NAGING instant ka-textmate ni Janine si Louie matapos niyang ibigay ang numero rito.
“Siya nga pala, noong Foundation Week namin, bakit nagpumilit kang makapasok sa school?” tanong ni Janine nang makita niya ulit ito sa katapat na gusali ng kanilang paaralan nang uwian na nila. “Pwede namang bumili ng ticket, pero nagpumilit ka pa talaga na wala kang pera.”
“I really didn’t have money back then because I forgot my wallet.”
“Pwede namang umuwi at kunin muna iyong wallet mo, pero bakit gustong-gusto mo nang pumasok noon?” kuryoso namang tanong niya.
Saglit itong tumahimik bago nagsalita, “I want to be honest with—”
“George?”
Sabay silang napalingon nito sa babaeng nagsalita.
“Betatche?” nagtatakang tawag niya sa apelyido ng estudyanteng nasa harapan na nila ngayon.
Pero hindi siya pinansin dahil na ay Louie ang atensiyon nito. “My! It’s really you! Ano’ng nangyari? You stopped texting me,” bati nito sa katabi niyang tila naging bato na.
“Jenny,” namamaos na bati ni Louie sa ka-schoolmate niya nang makahuma na.
She knew who Jenny was, sikat itong varsity player ng volleybal, at ito rin ang itinanghal na Ms. Campus noong nakaraang taon. Magkaklase rin sila noong Grade seven sila. Pero paano nitong nakilala si Louie? And, who was George?
“Ayaw ko mang aminin, pero medyo na-miss kita.” Bahagya pang humagikgik si Jenny sa isiniwalat.
Natigilan siya sa narinig, pagkuwa'y sinabing, “M-mauuna na ako, nandiyan na kasi si Erik,” sabad niya nang mamataan ang sasakyan nilang minamaneho ng kanyang kuya. Nag-text kasi ito kanina na susunduin daw siya dahil pauwi na rin naman ito galing sa unibersidad na pinapasukan nito.
“Sandali lang, Vergara, magkakilala pala kayong dalawa ni George?” baling ni Jenny sa kanya na tila ngayon lang siya napansin.
Umiling siya, at wala rin sa sariling tumango saka lumayo na.
“Janine,” tawag pa ni Louie ngunit hindi na niya nilingon at pinansin pa.
Nang makasakay siya sa sasakyan ay nilingon niya kaagad ang dalawa na mukhang may seryosong nang pinag-uusapan.
Magdamag niyang inisip ang tagpong iyon kaya naman, kinabukasan, paggising niya ay namumugto ang ilalim ng kanyang mga mata. Hindi rin niya in-on ang cellphone at saka hinayaan na lang na lowbat iyon. Hindi na rin niya dinala sa eskwelahan.
Maging sa klase ay nawalan siya ng pokus hanggang sa mag-uwian na. Nagpasya siyang hindi na muna dadaan sa main gate katulad ng lagi niyang ginagawa, bagkus ay sa second gate na kahit medyo malayo iyon sa sakayan. Hindi pa naman siya susunduin ng kanyang kuya ngayon.
“Vergara, wait!”
Napahinto siya nang marinig na may tumatawag sa kanya. Si Jenny Betatche.
“Kanina pa kita tinatawag, hindi mo yata ako naririnig,” aniito habang nagmamadaling makalapit sa kanya.
“Pasensya na, nagmamadali kasi ako.” Alam niya sa sariling hindi totoo iyon.
But still, out of respect, she stopped walking to wait for her to come nearer. Mukhang may sasabihin kasi at hinanda na niya ang sarili kung kokomprontahin siya nitong layuan ai Louie.
Nagsabay silang maglakad at kapagkuwa’y huminto sila sa waiting shed malapit sa second gate.
“Siya nga pala, pasensya na kung hindi ko napansing magkasama kayo ni George kahapon. Nabigla lang kasi talaga ako na naroon siya,” panimula nito.
“George?” kunwaring tanong niya kahit na sa totoo lang ay nalilito pa rin siya.
“Iyong lalaking kasama mo kahapon. Si George.”
“Ah.” Napatango siya.
“Nililigawan ka ba niya?” direktang tanong nito.
Sa kanyang isipan ay panliligaw na ang ginagawa ni Louie sa kanya. Ang paghihintay nito tuwing tapos na ang kanyang klase, ang palaging pagte-text nito sa kanya. Pero mukhang nagkamali siya ng akala. Kasi naman kahit alam naman niyang imposible na siya ang hinihintay nito ay hindi niya napigilang maging assuming lalo pa’t nagkakilala na sila ng huli.
“To be honest, George was my suitor before. We were supposed to meet last Foundation Week but he didn’t see me before the pageant has started. Eh, kailangan na ako sa stage kaya hindi ko na siya nahintay pa,” kaswal na paliwanag nito. Ito kasi ang Master of Ceremony sa pageant nang gabing iyon kaya kailangang nasa venue lamang ito.
Hindi niya alam kung bakit nito sinasabi ang mga iyon sa kanya. Palalayuin na ba siya nito kay Louie? George? O kung ano man ang pangalan lalaki? Napabusangot siya at inunahan na ito. “Huwag kang mag-alala, wala naman akong balak na agawin siya sa iyo.”
Pumalatak si Jenny. “That’s not what I want to say, though.” Napangisi pa ito “Now I know why he stopped texting me. Ni hindi ko na rin nakaka-chat.”
Kumunot ang kanyang noo.
“I mean, don’t get me wrong, ah, he’s nice and all. Pero nagtaka lang talaga ako na bigla siyang nawala. Hindi lang pala sa mag-jowa na-a-apply ang ghosting, pati sa suitors din.” Naiiling na tumawa ito pagkatapos sabihin iyon.
“Why are you saying all of these to me?”
“I’m saying that you should be careful. George is a playboy. Halata naman, ‘di ba?”
Tumango siya dahil iyon naman talaga ang unang impresyon niya sa binata.
“But believe me when I say he is nice. He actually explained to me yesterday that he was still texting me; that he’s been asking me to meet him so the two of us can talk; that he’ll wait for me everyday...”
Kung ganoon pala, si Jenny ang hinihintay nito araw-araw? And here she thought he had been waiting for her so he could see her.
Ilusyonada ka, Princess Janine. Assuming.
“He said he wanted to personally tell me that he is going to stop courting me. That he doesn’t really like me that much.” Saglit itong bumuntong-hininga. “Sayang, I like him pa naman,” dagdag pa nito.
“Akala ko ba, hindi na siya nagti-text sa iyo?” hindi napigilang komento niya dahil naguluhan siya sa sinabi ng huli.
“That’s what I thought, too! Nakalimutan kong nagpalit na nga pala ako ng sim card. Saka hindi na rin naman ako sa main gate dumadaan, sinusundo na ako lagi rito sa second gate,” paliwanag nito. She then sighed, “And lately, I realized I kind of miss him.”
“Bakit hindi mo siya sagutin ngayon?”
“Masokista ka rin, Janine Vergara, ‘no? Talagang itatanong mo sa akin iyan?” tukso nito. Medyo sarkastiko rin ang tono.
Hindi naman siya nakasagot.
Ngumisi ito. “Don’t worry, I know you like him. I can sense it since I am a girl, too.”
Maang na napatingin siya rito. Was she that transparent?
“Huwag mo na akong pagselosan. ‘Past is past’ ‘ika nga kahit wala naman talaga kaming past,” natatawang pansin nito sa pananahimik niya. “To be honest, we’re not really a thing. Ako talaga ang unang lumapit sa kanya. At dahil alam kong hindi siya tumatanggi sa mga babaeng gustong maka-fling siya, kaya ayun, lumakas ang loob kong makipaglapit.”
Tumahimik siya. She was ready to listen for more information. At nagpatuloy nga ito.
“Imbis na lumitaw na ako ang nanligaw, sinabihan niya akong liligawan niya ako. How nice of him, right? Playboy siya pero hindi manloloko. Maloko siguro, oo.”
Nangunot ang noo niya dahil ang g**o ng statement nito. Mayroon bang ganoon?
“I mean, jeez! Basta. Once you get to know him more, you will know what I am saying.”
Hindi sila magkaibigan ni Jenny, hindi rin sila close, pero hindi siya na-offend sa paraan ng pagkukwento nito. Hindi ito trying hard na makipag-usap sa kanya. Hindi gaya ng iba na feeling close kahit halata naman hindi gusto ang kausap.
“Basta, nililinaw ko lang sa iyo na wala kaming relationship ni George.”
“Thanks for telling me, Jenny.”
May pakiramdam siyang mula sa araw na iyon ay hindi na lang last-name basis ang pagtawag nila nito sa ngalan nila. She had this feeling that they would become friends. Not that close, but still, good friends.
“O, sige na, nandito na ang sundo ko,” paalam nito at kumaway sa kanya.
Pagkauwi ay saka pa lamang niya ch-in-arge ang cellphone. Pagkabukas niya ay nag-ring kaagad iyon. Nasagot niya nang hindi sinasadya.
“You’re phone was off all day and last night, too. What happened? Are you alright?” bungad ng nasa kabilang linya.
Imbis na patayin ay hinayaan niyang ongoing ang tawag. Si Louie ang tumawag.
He sighed heavily. “I’m sorry about yesterday, I was about to tell you—”
“Nasabi na ni Jenny ang lahat sa akin.” putol niya sa sasabihin.
“I still want to tell you. I want to be honest with you.”
“Feeling ko naman, nasabi na ni Jenny ang lahat. Sige na, may gagawin pa ako,” agarang tugon niya. Muli ay malalim naman na bumuntong-hininga ang nasa kabilang linya.
“Alright.”
Iyon lang? Pumayag na itong tapusin ang tawag? Alright?
Pinatay na niya ang tawag. Ilang sandali lang ay nakatanggap siya ng text message pero hindi na niya binasa dahil sunod-sunod na ang pagtunog ng kanyang message alert tone. Paniguradong kanina o kagabi pa ang mga text message na iyon kaya naman ay hinayaan na niya munang mag-charge ang cellphone.
Naiinis na tinahak niya ang daan papasok ng banyo para makapag-shower muna. Halos mamula at mairita ang kanyang balat sa madiin na pagkuskos ng bimpo dahil sa inis na nadarama. Bakit ba siya naiinis? Hindi niya maintindihan ang sarili.
Matapos niyon ay kumain na sila ng hapunan ng kanyang pamilya.
“Kumusta sa iskwela, anak?” ang kanyang mama.
“Okay naman po. Malapit na ang periodical tests kaya busy na niyan.”
“Galingan mo. Kapag magre-review ka, huwag iyong masyadong gabi para hindi ka mapuyat,” habilin nito. Pagkuwa’y bumaling sa kanyang kuya.
“Nagbo-boyfriend ka na ba?” baling ng Tita Sheng niya sa kanya matapos magkumustuhan ng mama at kuya niya.
Nasamid siya sa iniinumang tubig. “P-po?” How odd was it that Louie came into her mind? He was not even her suitor!
“May boyfriend ka na, ano?”
“W-wala pa, Tita!”
“Wala pa!” ulit nito. “Baka mayroon na at itinatago mo lang sa ‘min? Mamaya ay paglalandi pala ang inaatupag mo at hindi ang pag-aaral.”
“Totoo ba iyon, apo?” ang kanyang lola.
“Wala po.”
“Hayaan n’yo na ang anak ko. Magsasabi naman iyan kung may nanliligaw sa kanya,” sabad ng kanyang mama at nabaling naman sa kuya niya ang atensyon dahil ito ang iba-iba ang babaeng pinakikilala sa kanila.
After they ate, she washed the dishes. Pagkatapos ay nagpahinga siya sa kwarto at habang nagpapahinga ay kinuha niya ang nagcha-charge na cellphone, binasa niya ang huling text message ni Louie sa kanya. Kanina lang iyon s-in-end, pagkatapos siguro nilang mag-usap.
Louie:
I know you’re tired. Magpahinga ka agad. Marami akong text sa iyo, hayaan mo na lang ang mga iyon.
Nagpasya siyang basahin ang mga ibang text message bago mag-reply rito. Laking-gulat niya nang mapansing ang dami ngang mensahe ni Louie sa kanya.
Louie:
Nakauwi ka na ba?
Louie:
I’m sorry about a while ago,
Louie:
Please reply.
Louie:
Text me when you’re done with what you’re doing.
Louie:
Are you still awake? If you are, text me.
Louie:
I can’t call you, you’re phone is unreachable. Are you okay?
Louie:
Oras na. Baka natutulog ka na pala. Good night. Please text me tomorrow.
Ang sumunod na mga mensahe ay kanina lang.
Louie:
Good morning. I hope you slept well. I’ll wait for you later.
Louie:
Your phone is not ringing. Are you alright?
Louie:
Did you eat your lunch?
Louie:
I’m here...
Halos isang oras matapos ng text na iyon ay may text ulit ito.
Louie:
I’m still here. Nakauwi ka na ba? If yes, text me, and I’ll go home.
Louie:
Please reply so I would know if you’re okay. I’m starting to worry, Janine. I didn’t see you at your school. Wala nang mga estudyante rito.
May humaplos sa kanyang puso nang mabasa ang mga messages nito. Nakonsensya tuloy siya na hinayaan niyang naka-off ang kanyang cellphone. Halos manlaki rin ang kanyang mga mata sa huling text nito na wala nang estudyante sa school. Did it mean he waited that long?
She typed in a new message:
I’m sorry,|
She deleted it and typed a new one:
Hi, I’ll be seeing you tomorrow, ok? ;’)
Pagka-send niya ay mayroon agad itong reply ilang sandali lang ang nakalipas.
Louie:
Thank you. I’ll be there.