Kinabukasan sa bahay nina Ria...
Habang kumakain ng tinapay na may palamang mantikilya at asukal si Ria, napansin ni Alexander na tulala ito. Hindi katulad ng dati na madaldal at masigla, tahimik lang si Ria at parang malalim ang iniisip.
“Hoy Ria, anong iniisip mo diyan? Si Sean na naman ba?” pang-aalaska ni Alexander habang ngumunguya ng pandesal.
Napakunot-noo si Ria at agad na napatingin kay Alexander.
“Hindi ah! Wala akong pakialam sa kanya. Saka ang arte niya, ‘di ko naman maintindihan agad 'yung mga sinasabi niya,” depensa ni Ria, pero halata sa pisngi niya ang pamumula.
Tumawa si Alexander. “Eh bakit namumula ka? Hala, crush mo na 'yon no? Yung batang sosyal!”
“Ewan ko sa'yo! Malisya ka agad,” balik ni Ria sabay irap, pero di na rin napigilang mapangiti ng kaunti.
Samantala, sa loob ng Mansion, naka-upo si Sean sa kanyang playroom habang hawak ang sketchpad. Gumuguhit siya ng dalawang batang magka-hawak kamay–isa ay mukhang si Ria at ang isa ay si Alexander. Sa gilid ng drawing, may nakasulat na:
"
My New Friends - Hope to see them again."
Maya-maya ay dumating si Yaya Ising, dala ang telepono.
“Sean, may balita ako. Nakausap ko si Lola Iska mo kahapon,” sabi nito sabay abot ng telepono kay Sean.
“Really po, Yaya? Anong sabi niya?” biglang ningning ang mga mata ng bata.
“Hmm... Sabi niya, kapag may bakanteng oras, puwede raw kayong magkita. Pero kailangan din natin ng permiso sa Mommy at Daddy mo,” paalala ni Yaya Ising.
Biglang bumagsak ang balikat ni Sean. “Eh alam mo naman si Mommy... lagi siyang busy. At si Daddy nasa ibang bansa pa...”
“Hayaan mo na, anak. Gagawa tayo ng paraan. Malay mo, isang araw, magulat ka na lang–nasa harap mo na ulit sila.”
Paglipas ng ilang linggo...
Dumating na ang unang araw ng pasukan. Maaga pa lang ay sabay na sina Ria at Alexander sa paglakad papuntang paaralan. Nakasuot sila ng malinis na uniporme at dala-dala ang mga mumunting bag na bagong-bili lang ni Lola Iska, kahit luma na, ay pinilit niyang maging maayos para sa mga apo.
Sa di inaasahang pagkakataon, habang papasok sila sa kanilang classroom, biglang may humintong kotse sa labas ng gate ng Public School.
Bumukas ang pinto–at bumaba si Sean, naka-uniporme rin, pero hindi ng Private School sa tabi.
“Sean?! Anong ginagawa mo dito?” sabay tanong nina Ria at Alexander na parehong nagulat.
Ngumiti si Sean. “Sabi ni Mommy, gusto raw niyang matutunan ko kung paano maging ‘normal kid’. Kaya dito muna ako mag-aaral.”
Napa-nganga si Alexander at napakapit sa braso ni Ria. Si Ria naman, hindi makapaniwala. Sa unang pagkakataon, napatingin siya kay Sean at ngumiti, hindi dahil sa gulat–kundi dahil sa tuwang hindi niya maintindihan.
At sa araw na iyon, nagsimula ang isang kakaibang pagkakaibigan, sa pagitan ng dalawang mundo na pinagbuklod ng isang pisong barya na gumulong sa gitna ng kalsada.
Ika nga ni Lola Iska, "Minsan, ang malas ay daan din pala sa biyayang hindi mo inaasahan."
“Dito ka din pala inenroll sa Public School? Akala ko sa Private School ka?” tanong ni Ria kay Sean, habang kinukuyom ang strap ng kanyang lumang bag. Hindi maikakailang may halong pagtataka ang kanyang boses, at halatang naiilang siya sa presensya ng batang sosyal na kaklase na ngayon ay isa na ring estudyante sa kanilang paaralan.
Medyo napakamot sa batok si Sean, parang hindi niya rin alam kung paano sasagutin si Ria.
“Uhm... sabi ni Mommy, gusto raw niya akong makihalubilo sa mga bata na iba ang pinanggalingan... para raw maranasan ko ang totoong buhay... para matuto ako maging—uh, humble?” sagot ni Sean, medyo pabulong at nahihiya.
Napanguso si Ria. “Ah ganun ba... 'Di bale, dito mas masaya. Hindi mo kailangan ng maraming pera para maging masaya dito.”
Sumingit si Lola Iska habang iniaayos ang suot na sombrero, “Sige na mga bata, magsipasok na kayo sa inyong paaralan. Mahuhuli na kayo sa classroom ninyo.”
Agad namang tumalima si Ria at hinila si Alexander sa braso. Pero si Alexander, nananatiling parang tuod sa kinatatayuan. Walang kakurap-kurap na tinitigan niya si Sean, habang unti-unting namumula ang pisngi at dahan-dahang tumitirik ang mga mata sa tuwa.
“Hoy! Tara na! Pasok na tayo!” mariing sabi ni Ria, sabay batok kay Alexander, na parang binuhusan ng malamig na tubig at biglang natauhan.
“Ah—uh—oo, tara, tara!” sagot ni Alexander, sabay iwas ng tingin kay Sean, habang sinisikap itago ang ngiti na pilit bumubulwak sa kanyang mukha.
Sa loob ng classroom...
Unang araw ng klase. Maingay ang mga estudyante, kanya-kanyang kwentuhan. Pero agad itong tumahimik nang pumasok ang kanilang guro, si Ma’am Letty, mataray sa unang tingin pero may pusong mamon sa loob.
“Class, tahimik. May bago tayong kaklase,” sabi nito sabay turo kay Sean.
“Introduce yourself,” dagdag pa ng guro.
Tumayo si Sean sa harapan, halatang kinakabahan.
“Hi... I'm Sean Soriano. Nice to meet you all,” sabi niya na may kaunting American accent.
Tahimik ang buong klase. Tila hindi nila alam kung matutuwa ba sila o maiilang sa bago nilang kaklase na halatang galing sa marangyang buhay.
Hanggang may sumigaw sa likod, “Wow, artista! Siya ‘yung sa commercial ng sabon, ‘di ba?”
Nagkagulo ang buong klase. Lahat nagtanong, lahat gustong lumapit. Si Alexander, nanatiling naka-ngiti lang sa gilid habang nanginginig ang tuhod.
“Sean, dito ka na umupo,” tawag ni Ma’am Letty, itinuturo ang bakanteng upuan sa tabi nina Ria at Alexander.
Umupo si Sean sa pagitan nila. Tahimik. Medyo awkward.
Pero si Ria, hindi komportableng nakaupo. Panay sulyap niya kay Sean, tapos kay Alexander, na parang binabasa niya kung ano ang iniisip ng kanyang kaibigan.
Pag-uwi sa hapon...
Habang naglalakad pauwi, magkatabi si Ria at Alexander. Si Sean naman ay may sundo pa rin—ang pamilyar na magarang kotse. Pero bago ito sumakay, tumakbo siya pabalik sa dalawa.
“Ria! Alexander! Gusto n’yo po ba pumunta sa bahay namin minsan?” tanong ni Sean.
“Ha? Sa mansion?” tanong ni Ria, na parang di makapaniwala.
“Uhm... oo. May swimming pool, arcade, at trampoline doon!” nakangiting anyaya ni Sean.
Namula si Alexander. Napatingin sa langit. “Trampoline...” mahinang bulong nito.
“Puwede ba 'yun?” tanong ni Ria, kunot-noo. “Baka magalit ang nanay mo?”
“Hindi. Basta kasama si Yaya Ising, okay lang,” sagot ni Sean. “Promise, masaya 'yun!”
Tumango si Alexander, halos hindi na makapagsalita.
Pero si Ria, ngumiti lang. “Sige. Tingnan natin. Basta may aral muna bago gala.”
Sa gabing iyon sa bahay nina Ria...
Habang nakahiga si Ria sa banig, nakatingin siya sa kisame.
“Lola Iska... mababait po ba talaga ang mga mayayaman?” tanong niya.
Ngumiti si Lola Iska habang nagsusuklay ng kanyang buhok.
“Hindi mahalaga kung mayaman o mahirap, iha. Ang mahalaga, may puso. At sa nakikita ko... ‘yung batang si Sean, may puso.”
Habang sa kabilang dako, si Sean...
Nakaupo sa kama, hawak-hawak ang sketchpad. Dinugtungan niya ang dati niyang drawing—ngayon, tatlo na silang magka-hawak kamay: siya, si Alexander, at si Ria.
Sa ilalim ng drawing, isinulat niya:
"Some friendships don’t care about where you came from. They just begin."