa ako inaantok. Ikaw? Why did you come out of the house?"
"Hindi rin ako makatulog."
"Pwede ba tayong mag-usap?" Tila alanganin nitong ani.
"Pwede naman..."
Humugot ito ng hangin bago muling nagsalita. "I saw your reaction earlier."
Agad siyang lumingon kay Ryder na nakatitig sa kawalan. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin niya kaya nanatili lang siyang tahimik.
"I'm sorry kung hindi mo nagustuhan ang pagrenta ko dito sa kubo ninyo," anito sa mababang boses. "But I just want to tell you I didn't mean any harm, Malia. Nakasalubong ko ang Lola mo kanina na may dalang pamalengke kaya tinulungan ko siya dahil nahihirapam siyang bitbitin ang mga iyon. Nagkakwentuhan kami saglit and that's when I told her na naghahanap ako ng bahay na matutuluyan. She offered me her little nipa hut," pagpapatuloy pa ng lalaki.
Kinagat niya ang pang-ibaba niyang labi. Nakonsensiya tuloy siya at pinag-isipan niya ito ng masama. "Sorry..."
Mahinang natawa si Ryder. "No, it's not your fault. Your reaction was normal, Malia and I'm not upset with you."
"Pero kasi..."
"Huwag kang mag-alala Malia. I will find another place to stay but I have a favor to ask you."
Napakurap-kurap siya. "A—ano naman?"
"Can I stay for the night? I mean sobrang gabi na kasi. Bukas nalang ako maghahanap ng ibang matutuluyan."
Ilang sandali siyang nakatulala sa gwapo nitong mukha. Kung hindi pa ito nagsalitang muli ay hindi pa siya matatauhan.
"Can't I?"
"Uhh... O—oo naman!"
Hindi niya maintindihan pero bigla siyang nakaramdam ng lungkot sa kaalamang aalis na ito bukas. Ano kaya ang nangyayari sa kanya? Bakit masyado siyang attached sa lalaki gayong kakakilala palang nila?
"H—huwag ka na lang umalis," mahina niyang bigkas sabay yuko.
Ilang sandali pa ang lumipas subalit hindi nagsalita si Ryder. Nang mag-angat siya ng tingin ay napagtanto niyang nakatitig pala ito sa kanya. Napakurap-kurap naman siya kasabay ng pamumula ng kanyang pisngi. Mabuti nalang at medyo may kadiliman na kaya hindi siya mahahalata ni Ryder.
"M—may problema ba?" Kinakabahan niyang tanong.
Ngumiti si Ryder bago umiling. "Nothing."
Napatango siya bago muling itinuon ang mga mata sa unahan. "Aalis ka ba talaga bukas?"
"No. You told me not to..."
Bahagya siyang napanguso. "Bakit ang tagal mong sumagot?"
"I am busy looking at your face..."
Napakurap-kurap siya bago tiningnan si Ryder. "Huh? Bakit? May dumi ba yung mukha ko?"
Umiling ito bago ngumiti. "Nothing. Pumasok ka na sa loob. Malalim na ang gabi at malamig na dito sa labas."
Tumango siya bago tumayo. "Maiwan na kita," paalam niya bago ito tinalikuran.
"Good night, Malia," anito sa baritonong boses.
Napatikhim siya bago nilingon ang lalaki. "Goodnight din Ryder..."
Tinanguan siya nito. Ilang segundo pa niyang pinagsawa ang kanyang sarili sa pagtitig sa binata bago siya muling tumalikod at pumasok ng bahay.
Kinabukasan ay tinanghali siya ng gising. Hindi kasi siya nakatulog ng maayos dahil sa kaisipang nasa malapit ng lang si Ryder. Inabot nga siya ng ala-una ng madaling araw bago dinalaw ng antok. Pagkalabas niya ng silid ay naroon na sa kusina si Ryder habang kausap ang Lola niya. Mukhang close na close na ang dalawa gayong kahapon pa lang naman sila nagkita.
Maya maya pa'y lumingon si Ryder sa gawi niya at ngumiti. Nahihiya naman siyang ngumiti pabalik. Palihim pa niyang pinakiramdaman ang kanyang sarili dahil nakalimutan pa naman niyang humarap sa salamin. Baka magulo ang kanyang buhok at may muta pa siya sa mata. Nakakahiya!
"Kumain ka na dito para hindi ka mahuli sa trabaho mo," aya ng kanyang lola at hinainan na siya ng sinangag na kanin at pritong itlog.
"Salamat, Lola," malumanay niyang bigkas.
"Nga pala, maaga ka bang matatapos mamaya?"
Nag-angat siya ng tingin. "Bakit po? May ipapagawa po ba kayo?"
Agad itong umiling. "Wala. Si Ryder kasi may bibilhin sa bayan. Baka naman pwede mo siyang samahan dahil hindi pa niya kabisado ang lugar."
Nilingon niya si Ryder na nakatitig sa kanya. "It's okay, Lola Margarita. Baka makaistorbo ako kay Malia."
Mahinang tumawa si Lola Margarita bago umiling. "Ano ka ba naman. Hindi ka nakakaabala sa kanya. Diba apo?" Baling nito sa gawi niya.
Wala na siyang nagawa kundi ang tumango bilang pagsang-ayon. Matapos siyang makapag-agahan ay agad na siyang nagtungo sa flower farm.
"Becca, may tanong ako," aniya habang nagmemeryenda sila.
"Hmm? Ano?"
"Ano bang tawag mo dun sa taong bago mo palang nakilala pero parang malapit ang loob mo sa kanya. Yun bang kunwari sinabi niyang aalis na siya, bigla nalang akong nalungkot at parang ayaw ko siyang umalis?"
Napakurap-kurap pa si Becca at ilang segundo ang lumipas bago ito nakapagsalita. "Kahapon na-love at first sight ka, ngayon naman may soul bond ka na?"
"Soul bond?"
Ilang beses na tumango si Becca. "Uhm. Diba sabi mo malapit siya sa puso mo. Nalulungkot ka kapag aalis siya. Inshort, ayaw mong mapalayo sa kanya kahit bago lang kayong magkakilala."
"Uhm," nakalabi niyang tugon.
"Oh, eh di yun na yun! Bakit sino ba yang maswerteng nilalang nayan?" Puno ng interes nitong tanong.
Huminga siya ng malalim bago umiling. "Wala. Naitanong ko lang."
"Talaga?"
"Oo nga sabi."
Sandali siyang tinitigan ni Becca bago nagkibit balikat. "Sige. Sabi mo eh."
Nang dumating ang uwian ay nagmamadali siyang lumabas ng farm. Nakaramdam siya ng excitement sa kaisipang magkasama silang pupunta ni Ryder sa bayan. Kasalukuyan siyang naglalakad nang may bigla nalang humawak sa kanyang braso. Nang lingunin niya kung sino ay si James ang nakita niya.
"May sadya ka ba James?" Kaswal niyang tanong.
"Yayayain sana kitang mamasyal mamayang gabi. Marami kasing kasiyahan mamaya lalo na't malapit na ang fiesta."
Pilit siyang ngumiti. "Pasensya ka na James pero may lakad kasi ako. Pupunta ako ng bayan ngayon dahil may iniutos ang Lola."
Tila nagliwanag naman ang mukha ng binata. "Talaga? Kung ganun ay sasamahan nalang kita para makapamasyal naman tayo."
Mabilis siyang umiling. "Hindi na. Ako nalang ang pupunta."
"Pero gagabihin ka sa daan. Mas mabuti ng kasama ako para ligtas ka," pagpupumilit pa nito.
"Hindi na talaga James. Kaya ko na ang sarili ko."
"Hindi Malia. Kahit anong sabihin mo ay sasamahan kita," anito sabay hila sa kanyang braso.
Pilit naman niyang binabawi ang kanyang braso na hawak nito. Ayaw niya sa pagiging agresibo ni James ngayon. Mas lalo lang siyang nawalan ng amor sa lalaki.
"Bitiwan mo'ko James—" bago paman siya matapos sa kanyang sasabihin ay may pumigil na sa braso niyang hawak ni James.
"Let go of her..."