6

1862 Words
NAGISING si Maxine sa malakas na tawa buhat sa labas. Inis na bumangon siya. Kakaunti pa lamang ang kanyang tulog dahil pinagpuyatan niya ang espesyal na layout ng wedding album nina Faith at Patrick. Balewala naman sa kanya ang mapuyat lalo na pag para sa mga taong espesyal sa kanya. Ang mabilis na ikinaiirita niya ay ang nabulahaw na tulog. “Please don’t! Aaaay! Wala akong baong damit!” tili pa ng babae. Halos mag-abot ang kilay ni Maxine sa narinig. “Napaka-eskandalosa!” bubod niya at sumungaw sa bintana. Alam na alam naman niya kung saang lugar galing nag tinig. Pero lalo pang nalukot ang mukha niya nang makumpirmang sa bakuran nga nina Xanderr nagmumula iyon. May hawak na water hose si Xanderr at inaambaan ang babae na kunwa ay babasain. Sa tingin naman niya ay hindi naman nababasa ang babae dahil malayo naman sa diresyon nito ang buga ng tubig. Pero para itong palaka na patalon-talon pa habang nakatawa naman umiilag. “Xanderr, ano ba?” kunwa ay angal nito. “Mababasa ang damit ko,” maarte pang sabi nito. “Damit?” buong ngitngit na wika ni Maxine habang nakasilip pa rin sa mga ito. “ Damit na nag tawag mo diyan? Sus, kakapiraso! Pag nilamukos ng palad iyang blouse mo, hindi na mapagkakamalang damit iyan.” Naka-tube blouse ang babae. Sobrang kitid kaya mas mukhang bandeau bra lang iyon sapagkat litaw din naman ang sikmura at tiyan. Ang maong shorts ay sobrang ikli. Hindi na nito kailangang tumuwad at tanaw na rin ang kuyukot. Padabog na umalis sa tapat ng bintana si Maxine. Bumalik siya sa kama at tinabunan ng unan ang tenga saka mariing pumikit. Pero dinig na dinig pa rin niya ang pagtili ng babae. Gigil na bumangon siya uli. Tumuloy siya ng banyo kahit na nga ba tila tumatanggi pa ang kanyang katawan na maligo. Pakiramdam niya ay karayom na tumutusok sa kanya ang buga ng shower. Lalo siyang nakunsumi. Nang matapos ay nagbihis siya nang mabilis at dinampot ang susi ng kanyang kotse. “Maxine, hija, mabuti at maaga kang nagising. Halika, sumabay ka na sa aming mag-almusal,” bati sa kanya ng mommy niya. “May lakad ka ba ngayon, anak?” tanong naman ng daddy niya na hinagod ng tingin ang gayak niya. “Di ba’t lampas hatinggabi ka nang umakyat kagabi? Naalimpungatan ako nu’ng umaakyat ka, eh. Bakit ang aga mong bumangon ngayon?” Nanulis ang nguso niya. “Paano naman, Dad, iyong bisita ng kapitbahay natin diyan, daig pa ang hinihila ng singit kung makatili. Eh, nakatapat pa naman iyong kuwarto ko sa garden nila,” animo batang sumbong niya. Dumulog siya sa mesa at nagsalin ng fresh milk buhat sa carton. Napangiti ang mommy niya. “Ah, si Agatha ba ang tinutukoy mo? Ipinakilala na siya sa akin ni Rebbie kanina.” “Pamangkin ni Tita Rebbie?” “No. Anak ng business partner niya sa boutique niya sa Greenhills. Bagong dating iyan galing sa LA. Doon yata nag-aral mula high school kaya ngayon lang niya nakilala nang personal.” “Close na sila agad ni Xanderr?” matabang na komento niya. Ngumiti ang daddy niya. “Baka in love na naman ang binata ni Rebbie.” Ngumiti rin ang mommy niya. “Malamang. Kagabi lang nagkakilala ang dalawang iyan nang imbitahan ang mag-ina sa dinner sa bahay nina Agatha. At sa kuwento ni Rebbie sa akin, mukhang na-love at first sight daw sa isa’t isa ang dalawa. Kungsabagay, mukha nga. Tingnan mo namang, ang aga pa lang ay sinundo na ni Xanderr para diyan ayaing mag-almusal sa kanila.” Muntik na siyang masamid. “Love at first sight? Nabasted pa lang iyan kahapon at mukhang pinagsakluban ng langit at lupa,” sabi niya. “Hija, ang gamot sa sawing pag-ibig, bagong pag-ibig,” wika naman ng daddy niya. “Ikaw, wala ka bang balak na mag-boyfriend? Wala ka bang sasagutin sa mga nanliligaw sa iyo?” “Wala akong manliligaw,” she answered in a matter-of-factly tone. “Paano naman kasi binabasted mo agad,” anang mommy niya. “Maxine, you’re not getting any—” “Younger. In case I forget,” agaw niya sa gasgas nang linya ng mommy niya. “I’m happy with my life. Hindi ko naiisip na kakulangan ang kawalan ng lalaki sa buhay,” kaswal na sabi niya at sinaid na ang gatas. “I’m going, Mom, Dad. Pupunta ako sa studio.” “Ganito kaaga?” Sinulyapan nito ang wall clock. Maaga pang talaga. Alas siete pa lang.  Pero sa agang iyon, may kaharutan na si Xanderr sa kabila, saloob-loob niya. “Alas diyes ang bukas ng studio mo, di ba?” narinig nyang sabi pa ng mommy niya. “Mommy, I own the studio. May susi ako kaya puwede ko namang buksan iyon anytime na dumating ako. Doon ko na lang gagawin iyong iba kong trabaho.`” Humalik siya sa pisngi ng mga ito at humakbang na. “Hindi ka man lang mag-almusal muna,” sabi pa nitong halatang pinipigil siya. “Okay na ako sa gatas, ‘My.” “Maxine, we’re going to Tagaytay today. Baka gusto mong sumama,” habol sa kanya ng daddy niya. “No, but thanks, dad. Alam ko namang date ninyo iyan ni Mommy,” nakangiting sabi niya. Sanay na siyang once a week ay nag-a-out of town ang parents niya. Madalas naman ay sa vacation house nila sa Tagaytay nagpupunta ang mga ito. Palagi naman siyang inaaya ng mga ito pero mas pinipili niyang magpaiwan, Masaya siya na mas may oras na ngayon ang mga ito sa isa’t isa kesa noon na masyadong subsob sa trabaho ang daddy niya. ***** “I’M IN love again!” sisipol-sipol pang wika ni Xanderr nang dumating ito sa kanyang studio. Kunwa naman ay walang narinig si Maxine. Itinuloy niya ang paghahalungkat sa drawer. “Hey, Max! I’m here,” papansin ng binata sa kanya. “O, ano naman ngayon?” mataray na sagot niya. “Ay, ang sungit na naman! Ganyan siguro talaga pag tumatandang dalaga, ‘no?” buska nito sa kanya. Padaskol na isinara niya ang drawer at hinarap ito. “Puwede ba, Xanderr, kung mang-aasar ka lang, disin sana’y di ka na nagpunta dito. Puro busy ang mga tao dito. Nakakaabala ka lang!” “Max, Max, relax,” amused na sabi ni Xanderr. “Bakit ba bad mood ka yata ngayon? Akala ko ba, business is running smoothly?” Sa itsura ay hindi man lang naapektuhan sa pagtataray niya. Mukha nga yatang totoo ang tsismis ng mommy nya na in love ito. Sobra itong good mood. Invisible na nalaglag ang balikat niya. “Walang kinalaman ang business ko sa inis ko sa iyo,” sagot niya. “May atraso ba ako sa iyo?” clueless na wika nito. “Madami! Gusto mo ba ilista ko? At alam mo ba kung ano ang huli?” “Ilista. Sobra ka naman doon.” Umiling-iling ito. “Sige nga, ano iyong huli?” “Binulahaw ninyo ang tulog ko. Sana naman next time, kung gusto ninyong magharutan sa labas, dumiretso na kayo sa park ng village. Magkaroon ka naman ng consideration na baka natutulog pa ang kapitbahay mo. Daig pa ng nakalulon ng kampana iyong kaharutan mo kung makatili.” “Oh, that,” anito. “Oh, that, oh, that ka riyan. Oh, that-in ko iyang mukha mo, eh.” Ngumiti si Xanderr. “Sorry na, Max. Na-carried away lang kami kanina. Hindi ko naman inbiisip na tulog ka pa nang oras na iyon.” “Ang dami kong trabaho kahapon. May nilamay pa ako. Natural lang na pagod ako.” “Patawarin mo na ako. Hindi na mauulit.” “Same old boring line of yours,” nakaismid na sabi niya. “Bitin ako sa lunch ko kanina, eh. Tara, mag-merienda tayo,” kaswal na sabi nito. Alam niya, paraan nito iyon upang amuin siya. “Wala akong pera.” Tumawa ito. “Mawawalan ng pera ang Central Bank, pero ikaw hindi. Sa iyo nga ako nangungutang, eh.” “Okay, let me rephrase that. Nagtitipid ako. Sa bahay na ako kakain pag-uwi ko para diretso dinner na,” pakipot na sabi niya. “Treat ko nga, ayaw mo ba?” “Sa fastfood ka lang naman galanteng mag-treat!” Inirapan niya ito. “Aba, Maxine, huwag kang manumbat riyan. Kahit na ba Jollibee at Wendy’s lang kita pinapakain, lampas din naman ng limandaan ang bill natin, ah? Sobra kang mag-order. May chicken na, may burger at fries pa, tapos lahat ng flavor ng sundae, ino-order mo rin. At hindi rin kasya sa iyo ang isang large iced tea. Minsan nga, nahihiya ako pag nakikita ng ibang diners ang laman ng tray natin samantalang dalawa lang tayo.” Pinandilatan niya ito. “Ganoon? Isusumbat mo pa sa aking malakas akong kumain? Pareho lang naman tayo, ah? Ako lang pinapapili mo ng order pero pag nasa mesa na, kasali ka din naman sa umuubos.” “At least, sa akin, hindi halata. Wala akong bilbil. Eh, ikaw, ang tamad mong mag-work out. Tingnan mo nga, dalawang layer na iyang bilbil mo. Malapit ka nang magmukhang mascot ng Michelin tires.” Mas lalo nang nanlaki ang mga mata niya. “Pumunta ka dito sa studio ko para laitin ako? Lumayas ka! Tsupi!” taboy niya dito. Nakipagharutan lang ito kanina sa mukhang tinikling, mukha na siya ditong mataba? Gusto niya itong itakwil ng limang minuto. “Ito naman, hindi na mabiro.” Ngumisi ito at walang-wala sa itsura na na-offend sa pagtaboy niya. Ni wala nga din sa itsura nito na mag-walk out. “Pero honestly speaking, Max, medyo tumataba ka na. Mag-work out ka. Kung gusto mo, pareho tayong mag-enroll sa gym para may kasama ka. Ano, gusto mo?” “Huwag mo akong utuin!” irap niya. “Ikaw lang ang nagsabing mataba ako. Hindi ako mataba.” “Talaga? Gusto mo sukatin ko ang bilbil mo?” sabi nito na anyong dadangkalin ang tagiliran niya. “Sira-ulo ka talaga.” “Ang sungit! May mens ka ba? Uy, nakakapikon na, ha,” iiling-iling na sabi ni Xanderr. “Tara na sa Jollibee. Handa na ang kalooban ko na umorder ng good for three kahit na ikaw lang ang uubos ng mga iyon.” “Baka mamaya, isusumbat mo na naman sa akin pagkatapos?” kunwari ay masungit pa rin siya pero ang totoo nagsisimula na siyang maglaway. Bitin siya sa lunch niya kanina at nag-trigger sa gutom niya ang pamimilit nito. Parang nai-imagine na rin niya ang food trip nila. “Hindi. Na-realize ko, kasalanan ko nga kung bakit ka nagising kanina. Sabi pa naman ni Tita Myrna, madaling-araw ka na natulog.” “Nakausap mo si Mommy? Umalis sila, ah?” “Oo nga, may date daw sila ni Tito Gerry. Natanaw ko sila noong pasakay na sila sa kotse. Tinanong kita, nandito ka nga daw. Ano, tara na? Mayamaya, dadami na ang tao sa Jollibee. Nakakangawit pa namang pumila.” “Okay.” At tinungo na nila ang fastfood na walking distance lang naman sa studio niya sa España Street.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD