PAKIRAMDAM ni Maxine, nagsasayang lang siya ng oras at sinasaktan lang niya ang kanyang sarili sa mga nasasaksihan kaya nagpaalam na siya matapos magpasalamat sa tanghaliang iyon. Nauna na siyang umuwi kesa sa mommy niya dahil alam naman niya na hindi matapos-tapos ang kuwentuhan nito at ng best friend na si Rebbie.
Dumiretso siya sa banyo at nagbabad sa tub. Doon ay siguradong magkakaroon siya ng katahimikan. Dahil kung nandoon siya sa workroom niya o nasa kuwarto, maririnig pa rin niya ang ingay sa kabila lalo at nang paalis na siya ay nagkaayaan nang lumipat sa garden ang dalawa. At bago pa siya ganap na nakalayo ay narinig na niya ang malakas na harutan ng mga ito.
At para makatiyak na hindi niya maririnig ang mga ito, nagpatugtog pa siya nang malakas nang makauwi.
“Hay, naku! Eve, baka naman guniguni mo lang ang sinabi mo sa akin,” sabi niya dito habang nakaipit sa kanyang tenga at balikat ang cordless phone. Nilalaro niya ang mga pinong bula habang nagsasalita. “Galing ako sa kanila. Doon ako nag-lunch. Mukha ngang lalanggamin sa mga kilos, eh. Kahit nasa harapan namin, naghahalikan! Hay, ang awkward kaya. Kahit na ba mga adult na kami doon, di ba?”
“Talaga? Siguro nga, mali lang ako,” sabi ni Eve pero sa tono ay tila may iba pa itong nais sabihin. “At least, may natuklasan ako.”
Nabitin sa ere ang kamay niyang naglalaro ng mga bula. “What do you mean?”
“Remember, may sinabi ako kanina something like connection? Well, ang napansin ko lang, mukhang ikaw ang may connection diyan sa kaibigan mo. And I guess, I’m right about it. Obvious naman sa boses mong naiimbyerna ka. Nagseselos ka, ‘no?”
“s**t! s**t!”
Tumawa nang malakas si Eve. “Sabi ko na nga ba, eh. Hindi mo na kailangang umamin, Maxine. Alam ko na.”
“Ang galing mo, Eve,” nasabi na lang niya. “Top secret ko iyon, ah?”
“Wala naman kasing lihim na di nabubunyag,” tugon nito. “Paano iyan ngayon? Ikakasal na siya?”
“Yeah, tinanggap ko na. Ever since naman, kapatid at kaibigan lang ang turing niya sa akin.”
“Maraming ganyan na nauwi rin sa romantic relationship. Bakit ikaw, hindi mo subukan?”
“Ngayon pa? Ikakasal na nga iyong tao, ano ka ba?”
“I’ll change my question. Bakit hindi mo sinubukan dati?”
“Wala akong chance. Ang dami niyang babae. Pagkatapos ng isa, may kasunod agad. Saan ako sisingit?”
“Pero kayo ang magkaibigan, paanong hindi ka makakasingit?”
“Eve, hindi ganoon kadali iyon. All our lives, kapatid at kaibigan ang turing niya sa akin. Hindi madaling sabihin sa kanya na na-in love ako sa kanya.”
“I disagree. Mas madali mo ngang masasabi dahil kilala mo siya. Alam mo kung ano ang magiging feeling niya kapag sinabi niya iyon.”
Napabuntong-hininga siya. “I guess he would just laugh at me. And you know, I have the usual fear na baka masira ang lahat ng pinagsamahan namin because of that. You don’t know how much connected we are to each other. Alam mo ba, pinaglilihi pa lang yata kami ng mga mommy namin, close na kami? As in, sabay kaming pinanganak. Magkatabi lang ang DR ng mommy ko at ng mommy niya. Sa nursery pa lang ng ospital, magkatabi na kami.” And before she knew it, kinukuwento na niya kay Eve ang lahat ng tungkol sa kanila ni Xanderr. Kulubot na ang mga balat niya sa daliri nang matapos silang mag-usap tanda na matagal na siyang nakababad sa tubig.
“Wow!” sabi ni Eve.
“Ang haba ng sinabi ko, sasabihin mo lang, “wow”?” wika niya.
“At least may nasabi ako,” sagot nito. “Your story is amazing. And actually it becomes more amazing habang nakikinig ako sa iyo. Parang mahirap lang maniwala na naitago mong mag-isa ang totoong feelings mo sa kanya. Di ba, kung talagang kilala ka niya, dapat nakahalata siya.”
“Ano ka ba, kulit mo naman,” naiiling na sabi niya. “Pinakakatago-tago ko nga kaya walang nakakahalata. Magaling ka lang mam-bluff kaya mo ako nabisto.”
“Maxine, bukas ay babalik sila dito. Tapos ko nang buuin ang wedding concept according to what they like. So, ganoon na talaga iyon?” Parang may panghihinayang sa tono ni Eve.
“Ano pa nga ba? That’s life,” matamlay na tugon niya.
“Alam mo, this is the first time that I’m going to arrange a wedding na aware akong may isang taong nasasaktan. Iyong ibang kasal noon, ibinubukod ko ang personal kong rason. Pero ngayon, I can’t help it. Lalo na at magkaibigan pa tayo.”
“Thanks, Eve. Pero hindi rin naman natin isa-sabotage ang kasal, di ba? We are professionals.”
“Of course. Parang nakakaasiwa nga lang talaga.”
Isang malalim na buntong-hininga ang ginawa niya. “Talagang ganoon. The show must go on. And for me, life must go on.”
*****
LIMANG araw bago ang kasal nina Xanderr at Agatha ay iniwasan na ni Maxine na maglalagi sa bahay. Ang totoo, kahit nang mga nakaraang araw ay hindi na rin siya masyadong nakikipag-usap sa mga ito. Nahawa na sa excitement ng nasa kabilang bahay ang ambience sa kanila. Bukambibig na rin ng mommy at daddy niya ang tungkol sa nalalapit na kasal ni Xanderr.
Parang sa kauna-unahang pagkakataon ay nakalimutan na ng lahat na birthday din nila iyon ng binata.
Kung hindi lang makakahalata ang mga ito sa totoong nararamdaman niya ay hindi na rin siya sasabay sa pagkain sapagkat kahit sa hapag ay iyon pa rin ang paksa. Palibhasa ay ninang ang mommy niya, pati ito ay animo bride na excited sa gown na isusuot nito. Puring-puri nito ang naturang gown.
“Iba talagang gumawa si Julianne. Kahit nga mumurahin lang ang tela, nagagawa niyang pagmukhaing sosyal,” aniya na nagsalita na rin tutal ay si Julianne naman ang pinag-uusapan at hindi ang mga ikakasal.
“Bakit, hindi naman mumurahin ang gown na pinatahi sa akin ni Rebbie, ah?” depensa ng kanyang ina. “Kung ano ang tela ng sa kanya ay ganoon din sa akin. Halos magkamukha ang gown namin. Naiba lang ng konti sa neckline at haba ng manggas.”
“I mean, whether on a tight budget o hindi ang nagpa-package kay Julianne, hindi nakakahiya ang mga designs niya. Nagmumukha pa ring elegante.”
“Hija, sigurado ka na ba kina Raffy at Henry? Maganda ba talagang kumuha ang dalawang iyon?”
“Oo naman, Dad. Ilang taon ko nang tao ang mga iyon. Saka may ibang staff pa ako na kinuha. Subok ko na sila.”
“Alam mo namang sa iyo pa rin ako bilib. Kung hindi ka nga lang kasali sa entourage, mas gusto kong ikaw ang kukuha ng litrato.”
“Dad, itaas mo pa ang bangko ko,” nakangiting sabi niya sa ama.
“By the way, Maxine, ilang araw nang nandiyan ang gown mo, pero hindi mo pa yata sinusukat? Paano kung kailangan pa palang i-alter?”
“Mom, this is not the first time na ginawan ako ng gown ni Julianne. I’m sure, okay na iyon.”
“Pero, hija, iba pa rin kung isusukat mo. Baka may mas bagay pa palang shoes kaysa doon sa binili natin.”
Tumikwas ang sulok ng labi niya. “Okay na iyon.”
Kitang-kita niya na nagkatinginan ang mag-asawa. “Hindi ka ba excited sa kasal ni Xanderr?” tanong ng mommy niya.
“Excited,” mabilis niyang sagot subalit mahahalatang hindi ganoon katotoo ang kanyang sagot. At alam niya, kaysa kulitin pa siya ng mga ito ay mabuti pang magpaliwanag na siya. “Kaya lang, ayoko naman talagang mag-maid of honor. Kung ako lang talaga ang masusunod, mas gusto ko pang ako na lang ang mag-photo coverage. Eh, kayo namang lahat, gusto ninyo kasali ako sa entourage. Fine.” At sinabayan pa niya iyon ng pagkikibit ng mga balikat.
“Kasi naman, anak, special occasion iyon for Xanderr. Kahit na alam namin na mas maligaya kang hawak ang iyong camera, sa mga ganoong pagkakataon ay mas maganda na kabilang ka sa entourage.”
“Yes, Dad,” napipilitang wika niya. “Kaya nga hindi na ako nag-object, di ba?”
“By the way, since ikaw ang maid of honor, wala ka bang balak na magbigay ng bridal shower para kay Agatha?”
Muntik na siyang masamid sa narinig. “Mom, hindi naman kami talagang magkaibigan ni Agatha. Bakit ko gagawin iyon?” buong kaprangkahang sagot niya. Somehow, napagod na rin siguro siya sa pagtatakip ng totoong nararamdaman niya kaya humulagpos na ang disgusto niya para kay Agatha.
“Maxine!” gulat na react ng kanyang ina. “How could you say that? Oo nga’t hindi naman kayo magkaibigan ni Agatha pero siya ang mapapangasa ni Xanderr. At hindi mo naman siguro nakakalimutan kung ano si Xanderr sa buhay mo?”
He’s the love of my life, mapait na wika niya sa sarili.
“Para na kayong magkapatid,” patuloy ng mommy niya. “Kulang na lang ay maging magkarugtong ang pusod ninyo.”
“Still, hindi naman,” matabang na sagot niya. “And besides, kung nakakalimutan ninyo, gusto ko lang ipaalala. Birthday ko din sa araw na iyon. Kahit wala na tayong celebration, okay lang sa akin kasi malaki na ako. Pero sana huwag ninyo naman akong makalimutang i-greet.”
Nagkatinginan ang mga magulang niya.
“Hija, hindi namin makakalimutan ang birthday mo,” banayad na sabi ng kanyang ama.
“Anak ka namin, paano ba namin makakalimutan iyon?” bahagyang nabasag ang tinig ng mommy niya. Bakas sa mukha ang pagtatampo.
There was an awkward silence. Tinapos na niya ang pagkain at mabilis na uminom. “Excuse me, Mom, Dad. Hindi ko pa natse-check ang camera ko. Kailangan ko iyong ihandang mabuti para sa kasal.”