SA STUDIO nga siya nagbabad. Tamang-tama at maraming nagpapa-studio shot kaya naman magkatulong sila ni Henry sa pag-aasikaso sa mga customer. Halos tanghalian na nang matapos sila sa pagkuha ng litrato.
“Mag-take out ka sa Chowking, Henry. Dito na lang tayo sa studio mag-lunch,” aniya at binigyan ito ng pera. “Chicken lauriat ang sa akin saka iced tea at halo-halo. Bahala ka nang umorder ng para sa iyo. Ikaw, Anne, ano ang gusto mong lunch?” tanong niya sa receptionist/secretary niya doon.
“May baon ako, Ma’am. Thanks na lang po.”
“Henry, dalawahin mo na iyong halo-halo para may dessert si Anne,” pagkasabi niyon ay tumalikod na siya para tunguhin ang workroom niya roon. Iniahon niya sa bag ang kanyang camera. Kapag wala na siyang gagawin ay ugali niyang linisin iyon. Pero hindi pa siya nagsisimula ay tinawag na siya ni Anne.
“Phone call po.”
“Okay. Thanks.” At kinuha niya dito ang cordless na aparato. “Hello?”
“Maxine, this is Eve. Mag-usap nga tayo.”
Natawa siya. “Hindi ba’t nag-uusap na nga tayo?” pilosopong sagot niya. “Bakit? Saka bakit parang ang seryoso mo naman. Nakaka-tense ka.”
Tumawa ito na alam niyang pinagre-relax siya. “Nagtataka lang kasi ako. Iyong sinasabi mong best friend mo na dinala mo dito kanina. Are you sure desididong magpakasal ang mga iyon?”
“Ano ka ba, namanhikan na nga ang mga iyon noong Sabado. Hindi ko pala nasabi sa iyo, iyong mommy at daddy ko, kasama pa nga sa pamamanhikan. Kaya nga nagpunta na sa iyo, eh.”
“Ewan ko ba. Sa dami ng couple na nagpupunta sa akin, parang naging ugali ko na rin na obserbahan ang mga kilos nila. Sina Xanderr at Agatha kanina, parang may nararamdaman akong iba, eh.”
Napatda siya. At bigla ring nagseryoso ang mukha. “What do you mean?”
“Kaya nga kita tinawagan, eh. Kasi ako, mismo hindi ko kayang ipaliwanag. Basta, I feel that there’s something wrong somewhere.”
“Alam mo, Eve, parang ang labo mong kausap, eh. Hindi kita maintindihan.”
Bumuntong-hininga ito. “Yeah, I know. Pasensya ka na. Hindi naman ako tsismosang tao. Tinawagan kita kasi sabi mo nga best friend mo si Xanderr. Hindi lang kasi ako mapakali, eh. Kasi kahit anong tingin ko sa dalawang iyon, parang hindi sila bagay sa isa’t isa.”
Kumunot ang noo niya. Kung alam lang ni Eve na in love siya kay Xanderr, iisipin niyang pumapabor lang ito sa kanya. Pero wala namang alam ang kahit na sino sa totoong damdamin niya sa binata.
“Baka naman naninibago ka lang. Whirlwind romance kasi ang istorya ng dalawang iyon. Last week pa nga lang iyon nagkakilala, eh.”
“Maxine, hindi naman sa nag-iintriga ako. Pero alam mo ba iyong sinasabi ng iba na there’s a certain connection when to people in love meet each other’s eyes? Hindi ko kasi nakikita iyon sa kanila.”
“That’s impossible!” gilalas na sabi niya. “I know Xanderr all my life. Alam kong in love siya ngayon.”
“Eh, si Agatha kay Xanderr? Alam mo, sa nakikita ko kasi kay Agatha, mukhang mas excited siya sa wedding details and not in the meaning and purpose of all these preparation. Do you get me?”
“Not exactly,” sagot niya.
“Well, sabi ko nga kanina, tinawagan kita hindi dahil gusto kong mang-intriga. Ang trabaho ko ay ayusin ang kasal ng kliyente ko according to how they want it to be. Kayang-kaya ko naman iyon. Hindi ko lang talaga maiwasan na mai-voice out ang naobserbahan ko since nasabi mo sa akin na hindi na iba sa iyo ang groom, I thought it would be better to ask you.”
“Bigla akong naguluhan, Eve.”
“I’m sorry for that. Pero kilala mo naman ako. Hindi ako mapapakali kapag may isang bagay na nasa isip ko.”
“What am I supposed to do now?” aniya.
“Ewan ko. Basta nasabi ko lang ito sa iyo. Oo nga pala, I also have to tell you na bukas ko ipe-present sa kanila iyong concept ko. Rush pala ang wedding. And actually, iyon ang isa pang dahilan kung bakit ako nagtaka.”
“At idinamay mo pa ako ngayon,” banayad na sumbat niya. “Pati tuloy ako, mag-iisip.”
“Kung kaibigan mo nga si Xanderr, you’ll do something about it. Ako, hands-off ako sa personal matters ng mga kliyente ko. Hanggang wedding planning and coordination lang ako. I know of some weddings na marriage of convenience lang. Pero dahil labas naman ang opinyon ko sa rason ng pagpapakasal nila, siyempre, ang ginagawa ko lang ay mismong trabaho ko.”
Nang matapos silang mag-usap, napatanga na lang si Maxine doon. Hindi niya alam kung ano ang unang iisipin. Pero isa lang ang sigurado. Affected na affected siya.
*****
TINAWAGAN ni Maxine si Xanderr. “Nasaan ka?”
“Nandito sa bahay. Dito na kami dumiretso ni Agatha. Magkatulong sila ni Mommy na nag-prepare ng lunch. Kumain ka na ba? Dito ka na mag-lunch, hihintayin ka namin. Ang daya mo ha. Bigla ka na lang nag-walk out kanina.”
“Anong walk out? Maayos akong nagpaalam sa inyo. Saka ano ka ba? Kinder na takot maiwan ng mommy sa first day of school?”
“Ano, tara na dito. Sabay ka nang mag-lunch sa amin,” sa halip ay sabi nito.
Noong una, sinabi niya sa sarili na hindi niya hahayaan na magkasama sila ni Agatha lalo at si Xanderr ang nasa gitna. Pero dahil sa itinawag ni Eve, inilapit na niyang talaga ang sarili sa ganitong sitwasyon.
“Hindi ba nakakahiya?” kunwa ay pakipot na sabi niya. Kung mayroon man siya ngayong misyon, siya lang ang dapat na makaalam niyon.
“Tumigil ka nga ng nakakahiya mo diyan,” sagot nito sa kanya. “ Dati ka nang labas-masok sa amin. Dati nga naka-panty ka lang, nakikikain ka na sa amin, eh.”
“Ang sama mo, Xanderr. Bata pa naman ako noon. Kahit ikaw no’n, pumaparada ka ng naka-tshirt nga pero wala namang salawal.”
“Ah, those were the days. Maaaliw tiyak niyan si Agatha sa mga nakaraan natin,” amused na sabi nito. “Pumunta ka na rito at sasabihin ko na tuloy kay Tita Myrna na dito na rin mag-lunch.”
“Okay.” At tumindig na siya. “Anne, sabihin mo kay Henry, kainin ninyo na iyong pagkain ko. Sa bahay na ako magla-lunch. Kayo na ang bahala dito, ha?”
Doon na siya dumiretso kina Xanderr. Hindi na siya kumatok pa at tuloy-tuloy na pumasok sa bakuran ng mga iyon. Pagbungad niya sa sala, bigla pa siyang napatda.
Huling-huli niyang naghahalikan sina Xanderr at Agatha.
Mabilis siyang tumalikod. Alam niya, ang pagkagulat niya ay may kakambal na sakit. At panibugho.
Isang malalim na paghinga ang ginawa niya at saka kumatok sa bukas nang pinto. Ni wala man lang pagmamadlai na naghiwalay ang mga labi ng dalawa. Ni wala ring guilt feeling sa mukha ng mga ito. Tila proud pa nga sa ginawa.
Ang sarap ninyong pag-untugin! himutok niya.
“Hi!” asiwang bati niya. “Si Mommy, nandito na rin ba?”
“Nandiyan sa kusina. Sila na raw ang maghahanda ng mesa. Mabuti at dumating ka na. Kanina pa kami gutom,” nai Xanderr.
Tinaasan niya ito ng kilay. “Kaya pala pati labi ng iba, kinakagat mo na,” bulong niya.
“May sinasabi ka, Max?” tanong nito.
“Ha? Sabi ko, doon na rin ako sa kusina. May special dessert ba?”
“Yeah,” si Agatha ang sumagot. “Gumawa ako ng coffee flan. Tinikman na nila, eh. They like it. Sana ikaw din magustuhan mo.”
“Magugustuhan iyon ni Maxine. Iyan pa, lahat naman diyan masarap,” ngisi ni Xanderr.
“Sa kusina na ako, ha?” sabi niya sa mga ito.
“Maxine, mabuti at dumating ka na,” bati sa kanya ng mommy niya. “Ikaw na lang ang hinihintay for lunch.”
“Nagpabili pa naman ako ng lunch kay Henry. Si Xanderr kasi, kung hindi ko pa tinawagan, hindi naman ako iimbitahing mag-lunch dito,” sagot niya.
“Ikaw naman, kahit naman anong oras welcome ka dito,” sagot ni Rebbie. “Saka pagpasensyahan mo na ang lalaking iyan. Puro si Agatha na lang ang iniintindi niyan ngayon.”
Nilinga niya ang dalawang nasa sala. Naghaharutan pa rin. Harutang may kasamang halik at yakap. Mabilis siyang nagbawi ng tingin. “Tuloy na tuloy na po talaga ang kasal,” sabi lang niya.
“Hindi ba’t galing nga sila sa wedding planner? Impressed naman sila diyan sa kaibigan mong si Eve. Wala na raw silang poproblemahin. Bukas yata ay babalik sila doon para magpirmahan ng kontrata at mag-down. And then, tatawagan na lang daw sila from time to time para i-update sa preparasyon.”
“Impressive po talaga ang track record ni Eve,” proud namang sabi niya.
“Tawagin mo na iyong dalawa para makakain na tayo,” sabi ni Rebbie.