“TWO-PIECE chicken joy, iyong crispy hot. Parehong thigh part, ha? Two extra rice, isang spaghetti, saka dalawang choco sundae at dalawa ding peach mango pie. Ayoko muna ng iced tea. Coke na lang, iyong diet,” sabi niya kay Xanderr nang maupo sa napiling mesang ookupahin. As usual, mas malaki ang mesang pinili niya dahil alam niyang madaming pagkain ang ilalapag ni Xanderr pagbalik nito.
“Iyon lang? Ang konti naman.”
“Akin lang iyon, baka nakakalimutan mo. Ikaw na bahalang magdagdag ng gusto mong kainin. Saka mag-take out ka ng champ at fries. Kakainin ko mamaya habang tinatapos ko iyong tabaho sa studio.”
“Yes, ma’am,” ngisi ni Xanderr at pumila na ito sa counter.
Sinalo niya ang baba habang nakasunod dito ng tingin. Iniisip niya, masyado na sigurong immune si Xanderr sa presence niya kaya hindi na nito alam ang naging malaking pagbabago ng feelings niya dito. O baka naman sobrang galing niyang magtago ng nararamdaman kaya wala talagang nahahalata sa kanya ang binata.
Nang bumalik si Xanderr, may crew pa na naka-assist dito dahil sa dami ng order nila. Kaagad namang lumuwang ang ngiti niya nang makita ang pagkain.
“Hindi ka ba nag-lunch, Max?” kantiyaw nito sa kanya nang maupo na.
“I had brunch. Tapsilog lang saka kape. Bitin nga sa rice. Mamaya mo na ako kausapin, kakain muna ako.” At isinubo na niya ang pinilas na malutong na balat ng manok.
Piniga ni Xanderr ang kalamansi sa pancit palabok nito at pagkatapos ay hinalo iyon. Napailing na lang si Maxine. Ni hindi na tinanggal ng binata ang mga buto ng kalamansi. Mamaya pa nito iyon iluluwa kapag naisubo na. O kaya naman, kapag nakatamaran ay diretso lulon na rin.
She knew that, of course. Feeding bottle pa nga lang ang hawak nila ni Xanderr ay magkasama na sila. Sa kanilang dalawa ay ito ang sutil. Ibinabalibag nito ang feeding bottle nito kapag wala na iyong laman.
“Gaya nga ng sinabi ko kanina, I’m in love, Max.”
“Mamaya na tayo mag-usap,” mabilis na sagot niya. Takam na takam siya sa mga pagkaing nasa harapan niya tapos bibirahan siya nito ng topic na magpapawala ng gana niya? No way!
Hindi niya gusto ang paksang iyon. Dahil pigilin man niya ang sarili ay nasasaktan siya sa ganoong paksa. But then, alam naman niyang hindi rin siya titigilan ni Xanderr. Puwes pagtiyagaan nito ang delaying tactics niya.
Kumain siya nang mas mabagal sa nakasanayan. Parang ninanamnam niya ang bawat himaymay ng manok. Kulang na lang ay perpektuhin din niya ang pag-ikot ng spaghetti sa tinidor mapatagal lang niya ang pagkain. Halos slow motion ang peg niya. Nagpipigil lang siya pero natatawa na siya sa ginagawa niya. Pero hindi. Kahit abutin sila doon ng hapon, gagawin niya kesa marinig ang sasabihin nito.
“This is different, Max,” mayamaya nga ay sabi ni Xanderr. Sa itsura ay hindi makatiis na tahimik lang. “Totoo, maniwala ka. Iba ito.”
“Same old story,” matabang na sabi niya.
“Of course not. I know, iba ito,” giit ng binata.
“Kanino ba, doon sa Agatha?” kapos sa interes na sabi niya.
“Alam mo na pala ang pangalan niya,” halos magningning naman ang mga mata na wika nito.
“Tili nga nang tili kanina kaya nagising ako,” sumbat na naman niya. “Agatha. Hmp! Hindi bagay. Pangalan ng santa iyon, di ba? Dapat mahinhin pag isinunod sa pangalan ng santa.”
“So ikaw, okay lang na astig ka kasi tunog siga ang pangalan mo. Max.”
“Maxine. It’s feminine. Lady-like,” depensa niya.
Eksaheradong hinagod siya nito ng tingin. “Saang parte ang lady-like sa iyo? Minsan nga kinakabahan na ako sa iyo na baka umbagin mo na lang ako bigla. Mas maton ka pa sa akin, eh.”
“Don’t talk when your mouth is full. Saka kumakain din ako. Manahimik ka muna, okay?”
Ang kaso lang, ubos na nag pagkain ni Xanderr. “Pano mo nalamang Agatha ang pangalan niya?”
“Bakit, sikreto bang malupit? Si Mommy ang nagsabi sa akin kanina bago ako umalis. Alam mo naman ang mommy ko at mommy mo, kulang na lang sa isang bubong sila magsama. Malamang pati s*x life nila, hindi secret sa kanila.”
Nasamid si Xanderr. “Huwag mo na silang pakialaman doon. That’s part of a married life.”
“Of course! I’m sure iyong iba nga diyan, kahit hindi naman married, may s*x life.”
“Max, iyang bibig mo.”
“Tinatamaan ka ba?”
“Enough, okay. Let’s talk about Agatha.”
Umungol lang siya. Ibinuhos niya ang pansin sa choco sundae niya. Hindi na niya pwedeng pagtagalin iyon dahil halos tunaw na. Isinantabi niya ang hindi pa nauubos na manok at spaghetti.
“We are so natural with each other,” sabi nito uli. “Kagabi lang kami nagkakilala pero alam mo iyon, parang ang tagal na naming kilala ang isa’t isa. Ang dami naming something in common. I don’t believe in soul mates pero this time, parang maniniwala na ako.”
“Fine. Good luck.”
“Hindi ka naman sincere, eh,” ani Xanderr na nakahalata sa matabang na reaksyon niya. “Maging happy ka naman for me, Max.”
“Xanderr, gusto ko mang pilitin ang sarili ko ngayon na maging happy for you, gaya ng sabi mo, wala, eh. Sorry. Hindi ko maramdaman. Literally speaking, kahapon lang ay na-basted ka ng ibang babae at lulugo-lugo ka. Tapos ngayon, kulang na lang mag-declare ka ng undying love?” Umiling-iling siya. “Frankly speaking, mukhang hindi rin kayo magtatagal. Dalawa lang iyan, eh. Mababasted ka na naman o sa break-up din ang uwi niyan.”
Natigil sa pag-inom si Xanderr. Ang itsura ay sumama ang loob sa narinig sa kanya. “Kami na, Max. Kagabi pa. Prangka ako at prangka din siya. If there’s such a thing as falling in love in the very first moment you’ve set your eyes on each other, well, ito na iyon.”
Aray ko namannn!!! piping daing ng puso niya. Bigla ay tila tinakasan ng tamis at lamig ang kinakain niyang choco sundae.
“I’m very happy, Max,” patuloy na ni Xanderr, obvious namang oblivious sa nangyayari sa buhay nito. “I guess, matutuloy na ang pangarap kong mag-settle down before ako mag-thirty.”
Ouch! Ouch! “Nagmamadali? Luluwas? Xanderr, sabi nga ng matatanda, ang pag-aasawa ay hindi parang kaning isusubo.”
“I know, Max. At kilala mo naman ako. I’m very much serious when it comes to a relationship. I believe the sanctity of marriage. We have strong values, di ba?”
“Yeah. Pero kapag iniisip kong puwedeng singhaba ng tren ang mga naging girlfriends mo kung papipilahin sila, parang hindi ka naman ganoon ka-seryoso sa isang relasyon.”
“I told you, iba ito. Wala akong balak na maghintay pa nang matagal. Maybe after a week or two, I’ll propose marriage to Agatha.”
“Ha?” Bumagsak ang panga niya kahit na may pagkain pa ang bibig niya.
“Yes,” kumpirma pa ng binata. “Alam mo ba, kung hindi nga lang kita best friend, I won’t see you today? Parang ayaw na naming magkahiwalay, Max. And the kiss! The kiss! I’m not the kiss and tell type, Max. Pero ang ibig ko lang sabihin, it was so great. Hindi mo pa siguro nararanasan iyon. But I’m telling you, it’s explosive. That’s when I realize she’s the one I’m going to marry.”
Inabot ni Maxine ang diet coke at isinama na sa paglulon ng likido ang pagkaing hindi pa niyang nangunguyang mabuti. Nang magkandasamid siya, naging dahilan iyon upang ang pangingilid ng luha sa mga mata niya ay isipin ni Xanderr na nahirinan siya.
“Pagbutihin mo naman kasi ang pagnguya. Hindi naman kita inaapurang tapusin iyang pagkain mo, eh,” sabi nito habang hinahagod ang likod niya.
Uminom pa siya ng coke. Pakiramdam niyan, mapapahagulgol na siya ng iyak lalo at na-touched siya sa gesture na iyon ng binata. Pero wala namang humahagulgol ng iyak kapag nahihirinan.
“Okay ka na?” concerned na tanong nito sa kanya.
“Hindi,” deretsang sagot niya. “Manghingi ka ng supot sa counter. Sa studio ko na ito tatapusin.” Ibinalot niya ang kanin at ipinatong sa spaghetti ang manok na hindi pa niya nakain. Alam niya, hindi na niya iyon magagawa pang kainin pero magtataka si Xanderr kung basta na lang siyang mag-aayang umalis doon.
Nang tumindig si Xanderr at matalikod ito, inapura niya ang pagsinghot at pagtuyo sa mga mata. Mamaya na siya iiyak nang walang humpay kapag wala nang nakakakita sa kanya. Sana makatagal siyang pigilin ang pag-iyak.
“O, ikinuha na rin kita ng gravy. Alam ko namang isinasabaw mo sa kanin ang gravy.”
Sa narinig, parang mas lalo pa niyang gustong umiyak. Ganoon siya kakilala ni Xanderr. All their lives, kulang na lang ay mahulaan nila ang bilang kanilang paghinga sa bawat minuto and yet, isang babaeng kagabi lang nito nakilala ang nais nitong pakasalan?
Napakasaklap!