8

1411 Words
“HAY, NAKU! Rebbie, hindi ko alam kung maiinggit ako sa iyo. Di kung sakali ba, bago matapos ang taong ito ay may manugang ka na?” “Marso pa lang ngayon, Myrna. Ang narinig kong plano nila ay tatlong buwan mula ngayon. Kung matutuloy silang magpakasal sa June, siyempre hindi rin imposible na early next year ay lola na ako? O kauya pwede rin naman na this year.” Tumawa ito. “Alam mo naman ang mga kabataan ngayon, hindi na marunong maghintay. Sobrang iinit. Bale ba kung makakabuo sila bago ang kasal, de pwede ring magkakaapo na ako this year?” “Ang sabihin mo, magkakaapo na tayo. Magiging lola na tayo.” “Tama! Excited na nga ako, eh. Hinihintay ko na nga lang na ayain ako ni Xanderr para mamanhikan. Tingin ko naman ay walang magiging problema sa magulang ni Agatha. Naging magkakaibigan na kami ng mag-asawang Clemente sa tagal ng negosyong pinagsososyohan namin. Nabanggit ko na din ito sa daddy ni Xanderr. Aba’y gusto na agad umuwi kung pwede nga lang daw.” “Aba’y nakaka-excite ngang talaga. Kaisa-isang anak ninyo si Xanderr, natural lang kay Pare na gustuhin niyang nandito din siya sa pamamanhikan.” “Naku, nasa gitna pa siya ng laot. Sa kasal na lang siya bumawi.” “Suwerte ng Agatha na iyon. Napakabait na bata niyang anak mo, Rebbie. Kung kagaya nga lang ba ni Xanderr ang matatagpuan ni Maxine, eh, di kahit bukas ipakakasal ko na.” May pananaghili sa boses ni Myrna. “Eh, si Maxine nga pala? Magkaedad lang sila ni Xanderr. Hanggang ngayon ba, hindi pa nagbo-boyfriend?” ani Rebbie. “Ewan ko ba sa batang iyon. May mga nanliligaw naman, kaso dinidispatsa agad. Walang interes. Hindi naman tomboy, ano?” “Aba, hindi! Iyang ganda ng anak mong iyan? Saka wala naman tayong nakita na gumusto iyan sa kapwa babae, ah? Palagi lang si Xanderr ang kadikit niyan buhat nang sumipot sa mundo. Palibhasa kulang na lang magkatabi tayo sa panganganak kaya sila man, dikit din halos.” “Alam mo ba, Rebbie, aaminin ko sa iyo, dati naisip ko kung bakit hindi na lang kaya si Xanderr mo at si Maxine ko ang magkatuluyan? Siyempre, kung ako lang ang makakapili, lalayo pa ba ako? De, si Xanderr na ang pipiliin ko para sa anak ko. Kilala ko na ang ugali at sigurado akong mamahalin talaga ang anak ko.” Tumawa ang babae. “Alam mo bang parang ganyan din ang nasa isip ko dati? Kilala ko na iyang anak mo mula ulo hanggang paa. Sanay na din ako sa sumpong niya. Alam mo namang tunay na anak na rin ang turing ko diyan kay Maxine. Balak ko nga sanang sabihin sa iyo na ipagkasundo na lang natin ang mga bata.” “Talaga? Kelan mo pa naisip iyan? Bakit ngayon mo lang sinabi? Paano na si Agatha?” wika ni Myrna. “Myrna, noon ko pa naisip iyon. Mga bata pa sila. Hindi ko sinabi sa iyo kasi ayoko namang isipin mong nilalagyan ko ng malisya ang pagiging malapit ng dalawang bata. Isa pa, nag-o-obserba din ako. Siyempre, kahit mga anak natin iyan, mahirap naming pakialaman ang mga desisyon nila lalo at damdamin nila ang sangkot. Hindi naman tayo nabubuhay noong unang panahon na karaniwan nang ipinagkakasundo ang mga anak.” “Kungsabagay, may punto ka nga,” ayon ni Myrna. “Ako din naman ay parang naging ganyan din sa dalawa. Natatandaan mo ba noong nag-JS Prom si Maxine na umuwing masama ang loob? Tingin ko nga noon ay nagseselos dahil iba ang kinonsortehan ni Xanderr. Nakikiramdam nga ako kung made-develop ang dalawa. Pero tingnan mo naman, hanggang ngayon na magte-treinta na silang dalawa hindi pa rin nagbabago ang turingan nila sa isa’t isa.” “Malamang, talagang magkaibigan at magkapatid lang ang turingan nila,” sabi ni Rebbie. “Kung made-develop kasi ang mga iyon disin sana ay matagal nang nangyari?” “Siguro nga. Malalaki na sila. Alangan naman hindi pa nila kayang tukuyin sa sarili nila kung ano feelings nila sa isa’t isa.” Bumuntung-hininga ito. “Sana ay kagaya ni Xanderr ang maging manugang ko. Kung hindi tayo gumawa ng hakbang noon para magkagustuhan sila, ngayon pa bang nagsabi na sa iyo si Xanderr na gusto nang mag-asawa? Kaya si Agatha na nga siguro ang tadhana ni Xanderr mo.” “Kilala mo naman ako, Myrna. Hindi ako namimili para sa anak ko. Basta alam ko kung saan siya masaya, doon din ako. Sana, si Maxine makatagpo rin ng mabuting asawa. Hindi na rin naman sila bumabata.” “Ewan ko ba sa anak kong iyon. Madalas na nga naming napapag-usapan ng asawa ko lately. Hindi bale sana kung lalaki din siya. Okay lang kahit mas late pa siya mag-asawa. Kaso nga babae. May hinahabol na biological clock. Baka mahirapan na siyang mabuntis kung magpapaka-delay pa bago mag-asawa. Ang problema nga lang, mukhang wala talagang interes. May mga manliligaw naman, kung bakit ugaling dispatsahin agad. Hindi man lang bigyan muna ng chance para mas magkakilala sila.” “Hindi kaya nadala na sa pag-ibig si Maxine?” tanong ni Rebbie. “Paano mangyayari iyon? Alam ko naman ang lahat ng kilos ng anak ko? Hindi pa iyan nagka-boyfriend kahit kelan. At imposibleng itatago niyan sa akin kung nagka-boyfriend nang palihim. Tiyak na mahahalata ko iyan sa kilos pa lang niya.” Mariin itong umiling. “I don’t believe so.” “Well, nasabi ko lang naman iyon. Nakakapagtaka lang kasi na wala siyang interes sa pakikipagrelasyon.” ***** DINIINAN ni Maxine ng mga palad ang magkabila niyang tenga. Buhat sa workroom niya ay dinig na dinig niya ang usapan ng dalawang babae. Bakit nga ba hindi ay nakatayo lang naman ang mga ito sa pagitan ng bakod na humahati sa dalawang bakuran. At wala marahil kamalay-malay na baka may ibang nakakarinig dito. Sanay na siyang paboritong topic ng mag-best friends ang tungkol sa kanilang mga anak nito. Nakalakhan na niya na madalas silang pag-usapan ng dalawa. Alam niya kapag nakukunsumi ang mga ito sa kanila ni Xanderr. Nagsusumbungan. Hindi niya pinapansin ang anumang topic ng mga ito. Pero sa lahat ng paksa ang narinig niya ngayon ang hindi niya matanggap. Hindi niya alam iyon. Hindi niya alam na may pagkakataon pala na naisip ng kanilang mga ina na ipagkasundo sila. At iyon pa naman ang ideya na pipi niyang nahiling upang wala na sana siyang problema. Kung nagkatotoo sana na ipinagkasundo sila ni Xanderr sa isa’t isa, magiging mabisang pantakip iyon sa tunay niyang damdamin. Palalabasin niya na masunurin siyang anak. At kapag kasal na sila ay saka niya ipapakita kay Xanderr na talaga namang mahal niya ito. Napakadali lang niyon sa parte niya. Pero paano pa iyon mangyayari ngayon? Kahit si Tita Rebbie niya ay halata namang tinanggap na si Agatha na ang pakakasalan ni Xanderr. Isang bagay na hindi niya rin matanggap. Kelan lang nagkakilala ang dalawa, kasalan na agad ang usapan? Halata namang excited na rin ang dalawa mommy sa nalalapit na kasal ni Xanderr. Hindi umaalis sa paksang iyon ang mga ito. Palitan ng opinyon at ideya tungkol sa mga detalye sa kasal. Parang daig pa ang nakapamanhikan kung magplano ng mga gagawin. “Hindi na ako kukuha ng wedding planner. Kaya ko naman iyon. Basta tulungan mo ako, ha, Myrna?” narinig pa niyang wika ni Rebbie. “Oo naman. Sagot ko na ang wedding cake. Ipagbe-bake ko sila ng kasingtaas nila,” sagot naman ng mommy niya. “Kelangan lang magka-usap din kami ni Agatha para malaman ko kung ano gusto niyang flavor at design.” Padabog na tumayo si Maxine. Wala siyang balak na i-torture pa ang kanyang sarili sa mga naririnig niya. Hindi na niya iniligpit ang ginagawa at ini-lock na lamang ang pinto doon. Deretso siya sa garahe at sumakay sa kanyang kotse. “Max, anak, saan ka pupunta?” tawag sa kanya ng ina nang mapansin siya nitong iniaatras ang sasakyan. “Sa studio,” tipid na sagot niya habang patuloy na umaatras. “Hija, sa kasal ni Xanderr ikaw ang mag-cover ng photo at video, ha?” malambing namang sabi sa kanya ni Rebbie. “S-sige po, Tita. Libre na po iyon. Regalo ko sa kanila,” kaswal na sabi niya at pilit ang ngiting ibinigay dito. Sa loob niya, pakiramdam niya ay ginugutay ang puso niya. Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay niya ay naranasan niyang magmaneho na umiiyak. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD