11

1355 Words
ALAM NI Maxine na dumating na ang mga namanhikan. Dinig niya ang pagpasok ng sasakyan sa kabilang bakuran. At mayamaya nga ay umakyat na ang mommy niya para kumustahin siya. “Okay ka na ba, hija? Maayos na ba ang pakiramdam mo?” Sinalat pa nito ang noo at leeg niya. “Okay na ako. Saka uminom pa rin ako ng gamot kaninang pagkakain.” “Mag-a-alas dies na, Maxine, gising ka pa. Hindi ba makakasama sa iyo iyan? Akala ko pa naman ay tulog na tulog ka na.” “Kagigising ko nga lang, Mommy. Natulog lang ako buhat kaninang umalis kayo. Si Xanderr?” “Susunod na raw dito. Huwag kayong magpapakapuyat, ha? May bukas pa. Baka mabinat ka kapag inumaga kayo sa kuwentuhan.” “Yes, Mom.” “Doon na ako sa kuwarto. Tumawag ka na lang pag may kailangan ka.” At tumalikod na ito. “I’m here!” anunsyo ni Xanderr maya-maya. Sa tinig ay halatang maligayang-maligaya. Maaliwalas na maaliwalas ang mukha nito kaya naman kahit nasasaktan siya, natuwa na rin siya na makitang masaya ito. Haaay, bakit ba ang martir niya. “Ano iyang dala mo?” Nakuha niyang ngumiti nang tanungin ito. “Kape. Pero ako lang ang magkakape. Hot choco ang dinala ko para sa iyo. Saka ka na magkape kapag magaling ka na nang husto. Baka mamaya, hindi ka makatulog dahil sa kape kung iinom ka. Bumawi ka na lang dito sa oatmeal cookies. Homemade iyan. Gawa ng mommy ni Agatha. Pinabaunan nila kami kasi nag-prepare din sila doon ng pagkain.” “Talaga?” “Oo. Sayang talaga na hindi ka nakasama, Max. Parang food trip ang dinayo namin doon. Pero siyempre, pinag-usapan namin iyong talagang pakay namin.” “So, kailan ang kasal?” “Next month.” “Next month?!” Parang gusto niyang lagnatin uli. “Ang bilis naman. Hindi ba kayo kakapusin sa preparation?” “Tama lang daw ang isang buwan tutal next month din naman ang schedule ng baba ni Daddy sa barko. In-insist ko kay Mommy na mag-hire na ng wedding planner. Di ba, connected ka sa ganoon? Si Eve na ang kukunin namin. Sa Lunes, pupunta kami doon. Samahan mo kami, ha?” “S-sige. And then?”   “Pili lang ang invited pero memorable pa rin ang kasal, siyempre. And guess what? Sa birthday ko itatapat ang petsa ng kasal namin.” “What?!” Kulang na lang ay maging bayolente ang reaksyon niya. Ang pagkagulat niya ay kahihimigan ng pagtutol kaysa excitement. “Bakit, parang ayaw mo?” “Eh, birthday ko rin iyon,” sabi niya. “Alangan namang nakalimutan mo na?” “Oo nga, birthday natin. Ayaw mo ba nu’n, dati double celebration lang. Ngayon, magiging triple celebration. At kapag ikaw naman ang nag-asawa, itapat mo rin na birthday mo ang kasal mo para quadruple celebration.” “Buong buhay ko nga, hindi ko na naranasang mag-celebrate na mag-isa kapag birthday ko, dadagdagan ko pa?” aniya. Hindi lang niya diretsang masabi na para naman siyang magluluksa tuwing birthday niya kung magiging kasabay iyon ng kasal nina Xanderr at Agatha. “Bakit ako, kahit kailan hindi ko naman inisip na mas masaya siguro kung magse-celebrate akong mag-isa? Nasanay na akong parang kadugtong ka na ng pusod ko. Masaya nga ako kapag birthday natin. Kapag may bumabati sa iyo, binabati rin ako. Iyong nagreregalo sa iyo, mmadalas kaysa hindi, nireregaluhan na din ako. And vice versa.” “Pero pati ba naman kasal mo, Xanderr?” “Iyon ang gusto ni Agatha. Tutal naman daw, next month na kami magpapakasal, di itapat na sa birthday ko. Kungsabagay, bakit nga ba hindi? Pero ikaw, sa itsura mo, mukhang ayaw mo.” “H-hindi naman sa ganoon. Kasal ninyo iyan, wala naman akong karapatang mag-decide tungkol diyan.” “Kung magsalita ka, para namang ibang tao ka. Remember, Romantic Events ang kukunin naming mag-asikaso ng kasal namin. At ikaw rin ang magko-cover ng photo and video. I mean, iyong mga tao mo since maid of honor ka nga.” “Pumayag na ba ako?” Pigil na pigil niyang itago ang pagtutol sa tono niya. “Tatanggi ka ba? Ako naman ang hindi papayag,” anito. ***** “YOU KNOW, Maxine, I have so many ideas in my mind. Pero naisip ko, mas tama siguro na mag-consult kami sa wedding planner. Kasi, baka maging OA na iyong concept na nasa isip ko, eh,” excited na sabi sa kanya ni Agatha. Sakay na sila ng pick-up ni Xanderr at patungo na sa Romantic Events. Naisip nga ni Maxine, sana pala ay dinala na rin niya ang kotse niya kaysa naman ganitong ramdam na ramdam niya ang pagiging third wheel. Kahit na mas siya ang kinakausap ni Agatha, hindi pa rin siya mapakali. Bagaman maliit na bagay kung tutuusin, ipinagngingitngit din niya na doon siya sa backseat nakaupo. Kanina lang sila pormal na nagkakilala nito. Kung makipag-usap sa kanya ay para bang close na close na sila na lalo niyang ipinagsisintir. “You can tell Eve all your ideas. Bubuuin niya iyon at ipapaliwanag iyo ang possible outcome. Tapos, may mga ideas din siya na puwede ninyo i-combine,” sagot naman niya. Mula sa rearview mirror ay nagkatinginan sila ni Xanderr. Nasa mukha nito ang kasiyahan sa naririnig. Pinigil niyang mapabuntung-hininga. Napakahirap talaga ng lagay niya na masaya ang taong mahal niya pero durog na durog naman ang puso niya. “Alam mo ba, sa motif pa nga lang, hindi na ako makapag-decide, eh. I like yellow pero kapag may kumokontra parang nawawalan din ako ng gana. Ang daming nagsa-suggest ng blue, ayoko naman kasi marami nang nagpakasal na blue ang motiff. Any shade ng blue hindi ko naman talaga type.” Hindi mo ba alam, blue nag favorite color ni Xanderr?! Parang gusto niyang ibulyaw dito. “White and silver na lang kaya?” sabi uli ni Agatha. “Why not black?” At nagulat pa si Maxine nang marinig ang sariling tinig. “You’re kidding, Max,” sabi ni Xanderr na sumabad sa kanila. Nang muling magtama ang tingin nila sa pamamagitan ng rearview mirror, nakita niyang tila napikon ito. “Hindi, ah,” aniyang mabilis na nag-isip ng idadahilan. “May out of town wedding kami na ginawa ni Eve, black ang motiff. Theme wedding kasi iyon. Lahat ng guests at entourage, black ang suot. Ang bride lang ang nakaputi. Weird sa iba pero maganda din. Kasi, iyong bride ang standout. And besides, hindi naman out of this world na ang ganoon ngayon. Ang iba nga, out of the box na ang theme ng wedding nila.” “Mukha ngang maganda,” sabi agad ni Agatha. “Darling, gayahin kaya natin?” “No,” mariing sabi ni Xanderr. “Gusto kong kasal ay traditional. Ayoko ng mukhang circus.” “Xanderr, lumiko ka diyan sa kanan. Shortcut iyan papunta sa Romantic Events para makaiwas na tayo sa traffic,” sabi niya dito at binalewala ang pagka-irita nito. Binalingan niya uli si Agatha. “Alam mo, minsan ka lang ikakasal. Kung gusto mo ng theme wedding, go for it!” At nang magtagpo uli ang tingin nila ni Xanderr, ngumisi lang siya. Alam niyang nakapang-asar siya dito. Expected na ni Eve ang pagpunta nila kaya naman naghihintay na ito sa kanila nang dumating sila. Ipinakilala lang niya ang dalawa at nagpaalam na. “Saan ka pupunta?” habol sa kanya ni Xanderr, halatang nagulat sa ginawa niya. “Sa studio ko.” “Hindi ba’t kasama ka namin dito?” “Oo nga. Sinamahan ko lang kayo. Alangan namang makisali pa ako sa meeting ninyo, hindi naman tayong tatlo ang ikakasal?” “Wala naman sa usapan natin iiwan mo kami dito,” sagot ng binata. “Eh, wala din naman tayong pinag-usapan na babantayan ko kayo dito. I gotta go.” “Maxine.” “May iba pa akong trabaho, Xanderr. Iyong consultation ninyo, si Eve ang talagang may hawak niyan. Taga-kuha lang ako ng litrato bilang wedding girl nitong ahensya na ito.” Nilinga niya si Agatha. “Bye!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD