MAKALIPAS ng dalawang linggo ay lumipad na pa-France si Louie. Sa Marseille, France ito nakahanap ng trabaho roon. Hindi na niya hinatid ang kasintahan dahil ayaw niyang mag-iyakan sila sa airport. Uuwi rin naman ito makalipas ng dalawang taon. Time flies fast as they say. Bukas-makalawa ay kasama na niya ulit ang minamahal.
Naging abala siya sa pagma-Master’s at hindi niya namalayang mag-iisang taon na noong umalis si Louie. Puspusan din ang pagpapa-rank niya upang makapagturo na siya sa public school next school year, at kasabay niya si Elise sa pagtupad ng pareho nilang mga pangarap.
Napailing siya. Parang kailan lang noong bumagsak sila sa board exam. Awa ng Diyos, nang ikawalang take nila ay pumasa na sila. Ayos lang sa kanya kahit halos palakol ang pagkakapasa niya, ang importante ay pumasa na sawakas.
“Totohanan na ba iyan?” pansin ni Elise sa kanya sa gitna ng pagmumuni-muni niya.
“Oo, lupa na muna ang bibilhin ko kasi hindi pa keri ng ipon ko ang bahay.”
Napagpasyahan niyang mag-invest na ng lupa para kapag nakapagturo na siya sa public school ay uunti-untiin na niya ang pagpapatayo ng paupahang apartment. May bakanteng lupa namang binebenta malapit sa kanilang bahay, balak niyang bilhin iyon.
“Aba, ibang-iba ka na ngayon, a!”
“Syempre, para hindi na kami magutom ng pamilya ko sa mga susunod na taon.”
“Aling pamilya ba? Iyong ngayon o iyong magiging pamilya mo pa?” nakangising untag ng kaibigan.
“Both.” Ginantihan niya ito ng ngisi.
“Nagbago ang pananaw mo sa buhay pero isip-bata ka pa rin kung kumilos,” kantiyaw nito.
“That… I can’t disagree!”
Nagtawanan silang magkaibigan.
“Halika na nga at magbiyahe na tayo. Baka mapuyat ang may saltik pa nating kaibigan sa paghihintay sa atin.”
“Ay, hindi ako makakasama sa pag-uwi ngayon, e. Ikaw na lang muna ang lumakad ng TOR mo, kung pwede, pakisuyo na lang din iyong akin,” paalam niya rito. Tinutukoy ang Transcript of Records sa University.
“Ay, bakit?”
“I have a meeting with some investors. Tinuruan kasi ako ni Kuya sa pagbili ng stocks sa market; may nabili ako sa mga Romualdez. At iyon na nga… may meeting bukas,” esplika niya. She meant the Romualdez Airlines.
“Wow! Big time ka na nga! Paampon!”
“Luka-luka ka talaga,” naiiling na sambit niya.
“O, sige, icha-chat ko na lang si Chanel na ako lang ang magbi-biyahe,” paalam nito.
Kinagabihan ay bumiyahe na si Elise pa-Maynila. Naiwan siyang mag-isa sa apartment. Ang pinsan ni Louie na si Marco ay matagal nang wala sa kanila, mula noong makahanap ito ng trabaho ay bumukod na ito.
She sighed nonchalantly. Nilukob na naman siya ng kalungkutan. Napakislot siya nang tumunog ang messenger tone niya.
Her boyfriend was calling!
“Hey, bakit ngayon ka lang tumawag?” bungad niya rito.
“I’m sorry, hon, ang daming customer, e. Iba kasi ang shift ko—”
“I miss you.”
“I’m really sorry, pumuslit lang ako para makatawag para hindi ka na maghintay pa nang matagal. Alam kong gabi na riyan kaya tumawag na ako ngayon para makapagpahinga ka na. I’m going to turn this off, hon. I love you so much.”
She groaned to protest. Ngunit alam niyang wala siyang magagawa.
“I love you, too.”
Hindi pa nito pinatay ang tawag. “And hon...”
“Hmm? Sige na, papatayin ko na ang tawag. Naiintindihan ko,” aniya ngunit bago pa mapatay ay nagsalita ito.
“I terribly miss you.”
Kagat-labi niyang pinatay ang tawag. No, she’s not going to cry. She must be braver because Louie had been fighting homesickness for their future. Malalabanan nilang dalawa ang lahat basta’t magkasama sila.
SIMULA kahapon ay hindi pa tumatawag kay Janine si Louie, sigurado siyang wala itong pasok ngayon dahil iyon ang sinabi nito noong nakaraang magkausap sila sa phone. At buong araw na siyang naiinis dahil hindi pa rin umuuwi ang kuya niya. Alam nito kung anong mayroon ngayon kaya hindi pwedeng hindi ito dumaan man lang. At ang mga kaibigan niya ay hindi pa rin dumarating. Ang usapan ay tanghalian, mag-a-ala una na at wala pa ang mga ito.
Nakakainis na!
Masasayang ang mga hinanda niyang pagkain kung i-indiyanin siya ng mga ito. Pero alam niyang hindi iyon gagawin ng mga ito.
“Jaja, ngumiti ka naman. Birthday na birthday mo pa naman,” paalala ng kanyang mama na gumagayak na dahil may lakad ito. Mamayang gabi pa ito makababalik.
“Kaya nga, ‘Ma. Birthday ko, ‘tapos wala pa sila rito.”
“Ang baby ko, akala ko nag-matured na. May pagka-baby pa rin pala. Hintayin mo lang, baka na-traffic,” pagpapagaan ng kanyang mama sa pakiramdam niya.
Nang makarinig siya ng mga mararahang katok ay nawala na ang inis na nadarama.
Ang akala niya ay ang mga kaibigan niya na iyon ngunit si Erik pala ang kumakatok. May dala itong malaking stuffed toy na biik ang disenyo.
“Happy birthday, baby girl!” panimulang-bati nito saka siya niyakap at pinagpupugpog ng halik ang kanyang bunbunan.
“Yuck ka talaga, Kuya!”
Humalakhak ito at pagkuwa’y yumakap sa kanilang mama para batiin. Ilang linggo na rin itong nakauwi. Noong una ay naglalagi na ito sa biniling condominium, ngunit nitong nakaraan ay palagi na itong umuuwi sa bahay nila.
“O, bakit nakakunot-noo ka riyan?” pansin ni Erik.
“Wala naman.”
“Bakit? Wala pa ba si… ang mga kaibigan mo?” Tumikhim pa muna ito bago sinambit ang mga huling kataga.
Sinamaan niya ito ng tingin. “Sinasabi ko na sa iyo, kuya, layuan mo si Chanel, may fiancé na iyon.”
Nginisihan lang siya nito. “Aalis muna ako, dumaan lang talaga ako para batiin ka. May kikitain pa kasi ako,” paalam nito.
Sabay nang umalis ang kanyang mama at kuya kaya nama’y naiwan siyang mag-isa sa bahay. Lagpas ala una y media na at wala pa rin ang mga ito. Kanina pa rin niya tinatawagan si Louie ngunit busy ang linya ninyo. Gusto na niyang maiyak sa sobrang inis.
Nang may kumatok na ay saka lamang gumaan ang pakiramdam niya. She’s so sure it’s her friends so she smiled from ear to ear when she opened the door.
“Happy birthday to you!” they chanted and sing altogether.
“Oh, my God!” she exclaimed. “Bakit may pa-ganito pa kayo?”
“Surprise!” sigaw ni Elise.
“Ano’ng masasabi mo, birthday girl?” tanong pa ni Elise na animo’y isang interviewer.
“Thank you!” madamdamimg sambit niya.
“Ano ba ‘yan, thank you lang? Walang cry?” tukso ni Chanel sa kanya.
“Ano’ng message mo kay pare ko? Siya may pakana nito,” ani Jameson habang inaabot man ni Elise ang bouquet sa kanya. Malugod niyang tinanggap ang mga iyon. As if on cue, itinutok ni Chanel sa harap ni Janine ang hawak na cellphone.
“T-thank you.”
Ang damuho! Kaya pala busy ang linya, kasabwatan na nito ang mga kaibigan niya para sorpresahin siya. Halos lumungkot na pa man din siya kanina dahil hindi siya nito tinatawagan lalo na ngayong ikadalawampu’t apat na kaarawan niya.
“Ang tipid talaga!” kantiyaw ni Elise. But her friends knew her better. Na-surprise siya nang todo-todo kaya wala na siyang masabi pa. “Papasukin mo muna kami,” dagdag pa ni Elise.
“Let her blow the candle first,” Jameson said.
Lord, maraming salamat po talaga sa unending blessings. Sana’y maging successful kaming lahat! And she blew the candle.
“Heto pala, gift namin for you,” sabay abot ng dalawang maliit na succulents ni Elise sa kanya. Nahilig kasi sila ng kanyang ina sa mga iyon nitong mga nakaraang buwan at alam niyang para sa nanay niya ang mga iyon.
“Pumasok na tayo!” anyaya niya at dumiretso na sila sa hapag. Mabilis idinikit ng mga kaibigan ang dala-dalang Happy Birthday banner sa pader.
“I’m so hungry na! Pero I know you. Picture-picture muna,” sabi ni Chanel at mabilis na pinwesto ang cellphone sa tapat ng hapag. Naka-video call pa rin si Louie.
“I’ll take your photo,” presinta ni Chan at pinag-pose na siya ng kung anu-anong pose.
“Kayong tatlo naman,” presinta ni Jameson at kinuha kay Chanel ang camera.
Nakailang shots pa bago sila nakuntento.
“Sali ka na, Jameson,” yaya ni Chanel. Tinutukoy nito ay ang pagpapa-picture.
“Louie, uwi ka na. Ako na lang mag-isang lalaki rito. Baka maging girl na rin ako,” biro pa ni Jameson.
“Kain!” yaya ni Elise kay Louie nang matapos na silang magkuhanan ng litrato.
“Sige lang. Eat well!”
Chan then checked her phone nang mamatay ang video call. “May post si Louie. In-screenshot niya ‘yong nagpi-picture tayo tapos kasama siya.”
“Naunahan pa tayo sa pag-upload, ah,” sabi pa niya. “O, ano? Inuman na?”
Nagreklamo ang mga ito na busog pa raw kaya magpapahinga muna. It would be a long day ahead!