NAGISING si Maxine na parang sumisigid sa buto niya ang ginaw. Hinila niya ang kumot at mamamaluktot pa sana nang maramdamang may ibang tao doon. Nagulat pa siya nang makitang nakaupo malapit sa kanya si Xanderr.
“Binuksan mo ba ang aircon?” tanong niya dito. “Ang ginaw, eh.”
“Oo. Mas mainam daw sa maysakit ang naka-aircon. Naka-fixed ang temperature saka nagpapababa rin ng lagnat.” Tumayo ito at ini-adjust iyon. “Hininaan ko nang kaunti kung giniginaw ka. Alas dos na, Max. Hindi ka pa nagla-lunch.”
“Tulog ako, eh. Kanina ka pa ba?”
“No. Kanina, sumilip ako dito. Tulog na tulog ka pa kaya pagkabukas ng aircon, umuwi muna ako. Kababalik ko lang. Ayan, dinalhan kita ng prutas. Pero mamaya mo na kainin iyan. Mag-lunch ka na muna.” At hindi na nito hinintay na sumagot siya at lumabas na ito.
Hindi naman siya nainip at bumalik na ito dala ang pagkain. “Nasaan si Mommy?”
“May kausap sa phone. Alam naman niya na nakabantay ako dito. Ano, kaya mong kumaing mag-isa?” Inilagay nito sa kama ang bedtable at saka inilagay doon ang pagkain. “Susubuan kita kung gusto mo.”
Inirapan niya ito. “Kaya ko namang kumaing mag-isa. Hindi naman ako malala.” Painot siyang bumangon pero maagap itong inalalayan siyang makaupo nang maayos.
“Good. Magpagaling ka agad. Ikaw naman, magkakasakit ka, wrong timing pa. Paano ka makakasama sa amin niyan bukas?”
“Sa maysakit nga ako, paano naman ako sasama?” mataray na sagot niya. Nagawa niyang makatayo agad at tinungo ang banyo sa sariling kuwarto.
Nakangisi sa kanya si Xanderr nang bumalik siya. “Palagay ko, magaling ka na. Nagtataray ka na uli, eh.”
Umingos lang siya. Naka-dalawang subo na siya ng pagkain nang maalala niya ito. “Kumain ka na ba?”
“Siyempre naman. Malapit na nga akong magmeryenda, eh. Nagpaluto ako kay Mommy ng sotanghon na may sabaw. Gusto mo, magdala ako dito?”
“Sige, kunin mo na ngayon. Dito ka na rin kumain para may kasabay ako.”
Tumango si Xanderr. “Yes, ma’am. Diyan ako bilib sa iyo, eh. Kahit na may sakit ka, hindi nawawala ang appetite mo sa pagkain.”
“Nang-iinsulto ka yata, eh.”
“Nagbibiro lang,” depensa nito. “Sensitive ka naman. Balak pa naman kitang bantayan hanggang mamaya.”
“How sweet,” kaswal na sabi niya at sinulyapan ang basket ng iba’t ibang prutas na dala nito. Lahat ng laman ng basket ay paborito niya. Kung hindi nga lang sya aware na mag-aasawa na ito, baka mas na-appreciate niya iyon. Ang kaso lang, may nagnanaknak na sugat sa puso niya. “I’m sure, bantay-salakay ka naman. Kunwari pang dinalhan mo ako ng prutas, ikaw din naman ang kakain ng mga iyan.”
Tumawa ito. “Ang galing mo, Max. Alam mo pala iyon?”
“Of course! Kung mga ganyang bagay lang, hindi na ipagtatanong. Kilala kita, Xanderr. Kilalang-kilala.”
*****
MAAYOS na ang pakiramdam ni Maxine kinabukasan pero hindi muna siya nagkikilos. Namalagi siyang nakakulong muna sa kanyang silid kahit na nga ba inip na inip na siya roon. Wala siyang magagawa kundi magtiis. Kapag nakita siyang masigla na, mawawalan na siya ng dahilan para hindi sumama sa pamamanhikan ni Xanderr.
At hindi na baleng magkulong pa siya ng isang buong araw sa kanyang silid kesa naman sumama. Handa na siyang magsakit-sakitan muna. Pero hindi siya masokista!
“Huwag na lang kaya akong sumama kina Rebbie?” sabi sa kanya ng mommy niya nang punatahan siya nito. “May sakit ka pa, eh.”
“Okay lang ako, Mommy. Mahihiga lang naman ako dito. Maaalangan si Daddy kung siya lang ang kasama ni Tita Rebbie. Don’t worry about me. I’ll be fine.”
“Sigurado ka?”
“Oo naman.”
“Kunsabagay, nakatango na rin naman ako kay Rebbie na sasamahan namin siyang mamanhikan. Dapat nga rin kasama ka, di ba?”
“Sad to say, may sakit pa nga ako. Ayaw ko namang itsurang basang-sisiw ako doon,” madramang sagot niya. “Kayo na lang, Mommy. Balitaan ninyo na lang ako, pag-uwi ninyo.” She hated herself saying saying those words pero kailangan. Magtataka ang mommy niya kung magsasawalang-kibo lang siya.
Pagtalikod ng mommy niya, mayamaya ay si Xanderr naman ang umakyat sa kanya.
“Akala ko pa naman kaya mo nang sumama sa amin ngayon,” sabi nito. Hindi niya sigurado kung tama ang dinig niya na parang nanghihinayang ito.
“Pasensya na. Nahihilo pa ako kapag matagal na nakatayo, eh.”
“Ang kaso maiiwan kang mag-isa dito. Sumama ka na kaya? Kahit doon ka na lang sa kotse kung ayaw mong makiharap.”
“Naku, de dito na lang ako. Mas masarap ang nakahiga.”
Tiningnan siya nito na parang nag-aatubili. “Hindi bale. Mamaya, pagkatapos ng pamanhikan babalik ako uli dito. Matulog ka na lang muna ngayon para mamaya, pagbalik ko, gising ka na. Para okay ka na kapag nagkuwentuhan tayo. I’ll tell you everything. Iyong parang nandoon ka na rin.”
Tumango lang siya. At nagkunwari na nagbahing. Nang pahirin niya ang ilong at pasimple niyang dinamay ang mata na may nagbabantang luha.
“Kainin mo pa iyang mga prutas na iyan. Ipinagluto ka rin ni Mommy ng chicken sopas. Saka nag-iwan sa ibaba ng mga foods na dadalhin namin sa pamamanhikan. Pasensya ka na, ha. Pati si Tito Gerry kasama namin. Alam mo namang para ko na din siyang daddy.”
“Oo na,” sagot niya. “Hindi naman yan big deal sa akin. Mamaya lang nakabalik na kayo.”
Tiningnan siya nito at saka napailing. “Alam mo, Max, kung hindi lang ako nag-aalala sa iyo, hindi baleng buhatin kita basta maisama lang kita ngayon. Alam mo namang espesyal na pagkakataon ito sa akin. At alam mo rin naman na sa bawat espesyal na bahagi ng buhay ko, palaging nandoon ka.”
Napalunok siya. Naaantig siya sa salitang iyon ni Xanderr pero hindi rin niya maiwasang masaktan. Dama niya ang pagpapahalaga sa kanya ng binata pero alam din naman niya na hindi naman iyon lalagpas pa sa turing ng isang matalik na kaibigan at kapatid.
“Baka ma-late kayo, mainip sa inyo ang pupuntahan ninyo,” kaswal na taboy niya dito.
“Oo nga, eh. Tumawag na rin si Agatha. Naghihintay na raw sila. Basta mamaya, ha? Babalik ako dito. Ako mismo ang magsasabi sa iyo ng mga napag-usapan namin.”
“Okay. Ingat kayo.”
“Siyempre.” At bago ito lumayo, yumuko ito at hinalikan siya sa pisngi.
Nagulat siya pero hindi siya nagpahalata. Nang makaalis si Xanderr, saka niya hinaplos ang pisngi niya. Hindi na bago na halikan siya ni Xanderr pero bihira lang din iyon na mangyari. At kahit naman kailan, hindi niya naramdaman na nagkaroon ng bahid ng malisya ang paghalik nito sa kanya.
Nang marinig niya ang ugong ng sasakyan na paalis ay saka niya pinawalan ang pinipigil na iyak.