PERO WALANG nagawa si Maxine nang mismong ang mommy ni Xanderr ang lumapit sa kanya. Minsan, nakakapagtaka na kapag ang mommy lang niya ang kausap niya ay matigas ang kanyang pagtanggi pero kapag si Tita Rebbie na ang humiling sa kanya ay parang hindi niya magawang tumanggi. Siguro dahil na rin noong bata pa siya at kapag may gusto siyang bagay na ayaw ibigay ng kanyang mommy, si Tita Rebbie niya ang nagbibigay niyon sa kanya.
Kaya naman ngayon, laban na laban man sa loob niya ay nagbibihis siya upang pumunta sa hotel kung saan gagawin ang bridal shower para kay Agatha. At least, hindi siya ang nag-organize niyon. Kung sakaling ang pag-o-organize niyon ang ni-request sa kanya ni Tita Rebbie, malamang ay magpasensyahan na lang sila. Hindi kakayanin ng puso niya na gawin iyon. Ang ending, kasali naman siya sa mga imbitado. Nang imbitahin siya ay kasama pa ni Agatha si Tita Rebbie kaya nga hindi na niya nagawang magdahilan pa.
“Max, ang tagal mo naman!” malakas na tawag kasabay nang malakas ding katok sa kanyang pinto.
Nagulat siya. Si Xanderr iyon. At bagaman nami-miss niya ito, tiniis niya talagang hindi ito makita. Bawat araw na lumilipas ay parang nalalapit ang bitay niya. Ganoon na ganoon ang pakiramdam niya sakasal na iyon. Na sa kasawiang-palad ay itinaon pa taagang birthday din niya.
“Bakit?” aniya nang buksan ang pinto. “Huwag mong sabihing sasama ka?” sa tono niya, para bang wala namang nangyari. Puwede na siya talagang best actress. Of course, wala naman talagang kakaibang nangyari. Kung mayroon man, iyon ay sa mismong sarili niya. Dahil habang lumilipas ang mga araw at nalalapit ang kasal ni Xanderr, para bang lumiliit nang lumiliit ang karapatan niyang maging maligaya.
“Bakit naman hindi?” maluwang ang ngiting sagot ng binata.
“Bridal shower iyon, hindi stag party.”
“And so? Kung may stag party lang ba ako, di, kukumbidahin din kita. Problema ba iyon?”
Hinagod niya ito ng tingin mula ulo hanggang paa. Nakabihis din ito ng panlakad. “Saan ang lakad mo?”
“Ihahatid kita sa hotel.”
Pakiramdam niya, umakyat ang kilay niya lampas sa kanyang noo. “Bakit hindi iyong bride to-be mo ang ihatid mo sa hotel? After all, bridal shower iyon para sa kanya.”
“Eh, ikaw ang malapit dito sa akin, bakit ko pa siya susunduin? Saka nag-usap na kami. Nandoon na nga siya sa hotel. Malapit lang naman iyon sa bahay nila, eh.”
“Ihahatid mo nga ako?” di-makapaniwalang sabi niya.
“Oo. Tutal, may lakad din naman ako ngayong gabi. Di, sabay na tayo. Makatipid ka man lang sa gasolina. Mahal din ang regalo mo sa kasal ko, eh. Libreng photo and video coverage. At iyon pang pinakamahal mong package iyon, ha?”
“Wala iyon,” sagot niya. Balewala naman talaga iyon sa kanya. Basta malapit na kamag-anak o kaibigan. Kundi man libre ay napakalaking discount ang binibigay niya. Isa pa, ninang din ang mommy niya. Dinig niya ay hindi rin birong halaga ang ginagayak nitong pakimkim para sa kasal na iyon.
“Hayaan mo, Max, kapag ikaw naman ang ikinasal, ako naman ang sagot sa honeymoon ninyo. Kahit Asian cruise pa! O mas mahal iyon, ha?” biro nito.
“Tumigil ka riyan, Xanderr. Kahit isang taong trip around the world ang iregalo mo sa akin, hindi ako maniniwala sa iyo. Malakas lang ang loob mo na sabihin iyan, palibhasa, alam mong malabo akong magpakasal.”
“Malabo? Aba, Max, huwag kang magpakatandang dalaga.”
“Wala kang magagawa. Iyon ang choice ko. Napag-isipan ko na iyon.”
Tinitigan siya nito. “Talagang hindi ka mag-aasawa?”
“Bakit? Bothered ka?”
Tila nag-isip ito. “Ewan ko, ha? Pero ang alam ko, parang magkadugtong na ang buhay natin. Kung ano ang nangyayari sa akin, iyon din ang nangyayari sa iyo.”
“Hindi totoo iyan. Dahil ikaw, kung papipilahin ang mga babaeng dumaan sa buhay mo, baka mula kabilaang dulo ng EDSA ang maging haba ng pila. Eh, ako? Nakita mo ba akong nagbilang ng mga lalaki sa buhay ko?”
Napangiti ito. “Ikaw naman kasi, hindi ko maintindihan kung ano ang hinahanap mo sa isang lalaki. Hindi ko alam kung sobrang pihikan ka o talaga lang wala kang interes.”
Ikaw lang ang kaisa-isang gusto ko, Alexander, piping wika niya sa sarili.
“Hindi ka naman lesbian, I’m sure.” Dinunggol nito ang braso niya. “O baka naman iyan ang greatest secret mo, Max? Kaya siguro hindi ka umaangal na tinatawag kang Max.”
Hinampas niya ito nang malakas. “Eh, sira pala ulo mo. Gusto mong ikasal na may black eye?” Inambaan niya ito ng suntok.
“Oh, see? Imbes na sampal, suntok ang balak mong gawin. Max, ha—”
“Akala ko ba’y aalis kayo? Bakit hindi pa kayo lumakad?” pansin sa kanila ng mommy niya.
“Paalis na nga, Mommy.” Mabilis niyang ibinaba ang kamay.
“Tara na nga. Baka naiinip na sa iyo si Agatha,” sabi ni Xanderr. Nagpaalam sila sa mga magulang niya at sumakay na sa sasakyan nito. “Hihintayin ko ang tawag ninyo mamaya. Ang alam ko, tatawagan ako ni Agatha kapag malapit nang matapos ang bridal shower. Palagay mo ba, may participation ako doon?”
“Ewan ko. Hindi ko naman alam ang program. Guest lang ako, di ba?”
“Wala kang idea? Nakadalo ka na ng bridal shower dati, di ba?”
“Oo. Mga close friends ko iyon. Masaya.”
“Close friends,” ulit nito na tila pinag-isipan iyon. “Hindi ba ako ang best friend mo, Max?”
Aray ko, palihim siyang napangiwi. “Oo, bakit?”
“Sana maging maging malapit din kayo ni Agatha. Napapansin ko lang kasi, parang ilag ka sa kanya.”
“H-hindi naman,” kaila niya.
“Max, alam ko kung kailan civil ka sa isang tao o hindi. Kilala yata kita.”
“Talaga, ha?” matabang na sabi niya. Kaya pala wala kang kamalay-malay na hindi lang kaibigan ang tingin ko sa iyo.
“Oo naman. Hindi ko pa lang nare-realize ngayon pero malalaman ko rin naman kung bakit ka nagkakaganyan.” Inabot nito ang kamay niya at pinisil. “Pasensya ka na, Max. there are things that will change. Hindi na tayo magiging magkasama gaya ng dati. I’ll be a family man soon.”
Ang masarap na pakiramdam nang hawakan nito ang kanyang kamay ay dagling nawala nang tumimo sa isip niya ang narinig. “Family man? As in, n-nabuntis mo na si Agatha? G-ganoon kabilis?” kandautal na sabi niya.
Napangiti ito. Ngiti ng isang tila nakatuntong sa alapaap. “Hindi naman kaya lang di ba, kapag nagpakasal, iyong pagkakaroon ng baby, natural nang kasunod iyon.”
“S-sabagay.”
“I’ll definitely miss our moments together, Max.”
She sighed. Parang maiiyak siya sa narinig. Of course, mas mami-miss niya ito. At kapag na-miss niya ito, may kakambal iyong sakit sapagkat kapag ikinasal ito, lubusan na rin niyang kikimkimin sa sarili ang lihim na lihim na pag-ibig dito. Mas lalong hindi niya puwedeng payagan na ibisto ang tunay na nararamdaman dito.
“Iyong mga Jollibee days natin, gagawin pa rin naman natin. Pero kasama si Agatha, ha?” malambing na sabi nito. “Sala siyempre, kapag may anak na kami, kasali ka pa rin. Just like how our mothers brought us up. You will always be a part of my family, Max.
“Y-yes,” napipilitang sagot niya. Damn you, Xanderr. Malapit na akong maglupasay dito ng iyak!